Wednesday, October 26, 2011

John 17:3, Ama ang nag-iisang Diyos

PATULOY pa rin nating tinatalakay ang pagiging tao at pagiging Diyos ng ating Panginoong Hesu Kristo.

Noong isang linggo, ipinaliwanag ko kung bakit masyadong ipinagdidiinan ng mga Ebanghelyo o Gospels ang pagiging tao ni Hesus.

Ang sabi ko, ito ay dahil noong unang panahon, maraming tao ang naniniwala na Siya ay “Diyos lamang” at hindi tao.

At tulad nga ng mga sinabi ko na noong mga una ko pang column, isang mahalagang dahilan kung bakit isinulat ang mga aklat ng Bagong Tipan o New Testament ay para patunayan na “naging tao” nga si Kristo.

Ang punto nila ay si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao. Kaya ibig sabihin ay Siya ay Diyos at Tao sa iisang persona--ang persona ng Bugtong na Anak ng Diyos.

Pero marami ang nagtatanong. Kung Diyos din si Lord, bakit sinabi Niya na ang Ama ang “nag-iisang tunay na Diyos” tulad ng sinasabi sa John 17:3.

Sabi sa talata, “Ngayon ito ang buhay na walang hanggan na makilala Ka nila na nag-iisang tunay na Diyos …”

’Yan ang ipinagdidiinan nila. Ang Panginoon daw mismo ang nagsabi na ang Ama ang “NAG-IISANG TUNAY NA DIYOS.” Ano pa raw ba ang dapat intindihin sa mga simple at direktang salita na iyan?

Oo nga, ang daling maintindihan ng sinasabi ni Hesus sa talatang iyan. Pero ang nakakalimutan ng mga dumidepende sa talatang ’yan para patunayan na “ang Ama ang nag- iisang tunay na Diyos” ay bahagi lang ’yan ng mas malaking kabuohan.

Sa Bibliya o kahit na ano pang babasahin o literatura, ang isang talata ay bahagi ng isang chapter o kapitulo at ang kapitulo ay bahagi ng buong aklat.

Sa katunayan, kung itutuloy lang ang John 17:3 at babasahin ang BUONG talata ay ito ang sinasabi,
“Ngayon ito ang buhay na walang hanggan na makilala Ka nila na nag-iisang tunay na Diyos at ang Iyong sugo na si Hesu Kristo.”


Hindi lang pala ang Ama ang dapat kilalanin kundi pati na rin si Hesu Kristo na ayon sa mga unang talata ng Aklat ni Juan ay sinasabing,
“Ang Verbo (na) kasama ng Diyos at ang Verbo ay Diyos.”


Hindi lang yan. Sa utos na kilalanin ang Panginoong Hesus bilang sinugo ng Diyos ay dapat nating kilalanin na Siya ang Anak ng Ama, ang nag-iisang tunay na Diyos.

Makikita natin sa John 17:1 ang mga salita ng Panginoon na ito:
"Nang sabihin ito ni Hesus, itinaas niya ang mga mata niya sa langit at sinabi: Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong anak, upang maluwalhati ka ng iyong anak."


Diyan ay malinaw na tinawag ng Panginoong Hesus ang Diyos bilang Kanyang Ama. At malinaw na sinabi Niya na Siya ay Anak ng Ama.

At dahil ang Ama ang nag-iisang tunay na Diyos, ibig sabihin lang na ang Panginoong Hesus ay Anak ng nag-iisang tunay na Diyos. At dahil ang Anak ay kumukuha ng kalikasan mula sa Kanyang Ama, malinaw na taglay din ni Hesus ang pagka-Diyos ng nag-iisang tunay na Diyos.

Sa madaling salita, ang Anak na si Hesus ay Diyos din. Ang pagka-Diyos Niya ay ang pagka-Diyos ng nag-iisang tunay na Diyos. So, tunay ring Diyos ang Panginoong Hesus. Iyan ang malinaw na sinasabi ng John 17:1 at 3.

Purihin si Kristo! Purihin ang Diyos!



Ngayon, ang sinasabi ng kontra sa paniniwalang Diyos si Kristo ay magiging "dalawa" na ang Diyos na salungat sa pahayag ni Hesus sa Juan 17:3.

Sa mga susunod na post ay makikita po natin na mali ang sinasabi nila.

Kristong 'tao lang,' imbentong aral

MAINIT ang debate tungkol sa kalikasan ng Panginoong Hesus. Marami ang matindi ang paniniwala na “tao lang” ang Panginoon. Sa kabilang dako naman ay may nagpupumilit na “Diyos lang” Siya.

Sa Simbahang Katoliko at sa karamihan ng mga Trinitarian Churches, si Hesus ay tunay na tao at tunay na Diyos.

Napakadaling patunayan na ang Panginoon ay tunay na tao dahil ang buong Ebanghelyo ay nagpapatunay na Siya ay naging tao, ipinanganak ni Birheng Maria, nabuhay sa Hudea, nangaral, ipinako at namatay.

Madali rin namang patunayan na Siya ay Diyos dahil gumawa Siya ng mga bagay at tanda na tanging Diyos lang ang puwedeng gumawa. Nagpagaling Siya ng mga may sakit, bumuhay siya ng mga patay, inutusan Niya ang kalikasan, nagpatawad Siya ng mga kasalanan at higit sa lahat ay binuhay Niya ang Kanyang sarili.

Ang pagpapatunay na si Hesus ay tunay na tao at tunay na Diyos ay pinatutunayan din ng iba pang aklat at sulat sa New Testament.

Sa madaling salita, ang buong Bagong Tipan ay isang patunay sa tunay na anyo ng Panginoon.

Kaya nagkakaroon ng malaking kaguluhan ay dahil pilit na binabalewala ng ilang tao ang mga patotoo sa Kanyang pagka-tao at sa Kanyang pagka-Diyos.

Dito nagiging magulo at malabo ang imahen ng Panginoon. Lumalabo dahil sa makitid, kulang-kulang at putol-putol na pang-unawa na iginigiit ng ilang mangangaral.

Dito ay babalik tayo sa ugat ng kaguluhan—ang maling pag-intindi sa mga sinasabi ng Bibliya.

Lingid sa kaalaman ng marami, ang pagpupumilit na si Kristo ay “tao lang” o “Diyos lang” ay masasabing mga “bagong konsepto” na lumabas lamang at naging malaganap nitong huling ilang daang taon.

Subukan ninyong alamin ang mga religious groups na ito at makikita ninyong kailan lang sila nabuo.

Noong mga unang siglo ay mayroon ding mga tulad na paniniwala pero agad itong itinuring ng Iglesia bilang mga maling paniniwala o mga heresy.

Samantala, paniniwala na si Hesus ay tunay na tao at tunay na Diyos ay nagsimula noon pang simula ng Kristiyanismo.



SA PANAHON ngayon, dumarami ang religious groups na nagsasabi na ang Panginoong Hesus ay tao lang at hindi Diyos. Ang siste, ang ginagamit nilang basehan ay ang Bibliya.

Ang sasabihin ng mga hindi naniniwala sa pagka-Diyos ni Kristo ay “Hindi siya puwedeng maging Diyos dahil marami siyang ginawa na hindi puwedeng gawin ng Diyos.”

Ang halimbawa nila ay ang pagkapanganak ni Hesus sa pamamagitan ni Mama Mary. Sunod ang mga karanasan Niya bilang tao.

Nagugutom daw ba ang Diyos? Ang sagot nila ay “Hindi.” Pagkatapos ay babasahin nila ang Bibliya kung saan sinasabi na si Hesus ay nagutom at kumain pa nga.

Ang Diyos daw ba ay namamatay? Siyempre sasabihin nila ay “Hindi.” Tapos ay ipakikita nila sa Banal na Aklat na si Kristo ay naghirap, ipinako sa krus at namatay.

Sa katunayan, mabubuklat nila ang buong Bibliya at mapapatunayan na maraming katangian ang Panginoon na tanging sa tao at hindi sa Diyos. Dispuwes, sabi nila, “tao lang talaga” Siya at hindi Diyos.

Ang problema lang sa argumentong ganito ay napapaghalata na talagang napakalayo na nila sa panahon nina Hesus at ng mga sumulat ng Bibliya. Dahil dito ay naliligaw na sila sa pag-intindi sa mga laman ng Banal na Kasulatan.

Ang hindi nila alam, ang isang layunin kung bakit isinulat ang New Testament ay para patunayan nga na “naging tao” si Hesus.

Noon kasing unang panahon ay mas kinilala si Kristo bilang “Diyos lang” dahil na rin sa mga himala at kababalaghan na Kanyang ipinakita sa mga tao noon.

Kayo ba naman ang magpalakad sa mga pilay, magsauli ng paningin sa mga bulag, magpalayas ng mga demonyo, mag-utos sa bagyo na tumigil, magbuhay ng mga patay at muling mabuhay matapos patayin sa krus ay kikilalanin din kayong Diyos.

At dahil Diyos nga si Kristo ay maraming tao ang ayaw nang maniwala na siya ay naging tao. Ang paniniwala pa ng iba ay “kunwari” lang Siyang naging tao.

Dahil sa maling paniniwala na si Hesus ay “Diyos lang,” kinailangan ng mga ebanghelista at manunulat ng Bagong Tipan na patunayan na si Kristo ay naging “tao rin.”

In fact, nagbabala ang Apostol na si John laban sa mga ayaw tumanggap na naging tao nga ang Panginoong Hesus.

Sabi niya sa John 1John 4:1-3,
"Mga minamahal, huwag magtiwala sa bawat espiritu bagkus subukin ang mga espiritu upang makita kung sila ay sa Diyos, dahil maraming bulaang propeta na lumitaw sa mundo."

"Ganito ninyo malalaman ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritu na kumikilala na si Hesu Kristo ay dumating sa laman ay sa Diyos, at bawat espiritu na hindi kumikilala kay Hesus ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng antikristo na, tulad ng narinig ninyo, ay darating, at sa katotohanan ay nasa mundo na."


‘Yon ang dahilan kung bakit halos buong New Testament ay pilit na nagpapatunay na Siya ay “naging tao.”

Ang problema ng ilan ay doon na sila napako sa mga patunay na nagkatawang tao ang Panginoong Hesus. Kasabay niyan ay pilit nilang dinidedma ang mga talata at patotoo ng Bibliya na ang Panginoong Hesus ay totoong Diyos din.

Gumagawa na lang ng sariling doktrina ang mga taong itinatanggi ang pagka-Diyos ng Panginoong Kristo.

Tuesday, October 25, 2011

Nagkagulo dahil kay Hesus

IISA ang Bibliya, ‘di po ba. Pero tingnan ninyo, mayroon na ngayong libu-libong sekta o grupong Kristiyano na kulang na lang magpatayan para lang mapatunayan na sila nga ang “tunay” na Iglesia ni Cristo.

Kahit pa iisa ang Bibliya at pare-pareho ang mga chapter at verses na binabasa rito, hindi pa rin magkasundo ang milyun-milyong mga Kristiyano sa buong mundo.

Gusto mong humanap ng away? Maglabas ka ng Bibliya at tanungin ang isa pang Kristiyano tungkol dito.

Meron nga riyang mga ministro na namaril at pumatay matapos nilang makatagpo ng isang tao na hindi nila matalo sa debate.

Isa sa mga pinagtatalunan ng mga sektang Kristiyano ay kung tao ba o Diyos ang Panginoong Hesus. Makikita n’yo ang magkabilang panig na sige ang buklat ng Bibliya at banggit ng citas o verses na magpapatunay na “tao lang” o “Diyos nga” ang Panginoon.

Iisang Bibliya pero hindi sila magkasundo. Para bang gusto nilang palabasin ay kinokontra ng Bibliya ang sarili nitong mga pahayag.

Kung mapapanood nga ninyo itong debate ni Eliseo Soriano ng Ang Dating Daan at nitong mga ministro ng Iglesia ni Cristo ay magugulat kayo sa galing nila sa pagpapalipat-lipat ng pahina ng Banal na Aklat.

Sa isyu ng pagka-tao o pagka-Diyos ni Hesus, todo ang paniniwala ng grupo ni Soriano na Diyos si Kristo. Mapapabilib pa kayo dahil tila kabisado ni Soriano ang buong Bibliya.

Hindi naman patatalo ang mga ministro ng INC na iba’t-ibang salin at version pa ng Bible ang kanilang pinagkukunan ng patunay na tao nga ang Panginoon.

Minsan ay maiinis ka na dahil hindi mo na malaman kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang nanloloko.

Sa mga nakalipas kong post, gumamit din ako ng mga Bible verses at naipakita ko na ang Panginoong Hesus ay tunay na tao at tunay na Diyos.

Nagawa ko ‘yon dahil totoo naman na pinapatunayan ng Bibliya ang pagka-tao at pagka-Diyos ni Kristo na hindi imposible dahil sabi mismo ng Bibliya ay “walang imposible sa Diyos.”

Pero bakit nga hindi na lang diniretsa ng Bibliya na si Hesus ay Tao at Diyos? Sana ay hindi na nagkagulo.

Hindi ‘yon kasalanan ng Bibliya. Kasalanan ‘yon ng nagbabasa.

Hesus, Diyos na, tao pa?! Talaga?

ANG ARTIKULONG ITO AY UNANG LUMABAS SA ISANG PAHAYAGAN NOONG AGOSTO 11, 2002.

+++ +++ +++

SA BUONG kasaysayan ng mundo, wala na sigurong mas magiging kontrobersyal pang personalidad kundi ang Panginoong Hesu Kristo.

Kung intriga at intriga lang ang pag-uusapan ay walang sinabi ang intriga na inabot ni Kris Aquino na kung kani-kaninong may-asawang lalaki nali-link.

Si Hesus mula pagsilang Niya rito sa mundo, hanggang sa naging buhay Niya at maging ang Kanyang pagkamatay at pagkabuhay na muli ay sinisilip ng lahat-lahat na yata ng tao.

Kay Kris, simple lang ang isyu. Matapos si Philip Salvador ay si Joey Marquez naman ngayon? Tapos ay umi-extra pa si Vic Sotto sa eksena.

Simple ‘yon dahil kahit paano pa pabali-baliktarin ay tiyak ang lahat na si Kris ay isang babae na tila raw may kakaibang taste sa mga lalaki.



SINO TALAGA?

Kay Hesus, ang pinag-aawayan ay kung ano at sino ba talaga Siya.

Halos lahat ay nag-a-agree na si Hesus ang Manunubos. Siya ang sugo ng Ama para ipagkasundo tayong mga tao sa Diyos.

Pero ano ba si Hesus? Ordinaryong sugo lang ba siya na tao ring tulad natin? O Diyos din ba Siya na tulad ng Ama?

Ang pagkakalito-lito ay naka-ugat sa iisang bagay: sa pagkakaintindi o hindi pagkakaintindi ng mga bumabasa ng Bibliya.

Nariyan ang Iglesia ni Cristo at ang mga Saksi ni Jehovah na naniniwala na ang Panginoon ay isa lamang tao. Although hindi raw ordinaryong tao pero kahit pa ganoon ay “tao” rin lang daw siya at hindi Diyos.

Sa kabilang dako naman ay nariyan ang mga tinawag na Oneness na ang ehemplo ay si Pastor Wilde Almeda na ang paniniwala ay Diyos lang si Hesus at hindi tao.

Tapos ay nariyan ang grupo ni Bro. Eli Soriano na kung makikinig kayo sa mga sinasabi niya tungkol sa Panginoong Hesus ay hindi ninyo maintindihan kung ang paniniwala niya sa Kanya ay Diyos ba o Tao o pareho.

At sa isang kanto naman ay ang mga Katoliko, mga Protestante at iba pang grupo na tinatawag na Trinitarian. Sila ang naniniwala na si Lord ay totoong Tao at totoong Diyos.

Ha? Pwede bang maging tao at Diyos at the same time?



TOTOONG TAO

Marami ang nag-aaway. Tao ba ang Panginoong Hesus o Diyos o pareho?

Titiyakin ko sa inyo na si Kristo ay totoong Tao.

Pero bago maglulundag sa tuwa ang mga naniniwala na si Hesus ay “TAO LANG,” ituloy muna ninyo ang pagbabasa.

Sa paniniwala ng Kristiyanismo–at maging ng Judaismo na pananampalataya ng mga Hudyo-ang Diyos ay direktang nakikialam sa mga kalakaran o gawain ng Kanyang mga nilalang o ng Kanyang bayan.

Sa Bibliya ay mababasa natin na sa pagkakalikha ng tao, ang Diyos ang humubog sa ating mga katawan na ginawa Niyang kamukha at kawangis.

Siya ang umihip sa ating mga ilong para tayo magkaroon ng buhay.

Ang Diyos ang gumawa ng mundo at lahat ng bagay kung saan tayo maninirahan at mabubuhay.

Nang magkasala sina Eba at Adan ay Siya ang tumahi ng kanilang mga damit at Siya rin ang nagpalayas sa kanila sa Paraiso.

Makaraan ang libu-libong taon matapos tayong mapahamak dahil sa “Original Sin,” Diyos din ang mismong kumilos para mailigtas tayo sa kamatayan. Ito na nga ang pagpasok ni Hesus sa mundo para maging Manunubos o Savior natin.



HINDI GUNI-GUNI

Sa Bibliya, sa Lucas 1 at 2, naging tao si Hesus nang ipanganak siya ni Maria habang si Herodes ay naghahari sa Hudea at si Cesar Augustus (emperador ng Roma) ay may kautusan na magparehistro ang lahat sa kanyang nasasakupan.

Mababasa natin sa lahat ng Ebanghelyo at sa Bagong Tipan (New Testament) na si Hesus ay nabuhay bilang tao: naglakad, kumain, nagkuwento, nangaral, umiyak, napagod, nahirapan, natakot at namatay.

Ang lahat ng ito ay tanda na si Hesus ay naging tao.

Ang layunin dito ng mga sumulat sa New Testament ay patunayan na si Hesus nga ay nagkatawang tao. Hindi Siya multo. Hindi Siya guni-guni at lalong hindi Siya gawa-gawa ng kung sinong kuwentista o nobelista.

Si Hesus ay totoong naging tao kaya Siya ay totoong tao.

At bakit naman Siya nagkatawang tao? Ito ay dahil,
“Ganoon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak para ang lahat ng maniwala sa Kanya ay hindi mapahamak at magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16)


So, si Hesus ay ipinanganak sa mundo, naging bata, tumanda, dumanas ng sari-saring karanasang pantao at sa huli ay namatay para patunayan na Siya ay nagkatawang tao. Hindi Siya multo. Hindi Siya guni-guni at lalong hindi Siya gawa-gawa ng kung sinong kuwentista o nobelista.



TOTOONG DIYOS

Ngayon, kung naging tao si Hesus, puwede rin ba Siyang maging Diyos at the same time?

Maliwanag sa Bible ang mga pahayag o deklarasyon ng pagka-Diyos ni Hesus. Simulan natin sa Ebanghelyo ni San Juan.

Sa John 1:1-2 ay ito ang sinasabi ng Kasulatan:
“Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Siya ay kasama ng Diyos sa pasimula.”


Ito ay sinundan ng isang pagsasalarawan sa kung ano at sino ang Salita.

Sinasabi sa John 1:3-8 na ang lahat ng bagay ay nalikha sa pamamagitan ng Salita. Sa pamamagitan din nito ay dumaloy ang “buhay.” At and “buhay” na ito ay ang “liwanag” ng sangkatauhan.

Sa verse 9, sinasabi na
“Ang tunay na ilaw na nagbibigay liwanag sa lahat ay dumarating sa daigdig.”
Itinuloy ito ng verse 10 hanggang 13.

Sinasabi sa verse 14 na
“At ang Salita ay naging tao at nanirahan sa gitna natin…” Sumunod ang patotoo ni Juan na “…nakita namin ang kanyang kapangyarihan, ang kapangyarihan ng nag-iisang anak ng Ama puspos ng grasya at katotohanan.”


Binuo ni Juan ang pagpapakilala sa Salita sa verse 17 nang sabihin niya na
“…habang ang batas ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang grasya at katotohanan ay dumaloy sa pamamagitan ni Hesu Kristo.”


Sa mga unang bersikulo ng Ebanghelyong ito ay ipinakikita ng sumulat kung paanong ang Salita na Diyos ay pumasok sa daigdig at “naging tao.” Dito pa lang ay makikita na natin na ang Salita na Diyos ay nagi ring tao.

Ang Diyos na Tao na ito ay nakilala nating si Hesu Kristo. Kaya nga ang paniniwala ng mga Katoliko ay si Hesus ay Tunay na Diyos at Tunay na Tao.

Hesus, Sino Siya?

MADALAS na nating marinig at mapanood sa TV ang sinasabi ng mga Kristiyano tungkol kay “Hesus.”

May nagsasabi na sila ay miyembro ng “Jesus is Lord Fellowship” (na biglang binago at ngayon ay “Church” na raw). May nagpapahayag ng “Jesus the Name above every other name.”

May nagsasabing sila ang “tunay” na iglesia dahil sila ang tinawag na “Iglesia ni Cristo.” Tapos nariyan ang mga tao na kasapi raw ng “Jesus Church” o ng “Iglesia ng Dios kay Kristo Hesus.”

Sa dami ng gumagamit ng pangalan ni “Hesus” ay halos magasgas na ito-kung maaari mang mangyari ‘yon.



SINO BA TALAGA SI HESUS?

Pero sino ba itong “Hesus” na ito? Ano ang papel Niya sa buhay natin?

Kung nabasa ninyo ang mga nakaraang post ko, nalaman ninyo na kaya mayroong paghihirap, takot at kamatayan sa mundo ay dahil sa pagkasira ng kaayusang ginawa ng Diyos noong likhain Niya ang lahat ng bagay.

Sa madaling salita, ito ang epekto ng “Original Sin” nina Eba at Adan. Dahil sa “Original Sin,” nasira ang relasyon ng tao sa Diyos.

Mula noon ay hinahanap na ng tao ang solusyon o kaligtasan mula sa kahirapan, takot at kamatayan.

Sa simpleng pagtingin, kung ang paghihirap, takot at kamatayan ay bunga ng kasalanan na bunga ng pagkasira ng relasyon ng tao sa Diyos, ano ang solusyon? Eh di ang isaayos muli ang nasirang relasyon.



TAGAAYOS

Dito pumapasok si Hesus. Sabi nga ni San Pablo sa 2 Corinthians 5:18,
“Ang lahat ng ito ay galing sa Diyos na ginawang ipag-ayos tayo sa Kanya sa pamamagitan ni Kristo.”


Sa verse 17 ay ito ang sinasabi ni Pablo,
“Kaya nga kung sino ang na kay Kristo ay isa ng bagong nilikha. Ang mga lumang bagay ay lumipas na at ang mga bagong bagay ay narito na.”


Si Hesus ang nag-aayos at nagpapanumbalik ng ating relasyon sa Diyos na nasira ng “Original Sin” sa Hardin ng Eden.

Kaya nga sinabi rin ni San Pablo sa Roma 5:15,
“Kung paanong sa pagkakasala ng isang tao ay marami ang namatay, gaano pang higit ang pagbuhos sa marami ng grasya ng Diyos at ng biyaya ng nag-iisang si Hesu Kristo.


Dahil dito, ang lahat ng gustong maligtas sa pagkatakot, paghihirap at kamatayan ay inaanyayahang makiisa kay Hesus na siyang “nag-iisang tagapamagitan sa Diyos at sa sangkatauhan.” (1 Timothy 2:5)

Kasalanan at Buhay na Walang Hanggan

NAI-SHARE ko na po sa inyo kung ano ang Original Sin at kung anu-ano ang mga naging epekto nito sa atin.

Sabi ko nga, sa doktrina ng Original Sin, hindi ang ginawang kasalanan nina Eba at Adan ang namamana ng tao kundi ang mga naging epekto nito.

At although ‘yung epekto lang ng kasalanan nila ang naranasan natin para na rin tayong nagkasala dahil kasama tayong dumaranas ng epekto ng kanilang pagsuway sa kalooban ni Lord.

Sabi nga sa Romans 5:12,
“Tulad ng kung paano pumasok ang kasalanan sa mundo sa pamamagitan ng isang tao, sa pamamagitan din ng kasalanan ay pumasok ang kamatayan at ang kamatayan ay dumapo sa lahat na para bang lahat ay nagkasala.”


Kaya nga sa Pilipino, ang isang translation ng Original Sin ay “Kasalanang Mana” dahil kahit hindi naipasa sa atin ang kasalanan, minana naman natin ang mga epekto nito na para bang tayo ay nakagawa rin ng kasalanan.

Sabi rin kasi sa Romans 5:19,
“…sa pagsuway ng isang tao ang karamihan ay naging makasalanan…”


At ano ang naging bunga ng kanilang kasalanan? ‘Yan ang paghihirap na ating nararanasan at ang pinakamasaklap ay ang kamatayan.

Dahil sa pagsuway nila Eba at Adan sa kautusan ng Diyos at sa paghahangad nilang maging tulad ng Diyos ay napalayas sila sa Hardin ng Eden. Hindi na tuloy sila napayagan na kumain sa Puno ng Buhay na magbibigay sana sa kanila ng eternal life.


MAY PAG-ASA PA BA?

Pero mamamatay na nga lang ba tayong lahat?

Buti na lang kahit matitigas ang ulo natin ay mahal pa tayo ni Lord at binigyan pa rin Niya tayo ng pag-asa at pagkakataon na magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Sa Genesis 3:15 sinabi ng Panginoon sa ahas (na kinikilala bilang ang demonyo),
“Lalagyan ko ng pag-aalitan sa pagitan mo at ng babae, sa mga supling mo at supling niya; titirahin niya ang iyong ulo habang tinitira mo ang kanyang sakong.”


Ang mga talatang ito ng Bibliya ay itinuturing na hula kung paano dudurugin ng Diyos ang mga gawain ng demonyo, partikular ang kamatayan.



KAMATAYAN

TAKOT ba kayong mamatay?

Huwag na kayong mahiya, natural lang naman ang matakot sa kamatayan.

Sino ba ang hindi matatakot kung hindi niya alam ang kanyang pupuntahan kapag namatay siya?

Pero alam n’yo ba na iisa ang pinagmulan ng takot ninyo at ng kamatayan na inyong kinatatakutan?

Epekto ‘yan lahat ng Original Sin nina Eba at Adan.

Kaya nga mula noon ay ‘yang dalawang ‘yan na ang gusto nating iwasan o takbuhan.

Sari-saring bagay ang sinusubukan natin para mawala ang ating takot at magkaroon tayo ng peace of mind.

Nariyan ang nagda-drugs, ang nagpapakalunod sa alak, ang sumasali sa kung anu-anong grupo na sa paniniwala nila ay makapagbibigay sa kanila ng katahimikan ng isip at kasagutan sa tanong kung ano ang naghihintay sa kabilang buhay.

Alin kayo sa mga ito?

Naging successful na ba kayo o patuloy pa rin kayong naghahanap ng kapayaan at kasagutan?

Sa dinami-rami ng mga sumubok, marami rin ang nabigo.

Bakit? Dahil ang nakukuha nilang solusyon ay sagot lang sa sintomas at hindi sa ugat ng problema.

Kung nasundan ninyo ang mga nauna nating post alam na ninyo na ang problema ay ang pagkakasira ng relasyon ng tao (tayong mga nilikha) sa Diyos (ang Lumikha).

Ang pagkasira ng relasyon dahil hindi nakuntento ang mga nilikha (ang unang mga tao) sa kalagayan nila.

Ginusto pa nilang maging tulad pa ng Lumikha. Hindi sila lumagay sa lugar nila.

Ang resulta ay ang kasalanan na siyang may dala ng takot at kamatayan.



PAGTUTUWID

Ngayon, paano natin matatalo ang takot at kamatayan? Ito ay sa pamamagitan lamang ng pagbabalik natin sa kaayusang ginawa ng Diyos mula pa noong una.

Pero bilang mga nilikha lamang ay wala rin talaga tayong magagawa. Kailangang Diyos pa rin ang gumawa ng paraan.

Kaya nga sa isang panahon sa ating kasaysayan ay pumasok ang Diyos sa ating mga buhay para bigyan tayo ng pag-asa.

Ito ang pagkakatawang tao ni Hesu Kristo na siyang bumuo muli sa relasyon na nasira dahil sa Original Sin.



SOLUSYON SA KAMATAYAN

Gusto natin ng solusyon. Naghahanap din tayo ng kasagutan sa katanungan tungkol sa kung saan tayo tutungo pagtapak natin sa kabilang buhay. Gusto natin ng peace of mind. Gusto natin ng katahimikan.

Pilit tayong gumagawa ng paraan para makamit ang mga ito pero palagi tayong bigo.

Hindi tayo nakakahanap o nakakagawa ng ating kaligtasan. Diyos lang ang makakagawa noon dahil Diyos lang ang puwedeng bumawi sa Kanyang ginawa.

Sabi nga sa Galatians 2:16,
"Ang isang tao ay hindi maliligtas (justified) sa paggawa nang naaayon sa Batas kundi sa pananampalataya kay Kristo Hesus."


Sa madaling salita, si Hesus ang kasagutan sa mga problema natin. Siya ang mag-aalis ng ating takot at siya rin ang magbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan. Siya ang magliligtas sa atin sa mga bunga ng ating kasalanan.

Sabi nga sa Acts 13:23,
"Tulad ng ipinangako, ibinigay ng Diyos sa Israel ang isang Tagapagligtas, si Hesus."


Nagkatawang tao si Hesus para ipanumbalik ang nasirang relasyon natin sa Diyos.

Dahil sa Kanyang sakripisyo sa krus ay nabuksan na uli ang Langit at puwede na naman tayong pumasok doon.

Nagawa ito ni Hesus dahil ayon na nga sa paniniwala nating mga Kristiyano, hindi lang Siya tunay na tao, Siya ay tunay ding Diyos.

Kaya nga ang sino mang sumasampalataya kay Hesus ay nakikipagbati rin sa Diyos.

Monday, October 24, 2011

Kasalan, ano ba ito?

KUNG mayroon tayong dapat malaman tungkol sa Diyos, ito ay ang katotohanang Siya ay Diyos ng Kaayusan.

Tulad ng mga nauna na nating natalakay makikita natin ito dahil magmula noong likhain Niya ang sanlibutan ay inilagay Niya ang lahat ng bagay sa mga dapat nilang lugar o pagkalagyan.

Mababasa natin ‘yan sa Bibliya sa aklat ng Genesis.

Ang buong Bibliya ay tungkol sa kaayusan na inilagay ng Diyos sa ating personal na buhay, sa ating pamilya at sa ating buhay panlipunan.

Halimbawa ang 10 Utos kung saan binalangkas Niya kung sino Siya at kung nasaan tayo sa ating relasyon sa Kanya. Nilagyan din Niya ng tamang kalalagyan ang ating relasyon sa ating mga magulang at kapwa. (Ex 20:1-17)

Sa Mateo 22:37-39, mas direkta ang kaayusang Kanyang iniutos nang sabihin Niya, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, kaluluwa at pag-iisip … At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”

Makikita natin na kapag sinunod natin ang kaayusang ibinigay ng Diyos ay nagiging maayos, tahimik at maunlad ang ating buhay.

Sabi pa nga sa Mateo 6:33, “Una mong hanapin ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran at ang lahat ng ito ay idadagdag sa iyo.” Ito ang epekto ng pagsunod sa kaayusan.

Kung mayroong lilihis sa kaayusang itinakda ng Diyos siya ay magkakasala. Gagawa siya ng KASALANAN.

Ang taong nagkakasala ay “sumasala” sa dapat niyang gawin o hindi niya nagagawa ang dapat niyang gawin. Nawawala siya sa lugar. Hindi niya natutumbok ang kaayusan o ang kalooban ng Diyos.

Ayon sa Roma 6:23, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.” Liban pa riyan ang kaguluhan, kalituhan at paghihirap na epekto rin ng paglihis natin sa kaayusan o kalooban ng Panginoon.

Sa puntong ito pumapasok ang “Original Sin” na siyang ugat ng kamatayan at paghihirap sa mundo. (I-click itong Original Sin para sa pagtalakay kaugnay dito)

Ang kaguluhan at ang Diyos ng kaayusan

ANG ARTIKULONG ITO AY LUMABAS SA DYARYONG TUMBOK NOONG HUNYO 2 at 6, 2002.

+++ +++ +++

SA PANAHON ngayon, pamilyar nang reklamo ng tao ang kaguluhan sa mundo, sa kanyang paligid, sa kanyang pamilya at sa kanyang sarili.

Ang mga katagang “Ang gulo-gulo na!” ay pangkaraniwan nang bukambibig ng ilan. Naguguluhan kasi sila sa nangyayari sa Israel at Palestina, sa Amerika at sa mga terorista.

Dito sa atin ay naguguluhan sila sa iringan nina Arroyo at Estrada, sa mga asta ng mga senador at kongresista, sa maingay nilang kapitbahay, sa kanilang nanay at tatay, sa kanilang mga anak at sa kanilang mga pansariling problema.

Lahat ito ay nangyayari kung kailan dumadami ang “matatalinong” tao.

Lalong nagiging magulo kung kailan nabuo ang United Nations, kung kailan patuloy ang pag-unlad ng siyensiya at kung kailan nauso ang salitang “human rights” at kung anu-ano pang rights.

Pero bakit ba may gulo? Bakit kung kailan lahat tayo ay nagkaroon ng higit na katalinuhan, kaalaman at karapatan ay tila lalo yatang nagkawendang-wendang ang ating buhay?

Bakit may gulo? Simple lang ang sagot. Ito ay dahil nawalan na tayo ng KAAYUSAN.

Kung babasahin natin ang Bibliya, sa Genesis 1:1-2, makikita natin sa simulang-simula nito ang ganito, “Sa pasimula, nung likhain ng Diyos ang mga langit at ang lupa, ang mundo ay isang walang pormang kawalan at ang kailaliman ay nababalot ng kadiliman…”

Noon pa man ay wala nang kaayusan. Walang porma ang mundo at puno ng kadiliman.

Kung ipagpapatuloy pa natin ang pagbabasa, matutunghayan natin kung paano inayos ng Diyos ang kawalan ng kaayusan.

Una ay pinawi Niya ang kadiliman ng liwanag. Tapos ay pinaghiwalay Niya ang liwanag na tinawag na “araw” ang kadiliman na tinawag na “gabi.”

Sumunod dito ay isinaayos ng Diyos ang lahat-lahat ng bagay. Ang bawat bagay ay binigyan Niya ng tamang lugar at dapat pagkalagyan. Inihiwalay niya ang tubig sa tuyong lupa at inilagay dito ang mga hayop at pananim na dapat naririto.

Sa huli ay nilikha Niya ang tao na siyang inilagay Niya bilang “katiwala” sa lahat ng ito. (Gen 1:26)

Sa bahaging ito ng Bibliya, nakikita natin na ang Diyos ang nagbigay ng kaayusan sa lahat ng bagay. Dito natin nakikita na ang Diyos ay Diyos ng kaayusan.

Kung naguguluhan tayo ngayon, baka dahil hindi tayo nasasakop o wala sa atin ang Diyos ng kaayusan. Baka Siya ang kulang at hindi ang kaalaman, ang katalinuhan at sari-saring karapatan.

Isipin natin ito.

At base nga rito ay makikita natin na ang kaguluhan ay dala ng pagiging hiwalay natin o ng tao sa Diyos na siyang nagbibigay ng kaayusan sa lahat ng bagay.

Kung papansinin natin sa ating paligid, partikular ang “natural world,” ay makikita natin na tunay nga na may kanya-kanyang lugar ang lahat ng narito. Ang lahat din ay mayroong sariling ginagalawan.

Ang araw, buwan, ang mga planeta at maging ang ating mundo ay may sariling lugar sa kalawakan. Kung wala ay baka matagal nang nagbanggaan ang mga ito.

Ang oras ay lumalakad paabante, hindi paatras. Ang tao ay tumatanda, hindi bumabata. May panahon para sa pagkapanganak at mayroon ding panahon ng kamatayan.

May sariling time-table ang lahat-lahat. Siyam na buwan ang sanggol sa tiyan ng kanyang ina bago siya ipanganak at bago pa pinakialaman ng tao ang kalikasan ay may sariling panahon ang pagtubo ng mga halaman at maging ang kanilang pagkalanta.

Sa madaling salita, mayroong “natural order” o likas na kaayusan ang lahat ng bagay na ang tawag ay “natural law.” Sa mga naniniwala sa Diyos, naniniwala rin tayo na ang "natural law” na ito ang kaayusan na inilagay ng Diyos para sundin ng lahat ng bagay.

Kahit sa ating mga sarili at sa ating lipunan ay makikita natin ang likas na kaayusan. Mayroong babae at mayroong lalaki. May matanda at bata. May namumuno at may tagasunod.

Bago pa nagkaroon ng mga women’s liberation movement at bago pa natutong umasta na parang diyos ang ilang kalalakihan ay may kaayusan din sa loob ng pamilya.

Sa ating Pinoy, ang paniniwala natin ay ang tatay ang haligi ng pamilya at ang nanay naman ang ilaw. Ibig sabihin, may role ang bawat isa sa mundo, sa lipunan at sa pamilya.

Lahat ito ay tanda lamang ng likas na kaayusan na itinanim ng Diyos sa ating pagkatao. Ito ang patunay na ang Diyos ay isang diyos ng kaayusan.

Ngayon, ano ang nangyayari kung may lumalabas sa kaayusang ito na inilagay ng Diyos sa ating buhay at pagkatao?

Diyan pumapasok ang kasalanan kaya nagsisimulang gumulo ang mga bagay-bagay. Ang kasalanan kasi ay ang paglabas o pagsalungat sa kaayusan na ginawa ng Diyos. Anyway, ibang isyu na po ito.

Sunday, October 23, 2011

Kasalanan ba ang pagiging bakla?

ANG ARTIKULONG ITO AY UNANG LUMABAS SA PAHAYAGANG "TUMBOK" NOONG JUNE 4, 2002. NILAGYAN NA ITO NG DAGDAG NA KOMENTO.

+++ +++ +++

SA TUWING mapag-uusapan ang mga eskandalo sa Simbahang Katoliko, halos tiyak na mapag-uusapan din ang mga baklang pari.

At sa tuwing mapag-uusapan ang mga baklang pari, halos tiyak nang makikialam ang mga grupo ng mga bakla at tomboy.

Sa latest na usapin sa nagpapatuloy na kontrobersiya, nagsalita ang grupong PRO-Gay na dapat na lang daw hayaan ng Simbahan ang mga baklang pari na gawin ang gusto nila.

Okay lang sana ang pakikialam ng mga grupo ng bakla sa mga isyu ng mga tulad nila, pero sablay sila pagdating sa pakikialam sa isyu ng mga baklang pari.

Isa pang sablay ang mga grupong tulad ng PRO-Gay sa pagsasabi na mali ang interpretasyon ng Simbahan sa sinasabi ng Bibliya at ng pananampalataya tungkol sa mga bakla at sa kabaklaan.

Natural na sabihin ng mga bakla na hindi kasalanan ang kabaklaan. Pero liban na lang kung isang relihiyon ang kabaklaan ay hindi siguro dapat na pinag-uusapan ng mga tulad ng PRO-Gay ang tungkol sa pagiging kasalanan nito o hindi.

Ang kasalanan ay isyu ng relihiyon at hindi ng “sexual orientation.”

Hindi ang PRO-Gay ang magsasabi kung kasalanan ang kabaklaan o hindi. Simbahan pa ang may sakop dito kaya mali ang pakikialam ng mga grupong bakla rito.

Wala ring karapatan ang mga bakla na pagsabihan ang Simbahan kung paano nito ima-manage ang mga pari, barako man o bakla.

Kung ang PRO-Gay kaya ang pakialaman ng Simbahan matutuwa ito?

Naging maluwag na nga ang Simbahan sa pagsasabing hindi kasalanan ang pagiging bakla.

Nagiging kasalanan lang ang isang bagay kung lilihis ito sa tamang gawain. Sa kaso ng mga bakla, hindi ang kabaklaan ang kasalanan kundi ang pakikipag-relasyon nila sa kapwa nila lalake, partikular sa isang tao na hindi nila asawa ayon sa batas ng Simbahan.

Ang pagiging lalaki o babae ay hindi kasalanan. Pero kung gagamitin ng isang tao ang kanyang pagkalalaki o pagkababae sa bagay na sisira o aabuso sa kanyang pagkatao ay nagiging kasalanan na ito. Halimbawa, kung ang isang lalake o babae ay magkakaroon ng sekswal na relasyon sa hindi niya asawa.

Kung may asawa ang magkakaroon ng sekswal na relasyon sa hindi niya asawa, ang tawag dito ay adultery. Kung binata o dalaga at makikipagrelasyon nang sekswal sa isa pang binata o dalaga, iyan ay fornication. Kung ang binata o dalaga ay nakikipag-sex na, ito ang tinatawag na pre-marital sex na isang kasalanan.

Sa Romans 13:13 ay sinasabi:
"Let us behave decently, as in the daytime, not in carousing and drunkenness, not in sexual immorality and debauchery, not in dissension and jealousy."


Ang kasalanan kasi ay kahit na anong bagay na naliligaw o nawawala sa lugar nito. Basta lumihis sa tama, ‘yon ay masama. Ano pa man ito.

Ang Holy Trinity

ANG ARTIKULO NA ITO AY LUMABAS SA PAHAYAGANG TUMBOK NOONG MAY 26, 2002, KAPISTAHAN NG HOLY TRINITY.

+++ +++ +++

PAMILYAR ba kayo sa Holy Trinity. Hindi po ‘yan insekto o aralin sa mathematics. Isa ito sa haligi ng Kristiyanismo.

Sa mga Kristiyano, may mga grupo na naniniwala sa Holy Trinity o ‘yung Trinitarian. Isa na riyan ang mga Katoliko na nagsi-celebrate ngayon ng piyesta ng Holy Trinity.

Sa mga hindi naniniwala, sinasabi nila na hindi makikita sa Bibliya ang “Holy Trinity” kaya hindi raw ito dapat paniwalaan. Parang sinasabi nila na porke wala sa Bibliya ang salitang “Bibliya” ay wala na rin itong kuwenta.

Actually, kung gusto ng isang tao na patunayan o pabulaanan ang isang bagay ay puwede niyang gawin basta pamilyar siya sa Bibliya.

Meron nga riyang pastor, ministro o mangangaral na pumupulot lang ng pira-pirasong bersikulo o sitas sa iba’t-ibang bahagi ng Bibliya para masuportahan ang gusto niyang sabihin.

Sa isyu ng Holy Trinity, basta kaya niyang pagdugtong-dugtungin ang mga bersikulo kahit wala namang kaugnayan ang mga ito sa isa’t-isa ay mapapatunayan niya kung mayroon nga o wala nito sa Bibliya.

Hindi ba ninyo napapansin na lahat ng sinasabi ng nagpapatunay at kumukontra sa doktrina ng Holy Trinity ay iisang Bibliya ang pinagbabasihan? Kadalasan, kung sino ang mas magaling magdahilan, mamilosopo o magmura ay ‘yon ang panalo sa diskusyunan.

Sa Holy Trinity, pinagtatalunan kung ang iisang Diyos ay may tatlong persona nga o wala. May sense ba kung tatlo o iisa ang persona ng Diyos?

Sa mga nananampalataya, ang simple mensahe ay mahalaga ang komunidad dahil ang mismong nag-iisang Diyos ay binubuo ng tatlong persona. Ang Diyos ay isang komunidad.

Sa mga naniniwala, ang mensahe ay parte tayo ng iisang komunidad. Iisa tayong bayan ng mananampalataya although marami tayo at iba-iba.

Sa doktrina ng Holy Trinity, pantay at pareho ang pagka-Diyos ng bawat persona pero iba ang kanilang papel sa ating kaligtasan. Sa kabila nito, ang pagkilos ng isang Persona ay pagkilos ng iisang Diyos.

Sa atin, pantay at pareho tayo dahil pareho ang ating dignidad bilang tao pero may kanya-kanya tayong papel sa komunidad.

Pero kahit iba-iba ang persona ng Holy Trinity, sila ay buo, iisa at nagkakaisa. Walang iwanan. Walang etcha puwera. Ganoon din dapat sa ating naniniwala sa Holy Trinity.

Sa mga nananampalataya sa Holy Trinity, happy fiesta po. Sana maging buhay ang Holy Trinity sa ating lahat at sa ating komunidad.

Thursday, October 20, 2011

ORIGINAL SIN: Bakit may Kamatayan?

OKAY ba kayo riyan?

Sana sa gitna ng lahat-lahat ng nangyayaring kaguluhan sa mundo ay masasabi ninyong “Okay lang.”

Pero kahit pa siguro may santo kayo sa dibdib at may matatag na kalooban ay dumarating din ang panahon na nasasabi ninyong “Lintek ang hirap ng buhay ngayon.”

Siguro naitanong na ninyo sa inyong sarili kung bakit may kahirapan pa sa mundo o kung bakit mayroon pang kaguluhan o kamatayan.

Lahat yata ay may maisasagot sa mga ito at natitiyak ko na mayroong point silang lahat. Pero bilang isang Katoliko ay mas naniniwala ako sa dahilan ng pananampalatayang Kristiyano.

Kaya may paghihirap, kaguluhan at kamatayan ay dahil nasira ang kaayusang inilagay ng Diyos noong likhain niya ang lahat ng bagay.

At ayon sa kuwento ng Bibliya, ang pagkasira ng kaayusan na ito ay unang nangyari noong hangarin ni Eba at Adan na maging “tulad ng Diyos” sa kabila ng sila’y mga nilikha lamang.

Mga tao sila pero ginusto nilang maging “diyos.” At ito nga ang tinatawag na “Original Sin.”

Kung papansinin ninyo, kahit naman ngayon ay dala-dala pa rin ng marami sa atin ang kagustuhang maging “diyos.”

Simulan natin sa mga diktador na gustong maghari sa isang bansa at sa proseso ay tumatapak sa karapatan ng iba.

Tapos nariyan din ang mga scientists na sa hangad nilang pagharian ang sakit at kamatayan ay lumilikha sila ng mga mas nakamamatay na sakit.

Samantala, sa paghahangad ng kung sinu-sino na sila ang masunod ay lumilikha sila ng power struggle at kaguluhan. Nasisira tuloy ang likas na kaayusan ng lipunan.

Pero huwag na kayong magtaka dahil nasimulan na nga kasi ito sa Hardin ng Eden kung saan una nang lumihis ang mga unang tao sa kaayusang ginawa ng Panginoon.

Ang paglihis o pagsala nilang ito ang naging daan kung bakit tayo may paghihirap, kaguluhan at kamatayan sa ngayon. Ang tawag sa paglihis o pagsala na ito ay "Original Sin."




SA LAHAT ng mga doktrina sa Kristiyanismo, partikular sa Katolisismo, isa na ang doktrina ng “Original Sin” sa mga pinaka hindi naiintindihan ng mga tao.

Maraming grupo, tulad ng Ang Dating Daan ni Eliseo Soriano, ang mayroong maling paniniwala tungkol sa itinuturo ng Simbahan Katoliko kaugnay ng “Original Sin” o ang “kasalanang mana.”

Ayon sa kanila, ang itinuturo raw ng Katolisismo ay “namana ng mga tao ang kasalanang ginawa nina Eba at Adan.”

Kumbaga, kung nilabag nina Eba at Adan ang kautusan ng Diyos na huwag kumain mula sa puno ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan ay ito na rin daw ang kasalanan ng lahat ng naniniwala sa doktrina ng “Original Sin.”

Hindi po ito ang ibig sabihin ng doktrina ng “Original Sin” at hindi rin ito ang itinuturo ng Simbahan.

Sa doktrina ng “Original Sin,” hindi ang mismong kasalanan nina Eba at Adan ang namamana ng tao kundi ang epekto ng kanilang maling ginawa.

Para maintindihan natin ito, basahin natin ang Genesis 3:16 hanggang 19. Dito ay nadiskubre na ng Panginoon ang ginawang pagsuway nina Eba at Adan sa Kanyang utos. Dahil dito ay pinarusahan Niya ang mga ito.

Sa verse 16:
“Sa babae sinabi Niya: Patitindihin ko ang hirap ng iyong panganganak; mapupuno ng sakit ang pagluluwal mo ang iyong mga anak. Sa kabila nito, mananabik ka sa iyong asawa at siya ang magigi mong panginoon.”

“Sa lalaki sinabi niya … ‘Sumpain ang lupa nang dahil sa iyo. Bubungkalin mo ito para makain ang kanyang bunga sa buong buhay mo. Uusbong dito and mga tinik at kakain ka sa mga halaman sa parang.’”


Sa verse 19 ay ganito ang sinabi ng Diyos kay Adan,
“Kakain ka sa pamamagitan ng pawis na tumutulo sa iyong mukha hanggang sa bumalik ka sa lupa kung saan ka nagmula. Dahil ikaw ay lupa at sa lupa ka rin magbabalik.”

Ang lahat ng paghihirap na ito ang bunga ng “Original Sin.” Dahil sa kasalanang ginawa nina Eba at Adan ay pumasok ang paghihirap sa mundo at ito ang nararanasan natin ngayon.

Sa doktrina ng “Original Sin,” ang minana natin ay hindi ang kasalanan nina Adan at Eba kundi ang epekto ng kasalanan nila.

Pero may mas matinding ibinunga ang “Original Sin.”



Bakit may kamatayan?

NASUBUKAN na ba ninyong itanong kung bakit may paghihirap at kamatayan sa mundo? Naitanong na rin ba ninyo na “Kung may Diyos, bakit Niya hinahayaang may nagdurusa at namamatay?”

Gusto ninyong malaman at maintindihan kung bakit? Sige po, ipapaliwanag natin.

Sa pagbabasa natin ng aklat ng Genesis, sa Chapter 2, makikita natin na napaka-espesyal na nilalang ng tao. Iginawa pa siya ng Diyos ng isang hardin sa Eden kung saan itinanim ng Panginoon ang lahat ng uri ng bungang kahoy kasama na ang “puno ng buhay” at ang “puno ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan.”

Sa lahat ng puno, ang tanging ipinagbawal ng Diyos na kainan ng tao ay ang “puno ng kaalaman ng kabutihan at kasamaan.” Ibig sabihin, puwedeng-puwede sana silang kumain ng prutas ng “puno ng buhay” pero pinili pa nilang suwayin ang kalooban ng Panginoon.

At dahil nga hinangad nila na maging tulad ng Diyos (Gen 3:5-6), hindi lang sila naparusahang maghirap, napalayas pa sila sa hardin.

Sabi sa Gen 3:22:
“Hayan! Ang tao ay naging tulad na natin na alam ang kabutihan at kasamaan! Kung ganoon, hindi dapat siya mapayagang kumain din sa puno ng buhay at magkaroon ng buhay na walang hanggan.”


Dahil nga nito, dagdag pa ng verses 23 at 24:
“Pinalayas sila ng Panginoong Diyos mula sa Eden … at inilagay Niya ang cherubin at ang nag-aapoy na espada bilang bantay sa puno ng buhay.”


At ano na nga ang naging epekto ng “Original Sin” nina Eba at Adan? Hindi sila nakakain sa puno ng buhay at nawala sa kanila ang buhay na walang hanggan.

Dahil nga roon ay mayroong kamatayan sa mundo.

Ganoon po yon.