Sunday, November 6, 2011

Nasa Bibliya ba ‘yan?

Disyembre 29, 2002


SABI ng matatanda, kung gusto n’yo raw ng debate simulan daw ninyo ang isang usapan tungkol sa politika o sa relihiyon. Halos tiyak na mayroong hihirit diyan ng argumento.

At kapag debate na tungkol sa relihiyon ang pag-uusapan, puwede ninyong ipusta ang inyong kapitbahay na iikot ang diskusyon sa Bibliya.

Diyan ninyo maeengkuwentro ang mga tanong na “Nasa Bibliya ba ‘yan?” o ang mga pang-hirit na “Sige nga, saan mo mababasa ‘yan sa Bible?”

Bibliya rito, Bibliya roon. Lahat yata ng tao ay “eksperto” na sa Bibliya.

Mula pa noong unang panahon ay may nagmamagaling na sa Bibliya. At kahit nga demonyo ay marunong pumulot ng citas o bersikulo mula sa Banal na Kasulatan.

Siguro sasabihin n’yo, “Owsss, saan mo naman nakuha ‘yan? May mababasa ka ba sa Bibliya niyan?”

Meron. Tingnan n’yo sa Mateo 4:5-6. Sabi roon,

“At dinala ng demonyo si Hesus sa banal na lungsod at pinatayo sa tuktok ng templo at sinabi sa Kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka. Nasusulat: ‘Uutusan Niya ang Kanyang mga anghel na mangalaga sa iyo’ at ‘aalalayan ka ng kanilang mga kamay at baka matapilok ka sa bato.’”

Ang dinampot na citas ng demonyo ay mula sa Awit 91:11-12.

Kita n’yo? Ibig lang sabihin niyan ay hindi porke marunong bumasa at magbigkas ng citas ng Bibliya ang isang tao ay sa Diyos na siya.

Si San Pedro nga ay nag-warning pa sa 2 Pedro 1:20. Sabi niya,

“Alamin ninyo ito una sa lahat, walang propesiya sa kasulatan ang puwedeng intindihin ng pansarili.”
Noon pa man kasi ay marami na ang pilit na gumagamit sa Banal na Kasulatan pero mali naman ang pakahulugang ibinibigay.

Tingnan ninyo, nang dahil sa katigasan ng ulo ng maraming tao ay dumami nang husto ang mga sekta at grupong tumatawag sa sarili nila bilang “Kristiyano.”

Kung anu-anong “daan” ang kanilang ginawa na naglayo sa maraming tao sa iisang “daan” na itinatag ni Kristo.

Sa katunayan, kung noon ay mga “Protestante” lang ang sumulpot, ngayon ay may kung anu-ano nang grupo ang naglitawan. Libu-libo na ang kung anu-anong samahan na lahat ay nagsasabi na sila ang “tunay” na iglesia ng Diyos.

Ang nakakalungkot ay iisang bagay lang ang ginamit nila para paghati-hatiin ang Iglesiang itinatag ni Hesus dito sa lupa. At ito ang Bibliya.

Please lang. Huwag ninyong iisipin na kasalanan ito ng Bibliya. Kasalanan iyan ng mga “mangangaral” na hindi marunong sumunod sa mismong babala ni San Pedro.

Meron nga riyan na ang pakiramdam ay siya lang ang “marunong” sa Banal na Kasulatan dahil magaling siyang magdugtong-dugtong ng citas sa Bibliya.

Pero ano ba ang totoo? Sino ang tama?

Next week, sa Linggo uli, sisimulan nating himayin ang dahilan ng nangyaring kaguluhang ito.

No comments:

Post a Comment