Sunday, July 22, 2012

Dapat nga bang maging ‘Born Again?’

Hulyo 23, 2003

SIMULAN natin ang column natin ngayon sa mga text ng ating mga regular na readers. Sabi ni Jorge ng Negros Occidental, "‘A SOFT answer turns away wrath: but grievous words stir up anger.’-PROV.15:1. We apologize kung nasaktan ka namin."

Ganito naman ang kay AJ Reyes ng Cavite, "Mr. Bibe thanx at nag-respond ka rin sa DEBATE. Pasensya ka na kung nakakapagbitiw ako ng masasakit na mga salita sa ‘yo."

Wala kayong dapat ihingi ng paumanhin, mga brod. Nag-aalala lang ako sa mga nabubuong imahen ninyo sa isip ng iba pa nating readers.

Naniniwala ako na pare-pareho tayong mabubuting tao at nagmamahal sa Diyos.

Lahat tayo ay naghahangad ng KATOTOHANAN at hangad makapagbahagi ng ating alam. Kung may nakakapagsalita man sa atin ng hindi maganda, ang paniniwala ko ay nalagyan lang tayo ng "masamang lebadura."

Actually, nagpapasalamat nga ako sa patuloy ninyong pagtangkilik sa ating column. Patuloy na WELCOME ang inyong mga komentaryo at reaksyon.

u u u

Ganito naman ang text ng reader nating nagpapakilalang si "Timoteo Pablo, "Mga lingkod ng Diyos ay masakit magsalita ‘MGA LAHI NG ULUPONG,’ ani Juan. Pero tingnan mo naman ang mga gawa.

"Dapat mag-ingat tayo sa mga ganyan. May babala sa Romans 16:17-18. Ipangangalakal kayo niyan."

"Mahirap makilala ang tao ngayon sa salita. Sa totoo lang, maraming plastic na mangangaral ngayon. Makikilala mo sa gawa."

Ang sinasabi ni Timoteo Pablo na pagsasalita ng masakit ni Juan Bautista ay nasa Matthew 3:7.

Actually, hindi lang si Juan Bautista ang nagsalita ng ganito. Maging si Hesus ay nagsalita ng ganito sa Mt 23:33.

Sa mga pagkakataong ito, ang pinagsabihan nila ng "ulupong" ay ang mga pariseo at saduceo. At kung babasahin natin ang Bagong Tipan, makikita natin na kaya nakapagsalita ng ganito si Juan at si Hesus ay dahil KILALA NA NILA ang mga taong sinasabihan.

Alam nila na MAPAGKUNWARI at MAPANLINLANG ang mga ito. Sila ang mga NAGPAPAKITA ng MABUTI pero MASAMA ang kanilang mga NILOLOOB.

Siguro, Timoteo Pablo, kung kilala ng isang tao na MAPAGKUNWARI ang kanyang kaharap at SIGURADO siya na MASAMA nga ito ay baka ma-justify pa niya ang pagsasalita ng masakit o masama.

Pero sabi nga ng Panginoon sa Mt 7:1
"Huwag kayong huhusga o kayo man ay huhusgahan."

Ang ipinagbabawal dito ng Panginoon ay ang MALING paghusga. Sana ay sundin natin ang Kanyang sinasabi.

u u u

Heto naman ang mga tanong ni Calixto Talorete Ayuquitan ng Negros, "Ano po ba ang mga lengguahe na unang ginamit sa pagsusulat ng Bibliya? At saan makabibili ng Biblia Hebraica Stuttgartensia?"

Ang mga ginamit na lengguahe sa pagsusulat ng Bibliya ay ang Hebrew para sa karamihan ng laman ng Old Testament. May ilang bahagi na nasa Aramaico. Ang ilang bahagi ng Lumang Tipan, partikular ‘yung mga kinikilala lang ng Iglesia Katolika, ay nasusulat sa Griego o Greek.

Ang kabuohan ng New Testament ay isinulat sa Griego pero may mga ilang parte nito na nasulat sa Aramaiko, ang dialekto ng mga Hudyo.

Hindi ko pa nasubukang maghanap ng kopya ng Biblia Hebraica Stuttgartensia rito sa Pilipinas.

Ang ginagamit ko kasi ay ang nasa "internet" partikular sa www.searchgodsword.com partikular sa section ng "Interlinear Bible."

u u u

Ganito naman ang deklarasyon ni Antolin ng Pasay, "Cenon, hangga’t hindi ka ma-"born again" ay ‘di mo makikita ang totoo!"

"Sayang ang oras sa pagtatanggol mo sa maling aral ng Katoliko. Hindi ka maliligtas ng sekta."
 
Ang sinasabi ni Antolin ay mababasa sa John 3:3 AYON SA SALIN ng mga PROTESTANTE, partikular ang KING JAMES VERSION o KJV.

Ganito ang sinasabi ng KJV, "Jesus declared, ‘I tell you the truth, no one can see the kingdom of God unless he is BORN AGAIN.’"

Tulad ng sinasabi ni Antolin, kailangan DAW na ma-BORN AGAIN ang tao para siya maligtas.
Hindi natin sila dapat pakialaman kung ‘yon ang paniniwala nila. Pero since gusto ni Antolin na i-apply ito sa atin ay kailangan natin itong ipaliwanag.

MALI PO ang TRANSLATION ng KJV sa John 3:3 at dahil diyan ay WALA TALAGANG BATAYAN ang paniniwala ng mga "Born Again."

Sa orihinal na teksto sa Griego, WALANG SALITA na ang direktang salin ay "AGAIN."

Ang salita na isinalin ng KJV bilang "again" ay ang salitang "ANOTHEN."

Sa Griego, ang tamang ibig sabihin ng "anothen" ay "FROM ABOVE" at HINDI "AGAIN."

Although may mga nagsasabi na puwedeng isalin na "again" ang "anothen," mahina itong katwiran. Bakit?

Ito ay dahil kung "again" ang talagang gustong sabihin ng Panginoon sa John 3:3, dapat ay ang salitang "palin" ang kanyang ginamit at hindi "anothen."

Ang Griego kasi ng "again" ay "palin."

Pero dahil "anothen" ang ginamit ni Hesus, sadyang ang gusto niyang sabihin ay "from above" at hindi "again."

In short, MALI ang TRANSLATION ng KJV.

At dahil ang paniniwala tungkol sa pagiging "born again" ay batay sa MALING TRANSLATION, nangangahulugan lang na MALI RIN ang paniniwala at pananampalataya na batay rito. Tama ba?

Ang tanong tuloy kay Antolin ay "Paano natin makikita ang KATOTOOHANAN kung ang mismong pinagbabatayan natin ng ating paniniwala ay MALI?"

Kaya kung ako kay Antolin, iintindihin ko muna at pag-aaralan ang aking paniniwala bago ko ito ibahagi sa iba. Baka lumabas pa niyan na nagkakalat siya ng MALING paniniwala.

Baka mapabilang pa siya sa mga HUWAD NA PROPETA na sinasabi ng Panginoon na LILITAW.

Makikita ba sa Bible ang ‘Roman Catholic?’

Hulyo 22, 2003

HALOS pareho ang tanong nina Bob ng QC at Charlie Recio ng Pasig City.

Ganito ang tanong ni Bob, "May nakasulat ba sa Bibliya na katagang ‘CATHOLIC O KATOLIKO?’

Heto naman ang kay Charlie, "May mababasa ba sa Bibliya na Katoliko? Sabi ni Pablo sa 1 Corinthians 4:6 kapag may mabasa ka na Katoliko ay totoo kayo."

NAPAKAGANDA ng mga tanong nina Bob at Charlie. At ang sagot diyan ay "OO." Mayroong mababasa na "Catholic" sa Bibliya.

At para mas maganda, ipakikita ko kung saan galing ang pangalang ROMAN CATHOLIC at patutunayan ko na mayroong itong batayan sa Banal na Kasulatan.

Pero bago ‘yon ay basahin muna natin ang sinasabi ni Charlie na talata sa 1 Cor 4:6. Ganito ang sabi ng talata,
"Ngayon, mga kapatid, inilapat ko ang mga ito sa aking sarili at kay Apollos para sa inyong ikabubuti upang malaman ninyo ang kahulugan ng kasabihang: HUWAG KAYONG HIHIGIT SA NASUSULAT. Sa ganoon ay hindi kayo magmamalaki sa isang tao higit sa isa pa."

Gusto ko lang sabihin na WALANG KINALAMAN sa Bibliya ang mga sinabi ni San Pablo sa talatang ito.

Kung susundin natin ito ay tiyak nang maraming aklat at sulat sa Bibliya ngayon ang hindi na makasasama. Ito ay dahil ang 1 Corinthians ay isa sa mga unang nasulat na bahagi ng Bibliya. At kung ipinagbabawal na nito ang mga HINDI PA NASUSULAT ay "OUT" na agad ang iba pang bahagi ng New Testament.

Anyway, balikan natin ang tanong nina Bob at Charlie kung MABABASA sa Bibliya ang Catholic o Katoliko.

Una, dapat nating maintindihan na HINDI makikita sa mga Bibliyang Ingles o Pilipino ang mga salitang "Catholic" o "Katoliko."

Simple lang ang dahilan nito. Ito ay dahil mga TRANSLATION lang ang mga ito. Samantala, ang salitang "Catholic" ay nagmula sa ORIHINAL na SALITA na ginamit sa Bibliya. At ito ang GRIEGO o GREEK.

Dati ko nang sinabi noon na KARAMIHAN sa mga bagay o salita na may kaugnay sa Iglesia Katolika ay nakabatay sa mga ORIHINAL na SALITA, partikular nga ang Griego.

Isa pa itong patunay na ang Iglesia Katolika at ang pananampalatayang Katoliko ay ORIHINAL.

Ngayon, kung babasahin natin ang Bibliya ay mapapansin natin na may iba-iba itong bahagi. May iba-ibang aklat at sulat na may pinatutungkulang tao o grupo ng tao.

Ilan sa mga sulat sa Bibliya ay naka-address sa iba’t-ibang iglesia na noon ay natatag na. Nariyan ang sulat para sa mga taga-Corinto o Corinth, taga-Efeso, taga-Galatia at iba pa.

ISA sa mga sulat na mababasa natin sa Bibliya ay ang SULAT para sa mga TAGA-ROMA.

Mapapansin natin na ang sulat na para sa mga TAGA-ROMA ay nasa unahan ng iba pang sulat na para sa mga iglesia.

Ang kalagayan nito sa UNAHAN ng iba pang sulat ay nagpapakita lang na UNA ito sa lahat ng mga sulat. Ito ang PINAKAMAHALAGA.

Ngayon, basahin natin ang sinasabi ng Romans 1:8,
"Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo para sa inyong lahat dahil ANG INYONG PANANAMPALATAYA AY IPINAHAHAYAG SA BUONG MUNDO."

Kaninong pananampalataya ang "ipinahahayag" sa "buong mundo?"

Sa mga ROMANO.

Ang kausap kasi dito ni Pablo ay ang mga taga-Roma, kaya nang sabihin niya na "ang inyong pananampalataya ..." ang sinasabi niya ay ang PANANAMPALATAYA ng mga taga-Roma o ng mga ROMANO.

Sa orihinal na teksto na nasusulat sa Griego, ganito ang sinasabi ng talata, "he pistis humon KATangeletai en HOLO to kosmo..."

Ang katumbas ng "he pistis humon" sa Pilipino ay "ang inyong pananampalataya."

Ang katumbas naman ng "katangeletai" ay "ipinahahayag."

Samantala, ang "en holo to kosmo" ay "sa buong mundo."

Kapag pinaikli ang talata sa Griego ay lalabas ang salitang "KAT-HOLOS" (KATHOLES) o "HAYAG SA BUONG MUNDO."

Diyan MABABASA ang salitang "KATAHOLOS" na "CATHOLIC" sa Ingles at "KATOLIKO" naman sa Pilipino.

Maliwanag ba ‘yon?

Diyan nabubuo ang pangalan ng ORIHINAL na Iglesiang Kristiyano. Diyan din makikita ang ORIHINAL na pananampalataya.

Ang pananampalatayang ito, sangayon sa Rom 1:8, ay PANANAMPALATAYANG KATOLIKO (universal).

Kaya nga ang mga miyembro ngayon ng iglesia ng Bibliya ay ROMANO at KATOLIKO.

Patunay sa kabantugan o kahalagahan ng Iglesiang ROMANO KATOLIKO ay ang binabati ito ng LAHAT NG IBA PANG IGLESIA.

Basahin natin ang sinasabi ng Romans 16:16,
"Ang LAHAT ng mga iglesia ay nagpapaabot ng PAGBATI sa inyo."

Ang tinutukoy ng "inyo" rito ay ang mga ROMANO.

Kung gusto ninyo ng tulad nitong paliwanag hanapin ninyo ang pamphlet na "THE ROMAN CATHOLIC FAITH AND THE BIBLE" ni Fr. Gerardo Tapiador.

Sana maliwanag, Bob at Charlie.

Ikapu? Ano ‘yon? Bakit may ganoon?


NAGTATANONG sa atin si Inggrid Chenko ng Caloocan City. Sabi niya, "Is there a written Catholic doctrine regarding the "sign of the cross?" Kung meron, please give me some reference."

Puwede kitang bigyan ng ilang materyales tungkol diyan pero kung gusto mo ay i-text mo rito ang address mo para mapadalhan kita ng mga nasulat ko na kaugnay ng "Sign of the Cross," ano ang basehan nito sa Bibliya, at kung bakit ito ginagawa.

u u u

Ganito naman ang tanong ni Peter ng Bacolod City, "Ang pagsamba o pagluhod ba sa mga imahe o rebulto ay utos ng DIYOS o nakaugalian na lang ng mga Katoliko?"

Una, uulitin ko lang na HINDI SINASAMBA o DINIDIYOS ang mga imahen o rebulto. Kung may sumasamba sa mga iyan ay hindi ‘yon ayon sa aral ng Iglesia.

Samantala, walang utos ang Diyos o aral ng Iglesia Katolika na nagsasabi na dapat o kailangang lumuhod sa harap ng mga ito.

Ang aral ng Iglesia Katolika ay ginagamit lang ang mga ito bilang PAALALA sa Diyos at sa mga banal na nagmahal at tunay na nagsilbi sa IISA at TUNAY na Diyos.

Nakikita ng Iglesia ang KAHALAGAHAN ng mga ito para matulungan ang mga Katoliko na MAALALA o MAISIP ang Diyos o ang magagandang halimbawa ng mga santo.

Pero WALANG REQUIREMENT na magkaroon ng imahen o rebulto ang isang Katoliko. PUWEDENG WALA nito kung mananalangin ang isang Katoliko.

Pero kung MAKAKATULONG ay ini-encourage ang mga Katoliko na gumamit ng mga imahen o rebulto.

Ang pagluhod ay hindi iniuukol sa rebulto. Wala ring kinalaman ang rebulto sa pagluhod.
Sa Iglesia Katolika, ginagamit ang pagluhod bilang isang "expression" o pagpapakita ng RESPETO sa Diyos.
 
Ang pagluhod ay ginagamit din bilang isang pamamaraan o PANTULONG para mas makapag-concentrate ang isang tao sa pagdarasal. Kumbaga, isa itong uri ng DISIPLINA para mas maitutok ng isang Katoliko ang kanyang isip sa panalangin.

Inuulit ko, HINDI MAHALAGA at lalong HINDI KAILANGAN na may imahen kapag nagdarasal.
Pero kung ito ay MAKATUTULONG ay pinapayagan ito ng Iglesia.

u u u

ITINATANONG ni Calixto Talorente Ayuquitan ng Negros, "Bakit "PARABLES" ang ginagamit ni JESUS sa kanyang pagtuturo sa mga tao? Dapat malinaw para madaling intindihin."

Ginawa ito ng Panginoon para masala o mapili lamang ang mga taong may bukas na mata, tenga, isip at puso.

Sinabi Niya sa Matthew 13:13 at 15,
"Ito ang dahilan kung bakit kinakausap ko sila sa pamamagitan ng parabola: Kahit tumitingin, hindi sila nakakikita; kahit nakaririning, hindi sila nakauunawa."

"Ito ay dahil ang puso ng mga taong ito ay pinatigas na ng kalyo; hindi na halos makarinig ang kanilang tenga at isinara na nila ang kanilang mga mata."

Dahil sa mga parabola ay natututong maging mapagkumbaba ang isang tao. Pagpapatuloy ng Panginoon sa verse 15,
"Nang sa ganoon ay baka makakita ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tenga, at makaunawa ang kanilang mga puso at SILA AY AKING PAGAGALINGIN."

Sa madaling salita, ang mga parabola o kuwento ay nagtuturo ng HUMILITY o pagpapakumbaba sa mga nakikinig dito.

Ang hindi kasi makaunawa ay nagkakaroon ng "choice" para magtanong o magmatigas.

Ang iba naman ay NAGMAMARUNONG at nagbibigay ng sarili nilang pakahulugan sa mga parabola o kaya ay nagtatayo pa ng sarili nilang iglesia.

u u u

Ganito ang tanong ni Jess Caoagdan ng Talipao, Sulu, "Bakit ang ibang religion may ten percent na kinukuha sa sahod? Saan ito mababasa sa Bible?"

Ang itinatanong mo ay tungkol sa tinatawag na "ikapu" o ikasampung bahagi.

Ang pagbibigay ng "ikapu" ay isang aral na sinusunod noon sa panahon ng LUMANG TIPAN. Ito ay "alay" sa Diyos na ibinibigay para pantustos sa pangangailangan ng mga pari ni Yahweh.

Sa Leviticus 27:30 ay ganito ang sinasabi,
"Ang ikapu ng lahat ng bagay mula sa lupain, maging ito ay butil mula sa lupa o bunga mula sa puno, ay pag-aari ni Yahweh. Ito ay banal para kay Yahweh."

Marami pang ibang banggit ng ikapu sa Matandang Tipan pero isa na lang ang ating babanggitin. Ito ay ang sinasabi ng Malachi 3:8,
"Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Pero ninanakawan ninyo ako."

"Itatanong mo, ‘Paano ka naman ninanakawan?’ "Sa pamamagitan ng ikapu at mga alay."

Ang pagbibigay ng ikapu ay gawain ng mga tao sa OLD TESTAMENT o sa LUMANG KAAYUSAN ng Diyos.

Sa BAGONG TIPAN o BAGONG KAAYUSAN ay HINDI na IKAPU ang sinusunod.

Mas sinusunod na dapat ng mga Kristiyano ang sinasabi ng 2 Corinthians 9:7 na ganito ang sabi,
"Ang bawat isa ay dapat na magbigay SANGAYON SA PASYA NG KANYANG PUSO na walang pag-aalinlangan o pinipilit dahil mahal ng Diyos ang isang magiliw magbigay."

Sa kabila nito ay marami pa ring grupong Kristiyano ang pumipili na gamitin ang paraan ng LUMANG TIPAN.

‘Yon ang dahilan kung bakit may humihingi pa ng 10 porsiyento ng suweldo ng miyembro.

Dasal tulong sa kaluluwa?

Hulyo 20, 2003

NITONG Biyernes ay sinimulan ko ang ating usapan tungkol sa Purgatoryo. Salamat sa mga nagbigay na agad ng kanilang reaksyon.

Ang hiling ko lang ay imbes na magalit ang ilan ay pakisabi na lang kung ano ang "mali" sa mga sinabi ko sa topic o kaya ay sagutin ang tanong sa column.

Halimbawa, imbes na sabihin natin na "hindi ka maliligtas ng iyong relihiyon" ay sabihin na lang kung paano naging mali ang ating mga naisulat. Puwede ring sagutin na lang ang tanong na kasama sa column.

Isa sa mga tanong ko roon ay ito, "Kung susundin natin ang sinasabi ng iba na Langit at Impiyerno lang ang mayroon at walang Purgatoryo, saan pupunta ang kaluluwa ng tao na may konting kasalanan?"

I’m sure na mas magiging interesado ang marami nating mambabasa sa ganoon.

Baka isipin pa ng iba ay kaya puro kayo batikos ay dahil WALA KAYONG MAISAGOT o WALANG MAS MABUTING PANINIWALA.

u u u

Heto, may tanong agad si Zernan ng Bulacan. Sabi niya, "Eh ‘di puwede na pala akong hindi manampalataya kasi hindi naman mabigat ang kasalanan ko. Besides may Purgatoryo naman tulad ng sabi mo."

Salamat sa tanong, Zernan. Kaya lang ay hindi mo pa gaanong nauunawaan kung ano ang Purgatoryo.
Tulad ng sabi ko kahapon, ang Purgatoryo ay lugar ng "paglilinis" kung saan ang kaluluwa ng isang tao ay "ginagawang busilak" bago siya tuluyang makapasok sa Langit.

Hindi ito puwedeng gawing "excuse" ng mga TAMAD sa pananampalataya. At bakit hindi?

Ang Purgatoryo at Langit ay para sa mga taong lumisan sa daigdig na ito na SUMASAMPALATAYA sa Panginoong Hesus.

Hindi makapapasok sa Langit ang HINDI SUMASAMPALATAYA sa Panginoon.

Ganito kasi ang sinasabi sa John 3:18,
"Sino mang sumasampalataya sa kanya [si Kristo ang tinutukoy rito] ay hindi hinahatulan, pero sino mang HINDI SUMAMPALATAYA AY NAHATULAN NA dahil hindi siya nanampalataya sa ngalan ng bugtong na anak ng Diyos."

At kung hindi makapapasok sa Langit ang isang hindi sumasampalataya, wala rin siyang lugar sa Purgatoryo.

Sana ay maliwanag ‘yon, Zernan.

u u u

Ngayon, ang isang mahalagang bagay tungkol sa Purgatoryo ay MAY MAHALAGANG PAPEL na ginagampanan ang mga naiiwan sa lupa para mapabilis ang pagiging "malinis" at "busilak" ng kaluluwa ng isang tao na nasa Purgatoryo.

Ito ay sa pamamagitan ng PANALANGIN ng mga narito pa sa lupa.
 
Para maintindihan natin ito ay alamin natin kung ano ang batayan nito sa Bibliya.
Sabi ng Banal na Kasulatan, LAHAT ng nananampalataya kay Kristo ay ISA o BUMUBUO ng IISANG IGLESIA.

Sabi ng Ephesians 2:19-22,
"Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, pero KAPWA MAMAMAYAN ng bayan ng Diyos at BAHAGI ng TAHANAN NG DIYOS na ITINAYO sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta at kung saan si Kristo Hesus ang pangunahing batong panulukan."

"Sa kanya, ang buong gusali ay nakaugnay at tumataas para maging BANAL NA TEMPLO sa Panginoon. At sa kanya, kayo rin ay ITINATAYONG MAGKASAMA para maging tahanan kung saan tumitira ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu."

Ang bawat Kristiyano na miyembro ng Iglesia ni Kristo ay bahagi ng IISANG BANAL NA TEMPLO. At dahil ang templo na ito ay isang "espiritwal" na templo, ibig lang sabihin na MAGKAKA-UGNAY ang bawat Kristiyano sa ESPIRITU.

Isang paraan ng PAG-UUGNAY na ito ay ang PANALANGIN.

Sabi nga sa Acts 1:14,
"PALAGI silang NAGKAKASAMA sa PAGDARASAL, kasama ang mga babae at si Maria ang ina ni Hesus pati na rin ang kanyang mga kapatid."

Ayon sa Bibliya, MAGKAKASAMA ang mga Kristiyano sa PAGDARASAL. Sinasabi rin sa Bibliya na IPINAGDARASAL ng mga Kristiyano ang BAWAT ISA.

Nangangahulugan na saan man mapunta ang Kristiyano ay KASAMA pa rin niya sa ESPIRITU ang iba pang miyembro ng Iglesia. Magkakasama pa rin sila sa panalangin.

Kung siya ay nasa Langit na, nasa Purgatoryo o narito pa sa lupa ay BAHAGI pa rin siya ng BANAL NA TEMPLO ng Diyos.

KAISA rin siya sa PANANALANGIN at NATUTULUNGAN ng PANALANGIN ng ibang Kristiyano.

Kahit sa paghingi ng kapatawaran sa kasalanan ay KASAMA niya ang ibang Kristiyano.

Ganito ang sinasabi ng 1 John 5:16,
"Kung may makakikita sa kanyang kapatid na gumagawa ng kasalanan na hindi nakamamatay, KAILANGAN niyang MAGDASAL at siya ay BIBIGYAN ng Diyos ng buhay."

Sinasabi ng talata na ang PANALANGIN ng isang kapwa Kristiyano ay MAKAPAGBIBIGAY BUHAY sa isang kapatid na nagkasala.

Sa usapin ng Purgatoryo, ang panalangin ng iba pang Kristiyano ay nakakatulong para mabilis na LUMINIS ang kaluluwa ng isang kapatid at ito ay TUMANGGAP ng BUHAY mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagpasok sa Kaharian ng Langit.

Salamat po.

Sunday, July 15, 2012

May batayan ba ang Purgatoryo?

Hulyo 19, 2003

MAYROON akong iniwan na topic kahapon. Ito ay tungkol sa paniniwala ng mga Katoliko sa "Purgatoryo."

Binigyang pansin natin kahapon ang sinasabi ng Revelation 21:27 kung saan tinatalakay ang tungkol sa Bagong Herusalem o ang Langit.

Sabi ng talata,
"KAILANMAN ay walang bagay na MARUMI na makapapasok dito."

Dito natin sisimulan ang pagtalakay tungkol sa isyu ng Purgatoryo.

Ngayon, kung susundin natin ang sinasabi ng iba na Langit at Impiyerno lang ang mayroon at walang Purgatoryo, saan pupunta ang kaluluwa ng tao na may konting kasalanan?

Sa Langit ba?

Tiyak na HINDI dahil sabi nga ng Rev 21:27 ay walang "marumi" na makapapasok dito.

Automatic na ba siyang mapapa-impiyerno? Napakalupit naman siguro noon.

Lulutang-lutang na lang ba ang kanyang kaluluwa sa kawalan at habampanahon nang maliligaw?

Ayon sa pananampalatayang Katoliko, ang mga kaluluwa na may "konting bahid" ng kasalanan ay TIYAK na makapapasok sa Langit. Ito ay MATAPOS na sila ay gawing MALINIS o BUSILAK.

Ang paglilinis ay nagaganap sa Purgatoryo.

Parang "mabantot" pakinggan ang salitang Purgatoryo dahil ang naiisip ng iba ay ang "pagpupurga" na iniuugnay sa pag-aalis ng "bulate" sa tiyan ng isang bata.

Pero kung titingnan natin ang pinanggalingan ng salitang "Purgatoryo" ay makikita natin kung gaano ito "kalinis."

Ang "Purgatoryo" kasi ay galing sa salitang Latin na "purgare." Sa Ingles, ang katumbas ng "purgare" ay TO MAKE CLEAN o TO PURIFY.

Sa Pilipino, ang katumbas na salita ay LINISIN o GAWING PURO o BUSILAK.

Ang ganda, hindi ba?

Ayon sa aral Katolika, sa Purgatoryo "nililinis" o "ginagawang busilak" ang kaluluwa ng isang tao bago ito tuluyang papasukin sa Kaharian ng Langit. Ito ay mahalaga at kailangan.

Ganito kasi ang sinasabi ng Ephesians 5:5,
"Makatitiyak kayo rito: Walang nakikiapid, MARUMI o matakaw na tao – tulad ng sumasamba sa mga diyus-diyosan – na may mamanahin sa kaharian ni Kristo at ng Diyos."

Ngayon, dahil ang isang tao ay nililinis at ginagawa nang "busilak" sa Purgatoryo TIYAK na itong PAPASOK sa Langit.

‘Yan ang pinaniniwalaan sa loob ng Iglesia Katolika.

Pero bago tayo makapagpatuloy, kailangang malaman muna natin kung pupuwede pa bang mapatawad ang kasalanan ng isang tao matapos siyang mamatay sa katawan.

Kung hindi na pupuwede ay wala nang saysay na pag-usapan pa ang Purgatoryo. Tama hindi ba?
Ngayon, ano ba ang sinasabi ng Bibliya sa bagay na ito?

Sa Matthew 12:32 ay ang Panginoong Hesus mismo ang nagpapahayag,
"Sino man na magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad. Pero sino man ang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad sa panahon na ito o kahit pa sa DARATING NA PANAHON."

Ang "darating na panahon" na tinutukoy rito ay ang sa "kabilang buhay."

Kaya ang sinasabi ng Panginoon ay mayroong mga kasalanan na napapatawad sa "panahong ito" o sa buhay sa ngayon, at MAYROONG mga kasalanan na napapatawad sa "darating na panahon" o sa "kabilang buhay."

Ang pahayag na iyan ay CONSISTENT o sangayon sa sinasabi sa aklat ng 2 Maccabees 12:43-44 at 46.

Ganito ang sinasabi ng talata,
"Nagpakulekta siya [si Judas Maccabee] sa kanyang mga sundalo na umabot sa 2,000 drachma. Ipinadala nila ito sa Herusalem bilang alay sa ikapapatawad ng kanilang kasalanan."

"Sa ginawa niyang ito, gumawa siya ng isang napakagaling at kahanga-hangang bagay hangga’t ang nasa isip niya ay ang pagkabuhay na muli ng mga patay."

"Dahil kung hindi niya inaasahan ang pagkabuhay muli ng mga nagupo, walang saysay at kalokohan na lang ang pananalangin para sa mga namatay."

"Kaya nga gumawa siya ng pag-aalay para sa mga patay nang sila ay MAPALAYA SA KASALANAN."

Ang nakakalungkot ay isa ang aklat ng Maccabees sa "binawas" o "inalis" ng mga Protestante nang sila ay magprotesta laban sa Iglesia Katolika.

Kung tama ang mga Protestante sa pag-alis sa aklat ng Maccabees o tama na patuloy itong bahagi ng Bibliya ng mga Katoliko ay sa ibang pagkakataon natin tatalakayin.

Ang mahalaga sa ngayon ay nakikita natin na ang mga Hudyo bago pa ang Panginoong Hesus ay naniniwala na sa kapatawaran ng kasalanan sa "kabilang buhay."

At hindi lang ‘yon. Ipinakikita sa 2 Maccabees na naniniwala sila na puwedeng makatulong ang mga panalangin at alay ng mga nasa lupa para sa ikaaalis ng kasalanan ng mga nasa kabilang buhay na.

Ngayon, nakikita natin na ang Panginoon at ang mga Hudyo bago pa sa Kanya ay naniniwala na PUWEDE PANG MAPATAWAD ang kasalanan ng YUMAO na.

At dahil ang Iglesia Katolika ay galing mismo kay Kristo at sa mga Apostol na mga Hudyo, patuloy na pinaniniwalaan ng mga Katoliko na maaari pang mapatawad ang kasalanan ng namatay na.

Ito nga ay sa pamamagitan ng Purgatoryo.

Mayroon bang Purgatoryo?


SIMULAN natin ang column ngayon sa text ni Ruel Garbin ng Merville, Parañaque. Sabi niya, "Sabi mo sa Diyos at tamang iglesia ang Katoliko, pero sabi mo rin ay hindi ka nangungumbinsi. Bakit? Hindi mo ba matanggap ang iyong sinasabi?"

Hindi ganoon ‘yon, Ruel. Kaya ko sinasabing hindi ako nangungumbinsi ay dahil hindi ‘yon ang layunin ko.

Ang gusto kong gawin ay ipakita ang mga katotohanan tungkol sa Katolisismo at pasinungalingan ang mga maling aral laban dito.

Mula roon ay ipinagdarasal ko na makikita ng mga readers natin ang totoo at sila na ang bahalang gumawa ng desisyon kung sino ang paniniwalaan nila.

Malaki kasi ang paniniwala ko sa "free will" na ibinigay sa atin ng Diyos. Ito ang kakayanan ng bawat isa na PUMILI at GUMAWA ng DESISYON ayon sa kanyang kunsensiya o kagustuhan.

Ganoon tayo kamahal ng Diyos. Hindi Niya tayo pipilitin kung ayaw natin. Ang nais Niya ay kusa tayong magbukas ng puso at maniwala sa Kanya.

Basahin natin ang sinasabi ng Revelation 3:20,

"Narito ako nakatayo at kumakatok sa pinto. Kung may MAKARIRINIG sa boses ko at MAGBUBUKAS ng pinto, tutuloy ako at kakain kasama niya at siya kasama ko."

Pero paano nga maririnig ng mga tao ang boses ng Panginoon kung walang magpapakilala sa Kanya sa kanila.

At the same time, paano makagagawa ng maayos at malayang desisyon ang mga tao kung karamihan sa nalalaman nila tungkol sa bagay na tulad ng Katolisismo ay MALI o HINDI TOTOO?

Kaya mayroon tayong column na ganito ay para sa mga interesadong malaman ang katotohanan tungkol sa pananampalataya. Sa ganoon ay makakapili sila ng gusto nilang paniwalaan.

Sabi nga ni Lord sa John 8:32,

"Sa ganoon ay masusumpungan ninyo ang katotohanan at PALALAYAIN KAYO NG KATOTOHANAN."

u u u

Ganito naman ang sabi ni Glen G. ng Leyte, "Maganda ang column mo Bro. Cenon pero sana ay meron kang programa sa TV o sa Radio para marinig ng lahat."

Salamat, Glen. Paki sama mo ‘yan sa dasal mo at kung nararapat ay ipagkakaloob ‘yan ng Diyos. Malay mo biglang may mag-sponsor ng programa sa TV o sa radyo. Sagot na ‘yan sa dasal natin.

Thank you, uli.

u u u

Ganito ang tanong ni Benji ng Tacurong City, "Sabi ng sektang Protestante wala raw purgatoryo at hindi raw ito makikita sa Bible. Totoo ba ito?"

Kung ang sinasabi nila ay "hindi mababasa" sa Bibliya ang SALITANG PURGATORYO, tama sila. Pero hindi ibig sabihin noon ay walang Purgatoryo.

Pero bago natin pag-usapan ang Purgatoryo, dapat nating malaman na ultimong ang Bibliya ay nagsasabi na HINDI ito KUMPLETO.

Sabi ng John 20:30:
"Ngayon, marami pang ibang tanda na ginawa si Hesus sa harap ng kanyang mga disipulo na HINDI NASUSULAT sa aklat na ito."

Sinabi pa sa John 21:25,
"Marami ring ibang bagay na ginawa si Hesus na kung iisa-isahin, sa tingin ko, ay hindi magkakasya sa mundo ang lahat ng libro na masusulat."

Sinasabi rin ng Bibliya na may mga aral na hindi nakasulat.

‘Yan ang sinasabi ng 2 Thessalonians 2:15,
"Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga TRADISYON na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa SALITA o sa SULAT."

Ang paniniwala ng Katoliko patungkol sa Purgatoryo ay isa sa mga "tradisyon" sa SALITA na ibinigay ng Panginoon at ng mga Apostol sa mga miyembro ng Iglesia.

Pero hindi porke hindi nababanggit ang salitang "Purgatoryo" sa Bibliya ay wala na itong batayan sa Kasulatan. Maraming batayan sa Bibliya ang doktrina ng Purgatoryo.

Una, basahin natin ang nasusulat sa Revelation 21 kung saan tinatalakay ang tungkol sa Bagong Herusalem o ang Langit.

Ganito ang sabi sa verse 27,
"KAILANMAN ay walang bagay na MARUMI na makapapasok dito."

Ngayon, sinasabi sa 1 John 5:17 ang ganito,
"Ang LAHAT ng maling gawa ay KASALANAN pero mayroong kasalanan na hindi nauuwi sa kamatayan."

Ibig sabihin, may mga kasalanan na hindi nakamamatay pero kasalanan pa rin ito at nakarurumi sa isang tao.

At dahil nakarurumi ito sa tao, magiging dahilan ito para hindi makapasok ang isang tao sa Langit sangayon sa Rev 21:27.

Ngayon, kung susundin natin ang sinasabi ng iba na Langit at Impiyerno lang ang mayroon at walang Purgatoryo, saan pupunta ang kaluluwa ng tao na may konting kasalanan?

Sa Langit ba?

Tiyak na HINDI dahil wala ngang "marumi" na makapapasok dito.

Automatic na ba siyang mapapa-impiyerno? Napakalupit naman siguro noon.

Sa pananampalatayang Katoliko, MAYROON PANG PAG-ASA ang mga taong ganoon. Sila ay pupunta sa Purgatoryo.

Pero liban sa Rev 21:27, may iba bang batayan sa Bibliya para paniwalaan ang Purgatoryo?

Isa pa, ano ba talaga itong Purgatoryo na ito at bakit tila napakalaking kontrobersiya nito sa iba?

Bukas, ‘yon ang tatalakayin natin.

Pagpalain po tayong lahat ng makapangyarihang Diyos.

Simulan natin ang debate sa Tumbok

Hulyo 17, 2003

MAY reaksyon ang reader na nagpapakilalang si "Timoteo Pablo" sa sinabi ko na ang Iglesia Katolika ang Iglesia na itinatag ni Kristo. Sabi niya,

"Kung nasa Iglesia Katolika Apostolika Romana ang aral ni Kristo, dapat ay nakikita ang bunga nito sa karamihan ng members nito."

"Ang mabuting pastor, anang Panginoon, ay iiwan ang kawan para hanapin ang isang naliligaw. Makikita naman natin na hindi nililingap ng Iglesia Katolika ang mga miyembro nila. Walang ibinibigay na effort para makatupad dito."

"Pumatay, mangalunya, magnakaw kahit sa kapatid gawin ay okay lang. Miyembro ka pa rin. Ligaw ka na ay okay lang sa kanila. Kaanib ka pa rin."

Salamat sa mahaba mong text, Timoteo Pablo. Kung ang sinasabi mo ay maraming Katoliko ang napapabayaan, tama ka.

Pero ito ay hindi dahil pinababayaan sila ng mga pinuno ng Iglesia kundi dahil sobrang dami lang talaga ng mga Katoliko para maalagaan lahat.

Hindi ako nagpapalusot para sa mga pari at mga obispo. Sinasabi ko lang ang katotohanan na napakaraming miyembro pero kokonti ang manggagawa.

Kahit nung naglalakad pa rito sa lupa ang Panginoon ay nakita na Niya ang problema. Kaya nga sinabi Niya sa Matthew 9:36-38,

"Nang makita niya ang maraming tao, nahabag siya sa kanila dahil sila ay pagod na at walang masulingan, tulad ng mga tupa na walang pastol."

"Sinabi niya sa kanyang mga alagad, ‘Marami ang aanihin pero kakaunti ang manggagawa. Kaya hilingin ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang anihan.’"

Madaling magsalita kung ang isang tao ay miyembro ng isang bagong sulpot o tatag na samahan dahil iilan lang naman ang mga miyembro nila kumpara sa Iglesia Katolika.

Pero kahit nga ang maliliit na samahang ito ay hindi kontrolado ang bawat miyembro nila.

Hindi rin totoo na pinababayaan at walang ginagawa ang Iglesia Katolika para lingapin ang mga miyembro.

MARAMING GINAGAWA ang mga Katoliko para tulungan ang mga miyembro.

Sa mga parokya ay nariyan ang iba’t-ibang "religious organizations." Mayroong tinatawag na Parish Renewal Experience o PREX.

Sa labas naman ng parokya ay nariyan ang mga grupong Katoliko tulad ng DWXI Prayer Partners Foundation na mas kilala bilang grupo ng "El Shaddai."

Baka narinig mo na ang tinatawag na Couples for Christ, Singles for Christ, Youth for Christ at iba pang kaugnay na grupo rito.

Mayroong mga babasahin ang mga Katoliko tulad ng Kerygma, Didache at nitong column na ito na ang layunin ay umalalay at magturo tungkol sa aral Katoliko.

At kung iisa-isahin natin ang lahat-lahat ng ginagawa ng Iglesia Katolika ay kukulangin ang espasyo natin.

Ang nakakalungkot lang ay mas maraming grupo talaga ang kontra ngayon sa Iglesia Katolika. At kailangan pang dagdagan ang ginagawa ng mga obispo, pari at ordinaryong Katoliko na tulad ko para maituro ang tamang aral ng Panginoong Hesu Kristo.

In short, HINDI TOTOO na walang ginagawa ang Iglesia Katolika.

Sa punto naman na dapat ay nakikita ang "bunga" sa karamihan ng miyembro, sa lahat-lahat ng Katoliko na kilala mo, ilan ba ang adik at mamamatay tao?

Baka naman masyado ka lang naniniwala sa sinasabi ng ibang tao.

Paki tiyak mo muna ang mga sinasabi nila dahil lumalabas na naniniwala ka ngayon sa mga maling impormasyon o sa haka-haka.

u u u

May mga reaksyon si AJ Reyes at sana ay ipahintulot niya na itong punto na ito ang ipakita natin dito.

Ito ay may kaugnayan sa sinabi ko na ang ginagamit kong Bibliya ay New International Version at New American Bible.

Sabi niya, ang ginagamit niyang Bibliya ay ang "King James Version." Dagdag pa niya, "Kahina-hinala ang version ng Bible mo."

Sabi pa niya, "Bakit hindi ang Magandang Balita Bibliya ang ginagamit mo? Hindi ba ‘yan ang opisyal na salin ng mga Katoliko?"

Sa punto ng "kahina-hinala" ang "NIV" at "NAB" kumpara sa "KJV," ikinalulungkot kong sabihin sa iyo, AJ, na matagal nang napatunayan na MALI-MALI ang mga nakasulat sa Bibliyang ginagamit mo.

May higit sa 300 maling translation sa KJV. Higit pa riyan ang mga mali-maling paggamit ng mga salita at iba pang kapalpakan.

Dahil nga sobrang dami ng MALI sa KJV ay ilang ulit na gumawa ng panibagong version ang mga Protestante.

At sa lahat ng translation na ginawa nila ang ginagamit ko na New International Version (NIV) ang pinaka TAMA ang translation.

Kaya kung ako sa iyo, AJ, titiyakin ko muna na tama ang translation na ginagamit ko. Baka ang akala mo ay "tama" ay batay pala sa MALING salin ng Bibliya.

Payong kapatid lang.

Ngayon, bakit hindi ko ginagamit ang Magandang Balita Bibliya?

Hindi maganda ang translation ng Magandang Balita Bibliya. Tulad ng KJV ay marami rin itong MALI.

HINDI ito opisyal na translation ng Iglesia Katolika. Ito ay pag-aari ng Philippine Bible Society na karamihan ay Protestante ang miyembro. Kinilala lang ito ng Simbahan dahil na rin sa pakikiisa sa mga Protestante na nagsalin nito sa Pilipino.

Sana ay maliwanag ito.

u u u

Heto ang isa pang text ni AJ, "Mr.Bibe, thanx at inilagay mo sa kulom mo yung message ko. GAME ako sa debateng gusto mo. Ikaw unang magtanong."

Okay, AJ, heto ang tanong ko, "Ayon sa Bibliya, dapat ba na nakasulat sa Bibliya ang LAHAT ng paniniwalaan ng Kristiyano?"

At para isang sagutan na lang, kung sangayon ka sa proposisyon na iyan, "Saan nakasulat sa Bibliya na ‘Dapat nasa Bibliya ang lahat ng paniniwalaan ng isang Kristiyano?’"

Okay ba ‘yon? Hihintayin ko ang sagot mo. Paki bigay ang mga talata at paki-limit sa 4,000 characters ang sasabihin mo.

Salamat.

Masamang mangangaral, paano makikilala?

Hulyo 16, 2003

BIGYANG daan natin ang mga reaksyon ng ating mga mambabasa.

Sabi ni Jorge ng Negros Occidental, "Advise lang: Sana pagsasagot ka ng tanong ay hindi sagot pambata. Kung minsan ang 'last defense' mo ay 'naninira' sila.'"

Salamat sa puna, Jorge, pero kung may nasabi man akong ganoon iyon ay dahil sa kabila ng ipinakita kong maliwanag na batayan sa Bibliya na MALI at BALUKTOT ang ibinibintang sa mga Katoliko ay iginigiit pa rin ng ibang tao ang MALI nilang paniniwala.

Halimbawa, basahin mo itong text ng isang taga-Merville, Parañaque. Ang sabi niya, "Kung ang pagyukod at pagluhod sa mga rebulto ay hindi pagsamba, sino naman ang maniniwala?"

Kung nasundan mo itong column ko ay alam mo, Jorge, na ilang ulit ko nang sinabi na HINDI SINASAMBA ang mga rebulto. Ipinaliwanag ko na rin na ang "pagluhod" ay HINDI agad nangangahulugan na SUMASAMBA ang isang tao.

Pero sa kabila ng KATOTOHANAN na ipinaliwanag ko at ipinakita sa Bibliya ay BALUKTOT pa rin ang pahayag ng maraming tao ukol sa paniniwala ng mga Katoliko.

Hindi ko sinasabing maniwala tayo sa paniniwala ng mga Katoliko. Ang hiling ko lang ay matuto tayong GUMALANG sa paniniwala ng iba.

Ngayon, sinabi na ngang HINDI GANOON ang pinaniniwalaan ay ipinagpipilitan pa. Hindi ba PANINIRA na lang 'yon?

Ngayon, ang paggigiit ng MALI laban sa iba ay ipinagbabawal ng Diyos. Basahin natin ang Exodus 20:16 na ang sabi,

"Huwag kang gagawa ng HUWAD NA PATOTOO laban sa iyong kapwa."

Kung sinabi na ng Katoliko na MALI at HINDI TOTOO na sinasamba ang mga rebulto sa Iglesia Katolika at iginigiit pa rin ito ng iba, hindi ba gumagawa na sila ng "HUWAD NA PATOTOO?"

Buti nga at sinasabi ko lang na "NANINIRA" ang taong ganoon dahil kung ang pagbabatayan ay ang sinasabi ng Bibliya ay lalabas na MALAKING PAGKAKASALA ang kanilang ginagawa.

Sana naiintindihan mo, Jorge.

u u u

Ganito naman ang text ni Peter ng Bacolod City. Sabi niya, "Mr. Bibe, salamat sa pagbigay mo ng pansin sa aming mga katanungan. Ipagpaumanhin mo lang kung minsan ay nakakapagsalita kami ng masakit sa iyo."

Ako ang dapat magpasalamat sa mga tanong ninyo, Peter.

Ang inaalala ko, Peter, ay ang marami pang ibang mambabasa natin na parang mga "asong gubat" sa bangis kung umatake. Nag-aalala ako sa kung anong "espiritu" na ang nakuha nila.

Ang sabi kasi sa Galatians 5:20 na kabilang sa mga tanda ng "makasalanang kalikasan" ay "galit" at "nag-uumapaw na poot."

Samantala, sinasabi sa Gal 5:22 na kabilang sa mga bunga ng Espiritu ay "kagalakan, kapayapaan, kaamuhan at pagtitimpi sa sarili."

Sabagay, hindi ko sila masisisi dahil may mangangaral ngayon na punong-puno ng galit, pagmumura at maling paghusga. Siya rin ay "mapagtungayaw" (o mapanirang puri) na ayon sa 1Cor 5:11 ay hindi dapat sa isang kapatid - LALO pa siguro sa isang pinuno ng isang samahang maka-Diyos daw.

Kung may nakakapagsalita man ng masakit o masama, naniniwala ako na naimpluwensiyahan lang sila ng isang masamang mangangaral.

Hindi ba sinabi ng Panginoon sa Luke 6:44 at 45,

"Ang bawat puno ay makikilala sa kanyang bunga … Ang isang mabuting tao mula sa itinatago niyang kabutihan sa kanyang puso ay gumagawa ng kabutihan."

"Pero ang isang masamang tao mula sa kasamaan niyang ITINATAGO ay gumagawa ng kasamaan. Dahil MULA sa NILALAMAN ng PUSO ang isang tao ay NAGSASALITA."

At ano ang "bunga" ng "masamang puno" na ito? Pati ang mga nakikinig sa kanya ay nahahawa sa kanyang pagtungayaw at paninirang puri.

Kaya nga ang masamang mangangaral ay makikilala sa kanyang mga SALITA. Hindi naman kasi niya ito ipakikita sa gawa o sa kanyang anyo na siya ay masama. Sabi nga ng talata sa itaas ay ITINATAGO niya ang kanyang kasamaan.

Paano malalaman kung masama nga siya o hindi? Makikita ito sa kanyang mga SALITA.

Sabi nga ng Panginoon sa Matthew 15:11,

"Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa isang tao kundi ang lumalabas sa kanyang bibig ang nagpaparumi sa kanya."

Ipinaliwanag pa ni Hesus sa verse 18 at 19 na,

"ang mga lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso at ito ang nagpaparumi. Mula sa puso ang masamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, karumihan sa laman, pagnanakaw, MALING PAGPAPATOTOO at PANINIRANG PURI."

Naniniwala ako na walang tao na dati nang mapagmura, mapangtungayaw at puno ng galit. Naimpluwensiyahan lang sila ng isang mapagkunwari at masamang mangangaral.

Sa mga tulad niyan tayo ay pinag-iingat ng Panginoon. Ang sabi nga Niya sa Mt 15:15,

"Mag-ingat sa mga huwad na propeta na dumarating sa inyo suot ang damit ng tupa, pero sa ILALIM ay mababangis na asong gubat."

Ibig sabihin ay mabuti ang kanilang ipakikita at maaaring "ang bait-bait" niya, pero makikilala sila sa pamamagitan ng kanilang mga SALITA na hindi angkop sa isang Kristiyano.

Papa Umamin sa Kasalanan ng Katoliko?

Hulyo 14, 2003

SIMULAN natin ang column natin ngayon sa text ni Phay Timtiman ng Tanay, Rizal. Sabi niya, "Nasundan ko sa kolum mo ang tungkol sa ‘bato’ sa Matthew 16:18. Ang bigat talaga. Dahil diyan mula noon hanggang ngayon ay nagbabasa na ako ng Bibliya."

Salamat naman, Phay, kung sa pamamagitan ng column ko ay nakuha mo nang magbasa palagi ng Banal na Kasulatan.

Ipinagdarasal ko na sana ay mapuno ka pa ng karunungan ng Diyos para maunawaan mo ang mga nakasulat sa Bibliya.

Nananalangin din ako sa Diyos kasabay ng panalangin ni Maria at ng lahat ng mga santo na mapuno ka ng grasya para mapuspos ng Espiritu Santo ang iyong buhay at buhay ng iyong mga mahal sa buhay.

u u u

Ganito naman ang pagbati niya Andy de la Cruz ng Sta. Mesa, Manila, at ni Antonio Villegas Jr.

Sabi ni Andy, "TY sa iyo na tunay na sundalo ni Kristo."

Sabi naman ni Antonio, "More power sa iyo na malalim at bukas ang isipan. Keep up the good work GOD PLEASE BLESS U."

u u u

Ganito naman ang tanong ni Ruel Garbin ng Parañaque, "Sinabi ba ng Bibliya na ''hermeneutics'' ang gamitin sa pagtuturo? Tila yata lalo kang naligaw."

Ruel, ang "hermeneutics" ay HINDI instrumento ng pagtuturo. Ito ang TAMANG pamamaraan ng pagbasa at pag-intindi sa mga bagay na nasusulat -- literatura man o Bibliya.

Sa pamamagitan nito ay inilalagay natin sa TAMANG KONTEKSTO ang mga talata sa Bibliya para makuha natin ang tamang kahulugan nito.

Kailangan ang "hermeneutics" para hindi tayo mahulog sa maling pag-unawa sa mga Kasulatan.

Basahin natin sa 2 Peter 3:16 ang epekto ng maling pag-unawa sa mga sinasabi ng Kasulatan.
Sinasabi rito na may mga sulat ang Apostol na si Pablo "na mahirap maunawaan, na binabaluktot ng mga mangmang at mga hindi matatag, tulad ng ginagawa nila sa iba pang Kasulatan."

Kaya nga kailangan ang pamamaraan na tulad ng "hermeneutics."

Tingnan mo, dahil nagkakanya-kanya ng interpretasyon ang kung sinu-sinong mangangaral (daw) ay nagsulputan ang kung anu-anong relihiyon at samahang pananampalataya.

Marami ang nakabasa at nakapagdugtong-dugtong lang ng talata sa Bibliya ang kung umasta ay sila na ang pinakamarunong sa buong mundo.

u u u

Ganito naman ang tanong ni Taloy ng Bikol kaugnay pa rin sa sinasabi ng Panginoon sa Mt 16:18, "Sa iyong pang unawa, Mr. Bibe, ilan katao ba ang kausap ni Hesus sa Mt 16:18?"

Para hindi tayo malito ay basahin na lang natin ang talata at tingnan natin kung ilan nga ang kausap ni Hesus.

Ganito ang sabi ng Mt 16:18,

"At sinasabi ko sa iyo: Ikaw ay Pedro (Bato) at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA. Hindi makakapanaig sa kanya ang pintuan ng Hades."

Taloy, ikaw na ang magbilang kung "ilan" ang kausap ni Hesus dito.

u u u

Ganito naman ang reaksyon ni Eric Abad ng Taguig sa isinulat ko tungkol sa "Inquisition," "Anong tsismis yung sinabi mo sa inquisition? Inamin na ng Papa ang mga kabulastugan ng Katoliko."

Kung babasahin natin ang "apology" o paghingi ng paumanhin ni Pope John Paul II ay ganito ang kanyang sinabi, "Humihingi kami ng patawad sa pagkakahati-hati ng mga Kristiyano, sa paggamit ng ILAN sa karahasan para maglingkod sa katotohanan, at para sa pag-uugali na kawalan ng tiwala at galit sa mga kasapi ng ibang relihiyon."

Ang sinasabi mong "apology" sa mga nangyari sa "Inquisition" ay ang sinabi ni John Paul na "paggamit ng ILAN sa karahasan para maglingkod sa katotohanan..."

Bilang pinuno ng lahat ng Katoliko ay nagpakumbaba ang Santo Papa at humingi ng patawad para sa kasalanan ng "ILAN" sa mga Katoliko. Tama lang ito dahil ang kasalanan ng "ilang" Katoliko ay hindi dapat ibintang sa LAHAT ng Katoliko.

Ang gusto kasi ng ilang tao ay akuin ng BUONG IGLESIA ang kasalanan ng "ilan" nitong kasapi. Tulad ngayon, may ilang Katoliko na naging adik o nakapatay ay lahat na ng Katoliko ay itinuturing nilang adik at mamamatay tao. Hindi ito tama.

Kung ipapaako natin sa LAHAT ang kasalanan ng "iilan" ay wala nang matinong samahan. Bakit? May samahan ba na makapagsasabi na PERPEKTO ang lahat ng kasapi nila?

Pero tulad nga ng isinulat ko noong Biyernes, kaya nga binuo ng mga Papa ang "Holy Inquisition" ay para hadlangan ang pang-aabuso ng "ilan" na binabanggit ni John Paul.

Noon kasi ay may "ilang" tao na nagpakalat ng mali at marahas na aral.

Para hadlangan ang maling aral ay may "ilang" Katoliko ang gumawa ng marahas na hakbang. Sa kasamaang palad, maging ang mga inosente ay nadamay.

Para maprotektahan ang mga inosente at matiyak na ang mga may kasalanan lang ang mapaparusahan, binuo ng mga Papa ang "Inquisition."

Ang mga napatunayang walang kasalanan ay INILIGTAS at ang mga napatunayan namang may kasalanan ay ipinaubaya na sa batas.

Sa katunayan, daang libo ang INILIGTAS ng Inquisition mula sa maling paghusga. Ngayon, mali ba ‘yon?

Sino ang nagsimula ng maling relihiyon?

Hulyo 13, 2003

IPAHINTULOT ninyo na simulan ko ang column ngayon sa text ni Junith ng Tagum City. Ganito ang sabi niya,

"TY sa pagsagot mo sa tanong ko about Peter being the 1st Pope of the Catholic Church. Now I strongly believe that Catholicism is the true religion."

"I’m so sad lang dahil marami ang hindi naniwala. Lalo na ‘yung ibang religion na binulag na ng mga pekeng mangangaral."

"Tanong ko lang, sino ba ang unang nagpasimuno at nagtatag ng ibang relihiyon para mailigaw ang mga kawawang tao?"

Salamat, Junith. Sabi nga rin ni Rose ng Pasay, "Napaka-simple lang pala kung marunong ang nagpapaliwanag. Hindi tulad ng iba na nakabasa at naka-memorize lang ng Bible ay mangangaral na ang turing sa sarili."

Sabi naman ni Armida ng Tacloban City, "Ang galing-galing mo naman, Cenon. Cenon na lang ang tawag ko sa iyo. Ang feeling ko kasi ay close na tayo sa araw-araw kong pagsubaybay sa column mo."

Salamat, Armida. Pero ang TUNAY na BIDA ay ang Panginoong Hesus na nagkatawang tao, nagbuwis ng buhay, nabuhay na muli at nagtatag ng Iglesia na daluyan ng Kanyang mga biyaya at kaligtasan.

Oo, Rose, madaling maunawaan ang simple, tapat at tuwirang sinasabi ng Banal na Kasulatan. Ang problema ay pag napasukan na ng maling aral ang isip ng isang tao. Ang simple ay nagiging kumplikado at ang matuwid ay nababaluktot.

At doon natin babalikan ang tanong ni Junith. Bakit ba may mga nagliligaw sa katotohanan? Sino ang "pasimuno" nito?

Ang pasimuno, Junith, ay mababasa natin sa aklat ng Genesis.

Sa Gen 1:1-Gen 2:25 ay mababasa natin kung paano nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Mula sa kaguluhan at kadiliman (Gen 1:2) ay pinawi ng Diyos ang kadiliman nang sabihin Niya sa verse 3,

"Magkaroon ng liwanag,’ at nagkaroon ng liwanag."

Tapos ay ginawan Niya ng kaayusan ang lahat ng bagay. Binigyan Niya ng kanya-kanyang lugar ang lahat ng bagay.

Pinaghiwalay Niya ang lupa at "mga tubig" (Gen 1:6-10) at inilagay ang mga dapat ilagay rito mula sa mga tanim hanggang sa mga hayop (Gen 1:11-25.

Sa Gen 1:26 - Gen 2:25 ay nilikha ang tao. Ang sabi pa sa Gen 1:27,

"Kaya nga nilikha ng Diyos ang tao sa kanyang sariling imahen; nilikha niya silang lalaki at babae."

Sila ay inilagay pa sa isang Hardin kung saan lahat ay puwede nilang kanin liban sa bunga ng isang puno – ang Puno ng Kaalaman sa Masama at Mabuti.

Noon ay maganda pa ang relihiyon. Ang salitang ito ay galing sa Latin na "religare." Ang ibig sabihin ng religare ay "itali o igapos."

Noon kasi ay "itinali" ng Diyos ang tao sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng isang relasyon kung saan ang Diyos ang Diyos at ang tao ang tagasunod.

Tandaan natin ito, Junith. Ang Diyos ay ANG DIYOS at ang tao ANG TAGASUNOD. ‘Yan ang KAAYUSAN na itinatag ng Diyos.

Pagpasok ng Gen 3 ay ikinuwento na ang pagsisimula ng pagkasira ng kaayusang ito.

Sabi sa Gen 3:1,

"Ngayon, ang ahas ang mas tuso sa mga hayop na ginawa ng Panginoong Diyos. Sinabi nito sa babae, ‘Sinabi ba talaga ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa anumang puno sa hardin?"

"Sinabi ng babae sa ahas, ‘Puwede kaming kumain mula sa mga puno sa hardin pero sabi ng Diyos: Huwag kayong kakain ng bunga ng puno sa gitna ng hardin at HUWAG NINYO ITONG HIHIPUIN kundi ay mamamatay kayo.’"

"’Hindi kayo mamamatay," sabi ng ahas sa babae. ‘Alam kasi ng Diyos na kapag kumain kayo ay mabubuksan ang inyong mga mata at kayo ay MAGIGING TULAD NG DIYOS na alam ang mabuti at masama.’"

"Nang makita ng babae na ang bunga ng puno ay masarap kainin, katakam-takam sa mata at kaayaaya sa pagkamit ng karunungan, kumuha siya at kumain. Binigyan din niya ang asawa niya na noon ay kasama niya at kumain ito."

Mula roon ay nasira na ang relasyon ng Diyos at tao at dito nagmumula ang lahat ng kaguluhan sa mundo -- maging sa relihiyon.

Ano ang kaugnayan ng mga kaganapan sa Genesis sa mga pekeng mangangaral?

Una ay pansinin mo ang tanong ng ahas nang kausapin nito ang babae. Sabi nito, ‘Sinabi ba talaga ng Diyos na huwag kayong kakain mula sa ANUMANG PUNO SA HARDIN?"

Walang sinabing ganito ang Diyos. Bagkus ang sabi ng Diyos ay PUWEDE sa LAHAT liban sa isa. In short, nilinlang ng ahas ang babae.

Pero nalinlang na ang babae at sumakay pa ito sa tanong ng ahas.

Tama na sana ang sagot ng babae pero punahin mo na dinagdagan pa niya ito ng "HUWAG NINYO ITONG HIHIPUIN."

Nagsimula sa simpleng panlilinlang tapos ay sinamahan ng PAGMAMAGALING.

Sunod ay BINUYO ng ahas ang babae. Sinabi niya rito na kapag kumain sila mula sa puno sila ay "MAGIGING TULAD NG DIYOS."

Nang marinig ng babae na sila ay "magiging tulad ng Diyos" ay naging "masarap kainin, katakam-takam sa mata at kaayaaya sa pagkamit ng karunungan" ang bunga ng puno.

Ang panlilinlang at pagmamagaling ay nasamahan na ng PAGHAHANGAD ng tao na MAGING TULAD NG DIYOS. At sumunod na nga ang pagkasira ng maayos na RELIHIYON.

Ang sumira ay ang ahas na kilala natin bilang ang demonyo. At mula noon ay hindi na tumigil ang demonyo sa pagsira sa tunay na relihiyon.

Makikilala mo ang galamay ng demonyo dahil una ay gumagamit siya ng panlilinlang tulad ng pagbaluktot sa sinasabi ng Bibliya at kung umasta siya ay mas marunong pa siya sa Diyos.

Sa kanila lumalapat ang sabi ni Kristo sa John 8:44,

"Pag-aari kayo ng inyong ama, ang demonyo, at hangad ninyong ipatupad ang gusto ng inyong ama. Siya ay mamamatay tao mula sa pasimula, hindi nanghahawak sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Pag nagsinungaling siya, natural sa kanya iyon, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan."

Kaya mag-ingat tayo sa mga taong ganyan.