Wednesday, June 6, 2012

Ang ‘Ama’ ang nagtayo ng Iglesia?

Hulyo 12, 2003

SABADO na naman kaya ipagpapatuloy natin ang paguusap tungkol sa Iglesiang itinatag ni Kristo sangayon sa Bibliya.

Pero bago ‘yan ay basahin natin ang mga reaksyon ng readers natin na nagpapakilalang si "Timoteo Pablo."

Nagre-react siya sa July 1 column ko kung saan "ipinakita" ko mula sa Bibliya na tama ang paniniwala ko na ang Iglesia Katolika ang itinatag ni Kristo.

Tapos ay idinagdag ko ang ganito: "Ang problema ay hindi ito matanggap ng mga tao na kasapi ng mga iglesia na kailan lang natatag. Sabagay, hindi natin sila masisisi dahil WALA TALAGA SILANG MAKITANG KAUGNAYAN sa GRUPO NILA at sa IGLESIANG ITINATAG NI KRISTO."

So, ganito ang sagot ni "Timoteo Pablo, "MERON! Intindihin mo lang ang 1 John 1:3-4. May pakikisama kami mismo kay Kristo pati sa Ama at mga apostol."

Patuloy pa niya, "Ang Iglesia na nasa Bible NA ITINATAG NG DIOS ang inaniban namin. ‘Di kami nagtatag. WALA kayong MATIBAY na BATAYAN na TOTOO ang Iglesia Katolika Apostolika Romana."

u u u

Para maintindihan natin ang sinasabi ni "Timoteo Pablo" basahin natin ang 1 John 1:3-4 na ganito ang sabi,
"Ipinahahayag namin sa inyo kung ano ang aming nakita at narinig para kayo man ay magkaroon ng pakikipagkapwa sa amin."

"Ang aming pakikipagkapwa ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesu Kristo. Isinusulat namin ito para maging ganap ang aming kagalakan."

Sa pag-unawa ng kahit na anong talata ay kailangang itanong muna natin ang sumusunod: 1) Kailan ito isinulat? 2) Sino ang nagsasalita? 3) Sino ang kausap? 4) Ano ang pakahulugan ng sinasabi ng teksto sa panahon na isinulat ito?

Ang sulat ay tinatayang nagawa sa pagitan ng 90 at 100 A.D. o may 60 o 70 taon matapos ipako sa krus at mabuhay muli ang Panginoon at matatag ang Iglesia.

Sa tradisyon ng Iglesia, ang nagsulat nito ay ang Apostol na si John.

Ang kausap dito ay 1) ang mga kasapi ng Iglesiang itinatag ni Kristo at iba pang INAANYAYAHANG "makipag-kapwa" sa Ama, Anak at mga Apostol.

At ang intensyon ng mga talata ay 1) Pinatatatag ang pananampalataya ng mga kasapi ng Iglesiang itinatag ni Kristo dahil sa mga panahon na iyon nagsulputan ang mga anti-kristo at 2) HINIHIKAYAT ang iba pa na makipag-kapwa kay Kristo.

Ang tanong ko lang kay "Timoteo Pablo" ay SINO SILA sa mga KAUSAP ni John?

Sila ba ‘yung KASAPI na ng Iglesia o sila ‘yung INAANYAYAHAN pa lang?

Mabuti pa ang Iglesia Katolika mapapatunayan sa kasaysayan na nanggaling kay Kristo at sa mga Apostol. Magbasa lang tayo ng kahit na anong matino na History book.

Ang grupo kaya ni "Timoteo Pablo," ano ang maipakikitang katibayan liban sa pag-angkin sa IMBITASYON sa 1 Jn 1:3-4 at sa paggamit sa Bibliya na ang Iglesia Katolika ang nagdeklara na galing sa Diyos?

Nagtatanong lang po tayo.

u u u

Kung noon ay iginigiit nila na hindi si Pedro ang "Bato" sa Matthew 16:18, iba naman ang bagong pahayag nina Peter ng Bacolod City at ni Jorge ng Negros Occidental.

Sabi ni Peter, "Kapatid, hindi naman si Kristo ang nagsasalita sa Mt 16:18 kundi ang AMA! Itaas mo lang sa verse 17 at mauunawaan mo kung sino ang nagsasalita."

Okay basahin natin ang verse 17, "Sumagot si Hesus sa kanya, ‘Pinagpala ka, Simon anak ni Jonas, dahil hindi laman at dugo ang nagpahayag sa iyo nito kundi ang Ama sa langit."

Ang gustong sabihin ni Pedro ay ang Ama ang nagsabi kay Pedro ng mga sinasabi ng Mt 16:18.

Pasensiya ka na, Peter, pero kung sino man ang nagturo sa iyo niyan ay malinaw na inililigaw ka lang.

Hindi naman kasi ang mga sinasabi sa Mt 16:18 ang tinutukoy ni Kristo na ipinahayag ng Ama kay Simon kundi ang mga sinasabi sa Mt 16:16.

At para maunawaan natin ‘yan ay simulan natin ang pagbasa sa mga talata mula sa verse 13.

Ang sabi sa 13 ay "Nang pumunta si Hesus sa lugar ng Caesaria Philippi ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, ‘Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao.’"

Sa 14, "Sumagot sila, ‘Ang iba ay si Juan Bautista, ang iba si Elias, at ang iba si Jeremias o isa sa mga propeta.’"

Sa 15, "Sinabi niya sa kanila, ‘Kayo, ano ang pakakilala ninyo sa akin?’"

Sa 16, "Sumagot si Simon Pedro, ‘Kayo ang Mesias, and anak ng buhay na Diyos.’"

Dito pumapasok ang sabi ni Kristo sa 17 na, "Sumagot si Hesus sa kanya, ‘Pinagpala ka, Simon anak ni Jonas, dahil hindi laman at dugo ang nagpahayag sa iyo nito kundi ang Ama sa langit."

Malinaw na ang sagot ni Simon sa verse 16 ang tinutukoy ni Hesus na ipinahayag ng Ama at HINDI ang sinasabi sa verse 18.

Pag-aralan mo, Peter, baka ang paniniwala mo ay turo ng huwad na mangangaral.

u u u

Heto naman ang sabi ni Jorge, "Yung nagsasalita sa Mt 16:18 ay ang AMA na! Basahin mo sa John 14:10. Itatayo Niya ang Kanyang Iglesia ‘thru’ Christ."

Brod, isa na naman ‘yan ehemplo ng pagkatay ng teksto ng Bibliya para mailigaw ang nakikinig. Tanda ng huwad na aral.

Basahin mo ang mga kasamang talata niyan mula Jn 14:9 hanggang 14 at hindi pagtatayo ng Iglesia ang sinasabi ni Kristo kundi ang pagiging ISA nila ng AMA.

Isa pa, ang Ebanghelyo ni Matthew ay nasulat bandang 70 AD. Samantala, ang John ay nasulat sa pagitan ng 90 AD at 100 AD.

Kung paniniwalaan natin at susundin ang sinasabi mo, una ay lalabas na hindi kumpleto at hindi maiintindihan ang Mt 16:18 kung hindi idudugtong ang Jn 14:10.

Pangalawa, lalabas na sa loob ng 20 taon bago masulat ang John ay "mali" ang pang-unawa ng mga tao sa Mt 16:18 kung saan malinaw na si Hesus ang nagsasalita.

Ang hindi mo alam, Jorge, muntik nang hindi makasama sa Bibliya ang John. Kung nagkaganoon, ibig sabihin tuluyang magiging inutil ang Matthew.

Kaya huwad na aral ang sinasabi mo, Jorge. Sorry. Nalinlang ka ng huwad na mangangaral.

‘Patunay’ na ‘kriminal’ ang mga Santo Papa

Hulyo 11, 2003

NOONG Lunes, ipinangako ko sa inyo na paguusapan natin ang tinatawag na "Holy Inquisition."

Naisip kong talakayin ito dahil marami tayong readers na nagti-text at nagsasabi na "mamamatay tao" ang maraming Santo Papa. At sa aking karanasan, ang "Holy Inquisition" ang madalas na ginagamit na batayan sa ganitong pagbibintang.

Ano ba ang "Inquisition" na ito? Ano ang sinasabi tungkol dito? At sinu-sino ang mga nagbibigay ng kuwento ukol dito?

Unahin natin ang "maling balita" o sinasabi ukol sa "Holy Inquisition."

Ayon sa mga nagkukunwaring "historian," ang "Holy Inquisition" ang "pinakamasama" at pinakamalupit" na krimen sa ngalan ng relihiyon.

Ito rin daw ang ginamit ng Iglesia Katolika at ng mga Santo Papa para patayin at lipulin ang mga kaaway nila.

Sabi naman sa ilang kuwentista ay mula 5 milyon hanggang 50 milyon ang binitay nang dahil sa "Inquisition!"

Ang lahat ng ito, ayon sa karamihan ng nagpapakilalang "historians" ay dahil galit ang Simbahan at ang Papa sa mga Hudyo, Muslim at hindi Katoliko.

Ito raw ang "patunay" na "hindi tunay na sa Diyos ang Iglesia Katolika."

Sinasakyan ng mga mangangaral (daw) ang mga kuwentong ito para patunayan na "masasama" ang mga Papa. Patunay raw ito na "kriminal" ang mga ito.

Sa loob ng maraming taon ay inulit-ulit ang mga kuwentong ito at marami ang kanilang napaniwala.
Pero may katotohanan ba ang mga ito?

WALA. Kung mayroon man silang nasabing totoo ay dapat itong tingnan uli.

Karamihan sa mga sinasabi kaugnay nito ay imbento lang ng mga kaaway ng Iglesia, partikular ng mga sumusuporta sa tinatawag na "Protestant Reformation."

Kaya kung mababasa ninyo ang mga sulat o kuwento ng mga ito kaugnay sa "Holy Inquisition" ay masama ang halos kabuohan nito. Wala halos kayong makikitang mabuti na ginawa ang Iglesia at ang mga Papa.

Pero kung babasahin natin ang mga sulat ng mga tunay na historian na walang interes kundi ang katotohanan ay makikita natin na mali ang mga pinagsasasabi ng mga "kuwentista" na pinagbabatayan ng mga bagong sulpot na mangangaral.

Pero ano pa nga ba ang pagbabatayan ng mga kaaway ng Iglesia kundi ang mga kuwento ng mga galit din sa Iglesia? Ang problema lang ay hindi na katotohanan ang kanilang sinasabi kundi puro na rin lang haka-haka.

Sa pagtutuwid, ano ba ang tinatawag na "Holy Inquisition" at bakit nagkaroon nito?

Mayroong tatlong panahon ng "Inquisition." Una ay nagsimula noong 1184 sa southern France kung saan umusbong ang maling aral ng mga "Catharist" na marahas na tumuligsa sa tunay na aral Kristiyano.

Dahil sa mga maling aral ay maraming lokal na opisyal at mga taumbayan ang nagalit. Inusig nila ang mga "Catharist" na tinawag na mga heretiko. Pinatay ang marami rito na hindi man lamang naihaharap sa imbestigasyon.

Marami ring hindi heretiko ang napatay nang walang dahilan.

Nang makarating ito kay Papa Innocent III ay nasimulan ang ugat ng "Inquisition." Iniutos niya ang pag-iimbestiga para makilala kung sino ang heretiko at kung sino ang hindi.

Pero si Pope Gregory IX ang tunay na nagpasimula ng "Inquisition" nang magtalaga siya ng mga "inquisitors" na siyang titingin kung tunay nga o hindi na heretiko ang isang tao.

Dahil dito, libu-libo ang naligtas sa maling bintang at sa tiyak na kamatayan.

Sa madaling salita, ang "Inquisition" ay nagligtas sa mga tao, hindi nagpahamak sa kanila. Itinatag ito para hadlangan ang "injustice" at hindi para gumawa nito.

Kung mayroon mang nakulong o nabitay, ito ay dahil sa pagmamatigas sa maling aral. Hindi rin ang Iglesia ang nagpabitay sa kanila.

Ang mga napatunayang heretiko ay ipinaubaya sa mga lokal na opisyal na siyang nagbigay ng parusa sa ayon sa lokal na batas. Ang mga "inquisitor" ay walang kapangyarihang magparusa.

Natapos ang "Inquisition" sa France nang matapos ang heresiya ng Catharist noong ika-14 century. Hindi lalampas sa 100 ang nahatulang mamatay.

Ang pangalawang "Inquisition" ay ang "Spanish Inquisition" noong 1478 na biktima ng pinakamalaking kasinungalingan.

Ito ang sinasabi ng mga kaaway ng Iglesia na "pinakamalupit" at "pinakamaraming ipinapatay."

Pero noong 1994 ay ipinakita sa imbestigasyon na ginawa ng British Broadcasting Company na "huwad" ang mga bintang na ito.

Ipinakita ng BBC na ito ay gawa-gawa ng mga Protestante para siraan ang Iglesia sa mga taga-Europa at maisulong ang bago nilang paniniwala.

Totoong may ilang pag-abuso na nangyari pero hindi kasing sama at lawak ng inimbento ng mga Protestante.

Sinasabi ng mga "kuwentista" ng kaaway na inilunsad ang "Spanish Inquisition" para lipulin ang mga Hudyo at Muslim pero hindi ito totoo.

Ang katotohanan ay nilabanan lang ng "Inquisition" ang mga taong nagkukunwaring Kristiyano o mga Hentil na ginagamit sa negosyo ang Iglesia.

Ayon pa sa Hudyong historian na si B. Netanyahu ay ang punong "inquisitor" na si Tomas de Torquemada ang pumigil sa maling pag-uusig sa mga Muslim at Hudyo.

Walang ipinapatay na milyun-milyon. Sa katunayan, gumawa ng paraan si Torquemada para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na makaiwas sa kapahamakan.

Sayang lang dahil hindi natin mailagay ang lahat ng detalye para maipakita ang kasinungalingan ng mga nagpasama sa "Inquisition."

Pero isa ang tiyak, ang gumagamit sa kasinungalingan ay walang karapatan.

Hanggang sa susunod.

Meron na bang tao sa langit sa ngayon?

Hulyo 10, 2003

MAYROON akong iniwan na promise sa inyo kahapon.

Sabi ko ibabahagi ko sa inyo kung saan mababasa sa Bibliya na BUHAY ang mga naniniwala kay Hesus at nasa Langit na sila kapiling ang Panginoon bago pa ang araw ng paghuhukom.

Ipinipilit kasi ng ilang readers natin na "patay" na ang mga naniniwala kay Hesus salungat sa mismong pahayag ng Panginoon sa John 11:25-26.

Sabi kasi ng mga talata,
"Sinabi sa kanya ni Hesus, ‘AKO ang MULING PAGKABUHAY at ang buhay. Ang maniwala sa akin ay MABUBUHAY kahit pa siya mamatay. At sino man ang NABUBUHAY at maniwala sa akin ay HINDI MAMAMATAY."

Sabi ng mga readers natin tulad nitong nagpapakilala na si "Timoteo Pablo," dapat ay "patay" sila dahil saka pa lang sila bubuhayin pagdating sa Araw ng Paghuhukom o sa pagbabalik ng Panginoon.

Naitanong pa ni Timoteo Pablo, "Kung buhay ang mga tumanggap kay Kristo hanggang ngayon sino ang bubuhayin uli pagbalik ni Lord?"

Sasagutin natin kung sino ang bubuhayin pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Pero tingnan muna natin ang sinasabi ko na may mga naniwala kay Kristo na nasa Langit na.

Basahin natin ang Revelations 7:9-17. Sabi sa verse 9-10,
"Matapos ito ay tumingin ako at nakita ko sa aking harapan ang napakaraming tao na walang makabilang. Galing sila sa bawat bansa, tribu, lipi at wika."

"Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero. Nakasuot sila ng puting damit at may hawak na palaspas."

"Sumisigaw sila ng: ‘Ang kaligtasan ay sa ating Diyos na nakaupo sa trono at sa Kordero.’"
 Sino ang mga taong ito?

Ayon sa talatang 15, "Sila ang mga dumaan sa malaking pagsubok. Hinugasan nila ang kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero."

Sino ang Kordero?

Sabi ng verse 17, "Ang Kordero sa gitna ng trono ay magiging PASTOL nila. Sila ay aakayin niya sa mga batis ng buhay na tubig."

Ang Kordero na pastol ay si Hesus na Siya ring tumubos sa mga taong naroroon. Buhay ang mga taong naroon dahil kay Kristo.

Nasaan ang mga taong ito na nakadamit ng puti?

Nasa langit!

Nagkaroon na ba ng paghuhukom kaya sila naroroon?

Wala pa.

Tandaan natin na ang sinasabi rito ay nasa chapter 7, samantala ang Araw ng Paghuhukom ay doon pa sa chapter 20:11-15.

Sa pagitan ng Rev 7 at Rev 20 ay mababasa natin ang marami pang pangyayari sa ibabaw ng daigdig. Dito natin makikita na ang pagsasalarawan ng mga tao sa langit ay bago pa man dumating uli ang Panginoon.

So, may tao na ba sa langit bago pa ang araw ng paghuhukom?

Ayon sa Bibliya ay mayroon na. At sila nga ang mga naniwala kay Hesus kasama si Maria at ang mga santo.

Pero ano ba ang ibig sabihin ng "bubuhayin uli ang mga nangamatay na?"

Ang ibig lang sabihin nito ay titipunin ng Panginoon ang lahat ng tao na "namatay" na sa laman at iyong mga nangabubuhay pa at saka igagawad ang huling paghuhukom o paghihiwalay sa mga nanampalataya at sumunod sa kalooban ng Diyos at sa hindi sumunod sa Kanya.

Ang "pagbuhay" sa mga "nangamatay na" ay sa punto de vista ng mga nabubuhay pa tulad natin ngayon. Pero tulad nga ng sabi ko, namatay lang sila sa katawan pero hindi sa kaluluwa.