Thursday, February 7, 2013

Santo: Ano ba ang papel nila?

Agosto 19, 2003

NAG-TEXT sa atin si Dario San Roque ng Zamboanga City. Ganito ang sabi niya, "Gusto ko lang tanungin ang tungkol sa purgatoryo. Kasi sabi ng mga Protestant wala raw salitang "purgatoryo" sa Bibliya."

Salamat sa text mo, Dario. Sa susunod na sabihin nila sa iyo ‘yon eh tanungin mo kung saan mababasa ang mismong Bibliya sa Bibliya.

Kung hindi nila maipakita, tanungin mo kung dapat pa bang maniwala sa Bibliya dahil HINDI  NAMAN MABABASA ang BIBLIYA sa Bibliya.

u u u

Ganito naman ang sabi ni George Bianes ng 243 Pook Pag-Asa, "Ang paksa mo: May kaibahan ba ang ‘diyus-diyosan’ sa mga imahen o rebulto? Wala at pareho silang katampalasanan sa Diyos."

Hindi ko alam, George, kung saan mo nakuha ang sinabi mo pero paanong magigin "katampalasanan" ang imahen o rebulto kung MISMONG DIYOS ay nagpagawa nito?

Basahin uli natin ang sabi ng Diyos sa Exodus 25:18, "At GUMAWA kayo ng DALAWANG KERUBIN na BINAYO mula sa ginto para sa magkabilang dulo ng takip."

Ayan, George, nagpagawa ng imahen o rebulto ng KERUBIN ang Diyos. Ang ibig bang sabihin ay binastos ng Diyos ang sarili Niya?

At kung tama ang paniniwala mo, maging ang Bibliya ay lalabas na bumastos sa Diyos.

Basahin natin ang sabi ng 1 Kings 6:23, "Sa loob ng sanctuaryo ay GUMAWA siya [si Haring Solomon ang tinutukoy rito] ng isa pares na KERUBIN."

Hindi lang REBULTO ng kerubin ang PINAGAWA ni Solomon. Ganito ang sabi sa verse 29, "Sa mga pader sa paligid ng templo, sa loob at labas ng mga silid, ay NAG-UKIT siya ng KERUBIN, PUNO NG PALMERA at mga BULAKLAK."

Makikita natin, George, na MAY KAIBAHAN ang mga diyus-diyosan sa mga REBULTO at IMAHEN at HINDI SILA KATAMPALASANAN sa Diyos.

Sana ay may naibahagi akong kaalaman sa iyo.

u u u

Kaugnay ng mga imahen at rebulto, ganito naman ang sabi ni Fred Gabagat ng Caloocan City, "Paano mo naman pasusubalian ang nakasulat sa Awit 115:4-8, Roma 1:25, Gawa 14:8-15, 17, 19; 1 Corinthians 12:2; at Apocalypse 9:20-24?"

Salamat sa text mo, Fred. At kung susuriin natin ang sinasabi ng mga talata na binanggit mo, makikita natin na ang tinutukoy sa mga ito ay ang PAGSAMBA sa mga DIYUS-DIYOSAN.

WALA sa mga ito ang NAGBABAWAL sa paggawa ng mga REBULTO o IMAHEN.

Ganito ang sinasabi sa Awit (Psalms) 115:4-8, "Pero ang mga DIYUS-DIYOSAN nila ay pilak at ginto, gawa ng mga kamay ng tao."

"Mayroon silang mga bibig pero hindi nakakapagsalita; mata, pero hindi nakakikita; mayroon silang mga tenga pero hindi nakaririnig; ilong, pero hindi nakaaamoy ..."

"Ang mga gumagawa sa kanila ay matutulad sa kanila at ganoon din sa mga NAGTITIWALA sa KANILA."

Paki pansin, Fred, na ang ang DINIDIYOS dito ay ang mga BAGAY na "PILAK at GINTO."
Ang mga "gumagawa" sa kanila ay doon sa mismong bagay nagtitiwala. ‘Yan naman kasi ang turing sa mga "diyus-diyosan."

Ganyan din ang sinasabi sa 1 Cor 12:2; Apoc 9:20-21.

Sa kabilang dako, ang mga IMAHEN at REBULTO ay HINDI DINIDIYOS. HINDI sa mga ito NAGTITIWALA.

Ang mga ito ay NAGPAPAALALA lang. Ang PAGTITIWALA ay sa Diyos LANG IBINIBIGAY.
WALANG BUHAY ang mga REBULTO at IMAHEN. Mahalaga lang sila dahil NAGPAPAALALA sila sa Diyos at sa mga BAYANI ng Iglesia.

Kaugnay sa sinasabi ng Romans 1:25, HINDI PAMPALIT sa Diyos ang mga IMAHEN at REBULTO. PAALALA lang sila.

Ang LUMIKHA pa rin ang TANGING PINUPURI.

Sa Acts 14:8-19, inakala ng mga tao sa Lystra na nagpakita bilang mga tao ang mga diyos nila na sina Zeus at Hermes. Nagpakita kasi ng milagro sina Pablo at Barnabas.

Kung ang iniisip mo, Fred, ay "sinasamba" ng mga Katoliko ang mga santo, MALING PAG-AAKALA ‘yan.

HINDI SINASAMBA ang mga santo. Tulad nga ng sinabi ni Pablo naniniwala ang mga Katoliko sa sinasabi sa Acts 14:15, "Bakit ninyo ginagawa ito? Kami man ay TAO RIN na tulad ninyo."

WALA tayong mababasa o makikita sa aral Katolika na nagsasabi na DAPAT ITURING na DIYOS ang mga santo.

MGA TAO RIN LANG sila. Si MARIA, si Pedro, si Pablo at lahat ng santo ay MGA TAO LANG. HINDI SILA DINIDIYOS.

Kung TINITINGALA man sila ay dahil may sinasabi ang Bibliya na TULARAN SILA.

Sinasabi ni Pablo sa 1 Cor 4:16, "Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo, TULARAN NINYO AKO."

Sa Hebrews 6:12 sinabi ng Bibliya, "Hindi namin hangad na kayo ay maging tamad kundi ang TUMULAD sa mga NAGMANA ng PANGAKO sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiyaga."

Sino ba ang itong mga NAGMANA na ng PANGAKO? Sila ang mga santo at santa na naging MATAPAT at MATIYAGA sa PANANAMPALATAYA.

Ang mga santo, sa pangunguna ni Birheng Maria ay mga TUNAY NA HUWARAN at DAPAT na TULARAN.

At kaya may mga REBULTO at IMAHEN ay para MAALALA natin ang kanilang mga ginawa sa IKALULUWALHATI ng Diyos.

May ilan na masama, lahat ba masama na?

Agosto 18, 2003

MAY text ang reader nating si Liwayway S. Lipata ng Tondo para kay Linda Sanidad ng Salawag, Cavite.

Nabasa kasi ni Liwayway ang sinabi ni Linda na "Ang mga Katoliko mga mamamatay tao, magnanakaw, switik, mangangalunya kasama ang mga PARI. Nasaan ang aral?"

Pareho kami ng tanong ni Liwayway. Heto ang sabi niya, "Para kay Linda. Ano ang batayan [sa mga sinabi mo]?"

At narito na nga ang sagot ni Linda. Ganito ang sabi niya, "’Di ka naman siguro bulag, G. Bibe para hanapin pa ang batayan. Nakapaligid sa iyo! Maski nakapikit kitang-kita mo."

"Mag-survey ka sa piitan, presinto, sugalan, inuman, mga sangkot sa corruption, bawal na droga. Itanong mo kung ano ang religion nila."

"Tungkol sa ‘di pagtaliko ng Iglesia at kalikasan ni Hesu Kristo, magkasangayon tayo."
"Ukol naman kay Bro. Eli, harap ka sa debate."

Salamat sa mga text ninyo, Liwayway at Linda.

Kaya lang ay nalulungkot ako sa "BATAYAN" na ginamit ni Linda sa pagbibintang sa mga Katoliko.

Unang-una, ano ba ang batayan para masabi na Katoliko o hindi Katoliko ang isang tao? Porke ba sinasabi ng isang tao na Katoliko siya ay Katoliko na talaga siya?

O ang batayan ba ay kung SUMUSUNOD siya o hindi sa mga ARAL ng Iglesia Katolika?

Kung ang batayan kasi ay ang pagsasabi lang ay WALANG MALINIS na samahan.

Isa pa, TAMA BA na ang gawain ng iilan ay IBINTANG na sa LAHAT?

Nakikita ko na naniniwala ka sa grupo ni Eliseo Soriano. Siguro ay napanood mo na kung paano INAGAW ng ISANG OPISYAL ng samahan na iyan ang ASAWA ng isa pang miyembro.

Sa katunayan, ang MANG-AAGAW ay KAPATID pa ng isa sa mga OPISYAL ni Soriano.

Hindi lang ‘yon. Mismong si Soriano at ang KAPATID ng MANG-AAGAW ng ASAWA ang tumawag doon sa MANG-AAGAW na KALUNYERO o MANGANGALUNYA.

ISANG OPISYAL ng samahan ang NANGALUNYA at NANG-AGAW ng asawa ng isang miyembro.

Ang pangyayaring iyon ay INULIT-ULIT pa sa TV at NAKITA ng LAHAT.

Ngayon, ang ibig mong sabihin, Linda, ay PUWEDE NANG SABIHIN na ANG MGA MIYEMBRO NG ANG DATING DAAN AY MGA KALUNYERO?

Ayan, MALINAW na BATAYAN iyan na may NANGALUNYA sa mga tao ni Soriano. Sila mismo ang NAGBIGAY ng BATAYAN.

Isa pang insidente ng PANGANGALUNYA sa grupo ni Bro. Eli. May miyembro riyan na ARTISTA na NAKIKISAMA bilang ASAWA sa isa pang artista na MAYROON NANG NAGING ASAWA. Hindi sila kasal.

Sa katunayan ay mayroon na silang mga anak na KAMBAL PA sa kabila na HINDI SILA KASAL.
O, hindi ba PANGANGALUNYA ‘YON?

NGAYON, PUWEDE na bang sabihin na KALUNYERO at NAKIKISAMA sa may asawa ang mga miyembro ng Ang Dating Daan?

At dahil naniniwala ka rin kay Bro. Eli, ang ibig mo bang sabihin ay KASAMA KA sa mga KALUNYERO at NAKIKISAMA sa MAY ASAWA?

HINDI. Magiging UNFAIR ito sa LAHAT ng miyembro ng samahan ni Soriano na sabihin ang ganoon.

HINDI PUWEDENG LAHATIN ang mga miyembro dahil lang may ilang miyembro rin daw na gumagawa ng hindi tama.

Nakikita mo ba ang punto, Linda?

Ngayon, kung IGIGIIT MO ang PAGBIBINTANG sa lahat ng KATOLIKO dahil may ilang NAGSASABING Katoliko sila na nakakulong o gumagawa ng masama, LALABAS NA KALUNYERA KA RIN kung miyembro ka na ni Eli.

Uulitin ko lang ang sabi ng Panginoon sa Matthew 7:1-2.

Sabi sa mga talata, "HUWAG KAYONG HUHUSGA o kayo man ay huhusgahan. Dahil kung PAANO KAYO HUMUSGA sa iba KAYO MAN AY HUHUSGAHAN. At ang panukat na inyong gagamitin ay GAGAMITIN DIN SA INYO."

Sabi mo, Linda, mag-survey ako sa mga kulungan at presinto. Ang sinasabi mo ba ay NAG-SURVEY ka na at NALAMAN mo na LAHAT ng NAKAKULONG at mga KRIMINAL ay mga Katoliko LANG?

Huwag mo sanang sabihin na ang BATAYAN mo ay HAKA-HAKA mo lang dahil SERYOSO ang mga bintang mo laban sa mga Katoliko.

Ngayon, sa kabila ng mga PAGGIGIIT mo na mga kriminal ang mga Katoliko, NANINIWALA ako na NAIMPLUWENSIYAHAN ka lang ng MALING ARAL.

NANINIWALA ako na NABAHIRAN ka lang ng "MASAMANG LEBADURA" na nag-uudyok sa iyo na maging MAPANGHUSGA at MAPANIRANG PURI.

Makinig tayo sa sinasabi ng Panginoon sa Matthew 7:1-2 at HINDI SA MALING ARAL.

Ngayon, sa isyu ng debate kay Bro. Eli. Hindi mo marahil alam na IPINAGBABAWAL ng Bibliya ang uri ng debate na ginagawa ng grupo niya.

Sabi sa 2 Timothy 2:23, "HUWAG kang MAKIKISALO sa mga hangal at mangmang na PAGTATALO dahil alam mong nagbubunga lang ang mga ito ng pag-aaway-away."

Walang hahantungang mabuti ang ganyang mga pagtatalo.

Pansinin mo, ang nananalo lang sa ganyan ay ang MAGALING MANG-ASAR at MAMILOSOPO. Nananalo siya dahil MAGALING siyang MAKIPAGTALOat HINDI dahil tama siya.

Rosaryo, kontra Bibliya raw; totoo ba?

Agosto 17, 2003

KAHAPON ay pinag-usapan natin ang pagiging BIBLICAL ng Santo Rosaryo.

Ipinakita ko na ang mga NILALAMAN nito ay GALING sa Bibliya.

Ipinakita ko na ang PUSO at SENTRO ng Rosaryo ay katulad ng PUSO at SENTRO ng Bibliya. At ‘yan ay wala nang iba kundi si KRISTO HESUS.

Noong unang panahon, ang Rosaryo ang ginamit ng mga Kristiyano bilang "Bibliya."

Nung panahon kasi noon ay NAPAKAMAHAL pa ng Bibliya at KOKONTI ang tao na mayroon nito. Kadalasan ay matatagpuan ang Bibliya sa loob lang ng mga monasteryo, simbahan at sa mga bahay ng mayayaman.

Hindi pa kasi noon naiimbento ang "printing press" at ang bawat kopya ng Bibliya ay ginagawa sa pamamagitan ng sulat kamay.

Kaya diyan ninyo mai-imagine kung gaano lang karami ang Bibliya na nasa sirkulasyon.

Idagdag pa natin diyan ang katotohanan na marami ang mga tao noon na HINDI NAKAPAG-ARAL.

So, paano nila nalaman ang mga sinasabi ng Bibliya? Ginamit nila ang Santo Rosaryo.

Kaya nga puwedeng sabihin na ang Rosaryo ang "Bibliya" ng mahihirap at ng mga walang pinag-aralan.

At kung wala ang Rosaryo ay mas marami pa tiyak ang naging MANGMANG sa ginawang pagliligtas ni Hesu Kristo.

Kaya nga kung minsan ay kinikilabutan ako sa ginagawang panlalait ng ilang BAGONG LITAW na mangangaral sa Rosaryo.

Dito ay gusto kong balikan ang tanong kahapon ni Dante Paulino ng Calbayog City.

Itinanong niya, "Bakit maraming aral sa Iglesia Katolika na labas sa utos ng Bibliya? Halimbawa ‘yung pagdarasal nang pabalik-balik."

Ang tinutumbok ni Dante ay ang paggamit ng mga Katoliko ng Rosaryo.

Ang batayan ng sinasabi ni Dante ay ang sinasabi ng King James Version at ng Magandang Balita Bibliya sa Matthew 6:7.

Kung babasahin natin ang sinasabi ng talata batay sa KJV at MBB ay ganito ang mababasa natin, "At kung kayo ay magdarasal, huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang PAULIT-ULIT na mga panalangin tulad ng mga Hentil..."

Pero kung ang babasahin natin ay ang New International Version o NIV ay ganito naman ang sinasabi ng talata, "At kung kayo ay magdarasal, huwag kayong DUMALDAL na parang mga pagano na nag-iisip na sila ay maririnig sa pamamagitan ng kanilang MARAMING SALITA."

Kung papansinin ninyo ay magkaiba ang salin. Magtataka pa kayo dahil PAREHONG SALIN-PROTESTANTE ang KJV at NIV.

Pero dahil malaki ang pagkakaiba nila, ibig sabihin ay mayroong MALI at mayroong TAMA sa mga translation na iyan.

Alin ang TAMA?

Ang TAMA ay ang NIV. At ang MALI na salin ay ang KJV at MBB na noon pa ay sinasabi ko nang MALI-MALI ang pagka-translate mula sa ORIHINAL na GRIEGO.

Heto ang isang patunay. Sa orihinal na talata sa Griego, ang salita na makikita sa talata ay "battologeo."

Ang TAMANG SALIN ng "battologeo" sa Pilipino ay "DUMALDAL" o gumamit ng MARAMING SALITA na walang katuturan.

Diyan ay makikita natin na ito ay mas malapit sa salin ng NIV.

Ngayon, ano ang punto? Ang punto ay ginagamit ng mga kontra sa Rosaryo at sa nobena ang MALING salin ng Bibliya.

Ang Rosaryo raw ay "walang kabuluhang PAULIT-ULIT na panalangin" na binabanggit sa maling translation ng Bible.

Tama ba ‘yon? Kung mali ba ang translation ay magiging tama ang pagkakaintindi at ang paniniwala na magmumula rito?

Siyempre, mali rin. Kaya nga may mga tao na naliligaw sa paniniwala na ang Rosaryo ay walang katuturang paulit-ulit na dasal.

Kung pupunahin ninyo, HINDI ang PAULIT-ULIT na dasal ang ipinagbabawal kundi ang mga dasal na MARAMING SALITA ang ginagamit.

Isang "key word" sa orihinal na Griego ng Mt 6:7 ay "polylogia." Ang ibig sabihin nito ay "poly" o marami at ang "logia" ay salita. In short, "MARAMING SALITA."

Sa Rosaryo ay ILANG SALITA LANG ANG GINAGAMIT dahil inuulit-ulit ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at ang Luwalhati.

Ang Ama Namin ay ang mismong dasal na itinuro ni Hesus sa Mt 6:9-13.

Ang Aba Ginoong Maria ay ang pinagsamang PAHAYAG ng anghel Gabriel sa Luke 1:28 at ni Elisabet (na PUNO ng Espiritu Santo) sa Luke 1:42.

Kaya nga makikita natin na mismong mga DASAL na ginagamit sa Rosary ay NAPAKA-BIBLICAL.

Samantala, ang Luwalhati ay papuri sa tatlong persona ng Diyos.

Sino ang nagsasabi na walang katuturan ang ulit-ulitin ang mga Biblical at makatuturang mga salita na ito?

Siguro kung kaaway ka ng Diyos ay ituturing mong mali ang pag-ulit ng mga salita mula sa Bibliya o ng papuri sa Diyos.

Hindi rin nila alam na sa Langit ay paulit-ulit na ang ginagawang papuri sa Diyos.

Sabi nga sa Revelation 4:8, "Ang bawat isa sa apat na nilalang ay may anim na pakpak at puno ng mga mata. ARAW at GABI ay HINDI SILA TUMITIGIL SA PAGSASABI ng ‘Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan na siyang nakalipas, kasalukuyan at darating pa.’"

So, nakikita natin na ang Rosaryo ay HINDI LANG BIBLICAL na dasal at gawain kundi PATIKIM pa sa gagawin nating papuri sa Diyos pagdating natin sa Langit.

Rosaryo: May batayan ba sa Bible?

Agosto 16, 2003

NITONG mga nakaraang Sabado at Linggo ay pinag-usapan natin sa column na ito ang tungkol sa Bibliya, partikular sa Bibliyang BINAWASAN at Kasulatan na ginamit ni Kristo at ng mga Apostol.

Sa pag-uusap natin may mga nag-text at nagsabi na BOBO raw ang mga Katoliko sa Bibliya at hindi raw tinuturuan ang mga Katoliko tungkol sa mga Banal na Kasulatan.

Mayroon din namang nagsabi na hindi raw alam ng mga Katoliko ang mga laman ng Bibliya.

Kung ang sinasabi ng iba ay hindi magawa ng karamihan ng mga Katoliko na magmemorya ng mga kapitulo at talata mula sa Bibliya, tama sila. PERO HINDI ‘YON KABOBOHAN.

Ang hindi alam ng mga hindi Katoliko ay napakaraming Katoliko ang ALAM ang NILALAMAN ng Bibliya.

Ang iba ay ARAW-ARAW pa itong INUULIT-ULIT. At Ang iba pa ay ginagamit pa ang LAMAN ng Bibliya para sa DASAL.

Ang tinutukoy ko rito ay ang Santo Rosaryo na TUNAY na BIBLICAL.

u u u

Tiyak na may mga tao na tumaas ang kilay nang banggitin ko ang Santo Rosaryo. Isa kasi ito sa mga TINUTUTULAN at BINABATIKOS ng maraming hindi Katoliko.

Isa na riyan marahil si Dante Paulino ng Calbayog City na nagsabi, "Bakit maraming aral sa Iglesia Katolika na labas sa utos ng Bibliya? Halimbawa ‘yung pagdarasal nang pabalik-balik."

Malamang ang tinutukoy ni Dante ay ang pagdarasal ng Rosaryo.

Maganda ‘yang punto na ‘yan ni Dante pero hindi ko muna ‘yan sasagutin ngayon. Pasensya na.

Sa ngayon ay gusto ko lang ipakita na kung gaano kalalim ang PAGMAMAHAL ng mga Katoliko sa mga nilalaman ng Bibliya, partikular ang MAGANDANG BALITA ng Panginoong Hesus.

u u u

Bakit at paano ko nasasabi ang mga bagay na ito? Mayroon bang batayan dito?

Para masagot ‘yan, alamin natin kung ano ang Santo Rosaryo?

Ang Rosaryo ay isang MEDITATION o PAGNINILAY sa BUHAY, KAMATAYAN at MULING PAGKABUHAY ni Hesus.

Kasama ring pinagninilayan dito ang buhay ni Birheng Maria.

Sa simpleng salita, sa pamamagitan ng Rosaryo ay INAALALA at TINUTUTUKAN ng pansin ng isang tao ang mga pangyayari sa buhay ng Panginoong Tagapagligtas at ng Kanyang ina.

Sa Bibliya, MAHALAGA ang PAG-ALALA. Sabi sa 2 Timothy 2:8, "ALALAHANIN ninyo si Hesu Kristo, binuhay mula sa patay, nagmula kay David. ITO ANG AKING EBANGHELYO."

Sa Rosaryo ay INAALALA si Hesus. Sa Rosaryo, si KRISTO ang EBANGHELYO.

u u u

Sa unang bahagi ng column na ito ay sinabi ko na TUNAY na BIBLICAL ang pagrorosaryo. Paano ito nangyari?

Kung titingnan natin ang Rosaryo, makikita natin na ito ay binubuo ng mga MYSTERYO.

Marami sa mga Katoliko ay pamilyar sa tatlong mysteryo ng Rosaryo. Ang mga ito ang Mysteryo ng Tuwa (Joyful), Hapis (Sorrowful) at Luwalhati (Glorious).

Kamakailan ay dinagdagan ni Pope John Paul II ang mga ito ng isa pa. Ito ang Mysteryo ng Liwanag (Light).

Ang bawat isang mysteryo ay patungkol sa isang bahagi ng BUHAY ni HESUS. Ang ilan ay patunkol sa Kanyang ina. At ang lahat ng ito ay may batayan sa BIBLIYA.

Bilang katunayan, isa-isahin natin ang mga ito.

Sa Mysteryo ng Tuwa ay:
1) Ang "Annunciation" o Pagpapahayag na magdadalantao si Maria kay Hesus. Ito ay galing sa Luke 1:26-28.

2) Ang "Visitation" o Pagbisita ni Maria sa pinsan niyang si Elizabeth na inilalahad sa Luke 1:39-45.

3) Ang "Nativity" o Kapanganakan ni Hesus na nasa Luke 2:1-20.

4) Ang Pagpiprisinta sa sanggol na Hesus sa templo. Mababasa ito sa Lk 2:22-38.

5) Ang Pagkakatagpo sa batang Hesus sa templo matapos itong mawalay sa Kanyang mga magulang. Ang kuwento ay nasa Luke 2:41-50.

Sa Mysteryo ng Liwanag ay:
1) Ang Binyag ni Hesus sa ilog Jordan ayon sa Matthew 3:17.

2) Ang Kasal sa Cana kung saan unang gumawa ng milagro si Hesus. Ito ay nasa John 2:1-12.

3) Ang Pagpapahayag ni Hesus ng Kaharian ng Diyos sangayon sa ulat ng Mark 1:15.

4) Ang "Transfiguration" o Pagbabagong Anyo ni Hesus na nasa Luke 9:29.

5) Ang Pagtatatag ni Hesus ng Eukaristiya o Banal na Misa ayon sa Matthew 26:17-29.

Sa Mysteryo ng Hapis ay:
1) Ang Pagdadalamhati ni Hesus sa Hardin ng Getsemane na nasa Matthew 26:36-46.

2) Ang Paghagupit kay Hesus. Matatagpuan ito sa Mark 15:1-16.

3) Ang Pagpapataw ng koronang tinik kay Hesus na inilalahad ng Matthew 27:27-31.

4) Ang Pagbuhat ni Hesus ng Kanyang krus. Ito ay mababasa sa Mark 15:20-22.

5) Ang Pagkakapako at Pagkamatay ni Hesus sa krus sangayon sa kuwento ng Luke 23:33-46.

Matapos ito ay ang mga Mysteryo ng Luwalhati.
1) Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus na nasa Matthew 28:1-10.

2) Ang Pag-Akyat ni Kristo sa Langit. Mababasa sa Luke 24:44-53.

3) Ang Pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol na nasa John 14:15-21.

4) Ang "Assumption" o ang Paniniwala na umakyat si Maria sa Langit sa katawan at kaluluwa.

5) Ang Pagkorona kay Maria bilang Reyna ng langit at lupa. Ang ginagamit na batayan ay Revelation 12:1.

Ang PUSO at SENTRO ng Bibliya ay si Kristo na Siya ring PUSO at SENTRO ng Rosaryo.
Kaya kung may magsasabi na hindi biblical ang Rosaryo ay hindi niya alam ang kanyang sinasabi.

Sangayon ba ako na tao lang si Kristo?

Agosto 15, 2003

MAY text si Benjie A. ng San Jose, Antique. Sabi niya, "Mabuti pa ang mga Muslim nagkakaisa. Tayo parang mga Demonyo. ‘Di ako Katoliko. Sa mga Iglesia: Kung batuhin ka ng bato, batuhin mo ng tinapay."

Salamat sa malasakit mo sa pagkakaisa ng mga Kristiyano. Sana rin ay masasabi ko na nagkakaisa ang lahat ng naniniwala sa Panginoon.

Kaya lang ay hindi ganoon kasimple ang mga bagay-bagay, Benjie.

Ayon sa Bibliya, "marami ang LILITAW" para paghati-hatiin ang mga tagasunod ni Kristo.

Mismong ang Panginoong Hesus ang nagsabi nito sa Matthew 24:11, "at maraming huwad na propeta ang lilitaw at lilinlang sa maraming tao."

Kaya nga sabi sa Romans 16:17, "Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid, magbantay laban sa mga gumagawa ng paghahati-hati at naglalagay ng balakid sa inyong daanan na salungat sa mga aral na inyong natutunan. LAYUAN ninyo sila."

Ang layunin ng mga HUWAD na propeta at mga BAGONG LITAW ay paghati-hatiin ang mga tagasunod ni Kristo. Mga pakawala ‘yan ng DEMONYO para guluhin ang Iglesia dahil ‘yon talaga ang trabaho ng DIABLO.

Kung may pagkakahati-hati man ay dahil KUMIKILOS ang demonyo sa ating mundo. Ito ay totoo hindi lang sa Kristiyanismo kundi kahit sa Islam na sinasabi mo.

Sa pagkakaalam ko ay hindi totoo na nagkakaisa ang mga Muslim. Sa Pakistan ay nagpapatayan din ang mga Muslim.

May dalawang malaking grupo ng mga Muslim na nagtutunggali rin. Ito ang mga Sunni at Shiite. Makikita mo ‘yan sa Iraq at Iran na hati dahil sa relihiyon.

Pero hindi ‘yon ang mahalaga. Ang mahalaga ay kumilos ang mga nakakaalam at nagmamalasakit para MAGKAISA ang mga kumikilala kay Kristo. At mangyayari lang ito kung magkakaintindihan at magkakaunawaan sa pamamagitan ng PALIWANAGAN at RESPETUHAN.

‘Yan ang layunin ng column na ito: ang ituwid ang kamalian na ikinakalat ng iba laban sa Iglesia Katolika at ipahayag ang katotohanan sa mga aral nito.

‘Yan ang sinasabi mo, Benjie, na PAGBATO ng TINAPAY sa BUMABATO ng BATO.

Ang KATOTOHANAN tungkol sa Iglesia Katoliko at sa mga aral nito ang "TINAPAY" na "IBINABATO" natin sa mga tao "BUMABATO" ng "BATO" o KASINUNGALINGAN laban dito.

Madalas ko nang sabihin na marami sa mga BUMABATIKOS sa mga Katoliko ay BIKTIMA ng mga HUWAD na PROPETA at mga BAGONG LITAW na mangangaral.

Marami sa bumabatikos na ito ay NALINLANG lamang kaya kailangan natin silang MAPALIWANAGAN.

Sa ganoon ay magkakaroon ng UNAWAAN at matupad ang panalangin ng Panginoon sa John 17:11.

Sabi ng talata, "Banal na Ama, pangalagaan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan – ang pangalan na ibinigay mo sa akin – para sila ay maging ISA kung paanong tayo ay ISA."

u u u

Follow up ito sa text ni Linda Sanidad na lumabas noong Aug. 8. Noon ay ganito ang sabi niya, "Ang mga Katoliko mga mamamatay tao, magnanakaw, switik, mangangalunya kasama ang mga PARI. Nasaan ang aral?"

Nakiusap ako sa kanya na "Huwag sana tayong masyadong mapaghusga sa ating kapwa." Sa sinabi kasi ni Linda ay lumalabas na LAHAT ng Katoliko ang tinutukoy niya.

Dahil diyan ay nag-text siya uli na ganito ang sinabi, "Para ka rin INC, iniiba ang tema. Hindi ko sinabi na LAHAT ng mga Katoliko. Hindi maituturing na mapanirang puri KUNG MAY BATAYAN!"

Dagdag pa ni Linda, "Sabi mo walang dapat pagtalunan ang Iglesia Katolika at Iglesia ni Cristo. Samakatuwid sumasangayon ka na TAO si Jesus Christ? O galit ka lang kay Bro. Eli kaya ganun?"

Siguro naman, Linda, ay nababasa mo sa itaas ang una mong itinext sa akin. Nababasa rin ‘yan ng mga readers natin.

Kayo na po ang magsabi kung ano ang pagkakaintindi ninyo sa mga sinabi ni Linda.

Sabi ni Linda ay hindi paninirang puri ang sinabi niya "kung may batayan."

Ano kaya ang batayan na iyon?

Paki-text lang ang batayan mo, Linda, dahil UNFAIR na husgahan ang iba na hindi klaro ang batayan. Hihintayin natin ito.

Samantala, kaugnay sa sinabi ko na walang dapat pagtalunan ang Iglesia Katolika at INC, maliwanag naman na sinabi ko anu-ano ang hindi nila pagtatalunan.

Kung babalikan mo ang isyu ng Aug. 8, Linda, ay makikita mo na ang topic ay dapat daw supalpalin ko ang INC dahil sinasabi raw ng mga ito na "naitalikod" ang Iglesiang itinatag ni Kristo at tungkol sa "inquisition."

Una, sinabi ko na matagal ko nang naipaliwanag na HINDI PUWEDENG MAITALIKOD ang Iglesia.

Pangalawa, sinabi ko na ang Iglesia Katolika ay ITINATAG ni Kristo. Ang INC ay itinatag ni Felix Manalo. Sa katunayan, nitong July ay nag-celebrate ang INC ng ika-89 founding anniversary nila.

Pangatlo, ang Iglesia Katolika ay itinatag noon pang UNANG SIGLO. Ang INC ay itinatag noon lang 1914.

So, ano ang pagtatalunan doon?

Hindi pinag-usapan ang pagka-Diyos o pagka-tao ni Kristo.

Pero kung interesado ka, Linda, ang paniniwala ng Iglesia Katolika sa kalikasan ni Hesus ay Siya ay TOTOONG TAO at TOTOONG DIYOS.

Kung paano nangyari yan ay ipaliliwanag ko sa mga susunod na pagkakataon.

Galit lang ba ako kay Soriano?

Hindi. Kailan man ay hindi ako nagalit kay Soriano.

Galit ako sa PAGMAMARUNONG niya patungkol sa Katolisismo at Iglesia Katolika. Galit din ako sa mga KASINUNGALINGAN niya laban sa mga Katoliko.

Roma 16:16 sino ang tinutukoy?

Agosto 14, 2003

BAGO ang lahat ipahintulot po ninyo na pasalamatan ko ang mga nag-text at nagbigay ng kanilang mga mensahe.

Unahin po natin si Chris SJ ng EP-Village, Taguig. Sabi niya, "More power to you C. Bibe and to your column."

Sabi ni Boboy Amante Aguinaldo ng Tigaon, Camarines Sur, "Salamat sa maayos at malinaw na paliwanag tungkol sa Pasko. (Aug. 6 issue)"

Ganito naman ang sabi ni Ed Diasco ng Proj. 4, QC, "I am amazed by the manner you answer critics of the Catholic Faith. You always explain in utmost clarity. GLORY TO GOD!"

Sabi naman ni Rosie Mateo ng Vito Cruz, Manila, "Ikaw ba si Cenon Bibe Jr? ‘Yang nasa larawan? Anong relihiyon mo? Mahusay ang paliwanag mo noong Aug. 5. (issue tungkol sa binyag ng bata)"

Salamat sa inyo, Chris, Bobby, Ed at Rosie. Ang panalangin ko ay dumami pa ang mga tulad ninyo na nakikinabang sa paglalahad natin ng KATOTOHANAN sa column na ito.

Pero ang kapurihan po ay hindi sa akin kundi sa DIYOS. PURIHIN ANG DIYOS!

Rosie, ako ay isang Katoliko Romano.

u u u

May komentaryo si Phay Timtiman ng Tanay, Rizal, kaugnay sa sabi ni John F. ng Talon, Las Piñas, na ginagawa ko raw "bobo" ang mga tao kaya doon daw ako magtanong kay Eli Soriano.

Sabi ni Phay, "Lalong walang aral kay Bro. Eli kasi katay-katay ang style nila. Malayo sa topic at panahon. Inililigaw niya ang mga tao. Pilosopo pa siya."

Salamat naman at nag-text ka uli, Phay. Natutuwa ako na nariyan ka pa at sumusubaybay.

Sana ay patuloy na magamit ng Diyos ang column na ito para maihatid ang Kanyang mga aral at katotohanan.

u u u

Heto naman ang sabi ni Nilo ng FTI, Taguig, "Ang masasabi ko lang sa grupo ni Soriano eh magaling MAGMURA at MAGMAGALING. Tama po ba ako? Dapat ay magsiyasat din sila. Hoy gising!"

Nilo, mayroon tayong puwedeng gawin para matulungan ang ibang tao.

Ang una ay puwede nating ipakilala sa kanila ang column na ito sa TUMBOK at i-encourage sila na magtanong.

Puwede natin itong gawin sa pamamagitan ng pagbibigay ng kopya sa kanila o pagsasabi na puwede silang magtanong dito.

Sa ganoon ay TUMUTULONG tayo sa PAGPAPAHAYAG ng mga KATOTOHANAN ng Panginoon.

Hindi natin kailangang makipag-debate sa kanila o makipag-diskusyon. Ang KATOTOHANAN ang MAGPAPALAYA sa ating lahat.

Ang pangalawang paraan ay IPAGDASAL natin sila at hilingin sa Diyos na bigyan sila ng kaliwanagan.

Panalangin ang ating armas dahil ang kalaban natin ay mga "espiritu" rin.

Sabi nga sa Ephesians 6:12, "Ang ating pakikibaka ay hindi sa laman at dugo kundi laban sa mga namumuno, laban sa kapamahalaan at laban sa makapangyayarihan sa madilim na daigdig na ito at laban sa mga hukbong ESPIRITWAL ng kasamaan sa dako ng kalangitan."

Magsama-sama tayo laban sa HUKBO ng KADILIMAN na nagkalat na ngayon at NAGLILIGAW ng mga tao mula sa katotohanan.

u u u

May reaksyon si Miki P. ng Pasay City sa isinulat ko na ang Iglesia Katolika ang itinayo ni Kristo.

Ganito ang sabi niya, "Mr. Cenon, bakit di n’yo po subukan basahin ang Roma 16:16 kung totoong ang Katoliko ang itinayo ni Kristo? Basahin n’yo rin ang tungkol sa pagkain ng dugo?"

Para maganda ay basahin natin ang Roma 16:16. Eto ang sabi ng talata, "Magbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik. Ang lahat ng iglesiya ni Cristo ay bumabati sa inyo."

Pansinin natin, Miki, na may sinasabihan si Pablo sa talatang ito. Sabi niya, "magbatian KAYO ..." Sino ang "kayo" rito?

Kung titingnan natin, ang sulat ay para sa mga taga-ROMA o ROMANS.

Ayon kay Pablo, na ang mga ROMANO ay binabati ng LAHAT ng IGLESIA ni Kristo.

Anu-ano ‘yang mga "iglesia" na ‘yan? ‘Yan ang nasa Corinto, Efeso, Tesalonika, Galacia at iba pang iglesia ng Diyos na kalat sa mundo.

LAHAT ng mga iglesia ay BUMABATI sa mga taga-ROMA. Ito ay tanda ng malaki nilang paghanga sa mga ROMANO Kristiyano.

Kung titingnan natin ang lahat ng mga sulat sa Bagong Tipan, TANGING ang IGLESIA sa ROMA ang BINATI ng LAHAT NG IGLESIA ayon sa Roma 16:16 na binabanggit ni Miki.

Bakit Roma lang?

Ang dahilan ay nasa simula ng sulat ni Pablo. Sa Romans 1:8.

Ganito ang sinasabi rito, "Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo para sa inyong lahat dahil ang INYONG PANANAMPALATAYA ay IPINAHAHAYAG sa BUONG MUNDO."

Kaninong pananampalataya ang ipinahahayag sa buong mundo?

Eh di sa mga ROMANO. Napakalinaw, hindi ba Miki?

Sa salitang Griego, ang "buong mundo" ay nangangahulugan din ng salitang "KATOLIKOS" o CATHOLIC sa Ingles.

So, makikita natin sa Roma 1:8 na ang PANANAMPALATAYA pala ng mga ROMANO ay KATOLIKO.

Ngayon, kung ang pananampalataya ng mga Romano ang ipinapahayag sa buong mundo, ito ang HUWARAN o TINUTULARAN ng lahat ng iba pang iglesia.

At ‘yan ang dahilan kung bakit BINABATI sila ng LAHAT ng mga iglesia ni Kristo sa Roma 16:16.

Tama si Miki, mula sa Roma 16:16 ay makikita natin kung ano ang IGLESIANG ITINAYO ni Kristo. At ‘yan ay ang IGLESIA ROMANA na siya rin ay KATOLIKO.

Salamat sa pagpapakita mo ng bagay na ito, Miki.

‘Yung tungkol sa dugo ay sasagutin natin sa susunod.

Pari binabawalan bang mag-asawa?

Agosto 13, 2003

NAG-TEXT sa atin si Romatz ng Biñan, Laguna. Sabi niya, "Alam mo, Mr. Bibe, ako’y natatawa na lamang sa iyong mga paliwanag (paliwanag ba o palabo?). Sabagay hindi ‘yan nakakapagtaka."

Mayroon pang ibang kasama itong text ni Romatz pero ipagpaumanhin po ninyo na hindi na ito pumasok.

Hinahanapan po namin ng solusyon itong paputol-putol ng pasok ng text ninyo. In the meantime, puwede po kayo na ang magputol-putol ng inyong mensahe at paki-send nang hiwa-hiwalay.

Tungkol naman sa natanggap nating text ni Romatz, salamat sa komentaryo pero sana ay na-specify mo kung ano ‘yung "lumabo."

Sabagay, siguro ay kasama ‘yon sa naputol na mensahe. Kaya kung maaari ay paki-text na lang uli.

u u u

Ganito naman ang sabi ni Alembert Alonzo ng GMA, Cavite, "Maitanong ko lang tungkol sa mga rebulto. Bakit halos lahat na yata ng santo eh may rebulto, ‘di ko na nga kilala ‘yung iba?"

Duda ako kung LAHAT ng santo ay may rebulto pero ang alam ko ay marami talaga ang mayroon.

Pero hindi naman ang rebulto o ang imahen nila ang mahalaga. Ang MAHALAGA ay MAKILALA natin sila at MATULARAN ang kanilang GINAWA PARA SA PANGINOON.

Sila kasi ang PATUNAY na MAY GANTIMPALA sa PAGSUNOD, PAGMAMAHAL at PAG-AALAY ng BUHAY sa DIYOS.

Ang itinuturo ng mga BAGONG LITAW na mangangaral ay NAMAMATAY ang mga NANINIWALA at NANANAMPALATAYA kay Kristo.

Sa Iglesia Katolika HINDI NA MAMAMATAY ang NANINIWALA at NANANAMPALATAYA kay Hesus.

Ang mga santo ang patunay na sa IGLESIA KATOLIKA NAGKAKATOTOO ang pangako ng Panginoon sa John 11:25-26.

Ganito ang sabi ng talata, "Sinabi ni Hesus sa kanya: Ako ang muling pagkabuhay at buhay. Ang maniwala sa akin ay MABUBUHAY KAHIT PA siya MAMATAY. At sino man ang nabubuhay at naniwala sa akin ay HINDING-HINDI MAMAMATAY."

Sa dulo ng talata ay itinanong ni Hesus, "NANINIWALA ka ba rito?"

Ang sagot ng mga Katoliko ay "OO." At ang mga santo ang PATUNAY nito.

Naniwala sila at nanampalataya kay Hesus kaya patuloy silang NABUBUHAY.

Kaya pinapahintulutan ang mga rebulto at imahen ng mga santo ay para makita natin na kaya rin natin ang ginawa nila.

Ibig lang sabihin ay MAGAGAWA rin natin kung paano sila NAGLINGKOD at NAGMAHAL sa Diyos. At TULAD din nila ay HINDI na rin tayo MAMAMATAY.

Maraming BAGONG LITAW na mangangaral ang NAGBABALEWALA sa sabi ng Panginoon at itinuturo na kahit maniwala at sumampalataya ang isang tao sa Kanya ay MAMAMATAY pa rin ito.

Naniniwala ako na isang dahilan kung bakit ayaw nila ng mga rebulto at imahen ay dahil pakana ng DEMONYO na ALISIN ang LAHAT ng NAGPAPAALALA sa PAGTATAGUMPAY ng Diyos sa buhay ng mga tao, partikular sa mga santo.

u u u

Ganito naman ang sabi ni Jorge ng Negros Occidental, "Bakit pinagbabawalan ng Katoliko ang obispo, pari o madre sa pag-aasawa ? Ang pagbabawal daw sa pag-aasawa ay "doctrine of devils."

Alam mo, Jorge, HINDI PINAGBABAWALAN ng Iglesia Katolika ang obispo, pari at madre sa pag-aasawa. SILA ang PUMILI na HINDI SILA MAG-ASAWA.

Isa na naman ‘yan sa mga KASINUNGALINGAN ng mga KAAWAY ng IGLESIA na ITINATAG ni KRISTO.

Pero bago natin pag-usapan ‘yan ay tingnan muna natin ang batayan ng sinasabi nilang "doctrine of devils" na ‘yan. At ‘yan ay mababasa sa 1 Timothy 4:1 at 3.

Ganito ang sabi ng mga talata, "Malinaw na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ay pababayaan ng ilan ang pananampalataya at susunod sa mga MAPANLINLANG na mga espiritu at mga aral ng demonyo"

"IPINAGBABAWAL nila sa mga tao ang pag-aasawa at inuutusan silang huwag kumain ng ilang pagkain na nilikha ng Diyos para tanggapin na may pagpapasalamat ng mga naniniwala at nakaaalam ng katotohanan."

Una, HINDI IPINAGBABAWAL sa Iglesia Katolika ang pag-aasawa.

Kahit na sino basta nasa tama nang edad at katayuan sa buhay ay PUWEDENG MAG-ASAWA.

IGINAGALANG din ng Iglesia ang desisyon ng bawat tao sa kung anong uri ng buhay ang kanyang gusto.

Sangayon ito sa 1 Corinthians 7:8-9 na ganito ang sabi, "Ngayon, sa mga WALANG ASAWA at sa mga biyuda, sinasabi ko: MABUTI para sa kanila na MANATILING WALANG ASAWA, tulad ko. Pero kung hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, dapat silang mag-asawa dahil mas mabuti na sila ay mag-asawa kaysa mag-apoy sa kanilang damdamin."

MALINAW na sinasabi na MAS MABUTI ang HINDI MAG-ASAWA pero puwede rin namang mag-asawa.

Bakit daw MAS MABUTI ang HINDI PAG-AASAWA?

Ganito ang sabi sa 1 Cor 7:32-33, "Gusto kong mawalan kayo ng alalahanin. Ang isang lalaking WALANG ASAWA ay abala sa mga GAWAIN ng PANGINOON."

"Pero ang lalaking may asawa ay abala sa mga gawain ng mundo – kung paano pasisiyahin ang kanyang asawa – at ang kanyang mga interes ay hati."

Ganoon din ang sabi ng verse 34 para sa mga babae.

Sangayon sa sinasabi ng Bibliya ay PINIPILI ng mga nagpapari at nagmamadre ang HINDI MAG-ASAWA.

WALANG PILITAN diyan. Kung mayroon mang napilit lang, dapat ay UMALIS na sila ngayon pa lang.

Ang nangyayari lang ay mayroong ilan na NAKAKAGAWA ng pagkakamali at ito ang batayan ng iba para sabihin na dapat ay pag-asawahin na silang lahat.

Parang ‘yung mga tagasunod ni Eliseo Soriano na ilang Katoliko lang ang nagkasala pero NILALAHAT na nila ang mga Katoliko. Tama ba ‘yon?

Ano ang ‘pinisan’sa Isaiah 34:16?

Agosto 12, 2003

GANITO ang text sa atin ni Peter ng Bacolod City kaugnay sa palitan ng paliwanag namin ni AJ Reyes ng Cavite.

Sabi ni Peter, "Cenon, mas maganda kung face-to-face ang debate n‘yo ni AJ kasi pag sa column mo idadaan malabo intindihin ang paliwanag ng bawat panig. Gusto mo on the air na lang?"

Salamat sa suggestion mo, Peter. Kaya lang hindi ako naniniwala na mas magiging malinaw kung "face-to-face" ang palitan ng paliwanag.

Umamin na kasi si AJ na ang mangangaral niya na ayaw ipakilala sa inyong lahat ay si Eliseo Soriano ng Ang Dating Daan.

Nang matiyak ko ito ay lalo kong naisip na HINDI MANGANDANG IDEYA ang harap-harapang pakikipag-usap sa kanya.

Tulad ng nasabi ko na dati, HINDI PALIWANAGAN ang nangyayari kapag si Soriano ang kaharap. Ang nangyayari ay puro ASARAN at PAGALINGAN LANG.

Ganyan ang sinasabi ng 2 Timothy 2:23 na dapat nating iwasan. Sabi ng talata, "Huwag kang makikisalo sa mga hangal at mangmang na pagtatalo dahil alam mong nagbubunga lang ang mga ito ng pag-aaway-away."

Ang layunin ng column na ito ay ihayag sa lahat paniniwala ng iba’t-ibang tao at hindi ang magkantiyawan.

Kung nasusulat ang palitan ng paliwanag ay tila imposible na hindi makaunawa ang mga nagbabasa. Liban na lang siguro kung MALABO at MAGULO ang mga sinasabi ng nagpapaliwanagan.

Ang maganda pa rito ay maitatago at maipagkukumpara ng mga bumabasa ang mga sinasabi ng dalawang panig.

Mas madaling makikita kung sino ang NAMBOBOLA lang o NAMIMILOSOPO. Tama, ‘di ba?

Kaya nga sabi ko sa iyo noon, kung may personalidad ka kay Soriano ay sabihin mo sa kanya na dito kami magpalitan ng paliwanag. ‘Yon ang mas TAMANG gawin.

At matapos kong sabihin ‘yan ay gusto ko lang ipaalam sa iyo, Peter, na UMURONG na si AJ Reyes sa aming palitan ng paliwanag.

Ano man ang dahilan niya ay siya na lang ang nakakaalam kung bakit bigla siyang umatras.

u u u

Sa kabila ng pag-atras ni AJ ay sasagutin ko ang tanong ni William ng Navotas.

Ganito ang sabi ni William, "Ka Cenon, ba’t ‘di mo kayang sagutin ang ibang tanong ni AJ? Tulad ng ‘Paano mo mai-aapply ang PINISAN ng ESPIRITU sa hayop ng Edom?’ sa Isaiah 34:16."

Noong ihayag sa akin ni AJ ang tanong na iyan ay sinabi ko sa kanya na BASAHIN na lang niya ang buong chapter 34 para siya mismo ang makakita na mga hayop ang tinutukoy ng verse 16.

Ayaw ko naman kasing pangunahan pa ang Bibliya. Baka kasi lumabas na NAGMAMAGALING din ako TULAD ni AJ na ipinagpipilitan na Bibliya raw ang tinutukoy ng talata.

Sa katunayan, MARAMI ang nakabasa ng Isaiah 34 at nagsabi na MALI si AJ sa kanyang sinasabi.

Halimbawa itong si Bern ng Ormoc, Leyte. Sabi niya, "Binasa ko ang buong talata ng Isa 34 na quoted ni AJ. Sorry to tell him, ang tinutukoy (sa verse 16) na di magkukulang ay di ang Bible but ang mga hayop."

Salamat, Bern. Pero ang dapat na maka-realize niyan ay si Soriano. Siya kasi ang nagturo ng MALING aral na iyan at dahil diyan ay marami siyang INILIGAW. Isa na nga riyan si AJ.

Ngayon ay sasagutin natin si William na gustong malaman ang sagot sa tanong kung "Paano mo mai-aapply ang PINISAN ng ESPIRITU sa hayop ng Edom sa Isaiah 34:16?"

Ano ba ang ibig sabihin ng "pinisan," William? Ibig sabihin nito ay "tinipon" o "pinagsama-sama."

Ngayon, para mas maintindihan natin kung ano ang "pinisan" ng Diyos sa Is. 34 ay pag-aralan natin ang chapter simula sa verse 8.

Makikita natin na ang chapter ay tungkol sa paghihiganti ng Panginoon sa Edom o Idumea.

Sa verse 9, sinasabi kung paano gagawing “nag-aapoy na asupre” ng Panginoon ang mga ilog at lupain ng Edom.

Kung noon ay mga tao ang nakatira sa Edom, sinasabi sa verse 11 na “maninirahan” at “aangkinin” na ito ng KUWAGO. Doon din, ayon sa verse 14, ay MAGTATAGPO ang mababangis na ASO at KAMBING.

Sa verse 15 ay sinasabi na “gagawa ng pugad doon ang kuwago at doon mangingitlog.” Dagdag pa na dito ay “MAGTITIPON ang mga ibong mandaragit.”

Kitang-kita na sinasabi ng Diyos na "magtatagpo" o "magtitipon" sa Edom ang iba’t-ibang hayop. Pero hindi ito dahil ginusto ng mga hayop na "magtipon" doon.

Ang Diyos ang nagsasabi na "magtipon" sila roon. Ang Diyos o ang Espiritu ng Diyos ang "nagpipisan" sa mga ito para "angkinin" ang Edom.

Kaya nga ito ang sinasabi ng verse 16, “Hanapin ninyo sa kalatas ng Panginoon at basahin: Wala rito ang magkukulang, wala ni isa ang maghahanap ng kasama: sapagkat iniutos ng kanyang bibig at ang espiritu niya ang nagtipon (nagpisan) sa kanila.”

Malinaw pa sa sikat ng araw na mga hayop ang "pinisan" ng Espiritu ng Diyos.

Ngayon, paanong ang "kalatas ng Panginoon" ang pipisanin ng Espiritu? At ano ang "pipisanin" sa kalatas eh NAG-IISA ang "kalatas" na binabanggit sa talata? Ang pinipisan o tinitipon ay MARAMI o HIGIT SA ISA.

Kung ipipilit na Bibliya ang tinutukoy sa verse 16 at igigiit na ang "pinipisan" ay ang "mga aklat" ng Bibliya, panibagong PAGKUKUNWARI ‘yan.

Bakit? Kailan ba nasulat ang aklat ni Isaiah?

Ito ay nasulat sa pagitan ng 740 at 698 B.C. o 700 taon bago pa magkatawang tao si Hesus.

Ang Bibliya naman ay nabuo noong 393 A.D. o 1,100 taon matapos isulat ni Isaiah ang kanyang aklat.

Ang sabi sa verse 16, "HANAPIN" o "BASAHIN" sa "aklat ng Panginoon."

Kung hindi pa nabubuo ang Bibliya noong isulat ang Isaiah 34:16, ano ang babasahin o hahanapin?

Sana klaro ‘yon sa iyo, William.

Kautusan: Una ay binawasan; ngayon ay pinolitika

Agosto 11, 2003


MAY request sa atin si Victor D. ng Binondo, Manila. Sabi niya, "Paki sulat ang 1st at 2nd utos ng Diyos ayon sa Bible at ayon sa itinuturo sa Katoliko. Ikumpara. Maliwanag na panloloko ang gawa ng pari."

Ang tinutukoy ni Victor ay ang mga nasusulat sa Exodus 20:1-4 at Deuteronomy 5:6-8.

May TATLONG paraan kung paano hinahati ang dalawang utos na ito ng Diyos.

Ang una ay ang gamit ng mga Katoliko na ganito ang sinasabi: Una, "Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos liban sa akin. Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosan na nasa anyo ng anumang bagay sa langit sa itaas o sa lupa sa ibaba o sa mga tubig sa ilalim. Huwag kang yuyukod sa kanila o sasamba sa kanila ..."

Ang pangalawang utos ay, "Huwag mong gagamitin ang ngalan ng Diyos sa walang kabuluhan."

Ang unang Utos, sangayon sa paniniwala ng mga Katoliko ay nauukol sa PAGSAMBA na sa Diyos LANG DAPAT IBIGAY. Kaya nga kasama rito ang pagbabawal sa pagkakaroon ng mga diyus-diyosan.

Ang pangalawa ay ukol naman sa TAMANG PAGGAMIT ng PANGALAN ng Diyos.

Ganito naman ang ginawang paghati ng mga Protestante at ng Orthodox Church: Una, "Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos liban sa akin."

‘Yon na ‘yon.

Ang pangalawa ay "Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosan na nasa anyo ng anumang bagay sa langit sa itaas o sa lupa sa ibaba o sa mga tubig sa ilalim. Huwag kang yuyukod sa kanila o sasamba sa kanila ..."

Mapapansin ninyo na HINATI ng mga Protestante ang UNANG UTOS. Inihiwalay nila ang ikalawang bahagi ng unang Utos.

Baka naitatanong ninyo kung bakit o ano ang dahilan.

POLITIKA ang simpleng dahilan. PINAGHIWALAY nila ang unang utos para magamit nila ang "pangalawang utos" LABAN sa mga Katoliko.

Ito kasi ang ginagamit nila para batikusin ang pagkakaroon ng mga imahen at rebulto sa Iglesia Katolika. Ipinagkakalat nila ang KASINUNGALINGAN na DIYUS-DIYOSAN ang mga ito na SINASAMBA raw ng mga Katoliko.

At para mapatunayan na PINOLITIKA ng mga Protestante pati ang nasusulat sa Banal na Kasulatan ay tingnan natin kung paano hinati ng mga Israelita ang mga kautusan na ito.

Kung hindi kayo pamilyar sa kasaysayan ng 10 Utos, ang mga kautusan na ito ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. Ganito pa ang sabi sa Dt 4:1, "Pakinggan, O Israel, ang mga kautusan at mga batas na aking ituturo sa iyo."

So kung mayroong higit na makaiintindi kung paano ito hahatiin, ito ang mga Israelita o mga Hudyo.
Ngayon, paano nila ito hinati?

HINATI nila ito nang KATULAD ng PAGKAKAHATI ng mga Katoliko. Ganito, "Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos liban sa akin. Huwag kayong gagawa ng DIYUS-DIYOSAN na nasa anyo ng anumang bagay sa langit sa itaas, sa lupa sa ibaba o sa mga tubig sa ilalim. Huwag kang yuyukod sa kanila o sasamba sa kanila ..."

PAREHO ang HATI ng mga Kautusan ng mga Israelita na UNANG TUMANGGAP ng Kautusan at ng Iglesia Katolika na ITINATAG ni Kristo.

Nitong nakaraang mga Sabado at Linggo ay ipinakita ko kung paano BINAWASAN ng mga mapagkunwari ang mga Kasulatan na tinanggap ng mga Kristiyano mula kay Kristo at sa mga Apostol.

Ngayon, salamat sa tanong ni Victor D. ay nakikita natin kung paano ito PINOLITIKA ng mga NAGMAMARUNONG at UMAASTA na PARANG MGA DIYOS.

Para silang NAGLALARO kung BASTUSIN at BAGUHIN ang mga Kasulatan. Tapos MAGKUKUNWARI sila na MAKA-BIBLIYA.

Kayo na po ang humusga sa kanilang mga gawa.

u u u

Pero tiyak na hindi ‘yon ang layunin ni Victor D.

Ang gustong ipakita ni Victor ay kung paanong "SINUSUWAY" ng mga Katoliko ang mga Kautusan ng Diyos, partikular ang pagbabawal sa paggawa ng mga "diyus-diyosan."

Tama ba, Victor?

Paki pansin lang, Victor, sa Ex 20:1-4 at Dt 5:6-8 ay mga "DIYUS-DIYOSAN" ang IPINAGBABAWAL.

HINDI IPINAGBABAWAL ang lahat ng uri ng mga INUKIT maging ito man ay REBULTO o IMAHEN.

Bilang patunay, DIYOS MISMO ay NAGPAUKIT at NAGPAGAWA ng IMAHEN ng mga KERUBIM sa Exodus 25:18-20.

Sa Ex 25:18 ay ganito ang utos ng Panginoon, "At GUMAWA kayo ng DALAWANG KERUBIM na BINAYO mula sa ginto para sa magkabilang dulo ng takip."

Kung papansinin ninyo, sa Chapter 20 ay ipinagbawal ng Diyos ang paggawa ng diyus-diyosan. Sa Chapter 25 ay Siya mismo ang NAGPAGAWA ng mga IMAHEN.

Pero bakit? May kaibahan ba ang "diyus-diyosan" sa mga IMAHEN o REBULTO?

Meron po.

Basahin ninyo ang sabi ng katuloy na mga talata sa Ex 25:22, "Doon, sa ibabaw ng takip SA PAGITAN ng DALAWANG KERUBIM na nasa ibabaw ng arko ng Tipan, KAKATAGPUIN ko kayo at IBIBIGAY ko ang lahat ng aking kautusan para sa lahat ng Israelita."

Ang mga KERUBIM ay TANDA kung saan KAKATAGPUIN ng Diyos ang mga pinuno ng Israel.

Sa madaling salita, IPINAAALALA ng mga KERUBIM ang Diyos.

KATULAD nito ang dahilan kung bakit may mga IMAHEN at REBULTO sa Iglesia Katolika.
Ang mga ito ay ginagamit para MAALALA ng mga Katoliko ang Diyos.

Ginagamit din ito para maalala ng mga tao ang mga santo para sila ay matularan sa ginawa nilang pagsunod at pagmamahal sa Diyos. HINDI SILA SINASAMBA.