Monday, April 2, 2012

Iglesiang itinatag ni Kristo naitalikod?

HUNYO 21, 2003


NITONG mga nakaraang Sabado at Linggo ay tinalakay natin ang tungkol sa Iglesia na itinatag ng Panginoong Hesus.

Maliwanag ang pahayag ng Matthew 16:18 na ang Iglesia ay itinatag kay Pedro (Petros sa Griego; Cephas sa Aramaico at Bato sa Pilipino).

Sinabi rin sa talata na ang "mga tarangkahan ng kamatayan ay HINDI MANANAIG dito." Ibig sabihin, ay hindi ito kailan man mawawala.

Sa madaling salita, mula nang itatag ng Panginoon ang Iglesia ay nanatili itong buhay at nakatayo hanggang ngayon.

Pero mayroong nagsabi sa atin na hindi raw totoo na "nanatili" ang Iglesia dahil ito raw ay "naitalikod," "nadapa" o "nawala."

Ang may kagagawan daw ng "pagtalikod" na ito ay ang mga "huwad na propeta" at "huwad na mangangaral" na tinutukoy sa Matthew 24:11.

Ganito ang sinasabi ng talata, "At maraming huwad na propeta ang lilitaw at lilinlang sa maraming tao."

Ibinigay din niya ang mga talatang Acts 20:29-30 na nagsasabi ng "Alam ko na matapos kong umalis ay darating ang mga mababangis na aso sa piling ninyo at hindi paliligtasin ang kawan."

"Kahit mula sa inyong bilang ay tatayo ang ilan at babaluktutin ang katotohanan para ilayo ang mga disipulo at mapasunod sa kanila."

"Ayan," sabi niya, "hindi raw paliligtasin ng mga lobo ang kawan."

Tapos ay iginiit pa ng nagsabi sa atin ang 2 Peter 2:1-2. "Pero mayroon ding mga huwad na propeta sa gitna ng mga tao kung paanong magkakaroon ng mga huwad na mangangaral sa gitna ninyo."

"Lihim silang magpapasok ng mga maling aral at ikakaila pa ang naghaharing Panginoon na bumili sa kanila. At iyon ang magdadala ng biglang kapahamakan."

"Marami ang susunod sa nakakahiya nilang mga gawi kaya masisiraan ang daan ng katotohanan."

‘Yan daw ang mga "pahayag" ng mga "mangyayari" na mauuwi sa pagkakatalikod ng Iglesiang itinatag ni Kristo.

Ang salita pa ng nagsasabi nito ay "Kaya ang unang Iglesia ay nawala at napalitan ng Simbahang Katoliko."

Ang layunin niya sa kanyang sinabi ay para pasinungalingan na ang Simbahang Katoliko ang Iglesiang itinatag ni Kristo.

Sa totoo lang ay natuwa ako dahil binanggit niya ang Simbahang Katoliko. At least kasi ay sinabi at inamin niya na mula pa noong unang panahon ay naroon na ang Iglesia Katolika.

Pero may katwiran ba ang sinabi ng taong ito?

Sa simpleng pagtingin sa mga talata na ito ay wala tayong makikita na nagsasabi na "matatalikod" ang Iglesia na itinatag ni Kristo.

May sinasabi ngang lilitaw na "huwad na propeta" sa Mt 24:11 pero kung babasahin lang natin ang sinasabi ng mga susunod na talata, partikular ang verse 24, ay lalabas na WALANG pagtalikod na mangyayari.

Ganito kasi ang sinasabi ng Mt 24:24, "Lilitaw ang mga huwad na Kristo at huwad na propeta at magpapakita ng nakakamanghang tanda at himala para linlangin ang mga pinili -- KUNG IYON MAN AY POSIBLE."


Pansinin ninyo, ang mga salitang "kung iyon man ay posible."

Sa ibang salita, HINDI POSIBLE na malinlang ang mga alagad ng Diyos na Kanyang pinili at tinawag sa Iglesia na Kanyang itinatag.

At kung hindi ito posible, paano maitatalikod ang Iglesia?

Sa sinasabi ng Acts 20:29-30, hindi porke sinabi na "hindi paliligtasin ng mga lobo ang kawan" ay nangangahulugan nang masisila nila ang BUONG kawan.

Ang ibig lang sabihin ng "hindi paliligtasin" ay lulusubin ng mga "lobo" ang kawan at maaaring makapinsala sila pero hindi nila mauubos ang mga tupa rito o malilipol ang kawan.

Paano natin nalaman ito? Basahin natin ang talata Acts 20:28 na sinusundan ng verse 29 at 30.

Heto ang sabi, "Bantayan ninyo ang inyong mga sarili at ang buong kawan na ibinigay ng Espiritu Santo para inyong pangalagaan."

"Maging pastol kayo ng iglesia ng Diyos na binili niya ng kanyang sariling dugo."

Ang talata ay isang babala sa mga mangyayari para MAPANGALAGAAN ang kaligtasan ng kawan.

At dahil Espiritu Santo ang nagbigay ng responsabilidad sa mga pinuno ng unang Iglesia, nakatitiyak tayo na nagawa nila ang kanilang dapat gawin at naligtas ang kawan.

Samantala, malinaw na sinasabi sa 2 Peter 2:1-2 na "MARAMI" ang susunod sa maling aral pero HINDI LAHAT ay susunod. Kaya walang pagtalikod na nangyari.

Pero baka sabihin ninyo na sarili ko lang paliwanag ang mga ito. Para makatiyak kayo, tingnan natin ang matitibay na basehan na hindi kailan man naitalikod ang Iglesiang itinatag ni Kristo.