Monday, October 24, 2011

Ang kaguluhan at ang Diyos ng kaayusan

ANG ARTIKULONG ITO AY LUMABAS SA DYARYONG TUMBOK NOONG HUNYO 2 at 6, 2002.

+++ +++ +++

SA PANAHON ngayon, pamilyar nang reklamo ng tao ang kaguluhan sa mundo, sa kanyang paligid, sa kanyang pamilya at sa kanyang sarili.

Ang mga katagang “Ang gulo-gulo na!” ay pangkaraniwan nang bukambibig ng ilan. Naguguluhan kasi sila sa nangyayari sa Israel at Palestina, sa Amerika at sa mga terorista.

Dito sa atin ay naguguluhan sila sa iringan nina Arroyo at Estrada, sa mga asta ng mga senador at kongresista, sa maingay nilang kapitbahay, sa kanilang nanay at tatay, sa kanilang mga anak at sa kanilang mga pansariling problema.

Lahat ito ay nangyayari kung kailan dumadami ang “matatalinong” tao.

Lalong nagiging magulo kung kailan nabuo ang United Nations, kung kailan patuloy ang pag-unlad ng siyensiya at kung kailan nauso ang salitang “human rights” at kung anu-ano pang rights.

Pero bakit ba may gulo? Bakit kung kailan lahat tayo ay nagkaroon ng higit na katalinuhan, kaalaman at karapatan ay tila lalo yatang nagkawendang-wendang ang ating buhay?

Bakit may gulo? Simple lang ang sagot. Ito ay dahil nawalan na tayo ng KAAYUSAN.

Kung babasahin natin ang Bibliya, sa Genesis 1:1-2, makikita natin sa simulang-simula nito ang ganito, “Sa pasimula, nung likhain ng Diyos ang mga langit at ang lupa, ang mundo ay isang walang pormang kawalan at ang kailaliman ay nababalot ng kadiliman…”

Noon pa man ay wala nang kaayusan. Walang porma ang mundo at puno ng kadiliman.

Kung ipagpapatuloy pa natin ang pagbabasa, matutunghayan natin kung paano inayos ng Diyos ang kawalan ng kaayusan.

Una ay pinawi Niya ang kadiliman ng liwanag. Tapos ay pinaghiwalay Niya ang liwanag na tinawag na “araw” ang kadiliman na tinawag na “gabi.”

Sumunod dito ay isinaayos ng Diyos ang lahat-lahat ng bagay. Ang bawat bagay ay binigyan Niya ng tamang lugar at dapat pagkalagyan. Inihiwalay niya ang tubig sa tuyong lupa at inilagay dito ang mga hayop at pananim na dapat naririto.

Sa huli ay nilikha Niya ang tao na siyang inilagay Niya bilang “katiwala” sa lahat ng ito. (Gen 1:26)

Sa bahaging ito ng Bibliya, nakikita natin na ang Diyos ang nagbigay ng kaayusan sa lahat ng bagay. Dito natin nakikita na ang Diyos ay Diyos ng kaayusan.

Kung naguguluhan tayo ngayon, baka dahil hindi tayo nasasakop o wala sa atin ang Diyos ng kaayusan. Baka Siya ang kulang at hindi ang kaalaman, ang katalinuhan at sari-saring karapatan.

Isipin natin ito.

At base nga rito ay makikita natin na ang kaguluhan ay dala ng pagiging hiwalay natin o ng tao sa Diyos na siyang nagbibigay ng kaayusan sa lahat ng bagay.

Kung papansinin natin sa ating paligid, partikular ang “natural world,” ay makikita natin na tunay nga na may kanya-kanyang lugar ang lahat ng narito. Ang lahat din ay mayroong sariling ginagalawan.

Ang araw, buwan, ang mga planeta at maging ang ating mundo ay may sariling lugar sa kalawakan. Kung wala ay baka matagal nang nagbanggaan ang mga ito.

Ang oras ay lumalakad paabante, hindi paatras. Ang tao ay tumatanda, hindi bumabata. May panahon para sa pagkapanganak at mayroon ding panahon ng kamatayan.

May sariling time-table ang lahat-lahat. Siyam na buwan ang sanggol sa tiyan ng kanyang ina bago siya ipanganak at bago pa pinakialaman ng tao ang kalikasan ay may sariling panahon ang pagtubo ng mga halaman at maging ang kanilang pagkalanta.

Sa madaling salita, mayroong “natural order” o likas na kaayusan ang lahat ng bagay na ang tawag ay “natural law.” Sa mga naniniwala sa Diyos, naniniwala rin tayo na ang "natural law” na ito ang kaayusan na inilagay ng Diyos para sundin ng lahat ng bagay.

Kahit sa ating mga sarili at sa ating lipunan ay makikita natin ang likas na kaayusan. Mayroong babae at mayroong lalaki. May matanda at bata. May namumuno at may tagasunod.

Bago pa nagkaroon ng mga women’s liberation movement at bago pa natutong umasta na parang diyos ang ilang kalalakihan ay may kaayusan din sa loob ng pamilya.

Sa ating Pinoy, ang paniniwala natin ay ang tatay ang haligi ng pamilya at ang nanay naman ang ilaw. Ibig sabihin, may role ang bawat isa sa mundo, sa lipunan at sa pamilya.

Lahat ito ay tanda lamang ng likas na kaayusan na itinanim ng Diyos sa ating pagkatao. Ito ang patunay na ang Diyos ay isang diyos ng kaayusan.

Ngayon, ano ang nangyayari kung may lumalabas sa kaayusang ito na inilagay ng Diyos sa ating buhay at pagkatao?

Diyan pumapasok ang kasalanan kaya nagsisimulang gumulo ang mga bagay-bagay. Ang kasalanan kasi ay ang paglabas o pagsalungat sa kaayusan na ginawa ng Diyos. Anyway, ibang isyu na po ito.

No comments:

Post a Comment