Wednesday, October 26, 2011

John 17:3, Ama ang nag-iisang Diyos

PATULOY pa rin nating tinatalakay ang pagiging tao at pagiging Diyos ng ating Panginoong Hesu Kristo.

Noong isang linggo, ipinaliwanag ko kung bakit masyadong ipinagdidiinan ng mga Ebanghelyo o Gospels ang pagiging tao ni Hesus.

Ang sabi ko, ito ay dahil noong unang panahon, maraming tao ang naniniwala na Siya ay “Diyos lamang” at hindi tao.

At tulad nga ng mga sinabi ko na noong mga una ko pang column, isang mahalagang dahilan kung bakit isinulat ang mga aklat ng Bagong Tipan o New Testament ay para patunayan na “naging tao” nga si Kristo.

Ang punto nila ay si Hesus ay Diyos na nagkatawang tao. Kaya ibig sabihin ay Siya ay Diyos at Tao sa iisang persona--ang persona ng Bugtong na Anak ng Diyos.

Pero marami ang nagtatanong. Kung Diyos din si Lord, bakit sinabi Niya na ang Ama ang “nag-iisang tunay na Diyos” tulad ng sinasabi sa John 17:3.

Sabi sa talata, “Ngayon ito ang buhay na walang hanggan na makilala Ka nila na nag-iisang tunay na Diyos …”

’Yan ang ipinagdidiinan nila. Ang Panginoon daw mismo ang nagsabi na ang Ama ang “NAG-IISANG TUNAY NA DIYOS.” Ano pa raw ba ang dapat intindihin sa mga simple at direktang salita na iyan?

Oo nga, ang daling maintindihan ng sinasabi ni Hesus sa talatang iyan. Pero ang nakakalimutan ng mga dumidepende sa talatang ’yan para patunayan na “ang Ama ang nag- iisang tunay na Diyos” ay bahagi lang ’yan ng mas malaking kabuohan.

Sa Bibliya o kahit na ano pang babasahin o literatura, ang isang talata ay bahagi ng isang chapter o kapitulo at ang kapitulo ay bahagi ng buong aklat.

Sa katunayan, kung itutuloy lang ang John 17:3 at babasahin ang BUONG talata ay ito ang sinasabi,
“Ngayon ito ang buhay na walang hanggan na makilala Ka nila na nag-iisang tunay na Diyos at ang Iyong sugo na si Hesu Kristo.”


Hindi lang pala ang Ama ang dapat kilalanin kundi pati na rin si Hesu Kristo na ayon sa mga unang talata ng Aklat ni Juan ay sinasabing,
“Ang Verbo (na) kasama ng Diyos at ang Verbo ay Diyos.”


Hindi lang yan. Sa utos na kilalanin ang Panginoong Hesus bilang sinugo ng Diyos ay dapat nating kilalanin na Siya ang Anak ng Ama, ang nag-iisang tunay na Diyos.

Makikita natin sa John 17:1 ang mga salita ng Panginoon na ito:
"Nang sabihin ito ni Hesus, itinaas niya ang mga mata niya sa langit at sinabi: Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong anak, upang maluwalhati ka ng iyong anak."


Diyan ay malinaw na tinawag ng Panginoong Hesus ang Diyos bilang Kanyang Ama. At malinaw na sinabi Niya na Siya ay Anak ng Ama.

At dahil ang Ama ang nag-iisang tunay na Diyos, ibig sabihin lang na ang Panginoong Hesus ay Anak ng nag-iisang tunay na Diyos. At dahil ang Anak ay kumukuha ng kalikasan mula sa Kanyang Ama, malinaw na taglay din ni Hesus ang pagka-Diyos ng nag-iisang tunay na Diyos.

Sa madaling salita, ang Anak na si Hesus ay Diyos din. Ang pagka-Diyos Niya ay ang pagka-Diyos ng nag-iisang tunay na Diyos. So, tunay ring Diyos ang Panginoong Hesus. Iyan ang malinaw na sinasabi ng John 17:1 at 3.

Purihin si Kristo! Purihin ang Diyos!



Ngayon, ang sinasabi ng kontra sa paniniwalang Diyos si Kristo ay magiging "dalawa" na ang Diyos na salungat sa pahayag ni Hesus sa Juan 17:3.

Sa mga susunod na post ay makikita po natin na mali ang sinasabi nila.

1 comment:

  1. dapat po talaga unawaing mabuti ng mga nagsasaliksik ng katotohanan. si Jesu-Cristo ay diyos din po sapagkat siya ang Diyos "ANAK"
    para madagdagan po ang kaunwaan sa pagkaDiyos ni Jesus, hindi po 2 ang Diyos. sapagkat iisa ang Diyos na si YAHWEH subalit tatlong persona ang pinakikilos niya sa pagka Diyos niya.

    1 Juan 5:7 - May tatlong nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, ang Banal na Espiritu at ang tatlong ito ay iisa.
    Yan po ang ating Diyos na si YAHWEH! malinaw pa po sa sikat ng araw.
    kaya po sinabi ng Panginoong Jesus

    at iniutos din na 3 Devine person ang tanda sa pag Bautismo!
    Mateo 28:19-20 - Humayo nga kayo. Gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, inyong bawtismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan ninyo sila na ganapin ang lahat ng mga bagay na aking iniutos sa inyo. At narito, ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng kapanahunang ito. Siya nawa!
    GANAPIN ANG TURO; sapagkat katoliko lang ang bukod tanging nagtuturo sa 3persona ng Diyos na si YAHWEH!
    dito tayo magtataka bakit linagay ng hindi katoliko ang pagpigil at pagpababa nila sa kapangyarihan ni YAHWEH! kahit 10 persona pa gamitin niya kung gusto niya sapagkat unlimited ang kapangyarihan ni YAHWEH.

    sa Juan 14:9 "ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama" .....
    sapagkat ang Ama ay Espiritu kaya hindi natin siya makikita, kaya ang Diyos "ANAK" ay nagkatawang tao.

    ReplyDelete