Agosto 12, 2003
GANITO ang text sa atin ni Peter ng Bacolod City kaugnay sa palitan ng
paliwanag namin ni AJ Reyes ng Cavite.
Sabi ni Peter, "Cenon, mas maganda kung face-to-face ang debate n‘yo ni AJ
kasi pag sa column mo idadaan malabo intindihin ang paliwanag ng bawat panig.
Gusto mo on the air na lang?"
Salamat sa suggestion mo, Peter. Kaya lang hindi ako naniniwala na mas
magiging malinaw kung "face-to-face" ang palitan ng paliwanag.
Umamin na kasi si AJ na ang mangangaral niya na ayaw ipakilala sa inyong
lahat ay si Eliseo Soriano ng Ang Dating Daan.
Nang matiyak ko ito ay lalo kong naisip na HINDI MANGANDANG IDEYA ang
harap-harapang pakikipag-usap sa kanya.
Tulad ng nasabi ko na dati, HINDI PALIWANAGAN ang nangyayari kapag si Soriano ang kaharap. Ang nangyayari ay puro ASARAN at PAGALINGAN LANG.
Ganyan ang sinasabi ng 2 Timothy 2:23 na dapat nating iwasan. Sabi ng talata,
"Huwag kang makikisalo sa mga hangal at mangmang na pagtatalo dahil alam mong
nagbubunga lang ang mga ito ng pag-aaway-away."
Ang layunin ng column na ito ay ihayag sa lahat paniniwala ng iba’t-ibang tao
at hindi ang magkantiyawan.
Kung nasusulat ang palitan ng paliwanag ay tila imposible na hindi makaunawa
ang mga nagbabasa. Liban na lang siguro kung MALABO at MAGULO ang mga sinasabi
ng nagpapaliwanagan.
Ang maganda pa rito ay maitatago at maipagkukumpara ng mga bumabasa ang mga
sinasabi ng dalawang panig.
Mas madaling makikita kung sino ang NAMBOBOLA lang o NAMIMILOSOPO. Tama, ‘di
ba?
Kaya nga sabi ko sa iyo noon, kung may personalidad ka kay Soriano ay
sabihin mo sa kanya na dito kami magpalitan ng paliwanag. ‘Yon ang mas TAMANG
gawin.
At matapos kong sabihin ‘yan ay gusto ko lang ipaalam sa iyo, Peter, na
UMURONG na si AJ Reyes sa aming palitan ng paliwanag.
Ano man ang dahilan niya ay siya na lang ang nakakaalam kung bakit bigla
siyang umatras.
u u u
Sa kabila ng pag-atras ni AJ ay sasagutin ko ang tanong ni William ng
Navotas.
Ganito ang sabi ni William, "Ka Cenon, ba’t ‘di mo kayang sagutin ang ibang
tanong ni AJ? Tulad ng ‘Paano mo mai-aapply ang PINISAN ng ESPIRITU sa hayop ng
Edom?’ sa Isaiah 34:16."
Noong ihayag sa akin ni AJ ang tanong na iyan ay sinabi ko sa kanya na
BASAHIN na lang niya ang buong chapter 34 para siya mismo ang makakita na mga
hayop ang tinutukoy ng verse 16.
Ayaw ko naman kasing pangunahan pa ang Bibliya. Baka kasi lumabas na
NAGMAMAGALING din ako TULAD ni AJ na ipinagpipilitan na Bibliya raw ang
tinutukoy ng talata.
Sa katunayan, MARAMI ang nakabasa ng Isaiah 34 at nagsabi na MALI si AJ sa
kanyang sinasabi.
Halimbawa itong si Bern ng Ormoc, Leyte. Sabi niya, "Binasa ko ang buong
talata ng Isa 34 na quoted ni AJ. Sorry to tell him, ang tinutukoy (sa verse 16)
na di magkukulang ay di ang Bible but ang mga hayop."
Salamat, Bern. Pero ang dapat na maka-realize niyan ay si Soriano. Siya kasi
ang nagturo ng MALING aral na iyan at dahil diyan ay marami siyang INILIGAW. Isa
na nga riyan si AJ.
Ngayon ay sasagutin natin si William na gustong malaman ang sagot sa tanong
kung "Paano mo mai-aapply ang PINISAN ng ESPIRITU sa hayop ng Edom sa Isaiah
34:16?"
Ano ba ang ibig sabihin ng "pinisan," William? Ibig sabihin nito ay "tinipon"
o "pinagsama-sama."
Ngayon, para mas maintindihan natin kung ano ang "pinisan" ng Diyos sa Is. 34
ay pag-aralan natin ang chapter simula sa verse 8.
Makikita natin na ang chapter ay tungkol sa paghihiganti ng Panginoon sa Edom
o Idumea.
Sa verse 9, sinasabi kung paano gagawing “nag-aapoy na asupre” ng Panginoon
ang mga ilog at lupain ng Edom.
Kung noon ay mga tao ang nakatira sa Edom, sinasabi sa verse 11 na
“maninirahan” at “aangkinin” na ito ng KUWAGO. Doon din, ayon sa verse 14, ay
MAGTATAGPO ang mababangis na ASO at KAMBING.
Sa verse 15 ay sinasabi na “gagawa ng pugad doon ang kuwago at doon
mangingitlog.” Dagdag pa na dito ay “MAGTITIPON ang mga ibong mandaragit.”
Kitang-kita na sinasabi ng Diyos na "magtatagpo" o "magtitipon" sa Edom ang
iba’t-ibang hayop. Pero hindi ito dahil ginusto ng mga hayop na "magtipon"
doon.
Ang Diyos ang nagsasabi na "magtipon" sila roon. Ang Diyos o ang Espiritu ng
Diyos ang "nagpipisan" sa mga ito para "angkinin" ang Edom.
Kaya nga ito ang sinasabi ng verse 16, “Hanapin ninyo sa kalatas ng Panginoon
at basahin: Wala rito ang magkukulang, wala ni isa ang maghahanap ng kasama:
sapagkat iniutos ng kanyang bibig at ang espiritu niya ang nagtipon (nagpisan)
sa kanila.”
Malinaw pa sa sikat ng araw na mga hayop ang "pinisan" ng Espiritu ng
Diyos.
Ngayon, paanong ang "kalatas ng Panginoon" ang pipisanin ng Espiritu? At ano
ang "pipisanin" sa kalatas eh NAG-IISA ang "kalatas" na binabanggit sa talata?
Ang pinipisan o tinitipon ay MARAMI o HIGIT SA ISA.
Kung ipipilit na Bibliya ang tinutukoy sa verse 16 at igigiit na ang
"pinipisan" ay ang "mga aklat" ng Bibliya, panibagong PAGKUKUNWARI ‘yan.
Bakit? Kailan ba nasulat ang aklat ni Isaiah?
Ito ay nasulat sa pagitan ng 740 at 698 B.C. o 700 taon bago pa magkatawang
tao si Hesus.
Ang Bibliya naman ay nabuo noong 393 A.D. o 1,100 taon matapos isulat ni
Isaiah ang kanyang aklat.
Ang sabi sa verse 16, "HANAPIN" o "BASAHIN" sa "aklat ng Panginoon."
Kung hindi pa nabubuo ang Bibliya noong isulat ang Isaiah 34:16, ano ang
babasahin o hahanapin?
Sana klaro ‘yon sa iyo, William.
No comments:
Post a Comment