Tuesday, March 12, 2013

Bakit may kaguluhan at may binyag sa bata?

August 25, 2003


MAY dalawang magkaugnay na tanong na sasagutin ko ngayon. Ang una ay sa isang kaibigan na nagtanong kung "Kung may Diyos, bakit hinahayaan Niya na magkaroon ng kaguluhan sa mundo?"

Ang isa pang tanong ay mula kay Hilbert, "Bakit po ba kailangang binyagan ang mga bata e wala pa naman po silang kasalanan?"

Siguro ay nagulat ang iba sa inyo dahil sabi ko ay MAGKAUGNAY ang dalawang tanong na ito.
MAGKAUGNAY sila dahil PAREHO ang UGAT kung bakit may kaguluhan sa mundo at kung bakit binibinyagan ang isang bata.

Ang UGAT ay ORIGINAL SIN. Pero ano ang kaugnayan nito sa KAGULUHAN at BINYAG sa BATA?

u u u

Una dapat nating malaman na ang Diyos ay DIYOS ng KAAYUSAN.

Mababasa natin sa aklat ng Genesis na magmula noong likhain ng Diyos ang sanlibutan ay inilagay Niya ang lahat ng bagay sa mga dapat nilang lugar o pagkalagyan. (Genesis 1)

Sa katunayan, ang buong Bibliya ay tungkol sa KAAYUSAN na inilagay ng Diyos sa ating personal na buhay, sa ating pamilya at sa ating buhay panlipunan.

Halimbawa sa Matthew 22:37-39 ay sinabi ng Panginoon ang KAAYUSAN sa buhay at relihiyon.

Sabi ng mga talata, "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, kaluluwa at pag-iisip … At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”

Sa Mt 6:33 ay makikita natin ang epekto kung SUSUNDIN natin ang KAAYUSAN ng Diyos.
Sabi rito, “Una mong hanapin ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran at ang LAHAT ng ITO [kasaganaan, kaligayahan, kaligtasan etc.] ay IDADAGDAG sa iyo.”

Kung may tao na LILIHIS sa kaayusang itinakda ng Diyos, ito ay GAGAWA ng KASALANAN.

Ang KASALANAN kasi ay galing sa salitang SALA na ang isang kahulugan ay LIHIS. Kaya nga ang ibig sabihin ng KASALANAN ay PAGLIHIS sa KAAYUSAN na ITINATAG ng Diyos.

Ayon sa Roma 6:23, “Ang KABAYARAN ng kasalanan ay KAMATAYAN.” Kaya nga ang tao ay NAMAMATAY. Ito ay dahil sa KASALANAN.

Liban pa riyan, ang kasalanan ay nagreresulta sa KAGULUHAN, KALITUHAN at PAGHIHIRAP.

Kung titingnan natin ang ehemplo sa ating panahon, makikita natin na dahil lumilihis ang mga nasa gobyerno sa KAAYUSAN na sila ay TAGAPAGLINGKOD sa mga tao, ang nangyayari ay may mga"public servants" na NAGNANAKAW sa bayan at ang iba naman ay UMAABUSO.

Ang epekto ay MAGULO ang ating lipunan at marami ang NAGHIHIRAP.

Bakit nagkaganoon? Dito papasok ang ORIGINAL SIN.

u u u

Nakita na natin na HINDI DIYOS ang may bigay ng kaguluhan. Kaya mayroon nito ay dahil nasira ang kaayusang inilagay ng Diyos sa Kanyang mga nilikha.

Ayon sa Bibliya, ang pagkasira ng kaayusang ito ay unang nangyari noong hangarin ni Eba at Adan na maging “tulad ng Diyos” sa kabila ng sila’y mga nilikha lamang. (mababasa ito sa Genesis chapter 3)

Mga TAO LANG sila pero GINUSTO nilang maging “diyos.” ITO ang tinatawag na “Original Sin.”
Kung papansinin natin, kahit naman ngayon ay maraming tao ang gustong maging “diyos.”

Tingnan ninyo itong ilang BAGONG LITAW na mangangaral (daw) na nagkukunwaring "pantas" at NAGKUKUNWARI na ALAM ang LAHAT. MALI-MALI naman ang mga sinasabi.

May grupo, tulad nitong Ang Dating Daan ni Eli Soriano, ang nagkakalat ng maling aral tungkol sa itinuturo ng Simbahan Katoliko kaugnay ng “Original Sin.”

Ayon kay Soriano, ang itinuturo raw ng Katolisismo ay “NAMANA ng mga tao ang KASALANAN nina Eba at Adan.”

Hindi ito ang ibig sabihin ng “Original Sin” ayon sa Iglesia Katolika. Nag-IMBENTO lang ng aral si Soriano at IBININTANG ito sa mga Katoliko. Tama ba ‘yon?

Sa doktrina ng “Original Sin,” hindi ang mismong kasalanan nina Eba at Adan ang namamana ng tao kundi ang EPEKTO ng kanilang maling ginawa.

Para maintindihan natin ito, basahin natin ang Genesis 3:16-19. Dito ay nadiskubre ng Panginoon ang ginawang pagsuway nina Eba at Adan sa Kanyang utos. Dahil dito ay pinarusahan Niya ang mga ito.

Sa 16: “Sa babae sinabi Niya: Patitindihin ko ang hirap ng iyong panganganak; mapupuno ng sakit ang pagluluwal mo ng iyong mga anak. Sa kabila nito, mananabik ka sa iyong asawa at siya ang magigi mong panginoon.”

“Sa lalaki sinabi niya … ‘Sumpain ang lupa nang dahil sa iyo. Bubungkalin mo ito para makain ang kanyang bunga sa buong buhay mo. Uusbong dito ang mga tinik at kakain ka sa mga halaman sa parang."

Sa 19, “Kakain ka sa pamamagitan ng pawis na tumutulo sa iyong mukha hanggang sa bumalik ka sa lupa kung saan ka nagmula. Dahil ikaw ay lupa at sa lupa ka rin magbabalik.”

Ang lahat ng paghihirap na ito ang bunga ng “Original Sin.

At isa nga sa masamang bunga nito ay ang pagpasok ng KAMATAYAN.

Kaya nga sa Iglesia Katolika, ang pagbibinyag sa bata ay HINDI DAHIL may kasalanan ito.

Binibinyagan ang bata para mapartihan ito ng BUHAY na WALANG HANGGAN na bigay ni Hesus.

Sabi kasi sa Roma 6:4, "Tayo nga ay INILIBING kasama niya sa pamamagitan ng BINYAG sa kamatayan upang, tulad ni Kristo na binuhay mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, TAYO MAN ay MABUHAY sa PANIBAGONG BUHAY."

No comments:

Post a Comment