Tuesday, March 12, 2013

Ang Ama ay ‘Diyos’ ni Kristo Hesus

August 30, 2003


KAHAPON ay ipinakita natin ang pagka-Diyos ni Kristo. Ngayon ay sasagutin natin itong magandang tanong si Arnel ng Tarlac.

Ganito ang sabi niya, "Mr. Cenon Bibe Jr. paano mo nasasabi na si Kristo ay diyos gayong si Kristo mismo ay may kinikilalang Diyos? Ang Ama na nasa Langit."

Salamat sa tanong mo, Arnel. May katwiran ka para magtanong ng ganyan.

Pero ipagpaumanhin mo kung sasabihin ko na ang tanong na ganyan ay dala ng limitadong kaalaman sa Bibliya at sa mga dahilan kung bakit nasulat ang mga laman nito.

Pero bago ko ipaliwanag kung bakit ko nasabi ‘yan ay basahin muna natin ang ilang talata kung saan tinatawag nga ni Kristo na "Diyos" ang Ama. Ito ang John 20:17 at Matthew 27:46.

Ganito ang sinasabi ng John 20:17, "Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakakabalik sa Ama."

"Sa halip ay puntahan mo ang aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila: Ako ay babalik sa aking Ama at sa inyong Ama, sa AKING DIYOS at sa inyong Diyos."

Ganito naman ang sinasabi sa Mt 27:46, "Noong bandang ika-siyam na oras, sumigaw si Hesus: Eli, Eli lama sabachthani? -- na ang kahulugan ay ‘DIYOS KO, DIYOS KO, bakit mo ako pinabayaan?"

Sa dalawang talata ay tinawag ni Hesus na "Diyos" ang Ama. Pero nangangahulugan ba ito na hindi Siya Diyos?

u u u

Ngayon, ipaliliwanag ko kung bakit dala ng "limitadong kaalaman sa Bibliya" ang pagsasabi na hindi Diyos si Kristo porke tinawag Niyang Diyos ang Ama.

Dapat nating malaman na ang DAHILAN kung bakit nasulat ang mga Ebanghelyo ay para IPAKITA ang mga GINAWA ni Kristo para TUBUSIN ang tao sa kasalanan.

Ang DAHILAN na ito ay IBA sa dahilan kung bakit nasulat ang ibang nilalaman ng Bibliya, tulad ng Old Testament.

Ayon sa John 5:39, ang Lumang Tipan ay nasulat upang "MAGPATOTOO" kay Hesus.

Samantala, ang Bagong Tipan, partikular ang mga Ebanghelyo, ay nasulat para tayo ay MANIWALA kay Kristo at MALIGTAS.

‘Yan nga ang sinasabi John 20:31, "Pero ang mga ito ay nasulat PARA KAYO AY MANIWALA na si Hesus ay ang KRISTO, ang Anak ng Diyos, at sa paniniwala ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan."

So nakikita natin na ang iba’t-ibang bahagi ng Bibliya ay may iba’t-ibang dahilan din kung bakit sila nasulat.

Kaya nga marami ang nagkakamali sa pag-unawa ng mga sinasabi ng Bibliya ay PINAGHAHALO-HALO nila ang mga sinasabi at diwa ng mga Kasulatan.

u u u

Ngayon, para maunawaan natin kung bakit tinawag ni Hesus na Diyos ang Ama, kailangang makita natin ito sa KABUOHAN ng KUWENTO ng KALIGTASAN.

Una, kinailangang maging TAO ang Diyos para MABAWI Niya ang PAG-AALIS Niya ng buhay na walang hanggan sa tao.

Noon kasing nagkasala sina Eba at Adan ay PINALAYAS sila ng Diyos sa Paraiso at hindi sila nakakain mula sa Puno ng Buhay. (Genesis 3:24)

Kaya nga may kamatayan sa mundo. (Roman 6:23)

Diyos ang NAG-ALIS ng buhay na walang hanggan kaya Diyos din lang ang puwedeng MAGBALIK nito.

Pero para mangyari ito, kinailangan na may TUMUBOS sa tao. At si Hesus ang gumawa nito.

Pahayag nga ng 1 Timothy 2:5-6, "Dahil iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at tao, ang taong si Kristo Hesus, na NAGBIGAY sa kanyang sarili bilang PANTUBOS PARA SA LAHAT NG TAO. Ito ang patotoo na ibinigay sa tamang panahon."

Bilang tagapamagitan kinailangan ni Hesus na MAGPAKUMBABA at MAKIISA sa tao sa kabila na Siya ay Diyos.

Kaya nga sinasabi sa Philippians 2:5-8, "Ang kaisipan ninyo ay dapat maging tulad ng kay Kristo Hesus, na kahit NASA ANYO ng DIYOS, ay hindi itinuring ang kanyang sarili bilang kapantay ng Diyos, bagay na dapat maunawaan."

"Pinawalang kabuluhan niya ang kanyang sarili at tinanggap ang pinaka kalikasan ng isang alipin at NAGING TULAD NG TAO."

"Yamang siya ay nasa anyo bilang tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan -- maging kamatayan sa krus!"

Nakikita natin dito na sa kabila ng Siya ay "NASA ANYO NG DIYOS," ang PAKIKIISA ni Hesus sa tao ay lubos.

Ganoon din naging LUBOS ang Kanyang PAGPAPAKUMBABA.

Kaya hindi kataka-taka na TAWAGIN Niyang "Diyos Ko" ang Kanyang Ama.

‘Yan ang KONTEKSTO ng mga sinabi ng Panginoon. At dahil diyan ay WALANG KONTRADIKSYON sa Kanyang pagiging Diyos.

Sa katunayan, kabaliktaran ito ng gawain ng iba riyan na pilit na NAGPAPAKA-DIYOS sa kabila na sila ay mga tao lamang.

Ang kahalagahan nito ay ipinakita ni Hesus kung gaano kahalaga ang pagpapakumbaba at pagpapasakop ng isang Kristiyano sa Diyos.

No comments:

Post a Comment