Tuesday, March 12, 2013

Kanino ang Bibliya at sino ang may ‘K’ dito?

August 26, 2003


NAGPOPROTESTA si Christian Dy ng QC. Ganito ang sabi niya, "Mr. Cenon Bibe, h’wag ka nang sumipi ng talata sa Bibliya dahil ‘di mo naman unawa. At sino ka para mangaral?"

Nauunawaan ko ang sinasabi mo, Christian. Tiyak marami akong sinasabi na hindi mo matanggap.

Ngayon, imbes na magprotesta ka bakit hindi mo sabihin kung ano sa palagay mo ang tamang interpretasyon o unawa sa mga talatang sinasabi ko?

At dahil nabanggit mo na ang tungkol sa pag-unawa sa Banal na Kasulatan, naitanong mo na ba sa sarili mo kung SINO ang MAY KARAPATANG UMUNAWA sa BIBLIYA?

Hindi naman siguro lingid sa inyo na napakaraming tao ang gumagamit at dumadampot ng talata sa Bibliya.

Akala ng mga gumagamit na ito sa Bibliya ay KANILA ang Banal na Kasulatan.

Pero KANINO ba ANG BIBLIYA, partikular ang NEW TESTAMENT?

SINO ang MAY KARAPATAN at NASA LUGAR para UMUNAWA sa mga nakasulat dito?

u u u

Ang Banal na Kasulatan, partikular ang New Testament, ay PAG-AARI ng Iglesiang ITINATAG ni Kristo noon pang UNANG SIGLO.

Paano natin ito nasabi?

Sa simpleng pagtingin sa mga aklat at sulat sa Bibliya ay makikita natin na ang mga ito ay GINAWA para sa Iglesia na nasa iba’t-ibang lugar.

Halimbawa, sabi sa Romans 1:8, "Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo para sa INYONG LAHAT, dahil ang inyong pananampalataya ay ipihapahayag sa buong mundo."

Ang "inyong lahat" ay tumutukoy sa mga miyembro ng Iglesia na nasa Roma. Ibig sabihin, ang sulat sa mga taga-Roma ay sa IGLESIA.

Ganito naman ang sabi sa 1 Corinthians 1:1-2, "Si Pablo, tinawag para maging apostol ni Kristo Hesus sa kalooban ng Diyos, at si Sosthenes ang ating kapatid, SA IGLESIA NG DIYOS na NASA CORINTH ... at sa nasa LAHAT ng dako na tumatawag sa ngalan ng ating Panginoong Hesu Kristo bilang Panginoon."

Ang ganitong pagbati ay nauulit sa iba pang aklat at sulat sa Banal na Kasulatan. Patunay lang na MAYROONG NAGMA-MAY-ARI ng mga ito. At ITO NGA ang IGLESIANG ITINATAG NOON PANG UNANG SIGLO.

Ang tanong ngayon ay ALIN sa mga grupo NGAYON ang IGLESIANG ITINATAG ni Kristo?
Simple lang. Ito ang Iglesia na matutukoy pabalik kay Kristo, sa mga Apostol. At ‘yan ay wala nang iba kundi ang IGLESIA KATOLIKA.

Ibig sabihin, ang Bibliya at ang Banal na Kasulatan, partikular ang New Testament ay PAGMA-MAY-ARI ng IGLESIA KATOLIKA, ang IGLESIANG ITINATAG NI KRISTO.

u u u

May pruweba ba tayong maipapakita na ang mga Kasulatan ay pag-aari ng Iglesia Katolika?
Isa-isahin natin.

Una, IISA ang ITINATAG o ITINAYO na Iglesia ng Panginoong Hesus. ‘Yan ay ayon sa Matthew 16:18.

Sinabi ni Hesus sa talata, "At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatatag ko ang AKING IGLESIA."

Hindi sinabi ng Panginoon na "mga iglesia."

Pangalawa, tulad ng nabanggit ko na, ang mga sulat at aklat ay ipinadala at ipinatungkol sa iba’t-ibang bahagi ng Iglesia na nasa ibang lugar.

Pero kahit pa marami at hiwa-hiwalay ang mga bahagi ng Iglesia na ito, ang mga ito ay IISA kay Kristo.

Sabi nga sa Romans 12:5, "Kay Kristo, tayo na MARAMI ay BUMUBUO ng ISANG KATAWAN, at ang bawat isang miyembro ay bahagi ng bawat isa pa."

Dahil diyan ay nagawa ng Iglesia na nasa iba’t-ibang lugar na ibigay rin at ipasa sa ibang miyembro ang mga sulat o aklat na kanilang natanggap.

Pagdating ng bandang 390 A.D. ay nagkaroon ng kontrobersiya kung alin-alin sa mga kasulatan na nagkalat noon ang galing sa Diyos o "INSPIRED."

Noon kasi ay MARAMI nang iba’t-ibang kasulatan na nagkalat. Liban sa mga Kasulatan na kasama na ngayon sa New Testament ay may 300 iba pang sulat na NAGKUNWARI noon na "inspired."

Kaya noong 393 A.D. sa Council of Hippo at 398 A.D. sa Council of Carthage ay IGINIIT ng Iglesia Katolika ang pagma-may-ari nito sa mga Kasulatan.

Sa dalawang konsilyo na ito ng IGLESIA KATOLIKA ay KINILALA ng Kawan ni Kristo ang mga Kasulatan na KANILA at HINDI KANILA.

Dito nga ay PORMAL na idineklara na BANAL at GALING sa Diyos ang 46 aklat sa Old Testament at 27 aklat sa New Testament.

Kung hindi pag-aari ng Iglesia Katolika ang mga Kasulatan, partikular ang nasa New Testament, ano ang karapatan nitong ideklara na "inspired" o "hindi inspired" ang mga ito?

Sa katunayan, ang deklarasyon ng Iglesia Katolika sa New Testament ay TANGGAP ng mga Protestante at iba pang grupo.

Ngayon, ang nangyayari ay NAKIKIBASA at NANGHIHIRAM na lang ng Kasulatan ang mga BAGONG SULPOT na mangangaral ay NAGMAMAGALING pa sila.

Kaya babalik tayo sa tanong kung SINO ang may KARAPATANG MAG-INTERPRET ng Bibliya. Kaninong pagkakaunawa rin ang TAMA?

Hindi ba ang may karapatan ay ang MAY-ARI na siya ngang IGLESIA KATOLIKA?

Kaya ito lang ang masasabi ko kay Christian: Ako ay miyembro ng Iglesiang MAY-ARI ng mga Kasulatan kaya may KARAPATAN akong magsalita tungkol dito.

Ikaw, Christian, Katoliko ka rin ba? At masasabi mo bang may "K" ka rin?

2 comments:

  1. ang galing mo talaga bro. cenon tumpak na tumpak!

    ReplyDelete
  2. sundan ko na rin ng tanong ung comment ko! bro. cenon kung c jhon the baptist ang nag binyag kay jesus eh cno po ang nag binyag kay jhon the baptist?

    ReplyDelete