Tuesday, March 12, 2013

Maria, Iniakyat sa Langit? Totoo?

August 24, 2003


LAST week, ipinakita ko kung paano naging BIBLICAL ang Santo Rosaryo na tinututulan ng maraming "Bible Christians."

Inisa-isa ko ang mga talata ng Bibliya na batayan ng iba’t-ibang mysteryo sa buhay ng Panginoong Hesus at ni Birheng Maria.

Nagpapasalamat ako dahil isa sa mga readers natin, si AJ ng Cavite, ang nakapuna na isa sa mga misteryo ay walang kasama na verse sa Bible.

Ito ang 4th Glorious Mystery o ang Assumption ni Maria sa Langit.

Sabi ni AJ, "Ano ang batayan ng 4th Glorious Mystery?"

Sa ibang salita, gustong malaman ni AJ kung may batayan sa Bibliya ang paniniwalang ito ng mga Katoliko.

Salamat sa tanong mo, AJ.

Una, ano ba muna ang "Assumption?"

Ito ang paniniwala ng mga Katoliko na sa dulo ng buhay ng ina ng Panginoong Hesus ay KINUHA ng Diyos ang kanyang KATAWAN at KALULUWA at DINALA ito sa Langit.

Mula pa ng UNANG PANAHON ay naniwala na ang mga Kristiyano rito pero pormal lang itong idineklara na isang aral ng Iglesia noong November 1, 1950.

Bakit noon lang 1950? Ito ay dahil hindi basta-basta nagdedeklara ng aral ang Iglesia Katolika kung hindi ito lubos na napapag-aralan at nasusuri kung tama o mali.

Sa kaso ng "Assumption," noon lamang 1870s may mga nakaisip na pormal na magpetisyon sa Iglesia para ideklara na itong opisyal na aral.

At matapos ang may 80 taon -- matapos ang masusi at malalim na pag-aaral -- ay saka pa lamang ito idineklara bilang aral.

u u u

Pero mayroon bang batayan ang paniniwala na KINUHA ng Diyos si Maria sa kanyang katawan at kaluluwa?

Sa mas simpleng tanong, may batayan ba sa Bibliya ang PAGKUHA ng Diyos sa isang tao?

MAYROON. Ang dalawang halimbawa rito ay sina Enoch at Elias na parehong KINUHA ng Panginoon sa KATAWAN at KALULUWA.

Si Enoch ay mababasa natin sa Genesis 5:18-24. Basahin natin ang maikli niyang kasaysayan sa Bibliya.

Ganito ang sinasabi ng mga talata, "Nang si Jared ay nabuhay na ng 162 taon, siya ay naging ama ni ENOCH.

"At matapos na siya ay maging ama ni ENOCH, si Jared ay nabuhay ng 800 taon at nagkaroon ng iba pang anak na lalaki at babae. Sa lahat-lahat, nabuhay si Jared ng 962 taon, matapos noon ay pumanaw siya."

"Noong si ENOCH ay nabuhay na ng 65 taon, siya ay naging ama ni Methuselah. At matapos siyang maging ama ni Methuselah, si ENOCH ay lumakad kasama ng Diyos sa loob ng 300 taon at nagkaroon ng ibang anak na lalaki at babae. Sa kabuohan ay nabuhay si ENOCH ng 365 taon."

"Lumakad si ENOCH kasama ng Diyos. Matapos nito ay WALA NA SIYA dahil KINUHA SIYA ng Diyos."

Sa kaso ni Elias, siya ay isang TAPAT na propeta ng Diyos. Mababasa natin ang pagkuha sa kanya ng Diyos sa 2 Kings 2:11.

Ayon sa talata, "Habang naglalakad sila [kasama ni Elias ang alagad niyang si Elisha] at nag-uusap, biglang lumitaw ang isang karuwahe ng apoy at mga kabayo ng apoy at pinaghiwalay silang dalawa."

"At si Elias ay UMAKYAT sa langit sa isang ipu-ipo."

MALINAW sa pahayag ng Bibliya na may mga taong UMAKYAT sa Langit o KINUHA ng Diyos sa kanilang KATAWAN at KALULUWA.

Sa kaso ni Maria, sinasabi ng tradisyon ng Iglesia Katolika na noong siya ay 73 anyos natapos ang buhay niya sa lupa.

Sinasabi na BASTA NA LANG HINDI NAKITA ang kanyang KATAWAN at pinaniwalaan na KINUHA na ng Diyos ang kanyang KATAWAN at KALULUWA.

Ito ang dahilan kung bakit WALANG EBIDENSIYA na siya ay namatay at inilibing.

Kung titingnan natin ay MAY TANDA ng pinaglibingan at may mga LABI o REMAINS ang halos lahat ng mga naunang bayani ng Kristiyanismo.

Ang libingan ni San Pedro ay nasa Vatican. Ang kay Pablo ay nasa Roma.

Ang mga bangkay o labi ng mga unang Kristiyano ay tinipon at iningatan ng mga kapatid.

Pero sa lahat ng ito, walang nababanggit na mga LABI ni Maria. Ito nga ay dahil HINDI na nila ito NAKITA matapos KUNIN ng Diyos.

u u u

Ang tanong ngayon ay "Ano ang silbi kung maniwala tayo na kinuha ng Diyos ang katawan at kaluluwa ni Maria?"

Mahalaga ito dahil ipinakikita nito na TOTOO ang PANGAKO ni Hesus sa John 11:25-26.

Sabi ni Hesus sa talata, "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Sino man na maniwala sa akin ay MABUBUHAY KAHIT pa siya MAMATAY."

"At sino mang nabubuhay at maniwala sa akin ay HINDING-HINDI MAMAMATAY."

Para sa mga Katoliko, kung si Maria ay KINUHA ng Diyos sa KATAWAN at KALULUWA, sila rin ay KUKUNIN ng Diyos.

Kung si Maria ay PATULOY na NABUBUHAY KASAMA ng Diyos, sila rin ay MABUBUHAY KAPILING ang Diyos sa Langit.

No comments:

Post a Comment