Monday, March 11, 2013

Nagkakamali, dapat ba itiwalag sa Iglesia?


UNAHIN natin ang puna ng reader natin na si Timoteo Pablo sa Iglesia Katolika.

Ganito ang sabi niya, "Sa ICAR (Iglesia Catolika Apostolika Romana) pumatay ka, mangalunya ka, magsalaula ka ay kapatid ka pa rin."

"Ano ang ginagawang hakbang ng ICAR sa mga kaanib na ganito? WALA! Di rin sya basta-basta tinitiwalag binibigyan pa siya ng pagkakataong magbago."

"Inaalam ba ng ICAR ang kalagayan ng mga kaanib? HINDI! Ganyan ang ICAR. Pabaya. Gusto ng autority ayaw ng responsiblidad."

Nararamdaman ko, "Timoteo Pablo," na malalim ang hinanakit mo sa Iglesia Katolika. Wala akong magagawa kung ganyan ang nararamdaman mo.

Pero maniwala ka sa hindi ako man ay nakapagsasabi na NAPAPABAYAAN ang maraming Katoliko.

Marahil ang KAIBAHAN natin, "Timoteo Pablo," ay hindi ako tumigil sa pagkakaroon lang ng sama ng loob.

KUMILOS ako at PATULOY na KUMIKILOS para matugunan ang sa tingin ko ay pagkukulang ng mga pari.

Tulad ng sabi mo, ang turing sa isang miyembro ng Iglesia Katolika ay "KAPATID."

Ang KAPATID ay HINDI UMIIWAN sa kanyang mga KAPATID. LALONG-LALO na kung ito ay NANGANGAILANGAN.

Maraming Katoliko ang NAILILIGAW ng mga BAGONG LITAW na mangangaral dahil KULANG sila sa KAALAMAN.

Kaya nga narito ako at ang column na ito para MAIPAALAM sa kanila ang KATOTOHANAN ukol sa pananampalatayang Katoliko at subukan silang ITUWID.

May ganitong sinasabi sa Matthew 18:15, "Kung ang kapatid mo ay nagkasala sa iyo, puntahan mo siya at ipakita ang kanyang pagkakamali na kayo lang dalawa. Kung makinig siya sa iyo, nakuha mo sa iyong panig ang iyong kapatid."

‘Yan din ang dahilan kung bakit kahit nagkakamali ang isang KAPATID ay HINDI ITO AGAD ITINITIWALAG.

Sa ibang grupo, basta nagkamali ay TIWALAG KA AGAD. Ibig sabihin, ang turing sa mga kasama ay MIYEMBRO LANG at HINDI KAPAMILYA.

Sa Iglesia Katolika, ang BAWAT MIYEMBRO ay KAPATID at KAPAMILYA.

MADALING MAGTIWALAG. Ang MAHIRAP ay ang TUMULONG sa KAPATID para ito ay makapagbago.

Kaya huwag mo sanang mamasamain kung HINDI basta-basta NAGTITIWALAG ang Iglesia Katolika.

Sana ay alisin mo rin sa isip mo na NAGPAPABAYA ang mga Katoliko.

Sa totoo lang, hindi lang ang mga obispo at pari ang bumubuo sa Iglesia Katolika. Ang bawat isang Katoliko ay RESPONSABLE para sa kanyang kapwa.

Ako, bilang isang Katoliko, ay TUMUTULONG. HINDI ako UMUURONG o LUMALAYAS sa SAMBAHAYAN ng Diyos.

Naniniwala ako na mas MAKABUBUTI kung TUTULUNGAN ang naliligaw kaysa ito ay ITATABOY.

At kung HINDI NA MAITUTUWID ang isang kapatid, hindi na siya kailangan pang ITIWALAG.

Ang pagmamatigas kasi niya at hindi pagsunod sa utos at aral ng Iglesia ay para na rin siyang TUMIWALAG.

Ang KAGANDAHAN na hindi siya pormal na itiniwalag ay MADALI SIYANG MAKABABALIK kung magsisi siya.

Para maintindihan natin ito ay alalahanin natin ang kuwento ng Talipandas na Anak o "Prodigal Son" na nasa Luke 15:11-24.

Sa kabila ng PAGTALIKOD ng anak ay AGAD siyang TINANGGAP uli ng kanyang Ama.

u u u

Lubos-lubusin na natin at bigyang daan ang isa pang text ni "Timoteo Pablo." Ito ay may kaugnayan sa sinabi ko na HINDI LAHAT ay NASUSULAT sa Bibliya.

Ginamit kong batayan ang sinabi sa John 21:25 na ganito ang nasusulat, "Marami pang ibang bagay na ginawa si Hesus. Kung ang bawat isa sa mga ito ay isusulat, sa palagay ko ay maging ang buong mundo ay walang lugar para sa mga aklat na masusulat."

Ganito ang text ni Timoteo Pablo sa talatang ito, "(Ang mga aklat na tinutukoy rito ay) mga aklat (ng Bible) na susulatin pa lang."

Ikinalulungkot ko, Timoteo Pablo, dahil MALI ang pagkakaalam mo at pagkaunawa sa sinasabi ng talata.

Unang-una, HINDI MAAARI na ang tinutukoy sa talata ay "ang mga aklat ng Bible na SUSULATIN PA LANG."

Nasabi ko ito dahil LIBAN sa aklat ng "Revelation" ay WALA NANG IBA PANG AKLAT ng Bibliya na NASULAT matapos ang aklat ni John.

Sa katunayan, halos sabay na nasulat ang John at Revelation sa pagitan ng 96 AD at 100 AD.

Kaya pasensiya ka na, Timoteo Pablo, kahit ano pa ang sabihin natin ay HINDI NATIN MAPAPATUNAYAN mula sa Bibliya na ang LAHAT ay NASULAT.

Pero huwag kang malungkot. Sinasabi ng Bibliya na ang ibang ARAL ay IBINIGAY bilang ORAL TRADITION. ‘Yan ang tinutukoy sa 2 Thessalonians 2:15.

Ganito ang MALINAW na SINASABI ng talata, "Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga TRADISYON na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa SALITA o sa SULAT."

Ang KABUOHANG aral ni Kristo ay IBINIGAY sa SALITA (ORAL) at SULAT (WRITTEN) na TRADISYON.

Kung gusto mong malaman ang KABUOHANG ARAL ni Hesus ay hanapin mo ang Iglesia na naroon ang ORAL at WRITTEN TRADITIONS ng Panginoon at ng mga Apostol.
Salamat uli.

1 comment:

  1. 12-13 Kung sabagay, wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Hindi ba't ang mga nasa loob ng iglesya ang dapat ninyong hatulan? Sabi nga sa kasulatan, "Itiwalag ninyo sa inyong samahan ang masamang tao."

    ReplyDelete