Tuesday, March 12, 2013

Hesus: Diyos o Tao?

August 30, 2003


SA PANAHON ngayon, dumarami ang mga religious groups na nagsasabi na ang Panginoong Hesus ay TAO LANG at hindi Diyos.

Siyempre pa, ang basehan nila ay ang Bibliya kung saan nakasulat ang buhay at kamatayan ni Hesus.

Ang sasabihin ng mga hindi naniniwala sa pagka-Diyos ni Kristo ay “Hindi siya puwedeng maging Diyos dahil marami siyang ginawa na hindi puwedeng gawin ng Diyos.”

Ang halimbawa nila ay ang pagkapanganak ni Hesus sa pamamagitan ni Maria. Sunod ang mga karanasan Niya bilang tao.

Nagugutom daw ba ang Diyos? Ang sagot nila ay “Hindi.” Pagkatapos ay babasahin nila ang Bibliya kung saan sinasabi na si Hesus ay nagutom at kumain pa nga.

Ang Diyos daw ba ay namamatay? Siyempre sasabihin nila ay “Hindi.” Tapos ay ipakikita nila sa Banal na Kasulatan na si Kristo ay naghirap, ipinako sa krus at namatay.

Sa katunayan, mabubuklat nila ang buong Bibliya at mapapatunayan na maraming katangian ang Panginoon na tanging sa tao at hindi sa Diyos. Dispuwes, sabi nila, “tao lang talaga” Siya at hindi Diyos.

Ang problema lang sa argumentong ganito ay napapaghalata na talagang napakalayo na nila sa panahon nina Hesus at ng mga sumulat ng Bibliya.

Patunay nga ito na WALA na silang KAUGNAYAN sa IGLESIA na ITINATAG ni Kristo noong UNANG SIGLO.

Dahil dito ay NALILIGAW na sila sa pag-intindi sa mga laman ng Banal na Kasulatan.

Ang hindi nila alam, ang isang layunin kung bakit isinulat ang New Testament ay para patunayan nga na “NAGING TAO” si Hesus.

Noon kasing unang panahon ay mas kinilala si Kristo bilang “DIYOS LANG” dahil sa mga himala at kababalaghan na Kanyang ipinakita noon.

Kayo ba naman ang magpalakad sa mga pilay, magsauli ng paningin sa mga bulag, magpalayas ng mga demonyo, mag-utos sa bagyo na tumigil, bumuhay ng mga patay at muling mabuhay matapos patayin sa krus ay kikilalanin din kayong Diyos.

At dahil Diyos nga si Kristo ay maraming tao ang ayaw nang maniwala na siya ay naging tao. Marami na rin noon ang ayaw maniwala na IPINAKO Siya sa Krus dahil "katitisuran" (stumbling block) nga raw ito.

Dahil sa maling paniniwala na si Hesus ay “Diyos lang,” kinailangan ng mga ebanghelista at manunulat ng Bagong Tipan na patunayan na si Kristo ay naging “TAO RIN.”

‘Yon ang dahilan kung bakit halos buong New Testament ay pilit na nagpapatunay na Siya ay “NAGING TAO.”

Ang patotoo na Siya ay nagpakatao ay nakahalo sa mga patunay rin na Siya ay nagpaka-Diyos habang narito sa lupa.

Pero kung Diyos Siya, bakit Niya sinabi na ang Ama ang “nag-iisang tunay na Diyos” tulad ng sinasabi sa John 17:3.

Sabi sa talata, “Ngayon ito ang buhay na walang hanggan na makilala Ka nila na nag-iisang tunay na Diyos …”

’Yan ang ipinagdidiinan nila. Ang Panginoon daw mismo ang nagsabi na ang Ama ang “NAG-IISANG TUNAY NA DIYOS.” Ano pa raw ba ang dapat intindihin sa mga simple at direktang salita na iyan?

Ang kaso po ay PUTOL ang binabanggit nilang talata.

Bahagi lang ng talata ang kanilang binabanggit. Hindi rin nila isinasama ang BUONG DIWA ng BUONG KASULATAN.

Sa Bibliya o kahit na ano pang babasahin o literatura, ang isang talata ay bahagi ng isang chapter o kapitulo at ang kapitulo ay bahagi ng buong aklat.

Sa katunayan, kung itutuloy lang ang John 17:3 at babasahin ang BUONG talata ay ito ang sinasabi, “Ngayon ito ang buhay na walang hanggan na makilala Ka nila na nag-iisang tunay na Diyos AT ANG IYONG SUGO SI HESU KRISTO.”

Hindi lang pala ang Ama ang dapat kilalanin kundi pati na rin si Hesu Kristo.

Ngayon, ano ba ang PAGPAPAKILALA ng Ebanghelyo ni John kay Hesus?

Basahin natin ang pinaka-UNANG TALATA ng kanyang sinulat.

Ganito ang sinasabi ng John 1:1, "Sa pasimula ay naroon ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang SALITA AY DIYOS."

Eh ano naman kung ang "SALITA AY DIYOS?"

Ang kahalagahan nito ay mababasa sa verse 14 kung saan sinasabi, "Ang SALITA ay NAGKATAWANG TAO at gumawa ng kanyang tirahan sa gitna natin."

Sa susunod na talata ay idinideklara na "Nagpatotoo si Juan [Bautista] kaugnay sa kanya. Sumisigaw siya at nagsasabi, ‘Ito siya na aking sinasabi: Ang sumusunod sa akin ay HIGIT sa akin dahil siya ay NAUNA sa akin."

Malinaw na ang tinutukoy na "SALITA" sa mga talatang ito ay si HESUS. At kung susundin natin ang sinasabi sa John 17:3 na kilalanin si Hesus ay kikilalanin natin na Siya ay DIYOS.

Ang deperensiya kasi sa mga gumagamit ng Bibliya at nagsasabi na "tao lang" si Hesus ay NAGKUKUNWARI lang sila na alam nila ang Bibliya.

Ang totoo ay HINDI NILA ALAM ang TUNAY NA DIWA ng Kasulatan dahil wala silang kaugnayan sa mga nagsulat nito na mga MIYEMBRO ng Iglesia na itinatag ni Kristo noong UNANG SIGLO.

No comments:

Post a Comment