Tuesday, March 12, 2013

Scapular at lucky charm pareho ba?


NABASA ni AM ng Leyte ang mga sinulat natin tungkol sa Deuterocanonica at Apocrypha at naisipan niyang mag-text.

Ganito ang sabi niya, "Hi, Cenon. Isa ako sa napakarami mong tagasubaybay ng napakaganda mong column. Itatanong ko lang kung paano malalaman kung Deuterocanonica o Apocrypha ang isang Bibliya?"

Dagdag pa niya, "Nabasa ko rin ang tungkol sa lucky charm. Paano ang iskapolaryo? Bawal din bang gamitin ‘yon?"

Salamat sa text mo, AM at sa interes mong malaman ang pagkakaiba ng Bibliya na Deuterocanonica at Apocrypha.

Mahalagang isyu ang tungkol sa pagkakaroon ng Deuterocanonica ng isang Bibliya dahil dito ay makikita natin kung TAMA o MALI ang Bibliya na gamit natin.

Kung hindi pa alam ng iba sa atin, may mga Bibliya na BINAWASAN ng mga libro kaya KULANG ang laman ng mga ito.

Ang INALIS na mga libro na ito ay ang tinatawag na DEUTEROCANONICA.

Kaya nga natutuwa ako sa interes ni AM. Ipinapakita lang nito na hangad niyang malaman kung alin ang TAMANG BIBLIYA at alin ang mali.

u u u

Kaugnay sa tanong ni AM kung paano makikilala ang Bibliyang may Deuterocanonica at alin ang Apocrypha lang ay heto po ang mga palatandaan.

Isang agarang tanda ay may NAKALAGAY na "With Deutecanonicals" o "With Apocrypha" sa pabalat ng Bibliya.

Kung makakabuklat tayo ng Bibliya na may tatak na "With Deuterocanonicals" ang mga aklat ng INALIS ng mga Protestante ay NAKAHALO o NAKASAMA sa ibang aklat sa Old Testament.

Kung ang Bibliya naman na may tatak "With Apocrypha" ang bubuklatin natin, ang mga aklat na INALIS ay NAKAHIWALAY. Usually ay nasa likod ng Bibliya.

Pangalawang pagkakaalaman ay kapag Bibliya ng Katoliko o Catholic Bible (ang tanda nito ay may KRUS sa cover) tiyak na mayroon itong Deuterocanonica.

Kung walang KRUS ang cover ng Bibliya ay malamang na ito ay sa Protestante o sa ibang grupo na gumagamit ng KULANG na Kasulatan.

Ganoon ‘yon, AM.

u u u

Tungkol naman sa lucky charm at sa ISKAPULARYO, HINDI "lucky charm" ang SCAPULAR. MAGKA-IBA ang dalawang ito.

Ano ba ang masasabing "lucky charm?"

Ito ay isang bagay o gamit na pinaglalagyan ng tiwala o kumpiyansa ng isang tao.

Sa "lucky charm," ang bagay o gamit mismo ang pinagkakatiwalaan o dito inilalagay ang pagtitiwala.
Kaya nga may mga tao na hindi makaalis ng bahay kung wala ang kanilang "lucky charm."

Sa kabilang dako, ang scapular ay isang bagay na ang layunin ay PALAGING IPAALALA sa isang tao sa PANGAKONG TULONG ng Birheng Maria sa may suot nito.

Ang kagandahan ng scapular ay mayroon itong basbas o bendisyon ng pari na kumukuha ng kapangyarihan mula mismo sa Panginoong Hesus.

Nakabatay ‘yan sa John 20:21-22 na ganito ang sabi, "Muli ay sinabi sa kanila ni Hesus: Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama ay SINUSUGO ko rin kayo."

"Pagkasabi noon ay HUMINGA siya sa kanila at nagsabi: Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo."

Ang pagtanggap na ito ng Espiritu Santo ng mga Apostol ay ipinasa nila sa mga taong humalili o pumalit sa kanila. At ito na nga ang mga pari na TUMANGGAP DIN ng Espiritu Santo.

Sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ito ay NAGBABASBAS ang mga pari.

Magandang malaman na WALANG IBANG PUNO ng anumang grupong panrelihiyon ang BINIGYAN at TUMANGGAP ng Espiritu Santo liban sa mga Apostol, obispo at pari.

At dahil sa kapangyarihan na bigay ng Espiritu Santo ay nagbebendisyon ang mga pari ng mga bagay tulad ng Iscapularyo para maging daluyan ng biyaya at pagpapala.

Pero tulad ng iba pang bagay na panrelihiyon, WALANG BISA ang SCAPULAR kung WALANG PANANAMPALATAYA sa Diyos ang nagsusuot nito.

Basahin natin itong sinasabi sa Matthew 9:20-22, "Sa pagkakataong iyon, isang babae na may pagdurugo sa loob ng labing dalawang taon ang lumapit sa likod niya at hinipo ang laylayan ng kanyang balabal."

"Sinabi niya sa kanyang sarili: Mahawakan ko lang ang kanyang balabal ay gagaling na ako."

"Lumingon si Hesus at nakita siya. ‘Magalak ka, anak,’ sabi niya, ‘PINAGALING KA NG IYONG PANANAMPALATAYA.’ At ang babae ay GUMALING mula sa sandaling iyon."

Ganoon din ‘yon sa SCAPULAR, AM. Isa ito sa mga bagay na nagpapakita ng PANANAMPALATAYA ng isang tao sa Diyos.

Kahit hindi ka magsuot ng Scapular ay mananatili ang pagmamahal ng Diyos sa iyo.

Pero NAKAKATULONG ito dahil mayroong bagay na palaging NAGPAPAALALA sa iyo ng mga dapat mong gawin bilang Kristiyano.

Ibig sabihin, kahit magsuot ng scapular ang isang tao kung hindi naman siya nananampalataya o sumusunod sa utos ng Diyos at Iglesia ay bale wala rin ito.

No comments:

Post a Comment