Thursday, September 12, 2013

Ano ang papel ni Maria sa kaligtasan?



September 3, 2013
MAGANDANG araw po. Ganito ang tanong ni Gerry ng Bagong Silang, Caloocan City, "Anong ibig sabihin ng HENTIL, PUBLIKANO, PARISEO, SADUSESO AT ESKRIBA?"
Salamat sa tanong mo, Gerry.
Ang salitang "hentil" ay tumutukoy sa mga tao na hindi Hudyo at hindi rin Kristiyano. Sa pagkaunawa ng mga Hudyo, ito ay isang tao na dayuhan o taga-ibang bansa na hindi Hudyo.
Sa pagkaunawa ng Hudyo at Kristiyano, ang isang hentil ay sumasamba sa mga diyus-diyosan at hindi pa tumatanggap sa pananampalatayang Hudaismo o Kristiyanismo.
Noong panahon ni Hesus, ang isang "publikano" ay isang mababang opisyal na taga-kolekta ng mga buwis, partikular noong panahon ng pananakop ng Imperyo Romano.
Hindi lahat ng nakukulekta ng isang publikano ay ibinibigay nito sa pamahalaang Romano. Ang malaking bahagi nito ay kanyang inaangkin para sa kanyang sarili. Kaya nga pabigat sila sa mga tao noon.
Ang "pariseo" ay miyembro ng isang matandang sekta ng mga Hudyo na nanghahawak sa mga batas ni Moises, nasusulat man o mula sa salin-sabi.
Tulad ng "pariseo," ang "saduceo" ay miyembro ng isang sekta sa Hudaismo. Pero mas nagbabatay sila ng paniniwala sa NASUSULAT na Batas ni Moises.
Ang sekta ng "saduceo" ay pinaniniwalaang lumitaw noong 2 B.C.
Ang "saduceo" ay hindi naniwala sa pagkabuhay na muli.
Nawala rin ang sekta na ito nang mawala ang templo ng mga Hudyo.
Ano naman ang "eskriba?" Ang "eskriba" noong panahon ni Hesus ay isang manunulat at eksperto sa mga batas at tradisyon ng mga Hudyo.
Trabaho ng "eskriba" na ipaliwanag ang mga batas sa mga Hudyo.
Sa Bibliya, ang mga ito ang tumayo na pangunahing KONTRA kay Hesus at sa mga tagasunod ni Kristo.
Sana ay nasagot ang mga tanong mo, Gerry.
u u u
Ganito naman ang tanong ni Tom ng Real Street, Intramuros, Manila, "Ano ang nagawa ni Maria sa kaligtasan ng tao? [Tungkol] sa panalangin sa kanya, [ang] alam ko ang panalangin sa Panginoon lang [dapat]. Magagalit Siya sa iba."
Tom, hindi ko maintindihan ang ibang gusto mong sabihin sa text mo kaya sinubukan kong ilagay ang sa palagay ko ay nawawalang mga salita.
Sana tama ang aking interpretasyon sa mga ipinadala mo.
Ang sa tingin natin na "panalangin kay Maria" ay hindi naman talaga panalangin sa kanya.
Ang lahat ng "panalangin" ay SA DIYOS PAPUNTA. Ito ay dahil DIYOS LANG ang sumasagot sa LAHAT ng PANALANGIN.
Si Maria, ang mga santo at iba pang Kristiyano ay INSTRUMENTO LANG. Sila ay mga KATULONG LANG sa pananalangin.
Kaya nga kung papansinin natin ay halos lahat ng panalangin na ukol sa kanila ay mga PANALANGIN na PAGHINGI ng TULONG.
Kung may natutupad man sa mga kahilingan na ipinadadaan sa kanila, DIYOS ang NAGPATUPAD nito. HINDI SI MARIA o sino pa mang santo.
Malakas lang talaga ang panalangin kapag ikinakabit sa panalangin ng isang banal o matuwid na tao, tulad nila.
Sabi nga sa James 5:16, "IPAGDASAL ninyo ang BAWAT ISA nang kayo ay gumaling."
"Ang PANALANGIN ng isang MATUWID na tao ay MAKAPANGYARIHAN at TUMATALAB."
Pero tulad ng sabi ko, HINDI SILA ang GUMAGAWA at SUMASAGOT sa kahilingan. ANG DIYOS LANG ANG SUMASAGOT SA PANALANGIN.
Maliwanag ito.
u u u
Ngayon, sagutin natin kung ano ang ginawa ni Maria para sa kaligtasan ng tao?
Simple lang ang naging papel ni Maria. Ang ginawa niya ay SUMAGOT LANG ng "OO" sa KALOOBAN ng Diyos.
Ang kuwento nito ay nasa Luke 1:26-38. Sa verse 28 ay idineklara ng Anghel na si Gabriel, "Binabati kita, lubos kang pinagpala. Ang Diyos ay sumasaiyo."
Sa verse 31 ay sinabi ni Gabriel kay Maria, "Ikaw ay magdadalantao at magluluwal ng isang anak na lalaki at bibigyan mo siya ng pangalang Hesus."
Nung una ay nagtaka pa si Maria kaya niya nasabi sa verse 34, "Paano ito mangyayari," tanong niya sa anghel, "samantalang ako ay isang birhen?"
Sa 35 ay ipinaliwanag ni Gabriel na "Bababa ang Espiritu Santo sa iyo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya nga ang banal na isisilang ay tatawaging Anak ng Diyos."
Ngayon, ano kaya kung sa puntong ito ay sinabi ni Maria, "Ayaw ko nga! Nakakahiya yata ang mabuntis na walang asawa."
Ano kaya ang nangyari sa kaligtasan ng tao?
Awa ng Diyos ay ganito ang isinagot ni Maria sa verse 38, "Ako ang alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin tulad ng iyong sinasabi."
At dahil sa PAGPAYAG ni Maria, naging tao ang Diyos at iniligtas tayo sa kasalanan.
Ngayon, mayroon na tayong pagkakataon sa buhay na walang hanggan.

2 comments:

  1. nagustuhan ko po ang paliwanga ninyo dahil payak po ang paraan ng pagpapaliwanag. Mtanong ko lng po Katoliko po ba kau Sir? salamt po

    ReplyDelete
  2. Tonong kupo may ministry po ako sa isang church pero ang buhay ko hindi maayos ang relasyon ku sa hiwalay kami ng wife ko at may kinakasama ako now kaya minsan ang bigat pag akoy nag tutro ng salita ng diyos ako mismo d maayos ang buhay.. Salamat po to GodBe the Glory...

    ReplyDelete