Sunday, May 20, 2012

Binyag at kasal mayroong bayad?

Hunyo 3, 2003

NAGPAPASALAMAT si Noy Torento ng Koronadal City. Sabi niya, "Salamat sa paliwanag mo hingil sa iba pang mga anak daw ni Maria. Ang tawag nga rin ni Bro. Eli sa kanyang mga kasapi ay 'KAPATID."

Walang anuman, Noy.

Walang anuman sa lahat ng nagti-text at lumalapit sa akin para magpasalamat sa mga paliwanag natin sa mga aral Katoliko.

Sana nga ay maintindihan ito ng lahat.

Nasabi nga ni Phay Timtiman ng Tanay, Rizal, "Mahirap talaga ang magpaliwanag tungkol sa ‘Bato’ pero napakaliwanag na ng mga sagot mo. Wari ko'y sinusukat lang nila ang kaalaman mo."

Mayroon ding tumatawag dito sa opisina tulad ni Mang Julian Cenon (katukayo ko pa) at si Chairman na taga-Pasay.

Aminado sila na may edad na sila pareho pero sa kabila ng kanilang edad ay madali raw nilang nauunawaan ang mga sulat natin. Sana po ay madali rin itong nauunawaan ng mga kabataan.
Salamat po kung may naitutulong ako sa inyo.

u u u

SABI ni Chat ng Project 4, QC, "Tama si Jorge ng Negros Occ. Jesus is the Rock. Ang interpretation sa Matthew 7:24-25 ay kung ang buhay mo ay nakasalig kay Jesus kahit anong mangyari ay hindi siya matitinag."

Salamat sa pag-text mo uli, Chat. Salamat din sa pag-share mo sa interpretasyon mo sa Matthew 7:24-25.

Ganito ang sinasabi ng talata,
"Kaya nga ang bawat makarinig at gumawa ng aking mga salita ay tulad ng marunong na tao na NAGTAYO ng kanyang bahay sa BATO."
Tama ang sinasabi mo, Chat. ‘Yon nga ang interpretasyon sa talata.

Pero ang binibigyan ko ng pansin ay ang pagtutulad ng "bato" na binabanggit sa Mt 7:24-25 at sa ginawang pagtatayo o pagtatatag ni Kristo ng Kanyang Iglesia.

Ang aking ginawa ay tinatawag na "parallelism" na isang pamamaraan na ginagamit sa pag-interpret ng mga teksto. Ang ibig lang sabihin nito ay may kaugnayan ang bawat bahagi ng isang aklat.

Mahalaga itong pantulong para matiyak kung ang tamang kahulugan ng mga sinasabi sa isang aklat, tulad na nga ng paghahambing Mt 7:24-25 at Mt 16:18 na parehong tumutukoy sa pagtatayo ng "bahay."

At sa pamamagitan nito ay ipinakita ko na iba nga ang pagiging "Bato" ni Hesus na tinutukoy ni Jorge sa pagiging "Bato" ni Pedro sa Mt 16:18."

u u u

Ganito naman ang text ni Nimrod Cruz ng Taytay, Rizal. Kababayan pala ni Phay.

Sabi ni Nimrod, "Bakit may bayad sa Katoliko pag nagpapabinyag at nagpapakasal? Dahil ba para kumita ng pera ang simbahan? Hindi ba dapat libre?"

Pasensya ka na Nimrod kung sasabihin kong HINDI BINABAYARAN ang binyag at kasal sa Iglesia Katolika. Totoong may ibinibigay na pera pero hindi ito bayad. Ito ay DONASYON para sa panggastos ng simbahan.

Wala namang ibang pagkukunan ng panggastos ang simbahan kundi mula sa DONASYON ng mga parokyano.

Hindi naman kasi ito tulad ng ibang grupo na tinotokahan ang mga miyembro ng 10 porsiyento ng kanilang kinikita.

Meron nga riyang mangangaral na hindi raw nagpapabayad pero panay naman ang hingi ng pera.

Kung gaano siya kalakas bumanat sa iba ay ganoon din siya kalakas kumulekta sa miyembro niya.

Nariyan ang tokahan niya ang mga ito ng tig-iisang libo. Nariyan din na magko-"concert" pero P20,000 ang isang tao.

Sasabay lang ng pagkain sa kanya ang miyembro ay P1,000 agad ang toka.

Ang pinakahuling raket niya ay inuutusan niya ang kanyang mga miyembro na magsanla ng mga ari-arian para maibigay sa kanya.

Sa Simbahang Katoliko walang pilitan. Oo madalas makiusap pero hindi kinukonsiyensiya at hindi bina-blackmail ang miyembro.

Magtanong kayo sa mga Katoliko kung tinotokahan sila kung magkano ang ilalagay nila sa basket o sa supot tuwing collection. Madalas ay piso o barya pa ang ibinibigay. Marami pa ang hindi nag-aabuloy.

Pero ‘yan kasi ang nasusulat sa 2 Corinthians 9:7,
"Ang bawat isa ay dapat magbigay ayon sa pasya ng kanyang puso hindi ang may pag-aalinlangan o pinipilit dahil mahal ng Diyos ang isang magiliw magbigay."

Kung may ibinibigay man ang nagpapabinyag, ito ay pakikibahagi lang sa gastos sa kuryente na nagpapa-ilaw ng simbahan o nagpapaikot ng elecric fan para maging kumportable kahit paano ang binyagan.

HINDI BAYAD ang ibinibigay dahil LIBRE ang binyag.

Kahit ang pagpapakasal ay LIBRE. Kung may pera mang ibinibigay ito ay para sa gastusin tulad ng sa ilaw, sa bulaklak, sa red carpet at iba pa.

Subukan ng kahit na sino na magpabinyag o magpakasal at hindi siya pipiliting magbigay ng pera kung wala siyang pera.

Sa madaling salita LIBRE at WALANG BAYAD ang sakramento. Humihingi lang ng tulong ang simbahan sa mga gastusin.

Ang problema, may mga tao na may panggastos para sa handa pero walang maiabuloy sa Iglesia.

Tama ba ‘yon?

Pero bakit may "presyo" sa ibang simbahan?

Ang "presyo" ay para maging "standard" ang donasyon. Ito ay para sa kaayusan at madaling "accounting."

Pero tulad nga ng sabi ko, kung walang pera ang isang tao at gusto niyang magpabinyag o magpakasal ay lumapit lang siya kahit kaninong pari at bibinyagan siya o ikakasal nang LIBRE.

Ang pagsasabi ng may bayad ang binyag o kasal ay maaaring bunga ng konting pang-unawa o ng tahasang paninira.

Huwag kayong maging biktima ng mga naninira. Inililigaw lang nila kayo.

2 comments:

  1. walang hiyang donation yan may presyo .. kaya nga donation eh kasi kung ano lang ang kaya mong ibigay.. lokohin nyo pagong wag kami..

    ReplyDelete
  2. napakahina ng utak ng nag comment na unknown,donasyon daw at my presyo?di makaintindi kaya nga yun may halaga ang iba para sa pagpapabinyag ng iba dahil espesyal yun,cla lng ang bininyagan o ikinasal at wala ng iba nung araw na iyon.pinaliwanag na nga sa itaas para saan yun?alangan naman halimbawa sa kuryente...saan kukuha ng pambayad ang simbahan ng pambayad?sa ibang tao?di syemre sa nagpapabinyag o kaya sa nagpapakasal.pero kung gusto nyo ng libre di hintayin nyo ang Kasalang bayan o kaya naman Binyagang bayan.pero kung wala talaga kayong pang donasyon e di tulad sa pinaliwanag sa itaas subukan nyong lumapit sa isang pari at sabihin nyo na wala talaga kayong pang donasyon...para malaman nyo ang katotohanan.tsk tsk tsk

    ReplyDelete