Tuesday, May 8, 2012

Nagpakilala bang Diyos si Kristo?

Hunyo 26, 2003

MAGPAPASALAMAT lang ako sa mga nagti-text sa atin tulad ni Romy D. Pilongco ng Cagayan de Oro.

Si Romy ang nagbigay ng ideya na banggitin natin ang "hermeneutics" sa pagsagot natin ng mga tanong.

Mahalaga naman kasi ang "hermeneutics" lalo na sa pag-aaral ng mga nakasulat sa Bibliya dahil kaya nagiging magulo at naglalabu-labo ang paniniwala ng mga tao ay dahil kanya-kanya at sariling pang-unawa ang ginagamit nila sa pag intindi sa Banal na Kasulatan.

Salamat uli, Romy.

u u u

Itinatanong ni Edgardo Tan ng Lambayong Sultan Kudarat kung "Ano ang pangalan ni Hesus na pinagkunan ng translation ng mga Bible?"

Ganito natin maipakikita ang “development” ng pangalan ng Panginoon mula sa Hebreo papunta sa Ingles at Pilipino.

Sa Hebreo ay tinawag Siyang “Yâhuwshú`a.” Nang isalin ito sa Griego ay nagi itong “Iesous.”

Mapapansin na nagbago ang bigkas at spelling ng pangalan dahil walang tunog “sh” sa salitang Griego. Pero sa kabila nito ay tanggap na salin ang “Iesous.”

Mula sa Griego ay isinalin ang pangalan ng Panginoon na “Iesu.” Dito nanggaling ang salin sa Kastila na “Jesús” o “Jesucristo.”

Ang salin sa Kastila ay katulad ng sa Pranses at Aleman. At nang lumaon ay katulad na rin ng sa Ingles.

Ang kaibahan lang ay mas bigkas ang “J” sa Ingles at Aleman. Kaya ang bigkas ay “Jesus.”
Sana malinaw, Edgardo.

u u u

Ganito naman ang tanong ni Calixto Ayuquitan, “Tama lang ba na maniniwala ka lang kay JESUS ay ligtas ka na o kailangan din na may gagawin ka pa upang makamit ito?”

Para maligtas ang isang tao, kailangan munang maniwala at manampalataya siya kay Hesus. Kasunod nito ay ang pagpapabinyag sa ngalan Niya.

Pero hindi ito rito natatapos. Ganito kasi ang sabi sa James 2:14, “Ano ang silbi, mga kapatid, kung sasabihin ng isang tao na mayroon siyang pananampalataya pero wala naman siyang gawa? Maliligtas ba siya ng pananampalatayang ganoon?”

Sa verse 17 ay ganito ang dagdag na sabi, “Katulad niyon, ang pananampalataya kung walang gawa ay PATAY.”

Sa Matthew 7:21 ay ganito naman ang nasusulat, “Hindi lahat ng tatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, pero ‘yon lamang GUMAGAWA ng kalooban ng aking ama sa langit.”

Dito ay malinaw na hindi sapat ang paniniwala dahil kailangang magbunga ang pananampalataya.

u u u

Sagutin naman natin ang tanong ni David ng Olongapo City. Sabi niya, “Ano po ba ang pagpapakilala ni Jesus sa Kanyang sarili? Diyos ba?”

Mahalaga ang tanong mo, David. Salamat.

Pero bago ito, kailangan muna nating intindihin na maraming bahagi ng Banal na Kasulatan ay nasa anyo ng kuwento.

At tulad ng isang kuwento, may mga bahagi ito na kailangang bitinin muna hanggang sa mahayag ang dapat na mahayag. Halimbawa rito ang tatlong Ebanghelyo na Matthew, Mark at Luke.

Sa mga ito ay hindi tuwiran ang pagpapahayag ng tunay na persona ni Hesus.

Samantala, sa John ay mas tuwiran ang Kanyang pahayag tungkol sa Kanyang sarili.

Ngayon, kung babasahin natin ang Jn 4:26, 6:20; 8:24, 28 at 58; 13:19 at 18:5-6, 8 ay mababasa natin na ipinakikilala ni Hesus ang Kanyang sarili na "I Am" o "I Am he." Sa Pilipino ay "Ako nga."
Ang "I Am" ay direktang may kaugnayan sa pangalan ng Diyos na ipinahayag Niya sa Exodus 3:13-14.

Ganito ang sabi sa Exodus, "Sinabi ni Moises sa DIYOS, ‘Kung pupunta ako sa mga Israelita at sabihin sa kanila ‘Ipinadala ako ng Diyos ng inyong mga ama’ at tanungin nila ako ‘Ano ang kanyang pangalan?’ Ano ang isasagot ko sa kanila?"

"Sumagot ang Diyos kay Moises, ‘Ako ay Ako nga’ (sa Ingles, ‘I Am who I Am). Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita: "Si Ako nga (I Am) ang nagpadala sa akin sa inyo."

Para sa ating mga hindi Israelita ay parang walang kaugnayan ang "I Am" ni Hesus sa aklat ng John sa "I Am" ng Diyos sa Exodus.

Pero para sa mga Israelita na nakarinig noon sa pagsasalita ni Hesus ay alam na alam at kitang-kita nila ang kaugnayan ng dalawa.

Kaya nga kung babasahin natin ang John 19:7 ay ganito ang akusasyon kay Hesus ng mga Hudyo, "Nagmatigas ang mga Hudyo, ‘Mayroon kaming batas at ayon dito kailangan niyang mamatay dahil sinabi niyang siya ay ANAK NG DIYOS."

Mas maiintindihan natin ito kapag binasa natin ang John 5:18 na ang sabi, "Dahil dito, tinangka siyang patayin ng mga Hudyo hindi lang dahil nilabag niya ang Sabbath kundi dahil tinawag niyang Ama ang Diyos at ginawang kapantay ang Diyos.

Liban pa rito ay marami pang talata sa Bibliya na idinideklara ang pagiging Diyos ni Kristo at kung gusto mo ay ipakikita ko ito sa mga susunod na labas ng Tumbok.
Maraming salamat uli sa mga nagti-text at sa mga magtatanong pa.

No comments:

Post a Comment