Sunday, May 20, 2012

Mga ‘patunay’ na si Hesus ang ‘Bato’

Hulyo 5, 2003

NAPAKAGANDA ng text ni Peter ng Bacolod City kaugnay pa rin sa usapin natin kung sino ang "Bato" sa Matthew 16:18.

Sabi ni Peter, "Heto pa, Cenon, patunay na si Kristo ang ‘Bato’ sa Matthew 16:18. Basahin mo ang Ephesians 2:20; 1 Corinthians 3:11 at 1 Peter 2:4-8."

Salamat sa text mo, Peter. Pero iba na naman ang pakahulugan ng mga talatang iyan at hindi nila ipinaliliwanag na si Kristo nga ang "Bato" sa Mt 16:18. At para makita natin ito ay gagamitan natin ng "hermeneutics" ang maayos na paraan ng pag-intindi sa mga teksto.

Simulan natin sa pagbasa sa Ephesians. At para mas okay ay basahin natin mula verse 19.

Ganito ang sabi,
"Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga kundi mga kapwa mamamayan at kasapi ng sambahayan ng Diyos na ITINAYO sa PUNDASYON ng mga APOSTOL at mga propeta na si Kristo Hesus mismo ang BATONG PANULOK."

Ayon sa talata, si Hesus ang "BATONG PANULOK." Sa Griego, ang salitang ginamit ay "akrogoniaios" o "cornerstone."

Para maintindihan natin, alamin natin kung paano ginagawa ang mga gusali noong panahon ni Hesus.
Ang mga building ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapatong-patong ng mga bato. Ang pinakamahalagang bato ay ang "akrogoniaios."

So, si Hesus, ayon sa Eph 2:20 ay isang "akrogoniaios" o "cornerstone."

Samantala, ang "Bato" sa Mt 16:18 ay "petras" na ibang-iba sa "akrogoniaios."

Tingnan naman natin ang gamit ng "akrogoniaios" at ng "petras."

Ang "akrogoniaios" ay ISANG PIRASO ng bato na inilalagay sa kanto ng ginagawang gusali at nagiging dugtungan ng mga pader at batayan ng hangganan ng mga pader.

Kaya nga sinasabi sa Eph 2:21 na "Sa kanya ang buong gusali ay nakadugtong at tumataas upang maging banal na templo ng Panginoon."

Ang "akrogoniaios" ay batong nailalatag. Sa kabilang dako, ang "petras" ay isang "malaking bato" na ang gamit ay bilang "PUNDASYON" ng itatayong gusali.

Hindi ba ang sabi nga sa Mt 16:18,
"Ikaw ay Pedro (Bato) at sa ibabaw ng batong ito ITATAYO ko ang aking iglesia."

Kung titingnan pa natin ang "parallel" na talata sa Mt 7:24-27, sinabi ni Hesus na ang "marunong na gumagagawa" ng kanyang bahay ay NAGTATAYO sa "IBABAW ng BATO."

May malaking pagkakaiba ang "batong inilalatag" at "batong pagtatayuan." At dito pa lang ay nakikita nang hindi si Kristo ang tinutukoy na "Bato" sa Mt. 16:18.

Sa 1 Peter 2:4-6. Sa verse 4 ay tinawag si Hesus na "buhay na Bato."

Sa verses 6 at 7 ay ganito ang sinasabi,
"Sa kasulatan ay sinasabi, ‘Tingnan ninyo, INILALATAG ko ang isang bato sa Zion, isang pinili at mahalagang BATONG PANULOK. Ang lahat ng magtiwala sa kanya ay hindi mapapahiya.’"

"Sa inyo na naniniwala, ang bato na ito ay mahalaga. Pero sa mga hindi naniniwala ‘Ang bato na itinakwil ng mga gumagawa na naging PANGUNAHING BATONG PANULOK."

Dito ay tinawag na "bato" si Hesus at ang ginamit na salita sa Griego ay "lithos" na iba rin ang kahulugan sa "petras," ang "bato" sa Mt 16:18.

Kaya kung susundin natin ang pakahulugan ng Bibliya ay malaki ang pagkakaiba ng "petras" sa "lithos" at sa "akrogoniaios."

Sa mga bumabasa na hindi naiintindihan ang mga orihinal na salita ay pareho lang ang mga ito. At d’yan marami ang naliligaw.

Sa madaling salita, iba ang "BATONG PANULOK" sa Eph 2:20 at 1 Pt 2:4-8 sa "BATONG PUNDASYON" na tinutukoy sa Mt 16:18.

Kaya nga hindi puwedeng gamitin ang mga talatang ito para patunayan na si Hesus ang "Bato" sa Mt 16:18.

Sa 1 Cor 3:11 ay binabanggit na "PUNDASYON" si Hesus. Ganito ang sabi ng mga talata:
"Dahil wala nang makapaglalatag ng ibang pundasyon liban sa dati nang nailatag, si Hesu Kristo."

Pundasyon ang sinasabi rito at pundasyon din ang tinutukoy sa Mt 16:18. Ito na ba ang patunay na si Hesus na nga ang "Bato" sa Matthew?

Tandaan natin na ang "Bato" sa Mt 16:18 ay pagtatayuan o pagtatatagan ng Iglesia. Ang "Bato" rito ay "pundasyon ng Iglesia."

Sa 1 Cor 3:11, saan "pundasyon" si Kristo? Dito, si Hesus ay "pundasyon ng pananampalataya" at hindi ng "istraktura ng Iglesia."

Iba ang "pananampalataya" sa "istraktura ng iglesia." Ang istraktura ay ang PISIKAL na kabuohan ng Iglesia. Samantala, ang pananampalataya ang "ESPIRITU" ng Iglesia.

Kung babasahin natin ang mga kasamang talata ng 1 Cor 3:11 mula sa verse 4 ay makikita natin na may "selosan at alitan" sa mga miyembro ng Iglesia dahil may nagpapagalingan sa mga ito.

Wala na kay Kristo ang focus kundi doon na sa mga indibidwal na pinuno.

Kaya sinabi ni Pablo sa verse 10 at 11,
"Ako, bilang isang mabuting arkitekto, ayon sa kakayanang ibinigay sa akin, ay NAGLATAG ng pundasyon, at MAY IBANG NAGLATAG dito."

"Pero kailangang mag-ingat ang mga gumagawa dahil wala nang makapaglalatag ng ibang PUNDASYON liban sa dati nang nailatag, si Hesu Kristo."

Sabi rito, si PABLO ang NAGLATAG ng pundasyon.

Kung aayon tayo sa reader nating si Peter na si Kristo ang pundasyon ng Iglesia sangayon sa 1 Cor 3:11, lalabas na si Pablo ang nagtatag ng Iglesia? Tama, hindi ba?

Kung ganoon, kokontra ito sa malinaw na deklarasyon sa Mt 16:18 na si Kristo ang nagtatag ng Iglesia! At magkakamali tayo ng pangunawa at paniniwala.

So, "pundasyon" ba ng ano si Kristo sangayon sa 1 Cor 3:11?

Siya ang "pundasyon" ng PANANAMPALATAYA na INILATAG ni Pablo sa puso at isip ng mga taga-Corinto. Maliwanag ito.

4 comments:

  1. God Bless You Brother ! Jesus is the only FOUNDATION! We can have some bible sharing po if ever na kalooban ng Diyos this is my fb https://www.facebook.com/ashmalllow

    ReplyDelete
  2. E sino yung batong sumusunod ke MOSES?

    ReplyDelete
  3. Daming niyong alam,, pag binasa mo ang talata bago ang mat. 16:18 ,ang Cristo ang pinatutungkukan dyan hindi si pedro. Pilit kasi kayo ng pilit na mga katoliko kaya kung ano ano na lng na paliwanag ang ginagawa nyo maipasok lng ung gsto nyo.

    ReplyDelete