Tuesday, May 8, 2012

Paano matitiyak ang Iglesia ni Kristo?

Hunyo 22, 2003

KAHAPON ay topic natin ang sinabi ng isang tao na "natalikod" daw ang Iglesiang itinayo ng Panginoong Hesu Kristo.

Marami siyang ibinigay na talata sa Bibliya pero naipakita natin na walang "pagtalikod" na sinasabi ang mga talata.

Ngayon naman ay ipakikita ko kung bakit imposible ang sinasabi ng iba na "nawala" ang Iglesia o ito ay "nadapa" o natalikod."

Nito ngang mga nakaraang araw ay inulit-ulit natin ang deklarasyon ni Hesus sa Matthew 16:18 na "hindi mananaig ang mga tarangkahan ng Hades (o impiyerno)" sa Iglesia na Kanyang itinatag.

Kung totoo kasing natalikod o nawala ang Iglesia ay lalabas na pumalpak ang sabi ni Hesus. At kung pumapalpak ang mga salita ni Hesus, sino pa ang maniniwala sa Kanya? Tama ba?

At saka kung totoong naniniwala tayo sa Diyos at sa Bibliya ay hindi tayo kailanman maniniwala na maliligaw ang Simbahan.

Baka ang ilang miyembro nito puwede pang malinlang at mailayo sa tunay na pananampalataya (tulad nga ng nangyayari na ngayon) pero ang mismong Iglesia ay hindi.

Pero paano ba tayo nakakasiguro?

Kung nasundan ninyo ang mga column ko ay alam na ninyo ngayon na kaya tinawag ito na Iglesia ni Kristo ay dahil si Kristo ang may tatag nito. Klaro ‘yon.

At kaya naman hindi ito puwedeng maligaw ay sinabi ni Hesus sa John 10:27-29, "Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking boses. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at HINDI sila MAPAPAHAMAK."

At narito ang katiyakan, "WALANG MAKAKAAGAW sa kanila mula sa aking kamay. Ang aking Ama na nagbigay sa kanila sa akin ay higit sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila sa kamay ng Ama."

Nabasa ninyo ‘yon?

HINDI raw MAPAPAHAMAK ang mga tupa ng Panginoon. WALA rin daw MAKAKAAGAW sa mga tupa mula sa kamay Niya at sa Ama. Kaya ano itong sinasabi na "maliligaw" ang mga tupa?
Sino ang nagsasabi ng totoo? Si Hesus o ang nagsasabi na naligaw ang Simbahan? Kayo na ang magsabi.

Hindi lang ‘yon, sa Matthew 28:20 ay sinabi ni Kristo, "Tiyak, ako ay kasama ninyo hanggang sa dulo ng panahon."

Ang sinasabi ba ng naniniwala na "natalikod" ang Iglesia ay nagpabaya si Hesus o iniwan ni Hesus ang Kanyang Iglesia kaya ito ay "nawala?"

Kung totoo ang sinasabi nila, tinatanggalan nila ng kredebilidad hindi lang si Kristo kundi maging ang Bibliya na pinagbabatayan nila ng kanilang sinasabi.

Kung kulang pa ‘yan ay may sinasabi sa Ephesians 5:23 na "Si Kristo ang ulo ng Simbahan, ang kanyang katawan."

Isipin ninyo, kung totoo na "naligaw" ang Iglesia, kasamang naligaw si Kristo. Puwede bang maligaw ang katawan na hindi naliligaw ang ulo?

Kung "nadapa" o "natalikod" ang Iglesia, puwede bang hindi madapa o matalikod ang ulo na si Kristo?

Kaya kung may magsasabi sa inyo na "naligaw" o "nadapa" o "natalikod" ang Iglesia ay tiyak na niloloko kayo noon.

Hindi ‘yon naniniwala kay Kristo at baka iyon pa ay ANTI-KRISTO.

May mga tao na nagsasabi naman na hindi nga naligaw ang Simbahan pero "napasukan" naman daw ito ng aral na mali.

Totoong may sinasabi sa 2 Peter 2:1-2 na ganito, "Pero mayroon ding mga huwad na propeta sa gitna ng mga tao kung paanong magkakaroon ng mga huwad na mangangaral sa gitna ninyo."

"Lihim silang magpapasok ng mga maling aral at ikakaila pa ang naghaharing Panginoon na bumili sa kanila. At iyon ang magdadala ng bigla nilang kapahamakan."

Ang tanong ay mananaig ba ang maling aral na ito?

Ang sabi ng John 16:13, "Pero pagdating niya, ang Espiritu ng katotohanan, GAGABAYAN niya kayo sa LAHAT NG KATOTOHANAN."

Ano ang ibig sabihin kung nanaig ang kamalian? Ibig sabihin ay natalo ng kasinungalingan ng demonyo ang katotohanan ng Espiritu.

Higit sa lahat hindi puwedeng magkamali ang Iglesia dahil ayon sa 1 Timothy 3:15, "Kung ako ay matatagalan, sinusulatan ko kayo para malaman ninyo kung paano kumilos sa tahanan ng Diyos, ang Iglesia ng buhay na Diyos, ANG HALIGI at SALIGAN ng KATOTOHANAN."

Dahil diyan, kahit ano pa ang sabihin ng ibang tao ay nakatitiyak tayo na kung kasapi tayo sa Iglesia na itinatag noon ni Hesus ay nasa KATOTOHANAN TAYO at kasapi tayo sa TUNAY na IGLESIA ni KRISTO.

No comments:

Post a Comment