Sunday, May 20, 2012

Patunay na si Pedro ang ‘Bato’

Hulyo 6, 2003

ITO ang sabi ng reader nating si Peter ng Bacolod City kaugnay sa isyu kung sino ang "Bato" sa Matthew 16:18,
"Sino ba ang paniniwalaan ko? Si Pedro na apostol ni Kristo o ikaw na sugo ng diablo? Bakit mo iginigiit na si Pedro ang bato at hindi si Kristo kung sinasabi sa 1 Peter 2:4-8 na si Kristo ang ‘Bato?’"

u u u

Sabi naman ni Jorge ng Negros Occidental sa ipinakita kong mga talata na iniwan ng Panginoong Hesus kay Pedro ang pangangalaga sa Iglesia,
"Tama ‘yung sinabi mo na iniwan kay Pedro ang pangangasiwa sa Kanyang Iglesia pero hindi ako sangayon na si Pedro ang unang ‘Papa’ ng Katoliko."

u u u

Ganito naman ang sabi ni Dan ng Cebu City,
"Payag kaya si Pedro na maging Papa ng Iglesia Katolika? Sa kasaysayan ay maraming naging Papa ang gumawa ng kasamaan tulad ng pagpapapatay ng maraming tao."

u u u

Sa text ng reader nating si Peter. Sana ay nabasa mo ang column kahapon kung saan ipinakita ko ang mga orihinal na mga salita na ginamit sa sinasabi mong talata sa 1 Peter 2:4-8.

Ipinakita ko na ang ginamit na salitang Griego sa "buhay na Bato" rito ay "Lithos" na iba sa "petras" na ginamit sa Matthew 16:18. Sa simpleng salita, magkaiba ang "lithos" na isang bloke ng bato sa "petras" na isang malaking bato.

Ang "lithos" ay ginagamit bilang "batong panulok" (na binabanggit din sa 1 Pt 2:4-8) at ito ay INILALATAG.

Ibang-iba ito sa "petras" na tinutukoy ni Hesus sa Mt 16:18 na isang bato na "PINAGLATAGAN" o "PINAGTAYUAN."

Kaya hindi ka dapat matakot na maging magkakontra ang sinasabi nina Hesus sa Mt 16:18 at ni Pedro sa 1 Pt 2:4-8. Hindi sila magkasalungat.

Naiintindihan ko na nalilito ka lang dahil hindi mo alam ang mga orihinal na salita sa Griego.

Ang may kasalanan diyan ay ang nagturo sa iyo na mangangaral na nagkunwaring alam niya ang kanyang itinuturo pero isa rin siyang bulag na pilit umaakay sa bulag.

Sabi nga sa Luke 6:39,
"Sinabi rin niya [Hesus] sa kanila ang kuwentong ito: ‘Puwede bang akayin ng bulag and isang bulag? Hindi ba pareho silang mahuhulog sa hukay?"

Alam mo kasi, ang Bibliya na pinagbabatayan ngayon ng maraming mangangaral daw ay TRANSLATION na lang. Ang mga orihinal na sulat ay nasa Hebreo (para sa Old Testament) at sa Griego (para sa New Testament).

Kaya maraming naliligaw ay dahil nagbabatay sila ng paniniwala sa "translation." Buti man lang sana kung tama ang salin ng binabasa nila.

Kung mapapansin mo, sa pagpapatunay ko sa paniniwala ko na ang Iglesia Katolika ang tunay na Iglesia ay ginagamit ko ang ORIHINAL na salita.

u u u

Kay Jorge, salamat naman at tinanggap mo ang katotohanan na nasusulat sa Bibliya. Hindi naman kita pipilitin kung ayaw mong maniwala na si Pedro ang unang Papa. Karapatan mong tumanggi sa kabila ng maliwanag na ebidensiya sa Bibliya.

u u u

Sa tanong ni Dan kung papayag si Pedro na maging Papa ng Iglesia Katolika, basahin mo ang sagot ni Pedro sa John 21:15-18.

Ang tatlong ulit niyang sagot na mahal niya ang Panginoon ay malinaw na pagtanggap sa utos na "pakainin" at "pangalagaan" ang mga tupa ni Hesus.

Sa sinasabi mong maraming Papa ang gumawa ng kasamaan "tulad ng pagpatay," sana ay nagbigay ka ng bilang kung ilan ang mga ito.

Sa higit 260 na naging Papa, ilan dito ang naging masama? Baka naman wala pang 10 ay sobra ka namang magbintang at nilahat mo na sila.

Ngayon ang iniisip mo ba ay nagiging "perpekto" na ang isang tao porke isa na siyang Papa ay nagkakamali ka.

Maging si Pedro ay nagkamali rin matapos siyang hirangin ni Hesus. (basahin mo sa Mt 26:69-75)
Napagsabihan din siya ni Pablo nang mag-urong sulong siya sa pakikitungo sa mga Kristiyanong Hentil. (Galatians 2:11-12)

Kaya huwag ka sanang mapanghusga. Naalala ko tuloy si Eliseo Soriano na sobrang "linis" at "galing" ay NAPAPAMURA siya sa kanyang pagiging "PERPEKTO." Siya lang ang tama.

Tungkol naman sa sinasabi mong "pagpatay" malamang ang sinasabi mo ay ang TSISMIS tungkol sa "Holy Inquisition."

Abangan mo sa mga susunod na araw at ibubulgar ko ang kasinungalingan ng mga nag-imbento at nagpapakalat ng huwad na kuwento tungkol sa Inquisition.

u u u

Ngayon, meron bang ibang patunay sa Bibliya na si Pedro nga ang "Bato" sa Mt 16:18?

Ang obvious na katunayan ay si Pedro mismo. Kung hindi alam ng mga tumututol, hindi talaga Pedro ang kanyang pangalan kundi "Simon."

Sa Bibliya, binabago ang pangalan ng isang tao kung ito ay bibigyan ng panibagong papel sa plano ng Diyos.

Sa Genesis 17:5, binago ng Diyos ang pangalan ni Abram at ginawa itong "Abraham" dahil ipinangako ng Diyos na siya ay magiging "ama ng maraming bansa."

Sa Acts 13:2-9 ay binago ang pangalan ni Saul at ginawang Paul matapos iutos ng Espiritu Santo na "ihiwalay" siya para sa gawain na ibibigay sa kanya.

Ganoon din ang ginawa ni Hesus kay Simon. Dahil binigyan siya ng papel bilang "Bato" ng Iglesiang itinatag ni Kristo ay binago ang pangalan niya at ginawang "PEDRO" na ang ibig sabihin ay "BATO."

Katunayan pa riyan ang pangalan ni Pedro sa Aramaiko na orihinal na salita nina Hesus. Ang Aramaiko ng "Bato" ay Kephas.

Si Pedro ay tinawag na Kephas o Cephas sa John 1:42; 1 Corinthians 1:12; 1 Cor 3:22 at 1 Cor 9:5.

Sa mga totoong may alam sa Bibliya ay malinaw ang ibig sabihin ng pagbabago ng pangalan tulad ng kay Pedro.

No comments:

Post a Comment