Tuesday, May 15, 2012

Saan galing ang mga kalaban ni Kristo?

Hulyo 2, 2003

SIMPLE ang sabi ni Reyne ng Cagayan de Oro City tungkol sa pinag-uusapan natin tungkol sa iglesia na itinatag ni Kristo.

Sabi niya, "It’s very clear that there is only one true church na itinatag ni Kristo. It is Catholic. It started in 33 AD. Please study."

u u u

May tanong naman si Emel Pacatang ng Bugo Cagayan de Oro. Sabi niya, "Mr. Bibe, tunay ba na iglesia ni Kristo ang grupo ni Manalo na hindi naniniwala na si Kristo ay Diyos? Thanks and God bless."

Hindi natin layunin sa column na ito na magsalita nang direkta tungkol sa ibang grupo o sekta. Kung nagkokomentaryo man tayo, ito ay para liwanagin ang sinasabi ng iba tungkol sa mga paniniwalang Katoliko.

Kung may tanong kayo tungkol sa isang partikular na samahan, paki balikan na lang ang mga isinulat ko na at ‘yon ang inyong pagbatayan.

Salamat po.

u u u

Nag-text uli si Chat ng Project 4, QC. Noong una ay sinabi niya na "mali" raw ang lahat ng isinusulat ko sa column kong ito.

Ngayon ay ganito ang sabi niya, "Thanks sa pagkalathala mo ng message ko. Ang sabi ko "Sayang, tama ang bible verse na sinasabi mo pero iba ang pakahulugan mo sa lahat ng ito."

Tulad nga ng sagot ko sa iyo noon, Chat, okay lang kung hindi ka sumasangayon sa mga isinusulat ko. Karapatan mo ‘yon na naaayon sa kalayaan ng loob na ibinigay ng Diyos sa ating lahat.

Gusto ko lang naman ipakita ang mga bagay na hindi nakikita at hindi nakita ng maraming tao nang tingnan nila ang Katolisismo.

Tulad nga ng sabi ko noon, lubusan lang natin na magagamit ang kalayaan nating pumili kung nakita na natin ang buong larawan ng bagay na ating tinitingnan.

Sa ngayon, ang nakikita ng mga hindi Katoliko o ng mga dating Katoliko ay ang masasamang bagay na sinasabi ng kani-kanilang mga pastor, ministro o mangangaral laban sa Iglesia.

Kahit nga ngayon na ipinahahayag ko na ang katotohanan sa pananampalatayang Katoliko ay iginigiit pa rin ng ilan ang puro kamalian at kasinungalingan tungkol dito. Ano pa kaya kung walang nagsasalita para ituwid ang kamalian?

Pero sabi ko nga, hindi ko layunin ang mangumbinsi kundi ang magpahayag ng katotohanan. Pero kung mayroong gustong sumubok sa aral na pinaniniwalaan sa Iglesia Katolika ay handa akong sumagot sa mga iyon.

u u u

Sabi naman ni Jorge ng Negros Occidental, "Sa akin, isa lang ang batayan sa tunay na Iglesia at yun ang paalala sa 2 John 1:9. Paanong naging tunay ang Roman Catholic eh galit ang Diyos sa maling aral."

Para maintindihan natin ang sinasabi ni Jorge ay ganito ang sinasabi ng 1 John 1:9,
"Sino man na umuna sa pagtakbo at hindi magpatuloy sa aral ni Kristo ay wala sa kanya ang Diyos. Sino man ang magpatuloy sa aral ay nasa kanya ang Ama at ang Anak."

Napakaganda naman ng sinabi mo Jorge. Ang tanong ko na lang sa iyo ay saan ba matatagpuan ang mga aral na ito na DAPAT IPAGPATULOY?

Para natin maipagpatuloy ito, hindi ba kailangang malaman natin ang pinagmumulan nito? At ayon sa Bibliya, ang aral ay nasa Iglesia na itinatag ni Kristo.

Hindi nga ba, sa 1 Timothy 3:15 ay ganito ang sinasabi,
"Kung ako ay matatagalan, sinusulatan ko kayo para malaman ninyo kung paano kumilos sa tahanan ng Diyos, ang Iglesia ng buhay na Diyos, ANG HALIGI at SALIGAN ng KATOTOHANAN."

Ibig sabihin kung noong unang panahon pa nasulat ang mga salita sa Timothy, ang tinutukoy na Iglesia ay naroon na noong panahon na iyon.

Kaya nga ang sabi ko ay alamin natin kung anong iglesia na narito ngayon ang mati-trace natin pabalik sa unang iglesia dahil tiyak na ‘yon ang TUNAY.

Huwag nating isipin ang sinasabi ng kung sinu-sino. Alamin muna natin ang iglesia na ito na itinatag ni Kristo at sinasabi sa Bibliya na "Haligi at Saligan ng Katotohanan" at doon tayo magsimula.
Kasi kung "mali" ang Iglesia na iyon ay ano pa ang totoo? Tama ba?

Ngayon, kung ‘yang sinasamahan mong grupo ang mati-trace mo pabalik kay Kristo at sa mga Apostol, eh ‘di maganda. Salamat sa Diyos.

Ngayon, kung hindi naman ay mag-isip-isip kayo dahil baka isa na ‘yan sa mga itinatag ng mga "huwad na kristo" at huwad na mangangaral" na ang layunin ay siraan ang TUNAY na Iglesia at iligaw ang mga kasapi nito.

Tingnan ninyo ang sinasabi ng 1 John 2:18-19,
"Mga anak, ito na ang huling oras at narinig na ninyo na parating ang anti-kristo at kahit ngayon ang mga anti-kristo ay dumating na."
"Lumabas sila mula sa atin pero hindi talaga sila naging bahagi natin. Dahil kung naging bahagi sila sa atin nanatili sana sila sa atin. Ang pag-alis nila ay nagpapakita na wala sa kanila ang naging sa atin."

Dito ay makikita ninyo na ang kalaban ni Kristo ay "LUMABAS" mula sa tunay na Iglesia. Sila ngayon itong nagkakalat ng maling aral laban sa Iglesia na itinatag ni Kristo.

Kaya kung pag-aaralan nating mabuti, ang tunay na Iglesia ay dati nang nariyan. (Kasi nga ay una na itong itinatag ni Kristo)

Ngayon, ang mga kalaban ni Kristo at ng Iglesia ay galing din naman sa loob ng tunay na Iglesia.

Diyan pa lang ay makikita na ninyo na kung ang isang grupo ay humiwalay lang ay malamang na hindi ito ang totoo.

Ang mas masaklap ay kung ang isang grupo ay humiwalay lang sa dati nang humiwalay. Ano na ang tawag doon? Hindi ba?

Nawa ay matagpuan n’yo ang katotohanan at ang tunay na Iglesia ni Kristo.

No comments:

Post a Comment