Tuesday, May 8, 2012

Si Kristo Hesus lang ang ‘mediator’

Hunyo 30, 2003

NAGPAPASALAMAT si J. Lazaga ng Taguig sa pagdarasal natin para sa kanya. At mayroon din siyang mensahe na hiling niyang mailathala.

Sabi niya, “May message ako sa mga pulis at mga kawani ng gobyerno mula sa itaas pababa. Heto ’yon, “Let’s cast off the deeds of darkness, and put on the armor of life. Let us live “HONORABLY” and with “DIGNITY.”

Maganda ang mensahe mo, J. Ang the best niyan ay samahan mo ng panalangin dahil sa nangyayari ngayon ay tanging Diyos na lang ang makatutulong sa atin. Diyos na lang kasi ang makakapagbigay sa atin ng lakas at tapang para sumalungat sa kasamaan sa mundo.

u u u

MAY mabagsik na reaksyon at hamon si Jun Baluyot ng Davao kaugnay sa paniniwala ng mga Katoliko na puwede silang tulungan ni Maria at ng mga santo sa pananalangin.

Ganito ang sabi niya, “I’m warning you. You are misleading the people of God. You teach a BIG LIE. Jesus is the ONLY MEDIATOR. Wala nang iba pa.”

Dagdag pa niya, “Hinahamon kita, Cenon, mag-pray ako kay God at ikaw naman kay Maria kahit ano i-pray mo tingnan natin kung sino ang totoo.”

Salamat sa text mo, Jun. Ang sinasabi mo ay matatagpuan sa 1 Timothy 2:5 na ganito ang sinasabi, “Dahil mayroong iisang Diyos at iisa ang tagapamagitan (mediator) sa Diyos at sa tao, ang taong si Kristo Hesus.”

Kung tama ang pagkaintindi ko sa text ni Jun ay sinasabi niya na hindi puwedeng humingi ng panalangin o ng tulong sa pagdarasal kay Maria. Sa isip siguro niya ay ginagawang “tagapamagitan” o mediator si Maria para sa tao at sa Diyos sang-ayon sa sinasabi ng 1 Tim 2:5.

Kung ganoon ang punto ni Jun ay ikinalulungkot ko na hindi niya naiintindihan ang kanyang sinasabi. Unang-una kasi ay hindi iyon ang ibig sabihin o ipakahulugan ng talata.

Para maintindihan natin ito ay basahin natin ang talata sa loob ng CONTEXT nito. Maiintindihan kasi natin ang kahulugan nito kapag isinama natin sa iba pang kasama nitong mga talata.

Basahin natin ang mga nauunang talata ng 1 Tim 2. Ganito ang sinasabi ng verse 1-4, “Ipinamamanhik ko sa inyo, una sa lahat, na magdasal kayo ng may paghiling, panalangin, PAMAMAGITAN at pasasalamat PARA SA LAHAT - para sa mga hari at lahat ng nasa kapangyarihan, para mabuhay tayo ng mapayapa at tahimik puno ng pagiging maka-Diyos at kabalanan.”

“Ito ay MABUTI at NAKAGAGALAK sa Diyos na ating Tagapagligtas na gustong maligtas ang lahat at makasumpong ng kaalaman sa katotohanan.”

Dito pumapasok ang sinasabi sa verse 5 na “Dahil mayroong iisang Diyos at iisa ang tagapamagitan (mediator) sa Diyos at sa tao, ang taong si Kristo Hesus.”

So kung titingnan natin nang BUO ang mga talata at hindi kakatayin ay makikita natin na may dalawang uri ng TAGAPAMAGITAN na binabanggit.

Ang una ay ang “tagapamagitan sa panalangin” (intercessor, sa Ingles) at ang “tagapamagitan” (mediator) sa tao at sa Diyos. Actually, halos pareho ang ibig sabihin ng “intercessor” at “mediator” at sa ibang pagkakataon ay ginagamit silang pamalit sa bawat isa.

Pero sa sitwasyong ito ay ginawan ng pagkakaiba dahil may ibang pakahulugan sa dalawang salita.

Sa unang salita (intercessor), ang tinutukoy ay ang pagdarasal “para sa lahat” o para sa ibang tao. Obvious naman siguro ’yon.

Ang pangalawang salita (mediator) ay kinuha sa salitang Griego na “mesites” na ang ibig sabihin ay “isang tao na namamagitan sa dalawang iba pa para IPANUMBALIK ang kapayapaan at pakikipagkaibigan, o para magbuo ng kasunduan.”

Sa madaling salita, ang una (intercessor) ay “tumutulong” sa pananalangin para sa ibang tao at ang pangalawa (mediator) ay “NAGPAPANUMBALIK” sa nasirang kapayapaan o relasyon at NAGBUBUO ng kasunduan.

Si Maria at ang lahat ng mga santo - bilang mga tunay na Kristiyano - ay sumusunod lamang sa unang tagubilin ng 1 Tim 2:1 na “manalangin para sa lahat.”

Samantala, ang sinasabi na si Jesus ang “one mediator” ay ipinakikita lang na SIYA LANG ang TANGI at NAG-IISANG “nagpanumbalik” ng relasyon ng tao at Diyos.

Kung babasahin mo kasi sa Genesis ay nasira ang relasyon ng tao at Diyos nang suwayin ng unang lalaki at babae ang utos sa kanila ng Panginoon. Ang naging resulta nga nito ay napalayas sila sa Eden.

Si Kristo Hesus ay naging tao para ipagkasundo uli ang tao sa Diyos. At dahil nga rito ay nabuo ang panibagong “kasunduan,” covenant o tipan.

Sabi nga mismo ng Panginoong Hesus sa Luke 22:20, “Sa ganoon ding pamamaraan, matapos ang hapunan, kinuha niya ang saro at sinabi, ’Ito ang saro ng BAGONG TIPAN sa aking dugo na ibinubuhos para sa inyo.’”

Sana ay maliwanag, Jun.

Ngayon, tungkol naman sa hamon mo. Ganito ang gawin natin, manalangin ka mag-isa sa Diyos na matagpuan ng mga mambabasa natin ang "kasinungalingan" na sinasabi mo at maakay sila sa "katotohanan" na alam mo.

Kasabay noon ay hihilingin ko ang tulong ni Maria at lahat ng mga santo sa pagdarasal na matagpuan ng mga mambabasa ang "katotohanan" na aking sinasabi.

Ano? Okay ba 'yon?

No comments:

Post a Comment