Monday, May 21, 2012

Mukha ba ni Kristo ang nasa rebulto?

Hulyo 7, 2003

MAYROONG sagot sina Jorge ng Negros Occidental at AJ Reyes ng Cavite sa request ko na magbigay sila ng mga maling aral sa Iglesia Katolika.

Heto ang mga sabi nila, "Heto ang hinihingi mong maling aral ng Katoliko: 1) Idolatry 2) Ikinakasal ang mga taong naghihiwalay 3) Nagpapabayad sa binyag at kasal 4) Maraming miyembro na adik, pusher, bold star, rapist kriminal, etc. Ba't 'di n'yo itinitiwalag? Kinukunsinti ninyo!"

'Yung bagay tungkol sa "idolatry" ay para na lang akong nakikipag-usap sa pader dahil kahit anong sabi ko na HINDI SINASAMBA ang mga imahen at rebulto ay hindi pa rin nauunawaan.

Parang nagkakatotoo na nga ang sabi sa Matthew 13:14 na may mga taong "nakakarinig pero hindi nakakaunawa" at "tumitingin pero hindi nakakakita."

Ang sabi ko nga noon pa, hindi naman Katoliko ang naniniwala na diyus-diyosan ang mga rebulto kundi ang mga hindi Katoliko. Nakakalungkot lang, Jorge at AJ, dahil kayo ang naniniwala sa mga diyus-diyosan pero ibinibintang ninyo sa mga Katoliko. Huwag naman po.

Sa isyu ng pagkakasal sa mga taong hiwalay, ang tinutukoy ni Jorge ay ang sinasabi sa Mt 5:32 na ganito ang sinasabi,
"Subalit sinasabi ko sa inyo, sino man ang makipaghiwalay sa kanyang asawa (liban lang kung labag ito sa kautusan) ay itinutulak ang babae sa pangangalunya. At sino man ang mag-asawa sa babaeng hiniwalayan ay nangangalunya."
Sangayon ako sa sinasabi ng Bibliya, Jorge. Ngayon paki bigyan lang ako ng specific na mga taong ikinasal uli ng pari para malaman natin kung tama ang sinasabi mo laban sa kanila.

O baka naman tulad 'yan ng kaso ng artistang si Zoren Legaspi na bumuntis at nagkaanak ng kambal sa artistang si Carmina Villaroel? Ito ay sa kabila nang hiwalay sa asawa si Carmina.

Pasensya ka na kung hindi ako makakapag-komento sa kaso nila dahil ang alam ko ay miyembro ng Ang Dating Daan si Zoren kaya si Bro. Eli Soriano dapat ang sumagot kung bakit pinapayagan niya ang isang miyembro na nakikisama sa isang babaeng hiwalay.

Kung bayad sa binyag at kasal ang isyu ay ipinakita ko na kasinungalingan lang 'yan ng ilang mangangaral na nagsasalita na wala naman talagang alam o pangunawa sa ginagawa sa loob ng Simbahan. Sa mga tulad nila lumalapat ang sinasabi sa 2 Peter 2:10 at 12 patungkol sa mga huwad na mangangaral.

Ganito ang sabi ng verse 10,
"Mapangahas at arogante, hindi sila natatakot na umalispusta sa maluluwalhating bagay."

Sa verse 12 ay
"Pero itong mga taong ito, tulad ng mga hayop na walang bait at likas na isinilang para hulihin at patayin, ay umaalispusta ng mga bagay na HINDI NILA NAUUNAWAAN."
At sa punto na maraming makasalanan at "kriminal" na miyembro ang Iglesia Katolika, naalala ko ang pagbatikos na ginawa laban sa mismong Panginoong Hesus sa Luke 5:30.

Sabi ng talata,
"Nagreklamo ang mga Pariseo at eskriba sa mga disipulo sa pagsasabi ng 'Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ang mga kulektor ng buwis at mga MAKASALANAN?"
Ganito ang sabi ng verse 31,
"Sumagot si Hesus sa kanila, 'Ang malulusog ay hindi kailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Nagpunta ako hindi para tawagin ang mga matuwid para magsisi kundi ang mga MAKASALANAN.'"

Iyan ang sinusunod ng Simbahang Katoliko.

Napakadaling magtiwalag pero ang hinihingi ng Panginoon ay tulungang makapagbago ang mga nagkakasala, lalo na ang mga miyembro nito.

Ikaw lang ang nagsasabi na "kinukunsinti" ng Iglesia ang mga makasalanan. At nalulungkot ako dahil hindi makatarungan ang iyong pagbibintang. Sana ay magpakita ka naman ng marka ng isang tunay na Kristiyano - kung ganoon man ang turing mo sa iyong sarili.

May sinasabi kasi ang Panginoon sa Mt 7:1-2 na ganito,
"Tumigil kayo sa paghusga nang hindi kayo husgahan. Dahil kung paano kayo humusga ay ganoon din kayo huhusgahan. At ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo."

Huwag ka sanang magagalit pero nagpapaalala lang ako.

u u u

Ganito pa ang text ni AJ Reyes,
"Mr. Bibe, ayon sa Bible ULOL ang mga pari n'yo mula sa mga seminarista hanggang kay POPE JOHN PAUL. Kasi kulang-kulang ang aral n'yo."
Dagdag pa niya,
"Malamang 'di mo isusulat ito sa kolum mo. Paharapin mo na lang sa debate si (Cardinal) SIN o maski sinong pari o obispo o Papa. O kaya ay ikaw na lang."

Alam mo, AJ, mas maganda sana kung isinama mo sa text mo kung anong talata sa Bibliya sinasabi na "ULOL" ang mga pari para naman mabasa rin ng mga sumusubaybay sa kolum na ito. Hihintayin natin ang talatang binabanggit mo.

Sa hamon mo naman ng debate ay pumili ka ng TOPIC na gusto mong pag-usapan. Dito natin gawin sa kolum na ito. Bibigyan kita ng espasyo.

Ngayon, kung gusto mo ay pag-usapan na lang natin ang isang magandang isyu. Ang isyu na "Ayon sa Bibliya, dapat ba na nakasulat sa Bibliya ang lahat ng paniniwalaan ng isang Kristiyano?" 'Yun, matagal ko nang itinatanong 'yon baka ikaw na ang makasagot.

Tutal pareho naman tayong naniniwala sa sinasabi ng Bibliya, hindi ba?

Ano? Game ka ba?

u u u

MAGANDA itong tanong ni Reginito Villaruz. Sabi niya,
"Gusto kong malaman kung ito ba talaga ang mukha ni Kristo?"
 
Kung ang tanong mo, Reginito, ay kung eksaktong kamukha ni Kristo ang mga nasa imahen, ang sagot ay hindi. Kung papansinin mo ay hindi talaga magkakamukha ang mga imahen.

Hindi naman kasi layunin ng mga gumagawa at nagdi-display ng mga imahen na ipakita ang "carbon copy" ng mukha ng Panginoon.

Kaya may mga imahen ni Hesus ay para MAALALA natin Siya at ang ginawa Niyang pagliligtas sa atin. Ang mga imahen at rebulto kasi sa Iglesia Katolika ay ginagamit na mga "visual aid" o pantulong para mas ma-imagine natin ang Panginoon.

Halimbawa, kung makakakita tayo ng rebulto ng isang tao na duguan, may koronang tinik, nakapako sa krus at may karatulang "INRI" sa ibabaw ng kanyang ulo, sino ang naaalala natin?

Si Hudas ba? Si Satanas? Si Eliseo Soriano? O si Kristo Hesus?

At ano naman ang kahalagahan ng imahen na iyon? Ang naiisip mo ba ay ang parusa o ang pagmamahal ng Diyos na piniling mamatay para iligtas ka sa iyong mga kasalanan?

Natural merong "general appearance" ang imahen para tumugma sa pagsasalarawan ng Banal na Kasulatan pero hindi kailangang "eksakto" o ang mismong mukha ang ipakita.

Tandaan mo, ang mahalaga ay MAALALA mo si Kristo at ang pagliligtas at pagmamahal Niya sa iyo.

No comments:

Post a Comment