Monday, May 21, 2012

Si Birheng Maria, ginagamit lang?

Hulyo 8, 2003

MAY tanong si Joemar ng Bacolod City tungkol sa pagbanggit ko kay Eliseo Soriano rito sa column na ito. Sabi niya,
"Mr. Bibe, hindi pala layunin ng kolum mo na magsalita nang direkta sa ibang sekta. Eh bakit mo minamaliit si Mr. Soriano ng A.D.D.?"
Pasensya ka na Joemar kung may nabanggit man ako na sa tingin mo ay minaliit ko si Soriano. Sorry na rin sa kanya kung maramdaman niya na nagkaganoon man.

I assure you, hindi ko layunin na magsalita nang hindi maganda sa kanyang personal na pagkatao.

Kung binabanggit ko man siya, ito ay kaugnay rin lang sa mga maling itinuturo niya patungkol sa mga Katoliko at sa Katolisismo. Ang ginagawa ko lang ay ituwid ang kanyang mga mali-maling aral na iyon.

Nakita ko kasi na hindi naman talaga niya naiintindihan at nauunawaan ang kanyang mga sinasabi.

Minsan naman ay siya mismo ang ginagawa kong ehemplo para maipakita kung gaano kamali ang kanyang mga sinasabi.

Mayroon kasing sinasabi sa Luke 17:1-3 na ganito,
"Ang mga bagay na magdadala sa tao sa kasalanan ay malamang na dumating, pero kahabag-habag ang taong nagdadala nito."
"Mas mabuti pa sa kanya na lagyan ng batong gilingan sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging dahilan para matisod ang isa sa maliliit na ito."
"Kaya magbantay. ‘Kung magkasala ang iyong kapatid ay sawayin mo siya at kung siya ay magsisi ay patawarin mo siya.’"

Si Soriano -- na hindi naman Katoliko -- ay palaging nagsasalita ng mga tungkol sa mga Katoliko at Katolisismo na para bang alam na alam niya ang kanyang mga sinasabi. Sa totoo naman ay MALI ang kanyang mga sinasabi.

‘Yan ang dahilan kung bakit ko siya pinupuna sa kanyang mga maling sinasabi.

u u u

Sabi ni Dan ng Cebu,
"Disgusted Catholic ako at nagsusuri kaya binabasa ko ang column mo. Compared to Bro. Eli, mas malinaw ang paliwanag niya kaya sana ay pagbutihin mo pa."

Iginagalang kita kung mas pinaniniwalaan mo si Soriano. Ipananalangin ko na sana ay matagpuan mo ang katotohanan sa iyong pagsusuri.

Salamat na rin sa advice mo, Dan. Hayaan mo, pagbubutihin ko pa.

u u u

Sabi naman ni Nonoy Mendoza ng Project 3, QC,
"Ano ang ginagamit ninyong Bibliya? Kumusta rin ang inyong ama, kasamahan ko siya sa St. Joseph bilang lay minister."
Dalawa ang personal na ginagamit kong Bible. Ito ang New American Bible (Catholic) at New International Version (Protestant).

Gumagamit din ako ng Interlinear Bible, partikular ang "Biblia Hebraica Stuttgartensia" kung kailangan kong tingnan ang orihinal na Hebreo.

Para sa orihinal na New Testament sa Griego, ang ginagamit ko ay ang "Nestlé-Aland 26 Greek Text."

Kaya ko napili ang NAB at NIV ay dahil sila ang mga pinakamalapit sa orihinal na mga teksto. Ang NAB ay marami ring komentaryo at iba pang references.

Ang ama ko po ay nasa bahay at maayos naman ang kanyang kalagayan. Ipapaabot ko na lang ang inyong pagbati. Salamat po sa concern.

u u u

Ganito naman ang sabi ni Ruel Garbin ng Parañaque,
"Sinasabi mong hindi biblical ang opinyon ng ibang readers mo. Pero tila yata ang mga sagot mo ang hindi biblical."

Naiintindihan ko, Ruel, kung ganyan ang pananaw mo. Siguro ay ngayon ka pa lang nagsimulang magbasa ng aking kolum.

Pero siguro naman kung magiging totoo ka lang sa sarili mo ay makikita mong halos lahat ng sinasabi ko ay may kasamang suporta mula sa Bibliya.

Pero just the same, paki banggit naman ng isang sinabi ko na hindi biblical para makita natin kung may batayan ang iyong sinasabi.

u u u

May reaksyon si Edgar Rualo at si AJ Reyes ng Cavite sa mga sinasabi ko patungkol sa pagtulong ni Mariang ina ni Hesus sa pananalangin para sa mga Katoliko.

May kaugnayan din ito sa paliwanag ko na si Hesus ang nag-iisang "mediator" o tagapamagitan sa Diyos at tao. Sinabi ko kasi na sumusunod lang si Maria sa sinasabi ng 1 Timothy 2:1-3.

Ang sabi sa talata ay
“Ipinamamanhik ko sa inyo, una sa lahat, na magdasal kayo ng may paghiling, panalangin, PAMAMAGITAN at pasasalamat PARA SA LAHAT - para sa mga hari at lahat ng nasa kapangyarihan, para mabuhay tayo ng mapayapa at tahimik puno ng pagiging maka-Diyos at kabalanan.”

“Ito ay MABUTI at NAKAGAGALAK sa Diyos na ating Tagapagligtas.”

Sabi ni Edgar,
"I pity the Mother of Christ for being used."
Ganito naman ang sabi ni AJ,
"Alam mo Mr. Cenon, tama si Jun Baluyot ng Davao, inililigaw mo ang mga tao sa napakalaki mong kasinungalingan. Tigilan mo na ‘yan."
Kay Edgar, hindi ko maintindihan. Paano ba "ginagamit" ng mga Katoliko ang Ina ni Hesus? Porke ba humihingi ang mga Katoliko ng tulong kay Maria sa pagdarasal sa Diyos ay "ginagamit" na siya?

O ang sinasabi mo ba ay hindi na dapat binabanggit ang pangalan ni Maria o ni hindi na dapat humihingi ng tulong sa kanya ang ibang Kristiyano na nagmamahal sa kanyang anak na si Hesus?

Sana po ay naging specific kayo sa inyong mga sinasabi.

Sa iyo, AJ, sana ay binanggit mo kung ano ang kasinungalingan sa paliwanag ko sa 1 Tim 2:1-5. Wala naman akong sinabi na hindi binabanggit sa talata.

Mahirap manghula sa sinasabi mo. O baka naman hindi ka lang talaga sangayon sa sinasabi ng Bibliya. Ano ba talaga, kapatid?

Next time, please be specific. Baka isipin ng iba ay wala ka lang talagang masabi.

No comments:

Post a Comment