Tuesday, May 8, 2012

Santo Papa ‘ulo’ ng Iglesia Katolika?

Hunyo 29, 2003

NOONG isang linggo ay nag-text sa akin si Junith P. ng Tagum at nagsabi, "Sino ba ang first pope ng mga Catholic? Totoo ba na si Simon Pedro? Bakit at paano?"

Pasensya ka na Junith, hindi ko agad sinagot ang tanong mo dahil may buong serye na pangsagot sa iyo. Pero ngayon ay masisimulan ko na siguro dahil nagtanong si Dan ng Cebu tungkol sa Santo Papa.

Sabi ni Dan, "Sa tunay na Iglesia ang pangulo si KRISTO HESUS ng Nazareth. Sa Iglesia Katolika ang pangulo ay ang Most HOLY FATHER sa Roma.Tunay kaya yon?"

Maraming salamat sa tanong mo, Dan.

Pinagpala ang Iglesia Katolika dahil sa lahat ng mga nagsasabing iglesia ng Diyos ay ito lang ang may nakikitang pinuno na si Kristo mismo ang nagtalaga. Ito nga ang Santo Papa.

Ang lahat ng ibang pinuno ng kung anu-anong iglesia ay sila-sila ang nagtalaga sa sarili nila.

Of course, sinasabi nila na galing sa Diyos ang kanilang karapatan pero ano ang batayan sa Bibliya?

Ngayon, simulan natin ang pagtalakay sa kung sino ang Santo Papa.

Ang Santo Papa ay isang TAO na siyang kinikilalang "visible head" ng Iglesia Katolika.

Ang kahulugan ng salitang "Pope"ay "father." Galing ito sa Griego na "papas."

Noong una, ang lahat ng obispo ng Iglesia ay tinawag na "papas" o "father." Ito ay ayon sa sinasabi ng 1 Corinthians 4:15 na "Kahit pa mayroon kayong sampung libong tagapangalaga, wala kayong maraming ama (father) dahil kay Kristo Hesus ako ay naging ama (father) ninyo sa PAMAMAGITAN ng ebanghelyo."

Pero dahil unique ang kalagayan ng Santo Papa sa Iglesia ay inilaan sa kanya ang tawag na "papas" para agad na makilala na ang "visible head" ang tinutukoy.

Hindi nga nagtagal ay naging "pope" ang salitang "papas."

Ang mga Santo Papa tulad ni Pope John ay kumukuha ng kapangyarihang mamuno sa Iglesia ni Kristo mula sa kapangyarihan na ibinigay ng Panginoong Hesus kay Simon Pedro sa Matthew 16:18-19.

Ganito ang sabi ng talata, "At sinasabi ko rin sa iyo, ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia at ang mga tarangkahan ng Hades [o kamatayan] ay hindi mananaig dito."

"Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng pintuan ng kaharian ng langit. Anuman ang itali mo sa lupa ay itatali sa langit at anuman ang pawalan mo sa lupa ay pawawalan sa langit."

Ang ganda, ‘di ba?

Hindi lang ginawang "Bato" na pagtatayuan ng Iglesia si Pedro. Ibinigay din sa kanya ang mga SUSI ng pintuan ng langit.

Sa Bibliya, ang mga susi ay simbolo ng kapangyarihan.

Pero ang ibinigay na kapangyarihan kay Pedro ay hindi lang epektibo sa lupa kundi maging sa Langit!

Kung may kokontra ba naman sa bagay na iyan ay tiyak na kokontra sa mismong Panginoon.

Ngayon, hindi lang binigyan ng kapangyarihan si Pedro. Ibinigay rin sa kanya ni Hesus ang pamumuno sa KAWAN ng Panginoon.

Sa John 10, idinedeklara ni Hesus na Siya ang MABUTING PASTOL.

Sabi ni Kristo sa verse 14, "Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang akin at nakikilala ako ng akin."

Sinabi ito ng Panginoon noong hindi pa Siya ipinapako sa krus.

Noong maipako na Siya sa krus at nabuhay na muli ay kailangan na Niyang bumalik sa langit para maluklok sa kanan ng Ama.

At sa Kanyang pag-alis ay iiwanan Niya ang Kanyang KAWAN, ang Iglesia.

Pero marunong ang Diyos. Hindi Siya umalis na hindi nag-iiwan ng katuwang Niya na mamumuno sa KAWAN.

Sa John 21:15-17 ay itinalaga ni Hesus ang hahalili Niya sa Kawan.

Ganito ang sabi ng mga talata, "Nang makapag almusal sila, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro, ‘Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako higit sa mga ito?’ Sinabi niya, ‘Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo."

"Sabi ni Hesus, ‘Pakainin mo ang aking mga kordero.’"

"Sinabi ni niya ng pangalawang beses, ‘Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?’ Sinabi niya, ‘Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.’ Sinabi ni Hesus sa kanya, ‘Alagaan mo ang aking tupa."

"Sinabi niya ng ikatlong beses, ‘Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?’ Nabagabag si Pedro dahil pangatlong beses sinabi sa kanya, ‘Mahal mo ba ako?’"

"Sumagot siya, ‘Panginoon, alam mo ang lahat. Alam mo na mahal kita.’ Sinabi ni Hesus, ‘Pakainin mo ang aking tupa.’"

Malinaw pa sa sikat ng araw. Inihabilin ng Mabuting Pastol ang Kanyang mga tupa kay Simon Pedro.
Sa ibang salita, ang kapangyarihan ni Hesus sa Iglesia bilang ulo nito ay ibinigay Niya kay Pedro, ang unang Santo Papa ng mga Katoliko.

Kaya kung babalikan natin ang tanong mo, Dan, ang Iglesia na pinamumunuan ng Santo Papa ay ang Iglesiang pinangunguluhan ni Kristo Hesus ng Nazareth.

Si Kristo ang nananatiling ulo ng Iglesia ayon sa Ephesians 5:23 pero bilang ulo nito ay pumili Siya ng kahalili Niya sa pamumuno ng Iglesia sa lupa.

Walang kontradiksyon doon. ‘Yon ay kung maniniwala tayo sa sinasabi ng Panginoon at ng Bibliya.

At dahil si Simon Pedro na unang Santo Papa ay itinalaga ng "ulo" na si Hesus, makatitiyak na tayo na ang pinamumunuan ng Santo Papa ang tunay na Iglesia.

Pero maniniwala tayo sa kung sinu-sinong mangangaral ay maliligaw tayo.

Ngayon, paano hindi naiwan ni Hesus ang Iglesia na wala Siyang kahalili ay ganoon din si Pedro na may humalili hanggang sa dumating na nga sa kasalukuyang Santo Papa.

No comments:

Post a Comment