Monday, May 21, 2012

Mamamatay ba ang naniniwala kay Hesus?

Hulyo 9, 2003

MAY reaksyon si Edgar Rualo ng ParaƱaque City sa sagot ko sa tanong niya noong July 1.

Itinanong niya kung iniutos ng Diyos na hindi na dapat magkaroon ng ibang anak sina Joseph at Maria.

Sa aking sagot, inisa-isa ko ang mga detalye. Ipinakita ko kung ano ang paniniwala ng mga Hudyo tungkol sa pag-aasawa ayon sa sinasabi ng Deuteronomy 22:13-30.

Sa verse 20 at 21 ay iniutos ng Diyos na patayin ang isang babae na ikakasal na "hindi na virgin." Ibig sabihin malaking kasalanan ng babae kung mag-aasawa siya na hindi na siya virgin.

Sabi ko, ano pa kaya kung bago siya ikasal ay buntis na siya sa iba?

Hindi ba ito ang nangyari nang "liliman" ng Espiritu Santo si Maria ayon sa Luke 1:35?

Inangkin ng Espiritu Santo ang sinapupunan ni Maria para sa "banal" na "tatawaging Anak ng Diyos."

In short, may umangkin na sa sinapupunan ni Maria. At dahil matuwid na tao si Joseph ayon na rin sa Matthew 1:19, hindi na niya pinangahasang angkinin ang inangkin na ng Espiritu Santo.

Ano pa ang karapatan ni Joseph sa sinapupunan ni Maria?

Ang punto ay kung sisipingan o aasawahin pa siya ni Joseph ay lalabas na mangangalunya sila dahil ang sinapupunan ni Maria ay inari na ng Espiritu Santo.

Ngayon, heto ang reaksyon ni Edgar,
"You didn’t give me GOD's truth. You even used 'Inasawa!' When you tell lies, you are only doing what is natural to you. For you are a LIAR & FATHER OF ALL LIES!"

Okay ka lang ba, Edgar? Hindi ko gaanong inaalala ang pagmumura mo sa akin. Ang iniisip ko ay baka atakihin ka sa puso nang dahil sa galit.

Sure ka okay ka lang?

Isa pa, sabi kasi sa Galatians 5:19,
"Ang mga gawain ng makasalanang kalikasan ay nahahayag."

At idinagdag pa sa verse 20 na isa rito ang "nag-uumapaw na poot."

Hindi ko sinasadyang magalit ka. Pero lagi mo kasing sinasabi na "gospeler" ka at ang alam ko sa mga "gospeler" eh nakakakitaan ng "bunga ng Espiritu Santo."

Ayon nga sa Gal 5:22-23,
"Ngunit ang mga bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, KAPAYAPAAN, pagtitiis, kagandahang loob, kabutihan, pananampalataya, KAAMUHAN, PAGPIPIGIL SA SARILI."

Anyway, hindi ko lang alam kung alin sa mga talata ng Bibliya na binanggit ko o sa aking mga paliwanag ang sinasabi mong kasinungalingan. Kaya paki explain para maintindihan ko.

Tungkol naman sa paggamit ko ng salitang "inasawa," ang tanong mo kasi ay kung iniutos ng Diyos na hindi na sila magkaroon ng ibang anak.

Paano ba nagkakaroon ng mga anak ang isang babae at lalaki? Hindi ba nagsisiping sila? Sa termino pa ng masa ay "inaasawa" ng lalaki ang babae.

Hindi ba iyon ang ipinaliwanag ko noong July 1?

u u u

Ganito naman ang sabi ng reader natin na nagpapakilalang si "Timoteo Pablo" kaugnay ng sabi ko na ipinagdarasal at tinutulungan tayong magdasal ni Maria at ng mga santo. Ito ay dahil "buhay" at hindi patay ang mga naniniwala kay Hesus.

Ito ay sangayon sa John 11:25-26 na ang sabi,
"Sinabi sa kanya ni Hesus, ‘Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang maniwala sa akin ay MABUBUHAY kahit pa siya mamatay. At sino man ang NABUBUHAY at maniwala sa akin ay HINDI MAMAMATAY."

Sabi ni Timoteo Pablo,
"Paano mananalangin ang PATAY!? Di mo naiintindihan ang Jn 11:25-26. Intindihin mo muna ang talata bago mo gamitin."

"Kung buhay ang mga tumanggap kay Kristo hanggang ngayon sino ang bubuhayin uli pagbalik ni Lord?"

Kung tama ang pagkaintindi ko sa sinasabi mo Timoteo Pablo ay sinasabi mong NAMATAY ang mga naniniwala kay Kristo.

Hindi ba obvious na salungat ito sa sinasabi ni Hesus sa Jn 11:26 na "sino man ang NABUBUHAY at maniwala sa akin ay HINDI MAMAMATAY."

Sa madaling salita, kung buhay ang isang tao at naniwala ito kay Kristo ay HINDI na ito MAMAMATAY. May lilinaw pa ba roon?

Sabi mo hindi ko naiintindihan ang Jn 11:25-26. Hindi kaya ikaw ang medyo nalalabuan?

Para mas malinaw basahin natin mula sa verse 23 na ganito ang sabi,
"Sinabi ni Hesus sa kanya [Martha], ‘Muling mabubuhay ang kapatid mo."

Pansinin mo ang verse 24, "Sumagot si Martha, ‘Alam ko na BABANGON siya muli sa MULING PAGKABUHAY SA HULING ARAW."

’Yan ang sinasabi mo na BUBUHAYIN sa PAGBALIK ni Hesus? Hindi ba, Timoteo Pablo?

Ngayon, ano ang sabi sa verse 25 at 26,
"Sinabi sa kanya ni Hesus, ‘AKO ang MULING PAGKABUHAY at ang buhay. Ang maniwala sa akin ay MABUBUHAY kahit pa siya mamatay. At sino man ang NABUBUHAY at maniwala sa akin ay HINDI MAMAMATAY."

Sinabi ni Martha na sa HULING ARAW pa ang pagkabuhay. Pareho kayo ng paniniwala, Timoteo Pablo.

Pero malinaw sa sagot ni Hesus na Siya nga ang MULING PAGKABUHAY at NAROON na Siya?

Kaya nga "sino man ang NABUBUHAY at maniwala kay Hesus ay HINDI na MAMAMATAY."

Ibig sabihin naroon na si Hesus na "muling pagkabuhay" kaya HINDI na MAMAMATAY ang maniniwala sa Kanya.

Klaro naman siguro ’yon. Ano, Timoteo Pablo?

Pero teka, bakit mayroon pa ring namamatay? Ano ba ang hindi mamamatay? Ang katawan ba o ang kaluluwa?

Ang namamatay ay ang katawan. ‘Yan ang unang kamatayan. Ang kaluluwa ang hindi namamatay dahil buhay na ito kay Kristo

Ngayon, may patunay ba mula sa Bibliya na hindi nga "namatay" ang mga taong nagtiwala kay Hesus?

May mababasa ba tayo na bago pa ang PAGHUHUKOM sa mga PATAY ay naroon na sila sa Langit kasama ang Panginoon?

Iyon ang ibabahagi ko bukas para sa ikagagalak ng mga naniniwala kay Hesus.

No comments:

Post a Comment