Tuesday, May 8, 2012

Tumitingin pero hindi nakakikita

Hunyo 27, 2003

NAG-TEXT uli si Cherry Pelaez Gensan City. Sabi niya, “Mr. Bibe,thank you very much sa sagot nyo sa tanong ko about the Holy Spirit. I read your column everyday. Marami akong natututunan.”

Kasiyahan ko pong makapag bahagi ng aking nalalaman. Sana ay marami pa akong maitulong sa paraan ng pagbibigay impormasyon at klaripikasyon sa mga mali-maling aral na ikinakalat laban sa mga Katoliko at sa Iglesia Katolika.

u u u

Ganito naman ang text ni Frankie ng BF Las Piñas, “Lagi ko binabasa ang column mo. Gusto ko ang mga paliwanag mo sa bawat tanong. Ano ba ang ibig sabihin ng Gawa 15:20? Ano ang hayop na binigti?”

Basahin natin ang sinasabi ng Gawa (Acts) 15:20, "Sa halip ay dapat natin silang sulatan at sabihan na umiwas sa mga pagkain na nadungisan ng mga diyus-diyosan, mula sa kasalanan sa laman, sa KARNE NG HAYOP NA BINIGTI at sa dugo."

Walang partikular na hayop na tinutukoy rito kundi lahat ng hayop na binigti.

Naka-ugat kasi ang panukala sa Acts 15:20 sa sinasabi sa Genesis 9:3-5.

Ganito ang sabi ng mga talata, "Ang lahat ng buhay at gumagalaw ay magiging pagkain ninyo. Kung paanong ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ngayon ay ibinibigay ko sa inyo ang lahat."

"Pero hindi ka dapat kumain ng karne na naroon pa ang dugo sa loob nito. At para sa iyong dugo ay hihingi ako ng pagsusulit."

"Hihingi ako ng pagusulit sa bawat hayop. At sa bawat tao rin ay hihingi ako ng pagsusulit para sa buhay ng bawat niyang kapwa."

Ipinagbabawal sa Genesis 9:3-5 ang pagkain ng karne na naroon pa ang dugo.

At kung ibabalik natin sa Acts 15:20, kaya ipinagbabawal ang karne ng hayop na binigti ay pinapatay sa sakal at hindi lumabas ang dugo pag ito ay pinapatay.

Ibig sabihin, naiiwan sa katawan nito ang kanyang dugo. Hindi tulad kung ito ay gigilitan at pinadudugo.

‘Yon ang sagot sa tanong mo.

u u u

Ganito naman ang text ni Reyne Langcao ng Cagayan de Oro, "Mr. Bibe, lagi kong binabasa ang column mo. Hanga ako sa'yo. Dati rin ako seminarian tulad mo. Continue to share your knowledge.

Salamat, Reyne.

u u u

Sumagot si Jorge ng Negros Occidental sa mga tanong ko tungkol sa tunay na Iglesia na itinatag ni Kristo.

Tutol kasi siya sa paniniwala ko na ang Iglesia Katolika ang itinatag ni Kristo. Kaya nakiusap ako sa bigyan niya tayo ng talata na susuporta sa mga sinasabi niya.

Ganito ang sabi niya, "Sa tanong mo kung ang tunay na Iglesia ay natalo ng pekeng iglesia, ganito ang sagot ko: Saan ba marami ngayon ang matuwid na doktrina?"

"Ang pagsamba ba sa rebulto o imahen ay itinuro sa atin ni Kristo? Galit ang Diyos dyan, DEUT. 16:22. Ano ang tawag mo sa Iglesiang lumuluhod o nanalangin sa rebulto, ikinakasal muli yung naghihiwalay."

"Kung tunay na Iglesia ang hinahanap mo ay, sori talaga, wala akong maituro sa ngayon."

"Wala tayong mababasa sa Biblia na napalitan ng Iglesia Romana ang Iglesia ni Kristo."

Una sa lahat, salamat at inamin mo na WALA sa Bibliya na napalitan lang ng Iglesia Romana ang Iglesia ni Kristo.

Puwede nating sabihin na since alam mo na naroon na sa panahon ng unang iglesia ang Iglesia Romana at wala kang maiturong ibang tunay na iglesia ay maaaring ito na nga ang Iglesiang itinatag ni Kristo.

Pangalawa, paulit-ulit na nating sinabi na HINDI SINASAMBA ng mga Katoliko ang mga rebulto at imahen. Ang naniniwala sa bagay na iyan ay ang mga hindi Katoliko na nag-iimbento ng mga paniniwala na hindi naman pinaniniwalaan sa Iglesia Katolika?

Sana ay hindi mo lang nabasa ang mga sinabi ko noon. Kasi natatakot ako. Sana ay hindi magkatotoo sa iyo ang sinasabi ng Matthew 13:14.

Ganito ang sabi ng talata, "Sa kanila natupad ang hula ni Isaias, ‘Makaririnig kayo pero hindi makauunawa; kayo ay titingin pero hindi makakakita.’"

Kung hindi mo alam ang tunay na Iglesia, ano ang magiging batayan mo sa tamang aral at doktrina?
Magbigay ka ng partikular na aral Katoliko na mali at titingnan natin kung tama ka.
Salamat.

2 comments:

  1. Exodo 20:3-17 Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
    3 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.

    4 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:

    5 Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;

    ReplyDelete
  2. Awit 115:4-8

    4 Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao.

    5 Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;

    6 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;

    7 Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.

    8 Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.

    ReplyDelete