Sunday, May 20, 2012

Pagluhod, pagyuko pagsamba na agad?

Hulyo 4, 2003

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin maniwala ang iba nating readers sa katotohanan na hindi sinasamba ang mga rebulto at imahen sa loob ng Iglesia Katolika.

Sabi nga ng reader natin na tinatawag ang sarili niya bilang "Timoteo Pablo, "Nananalangin at lumuluhod ang mga Katoliko sa rebulto pero di raw nila ito sinasamba?"

u u u

Giit naman ni Edgar Rualo, "It isn't true that we Catholics worship idols. We just revere them. Yung iba nga dinadamitan pa! I'm a Gospeler & I hate hypocrisy. Sorry."

u u u

Medyo iba naman ang dating ng text ni Jorge, "Kung matatanggal lang ang mga rebulto sa ating simbahan ay ‘almost perfect’ na ang Katoliko. Mas ramdam ko pa ang tunay na Iglesia pag nasa abroad ako."

u u u

Maganda ang punto nina "Timoteo Pablo" at Edgar. Pero tama ba na porke lumuhod o yumuko sa harap ng isang bagay ay sinasamba na ito?

Paano kung nagpapalit ng gulong ng kotse o trisikel-mga bagay na gawa ng tao at may hugis ng araw dahil ang mga ito ay bilog?

Gagawin ba ito nang nakatayo o nakahiga? Kayo? Tutuwad ba? Malamang na kayo ay luluhod o yuyuko, hindi po ba?

Ang paniniwala nina "Timoteo Pablo" at Edgar ay matagal ko nang naririnig sa isang "mangangaral" na wala nang ibang nakitang mali kundi ang ibang tao at wala nang ibang nakitang tama kundi ang sarili niya.

Ang sabi ng mangangaral na iyon, "Basta niluhuran, sinasamba!"

Grabe. Tama ba ‘yon?

Kung susundin natin ang sinasabi niya lalabas na sinasamba natin ang gulong! Diyan pa lang ay makikita ninyo kung baluktot o hindi ang aral niya.

Pero kung iintindihin natin ang sinasabi ng Bibliya sa Exodus 20:4 at Deuteronomy 5:8 at ilalagay sa tamang konteksto ay makikita natin na hindi ang mismong pagyukod o pagluhod ang ipinagbabawal kundi ang "pagsamba" o "pagdiyos" na ibinibigay sa bagay na niyuyukuran o niluluhuran.

Para mas malinaw ganito ang sabi ng Ex 20:3-5,
“Huwag kayong magkakaroon ng IBANG DIYOS liban sa akin. Huwag kayong uukit para sa inyong mga sarili ng mga DIYUS-DIYOSAN na kawangis ng anumang bagay sa kalangitan sa itaas o sa lupa sa ibaba o sa mga tubig na nasa ilalim ng lupa. Huwag kayong yuyukod o sasamba sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang inyong Diyos, ay isang Diyos na mapanibughuin.”

Punahin ninyo na direktang tinutukoy ang “ibang diyos” at mga “diyus-diyosan.” Hindi sinasabi na bawal ang LAHAT NG URI ng inukit tulad ng mga imahen, rebulto o larawan. Naging specific si Lord at tinumbok Niya ang mga inukit na bagay na gagawing “diyos.”

Ang pagyukod o pagluhod ay ginamit lang na panlarawan dahil maaari itong maging "expression" ng pagsamba. Pero ang mismong pagluhod at pagyuko ay hindi pagsamba.

Ngayon, kung lumuluhod ba ang isang tao sa harap ng isang rebulto ay sinasamba na niya ito? Kapag binihisan ba o pinaganda ang imahen o rebulto ay dinidiyos na ito?

HINDI.

Tingnan ninyo ang kaibahan. Ang nagdarasal ay lumuluhod o yumuyukod SA HARAP ng imahen o rebulto. Hindi ang mismong imahen o rebulto ang niyuyukuran o niluluhuran. Sa madaling salita ay hindi sa mga bagay na ito nakadirekta ang pagluhod o pagyuko.

Doon pa lang ay may mali na sa paniniwala ni "Timoteo Pablo."

Pero bakit ba yumuyuko o lumuluhod?

Sabi natin, ang mga ito ay puwedeng pahiwatig ng pagsamba. Pero hindi lang 'yon ang gamit sa kanila.

Ang pagluhod ay isang paraan ng pagbibigay galang o respeto. Sa isyu ng mga imahen at rebulto, ang paggalang o pagrespeto ay hindi sa bagay ibinibigay kundi sa persona na inilalarawan o ipinaaalala nito.

Hindi nire"revere" ang mga imahen, tulad ng sinasabi ni Edgar. Ang termino riyan ay "venerate" o paggalang.

Sana bilang "gospeler" na galit sa mga ipokrito ay madali niya itong maiintindihan.

Ang pagluhod din ay isang uri ng disiplina na layunin ang tulungan ang tao na tumutok sa pagdarasal.

Ang mga Katoliko ay mayroon imahen na maaaring makatulong para maitutok ang isip sa pagdarasal.

Ngayon, kung ang dinadasalan ng isang tao ay ang mismong imahen o rebulto at ginagawa niya itong diyos, NAGKAKAMALI siya at dapat siyang magbago. Pero hindi ang rebulto ang may problema kundi ang tao na mismo.

Sa punto ni Edgar na dinadamitan ang mga imahen, walang ipinagbabawal sa Bibliya na bawal pagandahin ang mga paalala sa simbahan.

Opo, ang mga rebulto ay mga PAALALA lang.

Kung babasahin natin ang Ex 25:10-22 ay baka magulat pa tayo kung anong pagpapaganda ang iniutos ng Diyos para sa Arko o Kaban ng Tipan.

Sa verse 10, ay iniutos ng Diyos na ang kahon ng Kaban ay yari sa "acacia." Sa verse 11 ay pinabalutan Niya ito ng "lantay na ginto." Pinaglagyan Niya ito ng "apat na gintong singsing" sa verse 12.

Sa talatang 18-22 ay IPINAG-UTOS ng Diyos ang PAGGAWA ng IMAHEN ng dalawang KERUBIM na yari sa GINTO.

Mantakin n’yo, kung masama ang paggawa ng imahen ay Diyos na ang unang lumabag dito.

Kung bawal din ang pagpapaganda ng mga bagay na nagpapaalala sa Diyos ay Diyos na rin ang hindi marunong sumunod.

Pero Diyos ba ang mali o ang mga nagpupumilit na bawal ang mga imahen at ang pagpapaganda sa mga bagay na nagpapaalala sa Diyos?

1 comment:

  1. bakit kailangan pang gumamit ng rebulto? Hindi ba maririnig ng Diyos ang ating panalangin ?Diyos na gumawa ng ating bibig at, mata at tainga? bakit kaylangan pa ng medium.(rebulto)

    ReplyDelete