Tuesday, March 12, 2013
‘Huwag hihigit sa mga nangasusulat’
MAY mga nagti-text at iginigiit na ipaliwanag ko raw ang kahulugan ng 1 Corinthians 4:6.
Isa ito sa mga talata na ginagamit ng mga BAGONG LITAW na mangangaral para sabihin na Bibliya lang ang dapat na BATAYAN ng PANANAMPALATAYA.
Totoo ba ito? Para sa katahimikan ng loob ng lahat ay ipaliliwanag po natin ang sinasabi ng 1 Cor 4:6.
Basahin muna natin ang sinasabi ng talata.
Eto ‘yon, "Ngayon, mga kapatid, inilapat ko ang mga bagay na ito sa akin at kay Apollos para sa inyong kapakinabangan. Ito ay para matutunan ninyo mula sa amin na HUWAG MAGSIHIGIT SA MGA NANGASUSULAT. Sa ganoon ay hindi ninyo ipagmalaki ang isang tao laban sa iba pa."
Makikita natin sa 1 Cor 1:10-13 na pinupuna ni Pablo ang pagkakahati-hati at pag-aaway-away ng mga taga-Corinto.
Ayon nga sa verse 12, "May isa na nagsasabi na: Sinusunod ko si Pablo; ang isa pa: Sinusunod ko si Apollos; ang isa pa: Sinusunod ko si Cephas; at may isa pa: Sinusunod ko si Kristo."
Ito ay dahil sa PAGMAMAGALING ng ilang mangangaral na "pantas" daw na magaling makidebate (verse 20).
In short, may iba’t-ibang pahayag tungkol kay Kristo. Nagkakampi-kampi tuloy ang mga tao.
Dahil diyan ay sinabi ni Pablo ang nasasaad sa 1 Cor 4:6.
Pero ano nga ba itong tinutukoy na "nangasusulat" na hindi dapat higitan?
Ito ang mga PAHAYAG ng Banal na Kasulatan TUNGKOL kay KRISTO. HINDI RITO TINUTUKOY ang LAHAT ng bagay sa PANANAMPALATAYA.
Paano natin ito nalaman? Heto po.
u u u
Sino ba si Hesus at ano ba ang pakilala sa Kanya, partikular noong panahon na iyon?
Si Hesus ANG KATUPARAN ng mga HULA at PAHAYAG sa KASULATAN. Siya ang DARATING na TAGAPAGLIGTAS ayon sa Kasulatan.
Sabi mismo ni Hesus sa John 5:39, "Maigi ninyong pinag-aaralan ang mga KASULATAN dahil iniisip ninyo na sa pamamagitan nila ay mayroon kayong buhay na walang hanggan."
"Ito ang mga KASULATAN na NAGPAPATOTOO SA AKIN."
Ayon sa Romans 1:2, Si Hesus ang KATUPARAN ng "EBANGHELYO [ng Diyos] na ipinangako niya mula noon pa sa pamamagitan ng mga propeta sa BANAL na KASULATAN."
At isa sa mga pahayag ng Kasulatan, ayon kay Pablo, ay NAMATAY si Kristo para sa ating lahat.
Sabi nga niya sa 1 Cor 15:3, "Dahil kung ano ang tinanggap ko ay ibinibigay ko sa inyo una sa lahat: Na NAMATAY si Kristo para sa ating mga kasalanan SANGAYON sa mga KASULATAN."
Dito ay ipinakikita ni Pablo na ang pagkakapako kay Hesus sa krus ay NAAAYON sa HULA o PAHAYAG ng Kasulatan.
Kinailangang igiit ni Pablo ang sinasabi ng KASULATAN tungkol kay Hesus dahil may mga mangangaral na LUMILIHIS sa HULA.
Halimbawa, mayroon noong mga mangangaral na nagsasabi na DIYOS LANG si Kristo dahil sa mga MILAGRO Niya tulad ng PAGBUHAY ng PATAY at iba pa.
Umabot sila sa paniniwala na HINDI NAMATAY sa Krus si Kristo. May paniniwala nga noon na ang ipinako sa krus ay si Hudas.
Para kasi sa mga mangangaral na ‘yon, partikular sa mga galing sa Hudaismo, KATITISURAN ang pahayag na IPINAKO sa krus si Kristo.
Sa mga Kristiyano naman na dating Hentil, KALOKOHAN kung namatay si Kristo sa krus.
Kaya nga sinabi ni Pablo sa 1 Cor 1:23, "Ang ipinangangaral namin ay isang KRISTO NA IPINAKO SA KRUS: isang KATITISURAN sa mga Hudyo at KAGAGUHAN sa mga Hentil."
Ang ibang sinasabi tungkol kay Kristo ang tinutukoy sa 1 Cor 3:10-13, "Sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, naglatag AKO ng pundasyon bilang bihasang manggagawa, at may iba naman na nagtayo rito."
"Pero ang bawat isa ay dapat na maingat sa pagtatayo dahil wala nang ibang puwedeng maglatag ng anumang pundasyon liban sa nailatag na, si Hesu Kristo."
"Kung mayroong magtatayo sa pundasyon gamit ang ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy o dayami, ang kanyang gawa ay malalantad kung ano ang mga ito. Darating ang Araw at malalagay ito sa liwanag. Ito ay mabubunyag sa pamamagitan ng apoy."
Sa gitna ng iba’t-ibang sinasabi ng ibang mangangaral, sinabi ni Pablo sa 1 Cor 4:2-5 na "huwag munang huhusga" bago dumating ang takdang panahon.
Pansamantala, habang hindi dumarating ang araw ng paghuhukom, sinasabi ni Pablo na ang PAGBATAYAN na lang ay ang nasusulat TUNGKOL kay Kristo (1 Cor 4:6).
In short, para kay Pablo, ang KASULATAN ang BATAYAN sa PAGKILALA kay KRISTO. At ang NASUSULAT LANG tungkol sa KANYA ang sinasabi na "hindi dapat higitan."
Kaya hindi puwedeng gamitin ang talata para sabihin na Kasulatan ang dapat batayan ng LAHAT ng bagay sa PANANAMPALATAYA. MALI kung ganoon ang magiging pagkakaunawa
Wednesday, November 23, 2011
‘Dapat daw nasa Bibliya;’ pero nasa Bibliya nga ba?
Mayo 17, 2003
MINSAN may nakausap akong tagasunod ni Eliseo Soriano at ganoon na lang ang pagmamalaki niya na ang "lahat" ng kanilang pinaniniwalaan ay "nasa Bibliya."
Siyempre, dahil iyon ang paniniwala nila ay tumango lang ako ng ulo.
Pero napakunot ang kilay ko nung sabihin niya na "Ang lahat kasi ng ating paniniwalaan at gagawin ay DAPAT na nasa Bibliya."
Dahil na rin diyan ay naitanong ko sa readers natin kung "Dapat ba na ang lahat ng gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano ay nasa Bibliya?"
Iba-iba ang opinyon na ibinigay ng mga mambabasa natin.
Marami ang nag-text at nagsabi na "Hindi." Ang dahilan ng marami sa kanila ay "binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan."
Ang sabi naman ng suki natin na si Timoteo Pablo ng Quezon City, "To be specific, dapat po ay nasa Ebanghelyo ni Kristo. Huwag hihigit sa mga bagay na nangasusulat."
Samantala, ganito naman ang sabi ni AJ Reyes ng DasmariƱas, Cavite. "Mr.Bibe. Kawawa ka naman. Bakit kailangan mo pang itanong yan? Halatang wala kang kinalaman sa Bible."
Sorry, kung hindi ko mailagay ang lahat ng text ninyo. Limitado kasi ang ating espasyo.
Pero isa naman sa gusto kong mangyari ay malaman ang opinyon o paniniwala ng bawat isa.
Bago tayo magpatuloy ay sasabihin ko lang na nagpapalitan lang tayo ng paniniwala rito. Hindi ko kayo kinukumbinsi.
Kung nakikita ninyo na mali ang sinasabi ko ay okay lang ‘yon. Ang akin lang ay nais kong makita ninyo ang punto o pananaw ng iba.
Kung mayroon naman kayong matutunan o mapulot ay salamat na rin.
Sana ay okay ‘yon sa inyo.
Ngayon, ang tanong natin ay "Dapat ba na ang lahat ng gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano ay nasa Bibliya?"
Kung Oo ang sagot sa tanong na ito, ang tanong ngayon ay mababasa ba natin sa Bibliya na "Ang lahat ng paniniwalaan ng isang Kristiyano ay DAPAT na nasa BIBLIYA"?
Kung hindi man eksaktong ganito ang sinasabi, mayroon bang talata na nagsasabi na kailangang nasa Bibliya ang ating gagawin o paniniwalaan bilang Kristiyano.
Ibinigay ni Timoteo Pablo ang 1 Corinthians 4:6 na ganito ang sinasabi,
"Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay aking isinagawa sa aking sarili at gayundin kay Apollos. Ito ay upang matutunan ninyo mula sa amin na huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nakasulat. Ito ay upang hindi ninyo ipagmalaki ang isang tao laban sa isang tao.
May binabanggit dito na "huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nakasulat."
"Bibliya" ba ang tinutukoy ng salitang "nakasulat?"
May problema kung sasabihin na ang talatang ito ay tumutukoy sa Bibliya. Noon kasing isulat ito ni San Pablo ay WALA PANG BIBLIYA.
Ito ay dahil nabuo ang Bibliya noon lang Taon 392 sa Council of Hippo na kinatigan ng Council of Carthage noong Taon 397.
Bago kasi ang mga konsilyo na ito ng Simbahang Katoliko ay nagtatalo-talo pa ang mga Kristiyano kung alin-alin sa mga "kasulatan" noon ang ituturing na "inspired" o "kinasihan" ng Diyos.
Ano ba kasi ang Bibliya?
Ang Bibliya ay isang "collection" ng mga aklat, sulat at iba pang uri ng literatura na itinuturing na "kinasihan" ng Diyos.
Noong unang panahon, lalo pa noong mga unang siglo ng Kristiyanismo, may higit 200 aklat at sulat na nagsasabi na sila ay mga "kasulatan" din.
Para hindi na malito ang mga Kristiyano ay gumawa ng mga konsilyo ang Simbahang Katoliko para piliin ang mga kasulatan na ituturing na "banal."
Ang resulta ay ang Bibliya na hawak natin ngayon. Ang salitang "Bibliya" ay galing sa Griego na "Biblia" o "collection of books."
At ito ay nabuo nga noong 392 at 397. Dahil dito, wala pang Bibliya noong isulat ni San Pablo ang 1 Corinthians.
Kaya walang talata sa Bibliya ang magsasabi na dapat ang lahat ng gagawin ay dapat na nasusulat rito.
Ibig sabihin, ang mismong "aral" na ito ay HINDI BIBLICAL.
Mismong Bibliya rin ay nagpapatunay na hindi ito kumpleto at may mas mataas na kapangyarihan dito. Alin ito? Bukas natin ito pag-uusapan.