Showing posts with label Tradisyon: Kailangan din. Show all posts
Showing posts with label Tradisyon: Kailangan din. Show all posts

Monday, November 28, 2011

Bibliya? Tradisyon? Eh ano ang Iglesia?

Hunyo 7, 2003


MARAMI ang nagti-text sa akin at nagtatanong. Nariyan si RG Zapata ng Naga City, Marison Cabiles ng Bacolod City, Mr. Santiago ng Cotabato City, Junith P. ng Tagum City, Benji ng Tacurong City, Joy Perez ng Baliwag, Bulacan at Romy Rodriguez ng Calumpit, Bulacan.

Of course, nariyan din ang mga suki natin na sina Timoteo Pablo ng Quezon City at Jorge ng Negros Occidental.

Thank you very much sa inyo at sa mga nagti-text para lang bumati o kaya ay mag-comment.

Sasagutin natin ang mga tanong ninyo kaya pakiabangan na lang po.

Sa ngayon ay itutuloy ko lang ang pang-Sabado at pang-Linggo nating pagtalakay.

Nito ngang mga nakaraang linggo ay pinag-usapan natin ang tungkol sa Banal na Tradisyon at ang Banal na Kasulatan.

Last week nga ay tinumbok natin kung paano nabuo ang Bibliya, partikular ang New Testament mula sa patung-patong na mga "sulat" na nagkalat noon pa mang panahon ng mga Apostol.

Ipinakita natin kung paano nakatulong ang Banal na Tradisyon para malaman ng mga Kristiyano kung alin ang mga sulat na "inspired" o galing sa Diyos.

Marami na tayong napag-usapan tungkol sa Banal na Kasulatan at Banal na Tradisyon. Pero alam ba ninyo mayroong mas mahalagang bagay na nag-uugnay sa dalawang ito?

Ano itong bagay na ito? ‘Yan ang Iglesia o ang Simbahan.

Noong umuusbong ang tinatawag na "Born Again movement," may mga nagsabi na hindi na raw kailangan ang Iglesia. Iniuugnay kasi nila ito sa RELIHIYON.

Hindi raw relihiyon o ang Iglesia ang nagliligtas kundi ang Panginoong Hesus.

Tama ba ‘yon? Wala ba talagang silbi ang Iglesia? Si Hesus lang ba talaga ang mahalaga?

May mali sa paniniwalang ito dahil kung talagang maniniwala tayo kay Hesus ay makikita natin na napakahalaga ng Simbahan sa kaligtasan.

Bakit? Dahil si Hesus ang mismong nagtatag ng Simbahan.

Basahin natin ang sinasabi ng Matthew 16:17 at 18.

"Sumagot si Hesus (si Pedro ang kausap Niya), ‘Mapalad ka Simon anak ni Jonas, sapagkat hindi ito ipinahayag sa iyo ng dugo at laman kundi ng aking Ama na nasa langit.

"At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA. Hindi makakapanaig sa kanya ang pintuan ng Hades."


So paano natin babalewalain ang Iglesia na si Hesus mismo ang nagtayo?

Sa talata ay sinasabi na hindi ito pananaigan ng kamatayan. ‘Yon ang ibig sabihin ng "Hindi makakapanaig sa kanya ang pintuan ng Hades."

Sa Ephesians 1:22 ay sinasabi na

"At ang lahat ng bagay ay ipinailalim niya (ng Diyos) sa kanyang (Hesus) mga paa at hinirang siya na maging ULO ng lahat ng bagay para sa IGLESIA na KANYANG KATAWAN."

Mas maganda ang sinasabi ng Eph 5:23.

"Dahil ang lalaki ay ang ulo ng kanyang asawa kung paanong si Kristo ay ang ULO NG IGLESIA, ang KANYANG KATAWAN, na kanyang INILIGTAS."

Sinasabi ng dalawang talata na ito na si Hesus at ang Simbahan ay ISA. Siya ang "ulo" at ang Iglesia ang "katawan."

Ibig sabihin, hindi sila puwedeng paghiwalayin.

At ganoon na lang kahalaga ang Simbahan sa Panginoon na "iniligtas" Niya ito.

Sabi pa nga sa Acts 20:28, "Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang IGLESIA ng Diyos NA BINILI NIYA NG SARILI NIYANG DUGO."

Kaya hindi tayo dapat maniwala sa mga taong magsasabi na hindi mahalaga ang Simbahan.

Sa katunayan, mas mahalaga ito sa Bibliya o sa Banal na Tradisyon. Mismo kasing Banal na Kasulatan ang nagpapakilala kung ano ang Simbahan.

Heto ang deklarasyon ng 1 Timothy 3:15,

"Kung ako ay matatagalan, alam ninyo kung paano kikilos sa bahay ng Diyos, ang IGLESIA ng buhay na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan."

Malinaw, hindi ba? Pero ano ba itong Iglesia na ito na binabanggit? Bukas aalamin natin.

Bibliya o Tradisyon? Ano ang angat?

Hunyo 1, 2003


“DAPAT na nakasulat sa Bibliya ang lahat ng gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano.”

Sa pahayag na iyan nagsimula ang serye ng pagtalakay patungkol sa Bibliya at sa Banal na Tradisyon na ginawa ko sa column na ito may ilang linggo na rin ang nakakaraan.

Ang pahayag, na iyan na napatunayan nating WALA SA BIBLIYA, ay ginawa ng isang mangagaral na ang layunin ay ilagay sa alanganin ang mga tao, partikular ang mga Katoliko, na may paniniwala na hindi tuwirang binabanggit sa Banal na Kasulatan.


HINDI LAHAT DAPAT NASUSULAT

May isang nagsabi sa akin na “Bakit ang mga Katoliko, hindi rin naman nakasulat sa Bibliya ang lahat ng ginagawa hindi mo kinukulit?”

Simple lang kung bakit. Dahil nga ang mga Katoliko ay naniniwala na HINDI LAHAT ng dapat gawin o paniwalaan ng isang Kristiyano ay dapat na nasusulat sa Bibliya.

Mayroon kasing sinusunod ang mga Katoliko na kahit pa hindi tuwirang isinasaad sa Bibliya ay tiyak naman na may batayan sa Kasulatan at tiyak na hindi sasalungat sa sinasabi ng Bibliya. ’Yan ang “Sacred Tradition” na siyang “oral tradition” na binabanggit sa 2 Thessalonians 2:15.

Ang sabi ng talata ay “Kaya nga manindigan kayong matatag at panghawakan ang mga TRADISYON na aming ibinigay sa pamamagitan ng SALITA o ng SULAT.”

Sa kabilang dako, gumawa ng aral ang isang “mangangaral” na DAPAT daw ay nasusulat o nasa Bibliya ang lahat ng aral samantalang ang mismong aral na kanyang ibinigay ay wala naman sa Bibliya.


'DAPAT NASUSULAT,' WALA SA BIBLIYA

Hindi ba kataka-taka ’yon? Dapat daw ay nasusulat pero ’yung mismong aral niya ay WALA sa Bibliya? Hindi ba obvious na inimbento lang niya ang aral na iyon?

Samantala, maraming talata sa Bibliya na nagsasabi na “maraming bagay” ang hindi nasusulat dito.

Kasama na rito ang “oral traditions” na binabanggit sa 2 Thessalonians at ang iba pang gawain ng Panginoong Hesus na “hindi naisulat” ayon sa John 20:30 at John 21:25.

Romans 6:17 ay sinabi ni San Pablo,

“Salamat sa Diyos dahil kahit dati kayong mga alipin ng kasalanan buong puso ninyong sinunod ang mga aral na ipinagkatiwala sa inyo.”

Ano ang mga “aral” na ito na sinusunod nila? Ito ba ang mga aral ng Bibliya?

Tiyak na hindi dahil nabuo lang ang Bibliya noong 393 at 398 nang ideklara ng mga konseho ng Simbahang Katoliko kung anu-anong aklat at sulat ang “inspired” o “kinasihan” ng Diyos.

Tiyak na hindi alam ng marami na may higit 200 sulat at aklat sa nagsimulang kumalat sa panahon pa ng mga Apostol. Sabi nga ni San Pablo sa 2 Thessalonians 2:2,

“Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na huwag mabahala o matakot sa ilang pahayag, ulat o SULAT na sinasabing nanggaling sa amin.”

Ibig sabihin, hindi lang ang mga sulat ng mga Apostol ang kumakalat kahit noong mga panahon na iyon. Marami ring “huwad” na sulat na nagkukunwaring galing sa mga Apostol.

Kaya nga kinailangang isa-isahin ng mga pinuno ng Iglesia noon ang lahat ng mga aklat at sulat na ito para matunton ang mga kasulatan na “inspired” o “hiningahan” ng Diyos.

Pero maging ito ay hindi naging madali dahil maging ang mga unang Kristiyano ay hindi nagkasundo kung alin-alin ang Banal na Kasulatan at kung alin ang mga ordinaryong sulat lang.


IBA-IBA ANG LISTAHAN

Ang ilan sa mga listahan ng mga naunang aklat ay ang listahan ni Ireneus, isang obispo ng Lyons sa Asia Minor, na naglista ng 20 aklat noong 130 AD. Isa pang listahan ay naitala ni Origen noong 185 AD pero 22 aklat lang kasama rito.

Ang unang pinakabuong listahan ng mga Banal na Kasulatan ng Kristiyanismo ay ginawa ni Obispo Athanasius noong 296 AD kung saan ang lahat ng 27 aklat ng New Testament ay kasama

Sa kabila ng mga listahang ito, maraming Kristiyano - depende sa lugar at kung sino ang namumuno sa kanila - ay iba-iba pa rin ang itinuturing na “inspired” at “not inspired” na kasulatan.

Para maresolba ang pagkakaiba-iba, ay inilunsad ang Council of Hippo noong 393 AD para mapagusapan kung alin-alin sa mga aklat ang tatanggapin ng Simbahan at kung ano ang itatakwil. Dito unang idineklara ang 27 aklat ng New Testament bilang Kasulatan.

Pero nagpatuloy ang pagkakahati-hati kaya noong 398 AD ay inilunsad naman ang Council of Carthage kung saan tuwirang idineklara na ang 27 aklat at sulat na laman ng New Testament ay siyang mga “inspired” na Kasulatan ng Kristiyanismo.

Ang dalawang konseho na ito ay binuo ng mga obispo at pinuno ng Simbahang Katoliko.

Paano nila pinili ang mga Banal na Aklat? Diyan naging mahalaga ang “oral tradition” na sinasabi ni San Pablo. Sa pamamagitan ng “oral tradition” ay kinilala ng mga obispo ng Simbahang Katoliko.

Kung wala ang “oral o Sacred Tradition” ay malamang na hanggang ngayon ay nagtatalo-talo pa rin ang mga Kristiyano kung ano ang kasama at hindi kasama sa Ibig bang sabihin nito na “mas mataas” ang “Sacred Tradition” kaysa Bibliya?

Hindi. Mula nang makilala ng mga pinuno ng Simbahang Katoliko ang mga Banal na Kasulatan ay itinuring na itong kapantay ng “Sacred Tradition” at ngayon nga ay bahagi ng iisang aral sa loob ng Iglesia.

Thursday, November 24, 2011

'Tradisyon' imbento ba ng mga Katoliko?

Mayo 31, 2003


NITONG mga nakaraang Sabado at Linggo ay sinimulan natin ang pagtalakay sa "oral tradition" o "Sacred Tradition" na ipinamamanhik ni San Pablo sa 2 Thessalonians 2:15 na ating sundin kasabay sa "written tradition" o "Banal na Kasulatan."

Ipinakita natin na tama lang na sumunod sa "oral tradition" dahil mismong ang Bibliya ay nagsasabi na hindi nito taglay ang lahat ng ginawa ng Panginoong Hesus. (Mababasa ito sa John 20:30 at John 21:25)

Sa lahat ng grupong Kristiyano, tanging ang Iglesia Katolika lang ang nagtataglay ng "oral tradition" o "Sacred Tradition." Ito ay dahil ito nga lang ang Iglesia na mati-trace pabalik kay Hesus at sa mga Apostol.

Pero marami pa rin ang tumututol sa "oral tradition," partikular sa "Sacred Tradition" na sinusunod ng Simbahang Katoliko.

Isa sa ating mga texters na nagpakilalang si "Timoteo Pablo" ang nagsabi ng ganito, "Oral tradition? Baka oral imbento?"

Ibinigay niya ang Matthew 15:3 na ganito ang sinasabi,

"Sumagot siya sa kanila, 'Bakit din ninyo nilalabag ang kautusan ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?'"

Mayroon ding sinasabi sa Mark 7:8,

"Tinalikuran ninyo ang mga utos ng Diyos at kumakapit sa TRADISYON NG TAO."

Kapag binasa natin ang mga talatang ito ay puwede tayong magulat at masabi natin na "O, bakit tinututulan ni Hesus ang 'tradisyon' na gawa lang pala ng tao?"

Tama, tumutol nga ang Panginoon sa "tradisyon ng tao" pero ang tinutukoy ba Niya ay ang mga "tradisyon" na binabanggit ni San Pablo sa 2 Thessalonians 2:15.

Ganito ang sinasabi sa 2 Thessalonians,

"Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga TRADISYON na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa salita o sa sulat."

Pareho ba ang "tradisyon" na kinokondena ni Hesus at ang "mga tradisyon" na sinasabi ni San Pablo?

Sa simpleng sagot ay "Hindi sila pareho." Malaki ang kanilang pagkaka-iba.

Ang problema kasi sa ilang "bagong litaw" na mangangaral ay basta may makita lang silang magkatulad na salita sa Bibliya ay iniisip na nilang pareho ito.

Malinaw kung ano ang "mga tradisyon" na sinasabi sa 2 Thessalonians. Ito ang mga aral na galing sa Panginoon at ibinigay naman ng mga Apostol.

Ang kabuohan ng "mga tradisyon" na ito ay ang mga "nasusulat" (na ngayon ay bumubuo sa Bibliya) at ang mga "sinalita" o "oral tradition" (na bahagi ng "Sacred Tradition ng Simbahang Katoliko).

Samantala, ang "tradisyon ng tao" na tinutukoy ni Hesus ay ang mga "tradisyon" ng mga Hudyo na bumubuo sa tinatawag nilang "TALMUD."

Ang "TALMUD" ay mga aral at batas ng Hudaismo na gumagabay sa relihiyon at lipunan.

Ang "TALMUD" ay ang "opisyal na interpretasyon" ng mga Hudyo sa sinasabi ng mga "Aklat ni Moises" na ang tinatawag ding "Torah" o "KAUTUSAN."

Ang "Torah" ang tinutukoy sa Romans 3:28 kung saan sinasabi na

"Kaya nga naninindigan tayo na ang tao ay pinagiging matuwid ng pananampalataya hiwalay sa pagsunod sa KAUTUSAN (Law sa Ingles)."

Ang KAUTUSAN o LAW ay binubuo ng mga aklat na Genesis, Exodus, Leviticus, Numbers at Deuteronomy.

Noong panahon ng Old Testament, malayang gumawa ng "interpretasyon" ang mga religious leaders ng Hudaismo sa mga sinasabi ng "KAUTUSAN." Dahil dito ay nakabuo sila ng dalawang buong libro.

Ang mga librong ito ay ang "MISHNA" at "GEMARA" na siyang bumubuo sa "TALMUD."

Ang "MISHNA" ang opisyal na interpretasyon at ang "GEMARA" naman ang opisyal na komentaryo sa "MISHNA." Ibig sabihin, patung-patong na "interpretasyon" ang ginawa ng mga Hudyo sa mga "KAUTUSAN."

Dahil sa sobrang kai-interpret sa "KAUTUSAN" ay nabago na ang sinasabi nito at dumating sa punto na kumontra na ang sinasabi ng "MISHNA" at "GEMARA" sa sinasabi ng "KAUTUSAN."

Ito ang ikinagalit ni Hesus sa Mt 15:3 at Mk 7:8.

Bilang halimbawa ay tingnan natin ang mga pangyayari sa Matthew 15:2-6.

Ganito ang sinasabi ng sitas,

"Lumapit kay Hesus ang ilang Pariseo at guro ng kautusan at nagtanong, 'Bakit sinisira ng mga disipulo mo ang tradisyon ng mga matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.'

"Sumagot siya sa kanila, 'Bakit din ninyo nilalabag ang kautusan ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?' Sinabi ng Diyos na 'Ipagpitagan ninyo ang inyong ama at ina' at 'Sino man ang isumpa ang kanyang ama o ina ay dapat patayin.'

"Pero sinasabi ninyo na kung sasabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina na 'Anumang bagay na dapat ay tinanggap mo sa akin ay isa nang kaloob na laan sa Diyos,' ay wala na itong pananagutan sa kanyang ama.'

"Pinawalang bisa ninyo ang salita ng Diyos para sa inyong tradisyon."


Ang binanggit ni Hesus ay isa sa mga "aral" na laman ng "MISHNA" na gawa lang ng tao dahil ito ay "interpretasyon" lang ng mga "elders" o "matatanda" sa Hudaismo sa sinasabi ng KAUTUSAN.

Kaya nga ang sinasabi ni Hesus ay mas pinahalagahan ng mga Hudyo ang "interpretasyon" nila sa KAUTUSAN kaysa sinasabi ng salita ng Diyos.

Dito ay makikita natin na wala itong kinalaman sa "oral tradition" o "Sacred Tradition" ni Kristo at ng mga Apostol.

Kaya malaking pagkakamali kung gagamitin ang Mt 15:3 o ang Mk 7:8 laban sa mga "tradisyon" ng Simbahang Katoliko. Gagawa sila ng maling paghuhusga sa mga bagay na banal.

‘Tradisyon,’ ano ang sinasabi ng Bible?

Mayo 25, 2003


KAHAPON ay sinimulan nating talakayin ang dalawang uri ng tradisyon na binabanggit ni San Pablo sa 2 Thessalonians 2:15 kung saan sinasabi ng apostol na

“Manindigan kayong matatag at panghawakan ang mga tradisyon na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa salita o sa sulat.”

Malinaw na ipinakikita rito ang dalawang uri ng TRADISYON (mga aral na galing sa Panginoong Hesus at mga Apostol) na dapat sundin ng mga Kristiyano. Ito ay ang “sa SALITA” (oral tradition) at TRADISYON sa SULAT na ngayon ay bumubuo sa Bibliya.

Maliwanag na may pagkakaiba ang dalawang ito pero ipinahihiwatig pa rin na iisa ang kanilang pinagmulan.

Ang sinasabi ng 2 Thessalonians 2:15 ay isa lang sa mga talata ng Bibliya na nagsasabi na hindi lang sa “sulat” o kasulatan matatagpuan ang mga aral at utos ng Panginoon at ng mga Apostol. Sa katunayan, maraming bagay sa kasulatan o Bibliya na “bunga” o nagmula na lamang sa “oral tradition.”

Ang mga ito ang nagpapatunay na mali ang sinasabi ng ilang bagong sulpot na mangangaral na “dapat ay nasa Bibliya ang lahat” o “Bibliya LANG ang batayan” ng gagawin o paniniwalaan ng isang Kristiyano.

Pero bago natin isa-isahin ang mga talata ng Bibliya na nagpapakita na hindi lang sa kasulatan matatagpuan ang mga aral at utos ng Panginoon at ng mga Apostol, ano ba muna ang ibig sabihin ng salitang “tradisyon?”

Ang “tradisyon (Filipino)” at “tradition (Ingles)” ang katumbas ng salita na “paradosis,” ang orihinal na salita sa Griego na ginamit sa 2 Thessalonians 2:15. Ang “paradosis” ayon sa Greek dictionary ay “pagbibigay sa pamamagitan ng salita o panulat.” Pero mas binibigyang diin ang pagbibigay sa pamamagitan ng pananalita.

Mula sa “paradosis” ay nabubuo ang iba’t-iba pang salita sa Griego tulad ng “paredoka (ang ibig sabihin ay ’ibinibigay ko’),” “paredosan (ibinigay sa atin),” “parelabon (tinanggap ko),” at “paredideto (ipinamigay).”

Ayon sa Dictionary, ang “tradisyon” ay mga “paniniwala o kaugalian na tinanggap mula pa sa una na sinusunod o pinanghahawakan ng isang samahan o lipunan bago ito ipinapasa sa mga susunod na salinlahi.”

Sa kaso ng “tradisyon” na binabanggit ni San Pablo, ito ay ang mga aral at paniniwala na ibinigay pa mula sa Panginoong Hesus at sa mga Apostol.

Para sa mga Kristiyano - lalo pa noong unang panahon - napakahalaga ng “oral tradisyon” dahil dito nakabatay ang marami nilang paniniwala. Sa katunayan, maraming sulat o aral sa Bibliya na dito nagsimula.

Ang isang partikular na halimbawa ay ang Ebanghelyong ni St. Luke.

Mababasa sa simula ng Ebanghelyo (Luke 1:1-4) ang ganito,

“Marami na ang sumulat patungkol sa mga bagay na natupad sa gitna natin sangayon sa kung paano ito IBINIGAY (PAREDOSAN) sa atin ng mga saksi na mula pa sa una at ng mga nangaral ng salita. Matapos kong suriin nang buong ingat ang mga pangyayari magbuhat sa simula, ako man ay nagpasya na isulat ito para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, para makita mo ang katiyakan ng mga itinuro sa iyo.”

Naroon na ang “oral tradition” at ang pagsusulat ni San Lucas ay para lang patunayan na katiwa-tiwala ang mga ito.

Isa pang ehemplo ng kasulatan na galing sa salin ng “tradisyon” ang 1 Corinthians 15:3-4 na ganito ang sinasabi, “Ibinibigay (paredoka) ko sa inyo una sa lahat itong ako mismo ay tumanggap (parelabon) na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan sangayon sa kasulatan, siya ay inilibing at nabuhay sa ikatlong araw sangayon sa kasulatan.”

Sa talatang ito, ipinakikita ni San Pablo na ang pagbibigay (paredoka) at pagtanggap (parelabon) sa aral na si Kristo ay namatay, inilibing at muling nabuhay ay unang ipinahayag sa pamamagitan ng “oral tradition.”

Kaya lang ito naging bahagi ng “written tradition” o ng kasulatan ay dahil ipinaalala ni San Pablo sa mga taga-Corinto ang aral na natanggap nila sa pamamagitan ng salita o binigkas na aral.

Ito ay ilan lang sa mga dahilan kung bakit hindi makapapayag ang Simbahang Katoliko na ilimita ang batayan ng aral at paniniwala sa mga nasusulat sa Bibliya. Ultimong ang Bibliya ay nagpapatunay na maraming aral na hindi lang sa “sulat” ibinigay kundi maging sa “salita.”

Tulad nga ng sinabi natin kahapon, ang “oral tradition” na ito ang siyang nilalaman ng “Sacred Tradition” na tanging ang Simbahang Katoliko lang ang tuwirang kumikilala.

Sabagay, maiintindihan natin kung bakit ang iba pang grupo ay walang tinanggap na “oral tradition” mula sa Panginoon at sa mga Apostal. Ito ay dahil kailan lang naman sila sumulpot. Samantala, ang Iglesia Katolika ay mati-trace pabalik sa mismong kay Kristo at sa mga Apostol.

Pero ano itong sinasabi ng ilan na mismong si Kristo ay bumatikos sa mga “tradisyon ng tao?” Ito ba ang “Banal na Tradisyon” na sinusunod ng mga Katoliko?

’Yan ang susunod nating tatalakayin.

Ayon sa Bibliya, Bibliya lang ba ang batayan?

Mayo 24, 2003


NAKARINIG na ba kayo ng nagdedebate tungkol sa relihiyon?

Kung makakarinig kayo nito, malamang ay marinig ninyong sinasabi ng ilan sa kanila ang ganito: "Ows talaga? Saan mo naman mababasa sa Bibliya ‘yan?"

Ang madalas na matanong niyan ay mga Katoliko na ayon sa mga "Bible believers" ay "nag-imbento" lang ng mga paniniwala.

Partikular na tina-target ng batikos ay ang mga paniniwala ng Katoliko na "hindi mababasa sa Bibliya" tulad ng "Holy Trinity," pagku-Krus, paniniwala na ang alak at tinapay sa Santa Misa ay nagiging tunay na dugo at katawan ng ating Panginoong Hesus at marami pang iba.

Para sa maraming hindi Katoliko, basta raw hindi mababasa sa Bibliya ay hindi raw dapat paniwalaan.

Kaya lang, noong gumawa tayo ng survey kung dapat ba na nasusulat sa Bibliya ang lahat na paniniwalaan o gagawin ng isang Kristiyano ay walang nakapagturo ng talata o sitas sa Bible na direktang susuporta rito.

Kahit ang magigiting na tagasunod ni Eliseo Soriano ng Ang Dating Daan ay walang nasabi.

May tinanong akong tagasunod ni Soriano pero nagdahilan lang ito na "hindi ako handang sagutin ang tanong mo."

Ganoon? Pero hindi ba si Soriano ang nagsabi na "Ang lahat ng gagawin, ang lahat ng sasabihin, DAPAT NASUSULAT?"

Kung totoo ang sinasabi niya, hindi ba dapat ay nasusulat din ang aral niyang iyon?

Ang malaking problema ng mga tagasunod ni Bro. Eli at ng maraming naniniwala na "dapat nasa Bibliya" ang paniniwalaan ay "WALA ITO SA BIBLIYA. HINDI ITO ARAL NG BIBLIYA."

Oo, ang Bibliya ay "kinasihan" o "inspired" ng Espiritu ng Diyos tulad ng sinasabi sa 2 Timothy 3:16. Pero wala tayong mababasa na Bibliya lang ang batayan ng pananampalataya.

Sa katunayan, mismong ang "Bible" ay hindi natin mababasa sa Bible.

Hindi natin gustong imenos ang Bibliya o maliitin ito. Ang gusto lang natin ay masunod ang totoong sinasabi ng Bible.

Kaugnay ng tanong natin kung ano ang batayan ng ating gagawin, ano ba ang sinasabi ng Kasulatan?

Ganito ang sinabi ng 2 Thessalonians 2:15,

"Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga tradisyon na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa salita o sa sulat."

Sa simula ng Chapter 2, sa verse 2, nagbabala si San Pablo laban sa mga "pahayag, ulat o sulat " na nagsasabing "dumating na ang araw ng Panginoon."

Sa mga verse mula 3 hanggang 12 ay nagbabala si San Pablo tungkol sa pagdating ng "taong makasalanan" na lilinlang sa marami.

Ayon kay San Pablo, ang pananggalang dito ay ang mga "tradisyon na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay SA SALITA o SA SULAT."

Ang "tradisyon sa sulat" ay binubuo ngayon ng mga laman ng Bibliya. Samantala, ang "tradisyon sa salita" o "oral tradition" ay siya namang bumubuo sa tinatawag ng Simbahang Katoliko na "Banal na Tradisyon."

Ito ang mga katotohanan na hindi nasulat pero ibinigay ng Panginoong Hesus at ng mga apostol sa pamamagitan ng salin salita.

Marami sa mga ipinoprotesta ng mga hindi Katoliko ay kadalasang kasama sa "Sacred Tradition" ng Simbahan.

Ang hindi alam ng maraming Kristiyano na hindi Katoliko ay naniniwala rin sila sa "Banal na Tradisyon" ng Simbahang Katoliko.

Kasama rito ang paniniwala sa "Holy Trinity," sa "Linggo" bilang araw ng pagsamba, ang pagdiriwang ng Pasko sa December 25, at ang paniniwala sa iba’t-ibang aklat na kasama sa New Testament ng Bibliya.

Hindi tuwirang nasusulat ang mga ito pero pinaniniwalaan na ng Iglesia mula pa noong una.

Pero mapagkakatiwalaan ba ang Simbahan? Hindi ba mas mapagkakatiwalaan ang Bibliya?

Kung ganoon, ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Iglesia.

Heto ang patunay ng 2 Timothy 3:15,

"Kung ako ay matatagalan, sinusulatan ko kayo para malaman ninyo kung paano kumilos sa tahanan ng Diyos, ang Iglesia ng buhay na Diyos, ANG HALIGI AT SALIGAN NG KATOTOHANAN."

Kung naniniwala tayo sa Bibliya, maniniwala tayo sa Iglesia.