Showing posts with label Iglesia (Simbahan): Haligi at saligan ng katotohanan. Show all posts
Showing posts with label Iglesia (Simbahan): Haligi at saligan ng katotohanan. Show all posts

Tuesday, May 15, 2012

Saan galing ang mga kalaban ni Kristo?

Hulyo 2, 2003

SIMPLE ang sabi ni Reyne ng Cagayan de Oro City tungkol sa pinag-uusapan natin tungkol sa iglesia na itinatag ni Kristo.

Sabi niya, "It’s very clear that there is only one true church na itinatag ni Kristo. It is Catholic. It started in 33 AD. Please study."

u u u

May tanong naman si Emel Pacatang ng Bugo Cagayan de Oro. Sabi niya, "Mr. Bibe, tunay ba na iglesia ni Kristo ang grupo ni Manalo na hindi naniniwala na si Kristo ay Diyos? Thanks and God bless."

Hindi natin layunin sa column na ito na magsalita nang direkta tungkol sa ibang grupo o sekta. Kung nagkokomentaryo man tayo, ito ay para liwanagin ang sinasabi ng iba tungkol sa mga paniniwalang Katoliko.

Kung may tanong kayo tungkol sa isang partikular na samahan, paki balikan na lang ang mga isinulat ko na at ‘yon ang inyong pagbatayan.

Salamat po.

u u u

Nag-text uli si Chat ng Project 4, QC. Noong una ay sinabi niya na "mali" raw ang lahat ng isinusulat ko sa column kong ito.

Ngayon ay ganito ang sabi niya, "Thanks sa pagkalathala mo ng message ko. Ang sabi ko "Sayang, tama ang bible verse na sinasabi mo pero iba ang pakahulugan mo sa lahat ng ito."

Tulad nga ng sagot ko sa iyo noon, Chat, okay lang kung hindi ka sumasangayon sa mga isinusulat ko. Karapatan mo ‘yon na naaayon sa kalayaan ng loob na ibinigay ng Diyos sa ating lahat.

Gusto ko lang naman ipakita ang mga bagay na hindi nakikita at hindi nakita ng maraming tao nang tingnan nila ang Katolisismo.

Tulad nga ng sabi ko noon, lubusan lang natin na magagamit ang kalayaan nating pumili kung nakita na natin ang buong larawan ng bagay na ating tinitingnan.

Sa ngayon, ang nakikita ng mga hindi Katoliko o ng mga dating Katoliko ay ang masasamang bagay na sinasabi ng kani-kanilang mga pastor, ministro o mangangaral laban sa Iglesia.

Kahit nga ngayon na ipinahahayag ko na ang katotohanan sa pananampalatayang Katoliko ay iginigiit pa rin ng ilan ang puro kamalian at kasinungalingan tungkol dito. Ano pa kaya kung walang nagsasalita para ituwid ang kamalian?

Pero sabi ko nga, hindi ko layunin ang mangumbinsi kundi ang magpahayag ng katotohanan. Pero kung mayroong gustong sumubok sa aral na pinaniniwalaan sa Iglesia Katolika ay handa akong sumagot sa mga iyon.

u u u

Sabi naman ni Jorge ng Negros Occidental, "Sa akin, isa lang ang batayan sa tunay na Iglesia at yun ang paalala sa 2 John 1:9. Paanong naging tunay ang Roman Catholic eh galit ang Diyos sa maling aral."

Para maintindihan natin ang sinasabi ni Jorge ay ganito ang sinasabi ng 1 John 1:9,
"Sino man na umuna sa pagtakbo at hindi magpatuloy sa aral ni Kristo ay wala sa kanya ang Diyos. Sino man ang magpatuloy sa aral ay nasa kanya ang Ama at ang Anak."

Napakaganda naman ng sinabi mo Jorge. Ang tanong ko na lang sa iyo ay saan ba matatagpuan ang mga aral na ito na DAPAT IPAGPATULOY?

Para natin maipagpatuloy ito, hindi ba kailangang malaman natin ang pinagmumulan nito? At ayon sa Bibliya, ang aral ay nasa Iglesia na itinatag ni Kristo.

Hindi nga ba, sa 1 Timothy 3:15 ay ganito ang sinasabi,
"Kung ako ay matatagalan, sinusulatan ko kayo para malaman ninyo kung paano kumilos sa tahanan ng Diyos, ang Iglesia ng buhay na Diyos, ANG HALIGI at SALIGAN ng KATOTOHANAN."

Ibig sabihin kung noong unang panahon pa nasulat ang mga salita sa Timothy, ang tinutukoy na Iglesia ay naroon na noong panahon na iyon.

Kaya nga ang sabi ko ay alamin natin kung anong iglesia na narito ngayon ang mati-trace natin pabalik sa unang iglesia dahil tiyak na ‘yon ang TUNAY.

Huwag nating isipin ang sinasabi ng kung sinu-sino. Alamin muna natin ang iglesia na ito na itinatag ni Kristo at sinasabi sa Bibliya na "Haligi at Saligan ng Katotohanan" at doon tayo magsimula.
Kasi kung "mali" ang Iglesia na iyon ay ano pa ang totoo? Tama ba?

Ngayon, kung ‘yang sinasamahan mong grupo ang mati-trace mo pabalik kay Kristo at sa mga Apostol, eh ‘di maganda. Salamat sa Diyos.

Ngayon, kung hindi naman ay mag-isip-isip kayo dahil baka isa na ‘yan sa mga itinatag ng mga "huwad na kristo" at huwad na mangangaral" na ang layunin ay siraan ang TUNAY na Iglesia at iligaw ang mga kasapi nito.

Tingnan ninyo ang sinasabi ng 1 John 2:18-19,
"Mga anak, ito na ang huling oras at narinig na ninyo na parating ang anti-kristo at kahit ngayon ang mga anti-kristo ay dumating na."
"Lumabas sila mula sa atin pero hindi talaga sila naging bahagi natin. Dahil kung naging bahagi sila sa atin nanatili sana sila sa atin. Ang pag-alis nila ay nagpapakita na wala sa kanila ang naging sa atin."

Dito ay makikita ninyo na ang kalaban ni Kristo ay "LUMABAS" mula sa tunay na Iglesia. Sila ngayon itong nagkakalat ng maling aral laban sa Iglesia na itinatag ni Kristo.

Kaya kung pag-aaralan nating mabuti, ang tunay na Iglesia ay dati nang nariyan. (Kasi nga ay una na itong itinatag ni Kristo)

Ngayon, ang mga kalaban ni Kristo at ng Iglesia ay galing din naman sa loob ng tunay na Iglesia.

Diyan pa lang ay makikita na ninyo na kung ang isang grupo ay humiwalay lang ay malamang na hindi ito ang totoo.

Ang mas masaklap ay kung ang isang grupo ay humiwalay lang sa dati nang humiwalay. Ano na ang tawag doon? Hindi ba?

Nawa ay matagpuan n’yo ang katotohanan at ang tunay na Iglesia ni Kristo.

Tuesday, November 29, 2011

Ano ba ang papel ng Espiritu Santo?

Hunyo 18, 2003


MAY reaction si Erwin ng Manila sa pahayag kong hindi sinasamba ang mga rebulto sa Simbahang Katoliko.

Sabi niya, "Bago mo sabihin na hindi ninyo sinasamba ang mga rebulto, magbasa k muna ng Catholic doctrine. Eh ung mismung mga relics ng santo ay sinasamba ninyo."

Wala akong puwedeng sabihin para mapaniwala ka o sino man na hindi sinasamba ng mga Katoliko ang mga rebulto o imahen.

Ang masasabi ko lang ay iyon ang katotohanan at kung may maniniwala na sumasamba ang mga Katoliko sa mga rebulto, naniniwala sila sa isang kasinungalingan.

Kaya ko inuulit-ulit na hindi mga diyus-diyosan ang turing sa mga imahen ay dahil ayaw kong maniwala sa kasinungalingan ang ibang tao.

Pero para sagutin ang sabi ni Erwin, ang request ko lang ay siya ang magbigay ng partikular na doktrina ng Simbahan na nag-uutos na sambahin at gawing diyos ang mga imahen, rebulto o ang mga relic ng mga santo.

Sa tinagal ko kasing nag-aaral at nagsasaliksik tungkol sa Iglesia ay wala pa akong nababasa tungkol dito. Kaya kung mayroong alam si Erwin na hindi ko alam ay maibahagi sana niya sa akin.

u u u

HETO naman ang tanong ni Cherry Pelaez ng Gensan City, "Mr. Bibe, ano ba talaga ang ibig sabihin ng Espiritu Santo? Iyan ba ay salita ng Dios? Pasensya na po ’di ko talaga alam."

Una sa lahat, ang Espiritu Santo ay HINDI salita ng Diyos. Pero ito ang nagbulong sa mga sumulat ng Banal na Kasulatan at dahil sa Kanya ay naging "inspired" o mula sa Diyos ang mga kasulatang ito.

Ngayon, sa aral Katoliko, ang Espiritu Santo ang ikatlong persona ng Holy Trinity.

Bilang persona ng Holy Trinity, ang Espiritu Santo ay DIYOS DIN kung paanong Diyos ang Ama at ang Anak. Pareho ang Kanyang pagka-Diyos sa Kanila at pantay-pantay sila.

Pero kung paanong ang Ama ay iba o hiwalay sa Anak ay ganoon din ang Espiritu Santo sa Kanila. Sa madaling salita, ang bawat isang persona ng Holy Trinity ay tunay na mga "individual" na persona.

Makikita natin ang pagiging isa ng Holy Trinity at pagiging individual nila sa Matthew 28:19 na ganito ang sinasabi,

"Binyagan ninyo sila sa NGALAN ng AMA, ng ANAK at ng ESPIRITU SANTO."

IISA ang Kanilang NGALAN pero iba-iba Sila.

Specifically, ang Espiritu Santo ang persona ng Holy Trinity na siyang direkta at palagiang nakikipag-ugnayan sa atin para sa Diyos at kumikilos para magawa natin ang mga bagay na sa Diyos.

Halimbawa noong magkatawang tao ang Panginoong Hesus ay ang Espiritu Santo ang kumilos para magdalang tao ang Birheng Maria.

Mababasa natin ‘yan sa Luke 1:35,

"Sumagot ang anghel, ‘Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lulukuban ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang banal na isisilang ay tatawaging Anak ng Diyos."

Ang Espiritu Santo ang ating gabay, tulad ng sinasabi sa John 14:26,

"Ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo, na ipadadala ng Ama sa aking ngalan, ay ituturo sa inyo ang lahat ng bagay at ipaaalala sa inyo ang lahat ng aking sinabi."

Pero isa sa pinakamahalagang gawain ng Espiritu Santo ay ang pagiging pangunahing lakas sa loob ng Iglesiang itinatag ni Kristo.

Ito ang sinasabi ng Panginoong Hesus sa Acts 1:8,

"TATANGGAP kayo ng KAPANGYARIHAN pagdating sa inyo ng Espiritu Santo at kayo ang magiging mga saksi ko sa Herusalem at sa lahat ng Hudea at Samaria hanggang sa mga dulo ng daigdig."

Nitong mga nakaraang araw ay pinag-usapan natin ang pagtatatag ni Kristo sa Kanyang Iglesia. Sinabi ko na ang Iglesiang ito ay magpakailanman. Ang dahilan ay ang pangangalaga ng Espiritu Santo.

At dahil nga sa ginagawang pag gabay ng Banal na Espiritu ay makakatiyak tayo na ang mga aral at kautusan ng Simbahan na itinatag ni Kristo ay tama.

Hindi na nga kataka-taka na sabihin ni San Pablo sa 1 Timothy 3:15, na

"ang IGLESIA ng buhay na Diyos, ang HALIGI at SALIGAN NG KATOTOHANAN."

Kaya nga makatitiyak tayo na kung kasapi tayo ng Iglesiang itinatag ni Kristo noong una pa ay tiyak tayo na nasa atin ang Espiritu Santo at tayo ay nasa katotohanan.

Monday, November 28, 2011

Bibliya? Tradisyon? Eh ano ang Iglesia?

Hunyo 7, 2003


MARAMI ang nagti-text sa akin at nagtatanong. Nariyan si RG Zapata ng Naga City, Marison Cabiles ng Bacolod City, Mr. Santiago ng Cotabato City, Junith P. ng Tagum City, Benji ng Tacurong City, Joy Perez ng Baliwag, Bulacan at Romy Rodriguez ng Calumpit, Bulacan.

Of course, nariyan din ang mga suki natin na sina Timoteo Pablo ng Quezon City at Jorge ng Negros Occidental.

Thank you very much sa inyo at sa mga nagti-text para lang bumati o kaya ay mag-comment.

Sasagutin natin ang mga tanong ninyo kaya pakiabangan na lang po.

Sa ngayon ay itutuloy ko lang ang pang-Sabado at pang-Linggo nating pagtalakay.

Nito ngang mga nakaraang linggo ay pinag-usapan natin ang tungkol sa Banal na Tradisyon at ang Banal na Kasulatan.

Last week nga ay tinumbok natin kung paano nabuo ang Bibliya, partikular ang New Testament mula sa patung-patong na mga "sulat" na nagkalat noon pa mang panahon ng mga Apostol.

Ipinakita natin kung paano nakatulong ang Banal na Tradisyon para malaman ng mga Kristiyano kung alin ang mga sulat na "inspired" o galing sa Diyos.

Marami na tayong napag-usapan tungkol sa Banal na Kasulatan at Banal na Tradisyon. Pero alam ba ninyo mayroong mas mahalagang bagay na nag-uugnay sa dalawang ito?

Ano itong bagay na ito? ‘Yan ang Iglesia o ang Simbahan.

Noong umuusbong ang tinatawag na "Born Again movement," may mga nagsabi na hindi na raw kailangan ang Iglesia. Iniuugnay kasi nila ito sa RELIHIYON.

Hindi raw relihiyon o ang Iglesia ang nagliligtas kundi ang Panginoong Hesus.

Tama ba ‘yon? Wala ba talagang silbi ang Iglesia? Si Hesus lang ba talaga ang mahalaga?

May mali sa paniniwalang ito dahil kung talagang maniniwala tayo kay Hesus ay makikita natin na napakahalaga ng Simbahan sa kaligtasan.

Bakit? Dahil si Hesus ang mismong nagtatag ng Simbahan.

Basahin natin ang sinasabi ng Matthew 16:17 at 18.

"Sumagot si Hesus (si Pedro ang kausap Niya), ‘Mapalad ka Simon anak ni Jonas, sapagkat hindi ito ipinahayag sa iyo ng dugo at laman kundi ng aking Ama na nasa langit.

"At sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA. Hindi makakapanaig sa kanya ang pintuan ng Hades."


So paano natin babalewalain ang Iglesia na si Hesus mismo ang nagtayo?

Sa talata ay sinasabi na hindi ito pananaigan ng kamatayan. ‘Yon ang ibig sabihin ng "Hindi makakapanaig sa kanya ang pintuan ng Hades."

Sa Ephesians 1:22 ay sinasabi na

"At ang lahat ng bagay ay ipinailalim niya (ng Diyos) sa kanyang (Hesus) mga paa at hinirang siya na maging ULO ng lahat ng bagay para sa IGLESIA na KANYANG KATAWAN."

Mas maganda ang sinasabi ng Eph 5:23.

"Dahil ang lalaki ay ang ulo ng kanyang asawa kung paanong si Kristo ay ang ULO NG IGLESIA, ang KANYANG KATAWAN, na kanyang INILIGTAS."

Sinasabi ng dalawang talata na ito na si Hesus at ang Simbahan ay ISA. Siya ang "ulo" at ang Iglesia ang "katawan."

Ibig sabihin, hindi sila puwedeng paghiwalayin.

At ganoon na lang kahalaga ang Simbahan sa Panginoon na "iniligtas" Niya ito.

Sabi pa nga sa Acts 20:28, "Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang IGLESIA ng Diyos NA BINILI NIYA NG SARILI NIYANG DUGO."

Kaya hindi tayo dapat maniwala sa mga taong magsasabi na hindi mahalaga ang Simbahan.

Sa katunayan, mas mahalaga ito sa Bibliya o sa Banal na Tradisyon. Mismo kasing Banal na Kasulatan ang nagpapakilala kung ano ang Simbahan.

Heto ang deklarasyon ng 1 Timothy 3:15,

"Kung ako ay matatagalan, alam ninyo kung paano kikilos sa bahay ng Diyos, ang IGLESIA ng buhay na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan."

Malinaw, hindi ba? Pero ano ba itong Iglesia na ito na binabanggit? Bukas aalamin natin.