Tuesday, May 8, 2012
Mga pari gustong maging Diyos?
SALAMAT po sa lahat ng nagtatanong, may komentaryo at suggestion. Pag-iibayuhin pa natin ang column na ito para sa lahat.
Pero may hindi nagugustuhan si Chat ng Project 4, QC. Sabi niya, "Lahat ng sinasabi mong katuruan ay mali. Sayang ang column mo. Inililigaw mo ang mga tao sa katotohanan na sinasabi ng Bible."
Thank you na rin Chat kahit ang tingin mo ay "mali" ang mga isinusulat ko. Hindi ko inaasahan na magkakaparepareho ang mga paniniwala natin pero iginagalang ko ang iyong mga pananaw, kung ano man ang mga ito.
Sana kung mayroon kang tinututulan sa mga isinusulat natin dito ay paki specify para makita ng lahat kung ano ang mga ito.
Sa ganang akin kasi ay wala naman akong sinasabing hindi suportado ng Bibliya, na pare-pareho siguro nating pinaniniwalaan. Ang ginagawa ko na nga lang ay ibigay ang talata at bigyan ito ng konting komentaryo.
Anyway, kung duda ka sa mga sinasabi kong talata ay paki tingnan na lang sa Bible para matiyak mo kung tama o mali nga ang mga sinasabi ko. Salamat uli.
u u u
GANITO naman ang reaksyon ni Leslie ng Las Piñas City sa column ko tungkol sa apat na "tanda" ng Iglesia na itinatag ni Kristo. Ang sabi ni Leslie ay "It's right that the true church of God has signs.
Pero hindi sapat na batayan ang pagkakaugnay ng words tulad ng "universal" at "catholic."
Mayroon pang dagdag na sinabi si Leslie pero tulad ng dati na nating problema ay hindi ito natanggap nang buo ng computer namin.
Para maalala ninyo ang mga sinabi kong tanda ng tunay na Iglesia ni Cristo ay narito ang mga iyon: ito ay ISA (ONE), BANAL (HOLY), KATOLIKO (UNIVERSAL) at GALING SA MGA APOSTOL (APOSTOLIC).
Kung mababasa mo uli, Leslie ay WALA akong binanggit na ang tinutukoy na Simbahan ay ang Roman Catholic Church. Kung tama ang pagkaalala ko ay wala akong ginawa na ganoong deklarasyon.
Ang palagi kong sinasabi ay kung titingnan ninyo ang mga "tanda" na ito at titingnan ang mga simbahan o iglesia na narito ngayon ay mati-trace ninyo o makikita kung alin nga ang Iglesia na itinatag ni Kristo. Iisa lang naman ang Iglesiang ito at kung tama ang pagtingin ninyo sa mga "tanda" ay hindi kayo maliligaw.
Personally, masasabi ko na ang mga tanda na ito ay makikita sa Iglesia Katolika Romana. Pero 'yon ay pananaw ko.
Ang hangarin ko ay makita ninyo sa inyong mga sarili kung ano nga ang tinutukoy rito. Halimbawa, kung kayo man ay naghahanap sa TUNAY na Iglesia ni Kristo ay puwede ninyong tingnan ang iglesia o simbahan na sinasamahan ninyo ngayon.
Ito ba ay ISA? Kung "Oo," ito ba ay BANAL? Kung "Oo" uli, ito ba ay MALAWAKAN o UNIVERSAL o Catholic? Kung "Oo" uli ang sagot sa ikatlong tanong ay mati-trace ba ninyo ito pabalik sa mga APOSTOL o baka naman kailan lang ito itinatag?
Para sa akin ay mahalaga na makita ng bawat isa ang TUNAY na Iglesia dahil dito nakasalalay ang kaligtasan ng isang tao.
u u u
MAY reaksyon si Jorge ng Negros Occidental sa pagbibigay ko ng 1 Corinthians 4:15 bilang patunay na hindi literal ang sinasabi ng Panginoong Hesus sa Matthew 23:9 na "And do not call anyone on earth 'father,' for you have one Father, and he is in heaven."
Kung mapapansin ninyo, hindi ko ginamit ang Pilipino translation ng verse dahil mawawalan ng saysay ang tanong ni Jorge na ang layunin ay pabulaanan ang pagtawag ng mga Katoliko sa mga pari ng "father."
Ang sabi ni Jorge ay "Huwag mong dagdagan ang nakasulat sa 1 Cor 4:15, Mr. Cenon. Kaya maraming naliligaw dahil sa maling pangaral. Si Kristo ay gustong tawaging alipin samantalang ang mga pari ay gustong tawagin na kapantay ng Diyos. Dapat tularan nila si Kristo."
Anyway, ganito ang sinasabi ng 1 Cor 4:15, "Kahit pa mayroon kayong sampung libong tagapangasiwa kay Kristo wala kayong maraming ama, dahil kay Kristo Hesus ako ay naging ama (father) ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo."
Sa aking column noong June 17 ay wala akong ibang sinabi kundi "Ganyan din lang ang pagka-"father" ng mga pari." Kaya nga medyo nalilito ako sa sinabi ni Jorge na "dinagdagan" ko ang talata. Eh kung ang talagang dahilan lang naman ng pagtawag sa pari ng "father" ay dahil tulad ni San Pablo ay "naging ama (father)" siya ng mga Katoliko "sa pamamagitan ng ebanghelyo."
Ang alam ko ay may mga pari na medyo may "hangin" sa ulo pero iilan lang naman na mga ito. Hindi sila dapat gawing batayan sa pagiging pari. Unfair naman 'yon, hindi ba?
Ngayon, kung ang sinasabi mo ay ang pagtawag sa pari ng "Reverend," na ayon kay Bro. Eli ng Ang Dating Daan ay sa Diyos lang dapat gamitin, nakakalungkot dahil may mali siya rito.
Totoo na sa Bibliya ang salitang "revere" (ang pinagkunan ng salitang "reverend") ay ginagamit lang sa Diyos pero hindi ibig sabihin ay limitado ito rito.
Ang "revere" kasi ay galing sa salitang French na ang ibig sabihin ay "malalim na respeto na may halong takot." Ibig sabihin may dalawang elemento ang "revere."
Una, ang paggalang at pangalawa ang takot.
Nang gamitin ang "revere" para i-translate ang salitang Hebreo na "yare," ang kahulugan na ginamit ay ang para sa "takot."
Nang gamitin ito sa salitang "reverend," ang pakahulugan ay "kagalang-galang" at hindi "nakakatakot."
Kaya iba ang kahulugan ng paggamit ng "reverend" sa pakahulugan ng Bibliya. Diyan naging makitid ang pang-unawa ni Bro. Eli.
Tuesday, November 29, 2011
Mga pari, hindi dapat tawaging ‘father?’
Hunyo 17, 2003
HETO po ang text ni Macky ng Davao City bilang partisipasyon sa ating column.
"Ang mensahe ko lang ay kay Jesus lang tayo puwedeng magdasal kasi ‘yon ang sabi sa Matthew 28:18."
Ganito ang sabi ng talatang binabanggit ni Macky,
"Lumapit si Hesus sa kanila at sinabi, ‘Ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa ay ibinigay na sa akin.’"
Sangayon ako sa sinasabi ng talata, Macky. Tumpak ‘yon. Wala tayong pag-uusapan tungkol doon.
u u u
TANONG naman ni Luis Dimalanta ng Mandaluyong City, "Ka Cenon, ano ba ang relihiyon mo? Pabor ka ba na sumamba sa mga rebulto o larawang inanyuan?"
Salamat sa text, Luis.
Bilang isang Katoliko ay kailangang sumunod ako sa aral ng Simbahan na nagbabawal sa pagsamba sa mga diyus-diyosan sa anumang anyo.
Kung mayroon mang mga imahen sa loob ng Iglesia, ang mga ito ay mga pantulong lang para maalala ng mga Katoliko ang mga ginawa ng Panginoong Hesus at ng mga santo o mga taong nagbigay ng kanilang buhay para sa Diyos.
u u u
NAG-REACT si Phay Timtiman ng Tanay, Rizal, at ang reader natin na si "Freeman" sa text ni Edward Reyes ng GMA, Cavite.
Nagbigay suporta si Phay (thank you a patuloy na pagbibigay lakas loob).
Samantala, heto naman ang sinabi ni Freeman, "Hindi tama na pagsabihan ka ni Edward Reyes ng masama."
"Ako rin ay hindi sangayon na si Pedro ang tinutukoy na ‘Bato’ sa Matthew 16:18."
Salamat sa text, Freeman. Iginagalang ko ang pagkakaiba ng ating pananaw. Sabi ko nga, hindi ko layunin ang kumumbinsi ng iba.
Ang akin lang ay ihayag ang mga katotohanan na alam ko at ituwid ang mga maling paniniwala ng ibang tao tungkol sa Simbahang Katoliko at sa Katolisismo.
Marami kasing Katoliko ang "bulag" at walang alam tungkol sa kanilang pananampalataya kaya marami sa kanila ang madaling naililigaw ng ibang paniniwala.
Tungkol naman kay Pedro, marami pang dapat sabihin para maipakita kung ano ang sinasabi ng Panginoon at ng Bibliya tungkol sa kanya.
u u u
GANITO naman ang text ni Edgar Rualo ng Parañaque, "GOD is omnipotent. He knows and sees our every action. So, we don't need to say long prayers as the Pagans do. Was the Gospel unclear to you?"
Pasensiya ka na, Edgar, hindi ko lang maintindihan kung anong "Gospel" ang sinasabi mo. Sa Ebanghelyo kasi ni Kristo, Siya mismo ay palaging nagdarasal at nagdasal ng mahaba.
Tingnan natin ang sinasabi ng Luke 18:1-8. Ito ay kuwento tungkol sa isang "Makulit na Biyuda."
Sa verse 1 ay ganito ang panimula,
"Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang isang kuwento para ipakita sa kanila na DAPAT LAGI SILANG MAGDASAL at HUWAG SUMUKO."
Ayon sa kuwento, may isang biyuda na pabalik-balik sa isang huwes at paulit-ulit na nagsabi ng "Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking mga kaaway." (verse 3)
Una ay ayaw ng huwes pero nakulitan din ito kaya ibinigay nito ang hinihingi ng biyuda.
Kaya sabi ng Panginoon sa verse 6 at 7,
"Pakinggan ninyo ang sabi ng hindi makatarungang huwes. Ang Diyos ba ay hindi magbibigay ng katarungan sa kanyang mga pinili na NAGSUSUMAMO sa kanya ARAW at GABI?"
Although ang punto ng kuwento ay tiyak na sasagutin ng Diyos ang mga panalangin ng Kanyang mga pinili, sinasabi pa rin ni Hesus na MAGING MAKULIT tayo sa pagdarasal.
Sabi pa sa Ephesians 6:18,
"Maging listo kayo at PALAGING MANALANGIN para sa lahat ng banal."
Sa Matthew 26:39-44 naman ay si Kristo ang paulit-ulit na nagdasal ng
"Ama ko, kung maaari ay alisin ang sarong ito mula sa akin. Pero hindi ayon sa kalooban ko pero ayon sa iyong kalooban."
Kaya kung mapapansin mo, Edgar, ang Ebanghelyo ni Kristo ay tungkol sa madalas na pagdarasal na madalas nga ay paulit-ulit pa
Kaya nga ipagpasensiya mo na hindi ko malaman kung anong "Gospel" ang binabanggit mo na tila ipinagbabawal ang madalas na pagdarasal.
u u u
SABI naman ni Jorge ng Negros Occidental, "Bakit sinuway at hindi sinunod ng mga pari at Katoliko ang doktrina ni Kristo na "Call no man on earth ‘father’?"
Ang sinasabi ni Jorge ay nasa sa Matthew 23:9.
Napansin ko lang, Jorge. Bakit Ingles ang ginamit mong salin? Dahil ba kung Pilipino ang gagamitin ay biglang mabibitin ang iyong tanong?
Wala kasing tumatawag sa mga pari na "Ama," hindi ba?
Anyway, obvious na hindi literal ang ibig sabihin ni Hesus. Dahil kung literal ito ay ano ang itatawag natin sa magulang nating lalaki? "Uncle?" o "Auntie?"
Ikaw, Jorge, anong tawag mo sa lalaking magulang mo?
Kung babasahin natin ang buong Matthew 23 ay makikita natin na ang tinututulan ni Hesus ay ang pang-aabuso ng mga lider ng mga Hudyo.
Pero para patunayan na puwedeng tawaging "ama" ang isang religious leader heto ang sabi ni San Pablo sa 1 Corinthians 4:15,
"Kahit pa mayroon kayong sampung libong tagapangalaga kay Kristo, wala kayong maraming ama, dahil kay Kristo Hesus AKO ay inyong naging AMA (FATHER) sa pamamagitan ng ebanghelyo."
Ganyan din lang ang pagka-"father" ng mga pari. Sana malinaw, Jorge.