Showing posts with label Pagmumura: Bakit Dapat Iwasan?. Show all posts
Showing posts with label Pagmumura: Bakit Dapat Iwasan?. Show all posts

Tuesday, March 12, 2013

Bakit dapat umiwas sa mga palamura?

August 27, 2003


NAGKAROON kami ng palitan ng paliwanag ni AJ Reyes ng Cavite at napag-usapan namin ang tungkol sa pagsasabi ni Eliseo Soriano ng "gago," "ulol" at iba pang salita na masakit sa tenga.

Nag-react si AJ dahil palagi kong sinasabi na may mga "mangangaral" na PALAMURA.

Ang pakiramdam ko ay nasaktan si AJ dahil parang natutumbok ang mangangaral niyang si Soriano.

Naitanong tuloy ni AJ kung "Mura ba ang ‘gago?’" Liban pa roon, parang hindi rin niya matanggap na mura ang "ulol."

Hinamon niya ako na patunayan na "mura" ang "gago" at ang "ulol." Parang hindi talaga siya makapaniwala na MASAMA ang pagsasabi ng "GAGO" at "ULOL."

At para patunayan na mali ako, inutusan ako nitong tagasunod ni Soriano na "tumingin" ako sa dictionary at tingnan ko kung "mura" ang "gago" at "ulol."

Sa mga ordinaryong tao at Pilipino ay HINDI na KAILANGANG ipaliwanag na ang pagsasabi ng "gago" at "ulol" sa isa pang tao ay "pagmumura."

Pero dahil may mga tao na tulad ni Soriano at ni AJ na naniniwala na hindi ito pagmumura ay tutulungan nating maibsan ang ganitong PAGKABULAG.

u u u

Sagutin nga natin itong tanong ni AJ kung "mura" o isang uri ng pagmumura ang pagsasabi ng "gago," "ulol" at iba pang salitang paboritong bigkasin ng ilang mangangaral na KAILAN LANG LUMITAW.

Una sa lahat, ano ba itong "mura" o pagmumura?

Ang gamitin natin ay ang mismong definition na ibinigay sa akin ni AJ (na malamang ay kinuha rin niya sa grupo ni Soriano).

Sabi ni AJ, "Ang mura ay pinabababa mo ang kalagayan ng tao sa natural niyang katayuan."

Naiintindihan naman po siguro natin ang sabi ni AJ.

Pag PINABABA raw ang KALAGAYAN ng isang tao sa natural nitong katayuan ay "pagmumura" ito.

Ngayon, tingnan naman natin ang kahulugan ng "gago."

Ayon mismo kay AJ, ang "gago" ay "taong mahina ang utak."

Kung ganoon, ano ang ginagawa ng isang tao kung tatawagin niyang "gago" ang isa pang tao?

Una ay HUHUSGAHAN niya ang kapwa niya at sasabihin pa "mahina ang ulo."

Malamang ay HINDI siya TIYAK na "mahina nga ang ulo" ng sinasabihan niya ng "gago." Kaya malamang ay HINDI TOTOO na "mahina ang ulo" ng kanyang sinasabihan.

Ngayon, hindi ba PINABABABA niya ang NATURAL na KATAYUAN ng kanyang sinasabihan?

Kung ganoon, PAGMUMURA ang pagsasabi niya ng "GAGO."

Siguro naman ay maliwanag ‘yon. At maliwanag na mura rin ang "ulol" kapag ginamit nang ganoon.

Ang pagmumura ay lalong nagiging hayag o tuwiran kung ito ay ginagawa ng isang taong GALIT o kapag sinasabi lang ito dahil KAAWAY niya o KATUNGGALI ang sinasabihan.

Sa madaling salita, kaya siya tumatawag ng "gago" at "ulol" sa ibang tao ay hindi dahil may sapat siyang dahilan o batayan pero dahil lamang GALIT siya rito o ASAR dahil hindi ito sumasangayon sa kanya.

Pero paano kung sa tingin ng isang tao ay hindi masama o "mura" ang "gago" o "ulol?" Puwede na ba siyang tawaging "gago" o "ulol?"

Marahil ay puwede kung para lang MATAUHAN siya na MASAKIT at MASAMA ang pakiramdam ng tinatawag ng ganoong mga salita.

Ito ay sa hangad na GISINGIN siya at ITUWID ang kanyang pagkakamali.

Pero kung sakaling sa kabila ng alam na niyang MASAKIT, MASAMA at PAGMUMURA ang mga salitang "gago" at "ulol" ay igigiit pa niya na HINDI ITO "MURA," parang umamin na siya na "gago" nga siya.

Ipagdasal na lang natin ang taong ganito.

u u u

Ngayon, ang punto natin dito ay HINDI DAPAT MAGMURA ang isang tao.

Bakit? Ang pagmumura kasi o pagtawag ng "gago" o "ulol" o "tanga" sa ibang tao ay MALING PAGHUSGA at LABAG sa sinasabi ng Matthew 7:1.

Ang sabi ni Kristo sa talata ay "HUWAG kang HUHUSGA o ikaw man ay HUHUSGAHAN."

Sabi ko nga noon pa, hindi ipinagbabawal ang lahat ng uri ng paghusga. Pero sinasabi ko nga na iwasan natin ito dahil baka masanay tayo sa MALING PAGHUSGA.

Ano ba ang silbi ng salitang "gago," "ulol," at "tanga" kundi ang paghusga sa ating kapwa. Buti kung tama ang paghusga. Pero paano kung mali? Ito ay nagiging WALANG SAYSAY na SALITA.

‘Yan ang nakakatakot.

Bakit? Basahin natin ang sinasabi ng Matthew 12:35-37, "Ang mabuting tao ay nagdadala ng mabubuting bagay mula sa kabutihan niyang itinatago. At ang MASAMANG TAO ay nagdadala ng MASASAMANG bagay mula sa KASAMAAN na kanyang itinatago."

"Sinasabi ko sa inyo na ang mga tao ay kakailanganing MAGSULIT sa araw ng paghuhukom para sa BAWAT WALANG SAYSAY na salita na kanilang sinabi."

"Sa pamagitan ng inyong salita kayo ay pawawalang sala at sa pamamagitan ng inyong salita kayo ay KOKONDENAHIN."

Kaya ang pakiusap ko lang po ay HUWAG na tayong TUMULAD sa MASAMANG EHEMPLO ng ilang mangangaral sa ngayon. Ipapahamak lang nila kayo.