Showing posts with label Rosaryo: Ano ito?. Show all posts
Showing posts with label Rosaryo: Ano ito?. Show all posts

Tuesday, March 12, 2013

Rosaryo: Papuri lang kay Maria?

August 23, 2003

SAGUTIN natin ang tanong ni Albert ng Naga City. Ganito ang tanong niya, "Saan ho ba naimbento ang rosaryo? Bakit ho mas maraming dasal ang kay Maria kaysa Luwalhati?"

Napakaganda ng tanong mo, Albert. Para kumpleto ang sagot ay iti-trace natin ang pinagmulan ng Rosary.

Ang Rosaryo ay umusbong sa KAGUSTUHAN ng mga Katoliko noong 800 AD na MAKAPAGPURI sa Diyos sa pamamagitan ng DASAL at AWIT.

Buhay kasi sa puso ng maraming Katoliko noon ang sinasabi sa Isaiah 42:10, "UMAWIT kay Yahweh ng isang bagong awit, ang kanyang PAPURI mula sa dulo ng daigdig."

Noong panahon na iyon ay paboritong DASALIN ng mga tao ang SALMO o AWIT. Ang partikular na gumagawa nito ay ang mga nasa MONASTERYO sa Europa kung saan araw-araw INAWIT ang 150 SALMO mula sa Banal na Kasulatan.

Ang problema noon ay maraming tao ang HINDI MARUNONG MAGBASA. Hindi rin laganap ang kopya ng Banal na Kasulatan na napakamahal kung bibilhin ng ordinaryong tao.

Isa pa, mas abala ang mga tao noon sa pagtatrabaho sa bukid kaysa pagpunta sa monasteryo o simbahan para maki-awit.

So, ano ang ginawa ng mga Katoliko para makapagdasal at makapuri pa rin sila sa Diyos?

Ang ginawa nila ay NAGDASAL sila ng "Ama Namin" bilang KATUMBAS ng bawat SALMO na inaawit sa mga monasteryo.

Ang nangyari ay 150 na sunod-sunod na AMA NAMIN ang dinadasal ng mga Katoliko noon.

Kaya makikita ninyo na NOON pa man ay uso na ang PAULIT-ULIT na PANALANGIN at PAPURI sa Diyos.

Dumating ang panahon na NAGPUPURI na sila nang HIWALAY sa ginagawa sa mga monasteryo. INUULIT-ULIT lang nila ang 150 AMA NAMIN.

Pero kung ngayon ay gumagamit tayo ng Rosaryo, noon ay gumamit sila ng 150 maliliit na bato. Ang iba ay gumamit ng tali na may 150 buhol para matiyak na nakumpleto nila ang 150 AMA NAMIN. May ulat na ang ilan ay AVE MARIA, o HAIL MARY, ang DANASAL.

u u u

Sa sumunod na 500 taon ay naging popular ang ganitong pamamaraan ng PAGDARASAL at PAPURI sa Diyos.

Noong 13th century, sinimulan itong gamitin sa loob na mismo ng Iglesia. Pero nilagyan ng konting pagbabago ng mga pinuno ng Iglesia.

PINAGSAMA nila ang PAGDARASAL gamit ang mga SALMO at ang paulit-ulit na dasal.

Imbes na paulit-ulit na AMA NAMIN, ay nagtalaga sila ng isang SALMO para sa isang BAHAGI ng buhay ni Hesus.

Ito ay ginawa para na rin paalalahanan at maturuan ang mga tao ukol sa BUHAY at GINAWA ng Panginoong Hesus na Siyang MABUTING BALITA.

Sabi nga sa 2 Timothy 2:8,"ALALAHANIN si Hesu Kristo, binuhay mula sa patay, nagmula kay David. Ito ang aking EBANGHELYO."

Hindi nagtagal ay na-develop ang Rosaryo na gamit ang iba’t-ibang misteryo sa buhay ni Hesus.

Noong naging popular ang debosyon sa ina ni Hesus na si Birheng Maria, ay ginamit ang HAIL MARY nang paulit-ulit. At naging tulad na nga ito ng Rosaryo na gamit natin ngayon.

u u u

Dito ay papasok ang sagot natin sa pangalawang tanong ni Albert. "Bakit ho mas maraming dasal ang kay Maria kaysa Luwalhati?

Sa isang tingin ay MAS MARAMING dasal ang para kay Maria sa loob ng Rosaryo. Pero kung susuriin natin ay makikita natin ang dahilan para rito.

Sabi nga natin ang Rosaryo ay PAGNINILAY o MEDITATION sa buhay ni Hesus. Ito ay ginagawa habang inulit-ulit ang HAIL MARY.

Kumbaga, ang mga labi ng isang nagro-Rosaryo ay kay Maria pero ang puso at isip niya ay NAKATUTOK kay HESUS.

Sa pamamagitan ng 10 HAIL MARY ay nabibigyan ng PANTAY at SAPAT na panahon para sa pagme-meditate sa bawat misteryo sa buhay ng Panginoon.

Kung hirap tumutok kay Hesus ang isang nagro-Rosaryo, puwede siyang tumutok kay Maria.
Sino ba si Maria? Si Maria ang UNANG KRISTIYANO.

Bago pa man may TUMANGGAP kay Kristo ay TINANGGAP na Siya ni Maria. Ito ay nangyari noong sabihin niya sa Luke 1:38, "AKO ANG ALIPIN ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi."

Dahil nga sa pag-OO ni Maria ay hindi lang niya tinanggap ang ESPIRITU ni Hesus kundi ang Kanyang BUONG PAGKADIYOS at PAGKATAO. Bagay na hangad ng bawat Kristiyano.

Ibinigay ni Maria ang BUONG BUHAY niya kay Hesus.

Ang tanong sa nagro-Rosaryo ay: Ano, kaya n’yo bang gawin ‘yon?

So, ang paulit-ulit na HAIL MARY ay hindi lang basta papuri kay Maria. Ito ay paulit-ulit na PAANYAYA para TUMULAD tayo sa kanyang PAGMAMAHAL at PAGSUNOD sa kalooban ng Diyos.

At kung magagawa nating tumulad kay Maria, ‘yon ay NAPAKABANGO NA ALAY at PAGLUWALHATI sa PANGINOON.

‘Yan ang inaayawan ng Demonyo sa Rosaryo kaya kinokontra niya ito at ayaw niyang magro-Rosaryo ang mga tao.

Thursday, February 7, 2013

Rosaryo, kontra Bibliya raw; totoo ba?

Agosto 17, 2003

KAHAPON ay pinag-usapan natin ang pagiging BIBLICAL ng Santo Rosaryo.

Ipinakita ko na ang mga NILALAMAN nito ay GALING sa Bibliya.

Ipinakita ko na ang PUSO at SENTRO ng Rosaryo ay katulad ng PUSO at SENTRO ng Bibliya. At ‘yan ay wala nang iba kundi si KRISTO HESUS.

Noong unang panahon, ang Rosaryo ang ginamit ng mga Kristiyano bilang "Bibliya."

Nung panahon kasi noon ay NAPAKAMAHAL pa ng Bibliya at KOKONTI ang tao na mayroon nito. Kadalasan ay matatagpuan ang Bibliya sa loob lang ng mga monasteryo, simbahan at sa mga bahay ng mayayaman.

Hindi pa kasi noon naiimbento ang "printing press" at ang bawat kopya ng Bibliya ay ginagawa sa pamamagitan ng sulat kamay.

Kaya diyan ninyo mai-imagine kung gaano lang karami ang Bibliya na nasa sirkulasyon.

Idagdag pa natin diyan ang katotohanan na marami ang mga tao noon na HINDI NAKAPAG-ARAL.

So, paano nila nalaman ang mga sinasabi ng Bibliya? Ginamit nila ang Santo Rosaryo.

Kaya nga puwedeng sabihin na ang Rosaryo ang "Bibliya" ng mahihirap at ng mga walang pinag-aralan.

At kung wala ang Rosaryo ay mas marami pa tiyak ang naging MANGMANG sa ginawang pagliligtas ni Hesu Kristo.

Kaya nga kung minsan ay kinikilabutan ako sa ginagawang panlalait ng ilang BAGONG LITAW na mangangaral sa Rosaryo.

Dito ay gusto kong balikan ang tanong kahapon ni Dante Paulino ng Calbayog City.

Itinanong niya, "Bakit maraming aral sa Iglesia Katolika na labas sa utos ng Bibliya? Halimbawa ‘yung pagdarasal nang pabalik-balik."

Ang tinutumbok ni Dante ay ang paggamit ng mga Katoliko ng Rosaryo.

Ang batayan ng sinasabi ni Dante ay ang sinasabi ng King James Version at ng Magandang Balita Bibliya sa Matthew 6:7.

Kung babasahin natin ang sinasabi ng talata batay sa KJV at MBB ay ganito ang mababasa natin, "At kung kayo ay magdarasal, huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang PAULIT-ULIT na mga panalangin tulad ng mga Hentil..."

Pero kung ang babasahin natin ay ang New International Version o NIV ay ganito naman ang sinasabi ng talata, "At kung kayo ay magdarasal, huwag kayong DUMALDAL na parang mga pagano na nag-iisip na sila ay maririnig sa pamamagitan ng kanilang MARAMING SALITA."

Kung papansinin ninyo ay magkaiba ang salin. Magtataka pa kayo dahil PAREHONG SALIN-PROTESTANTE ang KJV at NIV.

Pero dahil malaki ang pagkakaiba nila, ibig sabihin ay mayroong MALI at mayroong TAMA sa mga translation na iyan.

Alin ang TAMA?

Ang TAMA ay ang NIV. At ang MALI na salin ay ang KJV at MBB na noon pa ay sinasabi ko nang MALI-MALI ang pagka-translate mula sa ORIHINAL na GRIEGO.

Heto ang isang patunay. Sa orihinal na talata sa Griego, ang salita na makikita sa talata ay "battologeo."

Ang TAMANG SALIN ng "battologeo" sa Pilipino ay "DUMALDAL" o gumamit ng MARAMING SALITA na walang katuturan.

Diyan ay makikita natin na ito ay mas malapit sa salin ng NIV.

Ngayon, ano ang punto? Ang punto ay ginagamit ng mga kontra sa Rosaryo at sa nobena ang MALING salin ng Bibliya.

Ang Rosaryo raw ay "walang kabuluhang PAULIT-ULIT na panalangin" na binabanggit sa maling translation ng Bible.

Tama ba ‘yon? Kung mali ba ang translation ay magiging tama ang pagkakaintindi at ang paniniwala na magmumula rito?

Siyempre, mali rin. Kaya nga may mga tao na naliligaw sa paniniwala na ang Rosaryo ay walang katuturang paulit-ulit na dasal.

Kung pupunahin ninyo, HINDI ang PAULIT-ULIT na dasal ang ipinagbabawal kundi ang mga dasal na MARAMING SALITA ang ginagamit.

Isang "key word" sa orihinal na Griego ng Mt 6:7 ay "polylogia." Ang ibig sabihin nito ay "poly" o marami at ang "logia" ay salita. In short, "MARAMING SALITA."

Sa Rosaryo ay ILANG SALITA LANG ANG GINAGAMIT dahil inuulit-ulit ang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at ang Luwalhati.

Ang Ama Namin ay ang mismong dasal na itinuro ni Hesus sa Mt 6:9-13.

Ang Aba Ginoong Maria ay ang pinagsamang PAHAYAG ng anghel Gabriel sa Luke 1:28 at ni Elisabet (na PUNO ng Espiritu Santo) sa Luke 1:42.

Kaya nga makikita natin na mismong mga DASAL na ginagamit sa Rosary ay NAPAKA-BIBLICAL.

Samantala, ang Luwalhati ay papuri sa tatlong persona ng Diyos.

Sino ang nagsasabi na walang katuturan ang ulit-ulitin ang mga Biblical at makatuturang mga salita na ito?

Siguro kung kaaway ka ng Diyos ay ituturing mong mali ang pag-ulit ng mga salita mula sa Bibliya o ng papuri sa Diyos.

Hindi rin nila alam na sa Langit ay paulit-ulit na ang ginagawang papuri sa Diyos.

Sabi nga sa Revelation 4:8, "Ang bawat isa sa apat na nilalang ay may anim na pakpak at puno ng mga mata. ARAW at GABI ay HINDI SILA TUMITIGIL SA PAGSASABI ng ‘Banal, banal, banal ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan na siyang nakalipas, kasalukuyan at darating pa.’"

So, nakikita natin na ang Rosaryo ay HINDI LANG BIBLICAL na dasal at gawain kundi PATIKIM pa sa gagawin nating papuri sa Diyos pagdating natin sa Langit.

Rosaryo: May batayan ba sa Bible?

Agosto 16, 2003

NITONG mga nakaraang Sabado at Linggo ay pinag-usapan natin sa column na ito ang tungkol sa Bibliya, partikular sa Bibliyang BINAWASAN at Kasulatan na ginamit ni Kristo at ng mga Apostol.

Sa pag-uusap natin may mga nag-text at nagsabi na BOBO raw ang mga Katoliko sa Bibliya at hindi raw tinuturuan ang mga Katoliko tungkol sa mga Banal na Kasulatan.

Mayroon din namang nagsabi na hindi raw alam ng mga Katoliko ang mga laman ng Bibliya.

Kung ang sinasabi ng iba ay hindi magawa ng karamihan ng mga Katoliko na magmemorya ng mga kapitulo at talata mula sa Bibliya, tama sila. PERO HINDI ‘YON KABOBOHAN.

Ang hindi alam ng mga hindi Katoliko ay napakaraming Katoliko ang ALAM ang NILALAMAN ng Bibliya.

Ang iba ay ARAW-ARAW pa itong INUULIT-ULIT. At Ang iba pa ay ginagamit pa ang LAMAN ng Bibliya para sa DASAL.

Ang tinutukoy ko rito ay ang Santo Rosaryo na TUNAY na BIBLICAL.

u u u

Tiyak na may mga tao na tumaas ang kilay nang banggitin ko ang Santo Rosaryo. Isa kasi ito sa mga TINUTUTULAN at BINABATIKOS ng maraming hindi Katoliko.

Isa na riyan marahil si Dante Paulino ng Calbayog City na nagsabi, "Bakit maraming aral sa Iglesia Katolika na labas sa utos ng Bibliya? Halimbawa ‘yung pagdarasal nang pabalik-balik."

Malamang ang tinutukoy ni Dante ay ang pagdarasal ng Rosaryo.

Maganda ‘yang punto na ‘yan ni Dante pero hindi ko muna ‘yan sasagutin ngayon. Pasensya na.

Sa ngayon ay gusto ko lang ipakita na kung gaano kalalim ang PAGMAMAHAL ng mga Katoliko sa mga nilalaman ng Bibliya, partikular ang MAGANDANG BALITA ng Panginoong Hesus.

u u u

Bakit at paano ko nasasabi ang mga bagay na ito? Mayroon bang batayan dito?

Para masagot ‘yan, alamin natin kung ano ang Santo Rosaryo?

Ang Rosaryo ay isang MEDITATION o PAGNINILAY sa BUHAY, KAMATAYAN at MULING PAGKABUHAY ni Hesus.

Kasama ring pinagninilayan dito ang buhay ni Birheng Maria.

Sa simpleng salita, sa pamamagitan ng Rosaryo ay INAALALA at TINUTUTUKAN ng pansin ng isang tao ang mga pangyayari sa buhay ng Panginoong Tagapagligtas at ng Kanyang ina.

Sa Bibliya, MAHALAGA ang PAG-ALALA. Sabi sa 2 Timothy 2:8, "ALALAHANIN ninyo si Hesu Kristo, binuhay mula sa patay, nagmula kay David. ITO ANG AKING EBANGHELYO."

Sa Rosaryo ay INAALALA si Hesus. Sa Rosaryo, si KRISTO ang EBANGHELYO.

u u u

Sa unang bahagi ng column na ito ay sinabi ko na TUNAY na BIBLICAL ang pagrorosaryo. Paano ito nangyari?

Kung titingnan natin ang Rosaryo, makikita natin na ito ay binubuo ng mga MYSTERYO.

Marami sa mga Katoliko ay pamilyar sa tatlong mysteryo ng Rosaryo. Ang mga ito ang Mysteryo ng Tuwa (Joyful), Hapis (Sorrowful) at Luwalhati (Glorious).

Kamakailan ay dinagdagan ni Pope John Paul II ang mga ito ng isa pa. Ito ang Mysteryo ng Liwanag (Light).

Ang bawat isang mysteryo ay patungkol sa isang bahagi ng BUHAY ni HESUS. Ang ilan ay patunkol sa Kanyang ina. At ang lahat ng ito ay may batayan sa BIBLIYA.

Bilang katunayan, isa-isahin natin ang mga ito.

Sa Mysteryo ng Tuwa ay:
1) Ang "Annunciation" o Pagpapahayag na magdadalantao si Maria kay Hesus. Ito ay galing sa Luke 1:26-28.

2) Ang "Visitation" o Pagbisita ni Maria sa pinsan niyang si Elizabeth na inilalahad sa Luke 1:39-45.

3) Ang "Nativity" o Kapanganakan ni Hesus na nasa Luke 2:1-20.

4) Ang Pagpiprisinta sa sanggol na Hesus sa templo. Mababasa ito sa Lk 2:22-38.

5) Ang Pagkakatagpo sa batang Hesus sa templo matapos itong mawalay sa Kanyang mga magulang. Ang kuwento ay nasa Luke 2:41-50.

Sa Mysteryo ng Liwanag ay:
1) Ang Binyag ni Hesus sa ilog Jordan ayon sa Matthew 3:17.

2) Ang Kasal sa Cana kung saan unang gumawa ng milagro si Hesus. Ito ay nasa John 2:1-12.

3) Ang Pagpapahayag ni Hesus ng Kaharian ng Diyos sangayon sa ulat ng Mark 1:15.

4) Ang "Transfiguration" o Pagbabagong Anyo ni Hesus na nasa Luke 9:29.

5) Ang Pagtatatag ni Hesus ng Eukaristiya o Banal na Misa ayon sa Matthew 26:17-29.

Sa Mysteryo ng Hapis ay:
1) Ang Pagdadalamhati ni Hesus sa Hardin ng Getsemane na nasa Matthew 26:36-46.

2) Ang Paghagupit kay Hesus. Matatagpuan ito sa Mark 15:1-16.

3) Ang Pagpapataw ng koronang tinik kay Hesus na inilalahad ng Matthew 27:27-31.

4) Ang Pagbuhat ni Hesus ng Kanyang krus. Ito ay mababasa sa Mark 15:20-22.

5) Ang Pagkakapako at Pagkamatay ni Hesus sa krus sangayon sa kuwento ng Luke 23:33-46.

Matapos ito ay ang mga Mysteryo ng Luwalhati.
1) Ang Muling Pagkabuhay ni Hesus na nasa Matthew 28:1-10.

2) Ang Pag-Akyat ni Kristo sa Langit. Mababasa sa Luke 24:44-53.

3) Ang Pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol na nasa John 14:15-21.

4) Ang "Assumption" o ang Paniniwala na umakyat si Maria sa Langit sa katawan at kaluluwa.

5) Ang Pagkorona kay Maria bilang Reyna ng langit at lupa. Ang ginagamit na batayan ay Revelation 12:1.

Ang PUSO at SENTRO ng Bibliya ay si Kristo na Siya ring PUSO at SENTRO ng Rosaryo.
Kaya kung may magsasabi na hindi biblical ang Rosaryo ay hindi niya alam ang kanyang sinasabi.