Showing posts with label Pari: Pabaya. Show all posts
Showing posts with label Pari: Pabaya. Show all posts

Thursday, September 12, 2013

Katotohanan, Paano Malalaman?



September 10, 2003
BIGYANG daan po natin ang puna ng reader na nagpapakilalang si "Timoteo Pablo."
Ganito ang sabi niya, "Sa pananaw ko po ang pagkukulang ng pari ay isa lang sa mga ‘komplikasyon' ng mas malaking kakulangan sa ICAR (Iglesia Catolica Apostolica Romana). Ito po ang kakulangan o kawalan ng tunay na ebanghelio."
"Ano ang gagawin ng langgam sa isang supot na walang laman?"
"Namulat po ako kaya ako umalis sa ICAR.
"‘Di ko iniwan nang ganon na lang ang mga miyembro ng ICAR. Mas may malasakit ako ngayon sa mga miyembro ng ICAR kaysa noong nasa ICAR pa ako."
"Katunayan, ngayong oras na ito ay gumagawa ako para mahango sa ICAR ang miyembro nito tungo sa katotohanan."
"Wala ang tunay na ebanghelio sa ICAR. Wala ang aral ni Jesus Christ sa ICAR."
Salamat sa text mo, Timoteo Pablo.
Kung umalis ka sa Iglesia Katolika ay desisyon mo ‘yon. Walang puwedeng pumigil sa iyo.
Sa katunayan, kung may taong magdedesisyon na pumunta sa impiyerno ay walang magagawa ang sino man, kahit pa ang Diyos.
Pasensiya ka na kung sasabihin ko sa iyo na MALI ang INIISIP MO na "wala ang ebanghelio" at "aral ni Jesus Christ" sa Iglesia Katolika.
Ang KULANG sa Iglesia Katolika ay mga tao – pari, madre at iba pang MANGGAGAWA – na MAGTUTURO ng KATOTOHANAN sa mga Katoliko.
Sa sobrang dami na kasi ng mga Katoliko ay nauulit ang sitwasyon noong dumating ang Panginoon. Nakita niya ang mga tao na "naguguluhan" at "naliligaw." (Matthew 9:36)
Kaya nga nagsalita si Hesus sa Mt 9:37-38, "Sinabi niya sa kanyang mga alagad: Ang aanihin ay marami pero kakaunti ang manggagawa."
"Kaya hilingin ninyo sa Panginoon ng anihan na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang anihan."
At tulad nga ng sabi ko, Timoteo Pablo, HINDI EBANGHELYO ang KULANG. Ang KULANG ay mga MANGGAGAWA.
Kaya ako narito at narito rin ang column na ito para TUMULONG sa GAWAIN ng Panginoon.
Ang layunin natin ay ILAHAD ang KATOTOHANAN tungkol sa PAGLILIGTAS ni Hesus at sa KANYANG IGLESIA.
Marami ang UMAALIS sa Iglesia Katolika dahil HINDI nila ALAM ang KATOTOHANAN tungkol dito.
Sa madaling salita, WALA SILANG CHOICE o PAMIMILIAN.
Ngayon ay sinusubukan natin silang BIGYAN ng CHOICE.
KASAMA KA sa mga tinutukoy ko, Timoteo Pablo.
Noon ay HINDI MO ALAM ang KATOTOHANAN tungkol sa Iglesia Katolika. Ngayon ay MAY ALAM KA NA.
Pero tulad nga ng sabi ko, WALANG MAKAPIPIGIL sa iyo KUNG MAS MANINIWALA ka sa sinasabi ng iba LABAN sa Iglesia kaysa sa KATOTOHANAN tungkol dito.
Uulitin ko ang sinasabi sa Deuteronomy 30:19, "Sa araw na ito ay tinatawagan ko ang langit at lupa bilang testigo laban sa inyo.
"Inilalatag ko sa harap ninyo ang buhay at kamatayan, biyaya at sumpa. Ngayon ay PILIIN ninyo ang BUHAY nang kayo at ang inyong mga anak ay MABUHAY."
u u u
Para matulungan ka sa PAGPILI, Timoteo Pablo, ay tanungin mo kung ano ang BATAYAN mo ng iyong paniniwala o pananampalataya.
Kung Bibliya, tanungin mo ang sarili mo kung KANINO ang BIBLIYA.
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa TUNAY na IGLESIA?
Kailan ba ITINATAG ang Iglesia na ito? Noon pa bang panahon ng mga Apostol sangayon sa Matthew 16:18 o noon lang 1980?
SINO ang NAGTATAG ng TUNAY na IGLESIA? Si Kristo ba o si Eli Soriano?
PUWEDE bang MAILIGAW ang Iglesia na itinatag ni Hesus kung ang ESPIRITU ng KATOTOHANAN ang gabay nito? (John 16:13)
Puwede bang pagharian ng KAMALIAN at KASINUNGALINGAN ang Iglesia ni Hesus kung ito ang HALIGI at SALIGAN ng KATOTOHANAN? (1 Timothy 3:15)
MAAAGAW ba ng KAAWAY ang Iglesia kung mismong si Hesus ang nagsabi sa John 10:28-29 na "Walang MAKAKAAGAW sa kanila sa AKING mga KAMAY"?
Ano ang sabi ng Panginoong tungkol sa mga LILITAW PA LANG na mga "mangangaral" (daw).
May sinabi ba si Kristo na mayroong darating na "pantas" o sinabi ba Niya na ang LILITAW ay mga "HUWAD na PROPETA" at "HUWAD na MANGANGARAL?" (Mt 7:15)
Diyan pa lang sa mga katanungan na iyan ay MAKAKAKUHA na tayo ng MALINAW na sagot kung TOTOO o HUWAD ang KINAAANIBAN nating grupo sa ngayon.
u u u
MAGDESISYON tayo. Hindi lang karangalan ang nakataya rito.
NAKASALALAY sa mga sagot sa mga tanong na ito ang mismong KALIGTASAN ng ating KALULUWA.
Sa Acts 18:5-6 ay nangaral si Pablo sa mga Hudyo at ipinakilala ang KATOTOHANAN pero TINUTULAN at MINURA pa siya ng mga ito.
Kaya nga sa huli ay nasabi sa kanila ng Apostol, "Nasa ulo ninyo ang inyong dugo! Wala na akong pananagutan sa inyo."
Mismong ang Panginoon ang NAGBABALA sa Mt 24:25, "Hayan, sinasabi ko na sa inyo."
Ang pagpapasya ay nasa atin na. Piliin natin ang KATOTOHANAN.

Sunday, November 6, 2011

Hindi puwedeng maging magulang ang mga pari

Disyembre 9, 2002


BAKIT ba hindi pinag-aasawa ang mga pari?

Kung ako ang tatanungin, simple lang ang dahilan. "Kasal" na sila sa Simbahan at sa bayan ng Diyos kaya hindi na sila puwedeng magpakasal pa. Kumbaga, magkakasala sila ng "adultery" kung gagawin nila 'yon.

Ano ba kasi ang kasal?

Ang pangkaraniwang pagkakaintindi natin dito ay isa lamang itong kontrata sa pagitan ng dalawang tao.

Nagsasabi sila ng "I do," "I do" sa isa't-isa para magsama habambuhay "sa hirap at ginhawa, sa karamdaman at kagalingan hanggang [sila] ay paghiwalayin ng kamatayan."

Sa madaling salita, para sa marami ang kasal ay katumbas lang ng isang pirasong papel at mga pangako na malamang naman ay mapako.

Para sa akin, mas malalim doon ang kasal.

Ang kasal ay isang "covenant" o tipan kung saan isang mahalagang sangkap ang "commitment."

Sa pananaw ko, ang pagpapari man o pag-aasawa ay commitment o sumpa ng katapatan na hindi puwedeng urungan o "iluwa."

Ngayon, kung ang buong commitment ng isang pari ay sa Simbahan, paano pa niya magagawang mag-commit sa isang pamilya? Pareho kasing kailangan ng "full time and attention" ng dalawang ito.

'Yan ang isang dahilan kung bakit sa tingin ko ay hindi na dapat mag-asawa pa ang mga pari.

Pero may isa pang dahilan. Karamihan kasi ng mga pari ay mga iresponsable.

Sa kabila ng panunumpa nila para kalingain at alagaan ang sambayanan ng Diyos ay mga pabaya sila at tila walang paki.

Isang pruweba riyan ang kawalang interes nila kung mahikayat man o mapunta sa ibang sekta ang mga Katoliko. Para sa kanila, hangga't may nagsisimba at may nagbibigay ng abuloy ay OK na.

Eh ano kung nalilinlang ang mga Katoliko ng ibang mangangaral na puro paninira at kasinungalingan ang sinasabi tungkol sa Simbahan? May pumapasok pa namang koleksyon kaya ayos na.

Kung sila ay naging mga magulang, parang wala silang paki kung magumon sa masama ang kanilang mga anak. Dedma lang sila kung maligaw ang kanilang mga supling. Tutal may iba pa silang anak.

Kaya nga nasasabi ko na mabuti pa nga na walang tunay na anak ang mga pari. Baka lalo pang dumami ang mga kabataang nagiging adik o rapist o tarantado.