Showing posts with label Matthew 16:18: Sino ang Bato?. Show all posts
Showing posts with label Matthew 16:18: Sino ang Bato?. Show all posts

Wednesday, June 6, 2012

Ang ‘Ama’ ang nagtayo ng Iglesia?

Hulyo 12, 2003

SABADO na naman kaya ipagpapatuloy natin ang paguusap tungkol sa Iglesiang itinatag ni Kristo sangayon sa Bibliya.

Pero bago ‘yan ay basahin natin ang mga reaksyon ng readers natin na nagpapakilalang si "Timoteo Pablo."

Nagre-react siya sa July 1 column ko kung saan "ipinakita" ko mula sa Bibliya na tama ang paniniwala ko na ang Iglesia Katolika ang itinatag ni Kristo.

Tapos ay idinagdag ko ang ganito: "Ang problema ay hindi ito matanggap ng mga tao na kasapi ng mga iglesia na kailan lang natatag. Sabagay, hindi natin sila masisisi dahil WALA TALAGA SILANG MAKITANG KAUGNAYAN sa GRUPO NILA at sa IGLESIANG ITINATAG NI KRISTO."

So, ganito ang sagot ni "Timoteo Pablo, "MERON! Intindihin mo lang ang 1 John 1:3-4. May pakikisama kami mismo kay Kristo pati sa Ama at mga apostol."

Patuloy pa niya, "Ang Iglesia na nasa Bible NA ITINATAG NG DIOS ang inaniban namin. ‘Di kami nagtatag. WALA kayong MATIBAY na BATAYAN na TOTOO ang Iglesia Katolika Apostolika Romana."

u u u

Para maintindihan natin ang sinasabi ni "Timoteo Pablo" basahin natin ang 1 John 1:3-4 na ganito ang sabi,
"Ipinahahayag namin sa inyo kung ano ang aming nakita at narinig para kayo man ay magkaroon ng pakikipagkapwa sa amin."

"Ang aming pakikipagkapwa ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesu Kristo. Isinusulat namin ito para maging ganap ang aming kagalakan."

Sa pag-unawa ng kahit na anong talata ay kailangang itanong muna natin ang sumusunod: 1) Kailan ito isinulat? 2) Sino ang nagsasalita? 3) Sino ang kausap? 4) Ano ang pakahulugan ng sinasabi ng teksto sa panahon na isinulat ito?

Ang sulat ay tinatayang nagawa sa pagitan ng 90 at 100 A.D. o may 60 o 70 taon matapos ipako sa krus at mabuhay muli ang Panginoon at matatag ang Iglesia.

Sa tradisyon ng Iglesia, ang nagsulat nito ay ang Apostol na si John.

Ang kausap dito ay 1) ang mga kasapi ng Iglesiang itinatag ni Kristo at iba pang INAANYAYAHANG "makipag-kapwa" sa Ama, Anak at mga Apostol.

At ang intensyon ng mga talata ay 1) Pinatatatag ang pananampalataya ng mga kasapi ng Iglesiang itinatag ni Kristo dahil sa mga panahon na iyon nagsulputan ang mga anti-kristo at 2) HINIHIKAYAT ang iba pa na makipag-kapwa kay Kristo.

Ang tanong ko lang kay "Timoteo Pablo" ay SINO SILA sa mga KAUSAP ni John?

Sila ba ‘yung KASAPI na ng Iglesia o sila ‘yung INAANYAYAHAN pa lang?

Mabuti pa ang Iglesia Katolika mapapatunayan sa kasaysayan na nanggaling kay Kristo at sa mga Apostol. Magbasa lang tayo ng kahit na anong matino na History book.

Ang grupo kaya ni "Timoteo Pablo," ano ang maipakikitang katibayan liban sa pag-angkin sa IMBITASYON sa 1 Jn 1:3-4 at sa paggamit sa Bibliya na ang Iglesia Katolika ang nagdeklara na galing sa Diyos?

Nagtatanong lang po tayo.

u u u

Kung noon ay iginigiit nila na hindi si Pedro ang "Bato" sa Matthew 16:18, iba naman ang bagong pahayag nina Peter ng Bacolod City at ni Jorge ng Negros Occidental.

Sabi ni Peter, "Kapatid, hindi naman si Kristo ang nagsasalita sa Mt 16:18 kundi ang AMA! Itaas mo lang sa verse 17 at mauunawaan mo kung sino ang nagsasalita."

Okay basahin natin ang verse 17, "Sumagot si Hesus sa kanya, ‘Pinagpala ka, Simon anak ni Jonas, dahil hindi laman at dugo ang nagpahayag sa iyo nito kundi ang Ama sa langit."

Ang gustong sabihin ni Pedro ay ang Ama ang nagsabi kay Pedro ng mga sinasabi ng Mt 16:18.

Pasensiya ka na, Peter, pero kung sino man ang nagturo sa iyo niyan ay malinaw na inililigaw ka lang.

Hindi naman kasi ang mga sinasabi sa Mt 16:18 ang tinutukoy ni Kristo na ipinahayag ng Ama kay Simon kundi ang mga sinasabi sa Mt 16:16.

At para maunawaan natin ‘yan ay simulan natin ang pagbasa sa mga talata mula sa verse 13.

Ang sabi sa 13 ay "Nang pumunta si Hesus sa lugar ng Caesaria Philippi ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, ‘Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao.’"

Sa 14, "Sumagot sila, ‘Ang iba ay si Juan Bautista, ang iba si Elias, at ang iba si Jeremias o isa sa mga propeta.’"

Sa 15, "Sinabi niya sa kanila, ‘Kayo, ano ang pakakilala ninyo sa akin?’"

Sa 16, "Sumagot si Simon Pedro, ‘Kayo ang Mesias, and anak ng buhay na Diyos.’"

Dito pumapasok ang sabi ni Kristo sa 17 na, "Sumagot si Hesus sa kanya, ‘Pinagpala ka, Simon anak ni Jonas, dahil hindi laman at dugo ang nagpahayag sa iyo nito kundi ang Ama sa langit."

Malinaw na ang sagot ni Simon sa verse 16 ang tinutukoy ni Hesus na ipinahayag ng Ama at HINDI ang sinasabi sa verse 18.

Pag-aralan mo, Peter, baka ang paniniwala mo ay turo ng huwad na mangangaral.

u u u

Heto naman ang sabi ni Jorge, "Yung nagsasalita sa Mt 16:18 ay ang AMA na! Basahin mo sa John 14:10. Itatayo Niya ang Kanyang Iglesia ‘thru’ Christ."

Brod, isa na naman ‘yan ehemplo ng pagkatay ng teksto ng Bibliya para mailigaw ang nakikinig. Tanda ng huwad na aral.

Basahin mo ang mga kasamang talata niyan mula Jn 14:9 hanggang 14 at hindi pagtatayo ng Iglesia ang sinasabi ni Kristo kundi ang pagiging ISA nila ng AMA.

Isa pa, ang Ebanghelyo ni Matthew ay nasulat bandang 70 AD. Samantala, ang John ay nasulat sa pagitan ng 90 AD at 100 AD.

Kung paniniwalaan natin at susundin ang sinasabi mo, una ay lalabas na hindi kumpleto at hindi maiintindihan ang Mt 16:18 kung hindi idudugtong ang Jn 14:10.

Pangalawa, lalabas na sa loob ng 20 taon bago masulat ang John ay "mali" ang pang-unawa ng mga tao sa Mt 16:18 kung saan malinaw na si Hesus ang nagsasalita.

Ang hindi mo alam, Jorge, muntik nang hindi makasama sa Bibliya ang John. Kung nagkaganoon, ibig sabihin tuluyang magiging inutil ang Matthew.

Kaya huwad na aral ang sinasabi mo, Jorge. Sorry. Nalinlang ka ng huwad na mangangaral.

Tuesday, May 8, 2012

Si Hesus ang ‘Bato’ at hindi si Pedro?

Hunyo 28, 2003

PATULOY ang pagtalakay natin sa Iglesiang itinatag ni Kristo pero bago ang lahat ay magpapasalamat lang ako sa lahat ng nag-text, nagtanong at nagbigay ng reaksyon tungkol sa topic na ito.

Gusto ko lang banggitin sina Rico o Peter ng Bacolod City, Nho Ramos ng Bicol at Pol ng QC. Pare-pareho sila nagsabi na hindi sila sangayon sa aking paliwanag na si Pedro ang "Bato" kung saan itinatag ng Panginoon ang tunay na Iglesia.

Gusto ko sanang ilagay dito ang mga sinabi nila kaya lang ay patuloy ring nagkakaproblema ang ating computer na tumatanggap ng inyong mga text.

Kaya kung maaari ay paki send na lang uli ang inyong mga mensahe.

Para makatiyak tayo na papasok lahat, paki putol-ang inyong sasabihin at pakihiwalay ang pag-send.

Muli ay maraming salamat.

u u u

Ngayon ay gusto kong talakayin itong sinasabi ni Jorge ng Negros Occidental.

Ganito ang text ni Jorge, "Sa Matthew 16:18, ‘yung ‘THOU ART PETER" ay si Simon Peter. Pero ‘yung sinasabi na "UPON THIS ROCK" ay si JESUS CHRIST na iyon. (Read: Deuteronomy 32)"

Kung babasahin natin ang kapitulo na ibinigay ni Jorge ay makikita natin na ilang ulit binabanggit ang "Bato." Sa verses 4, 15, 18, 28 at 31.

Ang pinaka may kaugnayan sa sinasabi ni Jorge ay ang verse 4 na ganito ang sinasabi, "Siya ang Bato, ang lahat ng kanyang mga gawa ay tama at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan. Isa siyang Diyos na walang kamalian, matuwid at makatarungan."

Ang Bato na tinutukoy rito ay ang Diyos. At sa paniniwala ni Jorge ay ang Panginoong Hesus ang pinatutungkulan din nito.

Dahil dito ay sinasabi ni Jorge na si Hesus ang "Bato" na tinutukoy sa Mt 16:18. Tama ba siya?

Mali. Hindi kasi porke tinawag na "Bato" ang Diyos dito ay "automatic" na Siya na rin ang "Bato" na tinutukoy sa Matthew.

Heto ang dahilan niyan: Sa Deuteronomy, ang pagsasalarawan sa "Bato" ay batong "nagligtas" sa mga Israelita, tulad ng sinasabi sa verse 15.

Saan sila iniligtas? Ang sagot ay nasa Exodus 17:1-7. Ito ay kuwento tungkol sa pagdududa ng mga Israelita na nauuhaw noon sa gitna ng disyerto ng Massah at Meribah.

Gusto na nilang batuhin si Moises dahil uhaw na sila at nagtatanong kung "Kasama ba natin ang Panginoon o hindi?" (verse 7)

Kaya nga ganito ang mababasa natin sa verse 6, "Tatayo ako (ang Panginoon) kasama mo (Moises) sa BATO sa Horeb. Paluin mo ang BATO at bubulwak ang tubig mula rito para makainom ang mga tao."

Ito ang "BATO" na binabanggit sa Dt 32:4.

Ang "Bato" na ito ay batong dinadaluyan ng tubig na nagligtas sa kanila sa pagkauhaw.

Tama, puwedeng si Hesus ang tinutukoy rito pero iba ang PAGKAUNAWA sa batong ito kaysa sa gamit sa Matthew.

Ngayon, anong klaseng bato ba ang binabanggit sa Mt 16:18?

Ayon mismo sa talata, ang Bato na tinutukoy doon ay "pagtatatagan" o "pagtatayuan" ni Hesus ng Kanyang Iglesia.

Hindi ito Bato ng tubig, kundi batong "pundasyon."

Ito ay ipinakikita sa isa ng Matthew 7:24-25 na ganito ang sinasabi, "Kaya nga ang bawat makarinig at gumawa ng aking mga salita ay tulad ng marunong na tao na NAGTAYO ng kanyang bahay sa BATO."

"Dumating ang ulan, bumaha at binayo ng hangin ang bahay pero hindi ito nabuwal. Ito ay dahil ang PUNDASYON nito ay BATO."

So, kung susundan natin ang pakahulugan at paunawa ng mismong aklat ni Matthew ay madali nating makikita na ang "bato" na tinutukoy sa Mt 16:18 ay hindi ang "Bato" na tagapagligtas ng Dt 32:4 kundi ang bato na pagtatatagan ng Iglesia sa Mt 7:24-25.

In short, magkaiba ang "Bato" sa Mt 16:18 at ang "Bato" sa Dt 32:4.

u u u

Liban pa rito ay lalabas na hindi tayo marunong umintindi ng simpleng pangungusap kung igigiit natin na si Kristo ang "Bato" na Kanyang tinutukoy sa Mt 16:18.

Tingnan natin ang pagkakasulat ng "statement" ni Hesus: "At sinasabi ko rin sa iyo, ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia."

Iisa ang kausap ni Hesus dito, si Pedro lang na ang katumbas ng pangalan ay "Bato." Ito ay "Petros" sa Griego at "Kephas" naman sa Aramaiko, ang tunay na salita ni Hesus at ng mga Apostol.

So, ang "statement" ay puwede nating sabihin ng ganito: "At sinasabi ko rin sa iyo, ikaw ay Bato at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia."

Si Pedro ang tinawag ni Hesus na "Bato."

Kaya sa pagsabi ni Hesus na "sa batong ito" ang tinutukoy ay ang tinawag niyang "Bato" at ito ay wala nang iba kundi si Pedro.

Kung hindi natin maiintindihan ‘yan ay baka makantiyawan tayo ng "Simple English, cannot understand."

Kung igigiit din natin na si Hesus ang "Bato," dapat ay ganito ang sinabi Niya: "Ikaw ay Bato at ako ay Bato ..." Pero lalabas naman na hindi marunong gumawa ng simple sentence ang Panginoon.

Dapat ay diniretsa na lang Niya na "Ako ang Bato ..." Hindi ba?

Lalong magiging katawa-tawa kung ang palalabasin natin ay ang tinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang sarili.

Ang lalabas kasi na sabi niya ay "Ikaw ay Bato at sa ibabaw KO ..." Palalabasin natin na ‘di marunong ng logic si Hesus.

Kaya huwag na nating pahirapin. Pero nasa sa inyo ‘yon kung gusto ninyong pahirapin ang isang simpleng pangungusap.