Tuesday, January 22, 2013
Pasko ano at kelan ba iyan?
NAKAKATABA ng puso ang text ng ilang readers natin tulad ni Martin Raymundo ng Vergara, Mandaluyong City. Sabi niya, "Maraming salamat. Lalong tumibay ang faith ko sa Diyos at sa Katoliko dahil sa column mo. God bless you."
Ganito naman ang sabi ni Brian ng Urdaneta City, Pangasinan, "Thank you very much for your column which I read wholeheartedly. You make my Catholic faith stronger against FRAUD BELIEFS."
Lubos-lubusin na natin at banggitin natin ang sabi ni Alen ng Bacoor. "Galing-galing mo Mr. B magpaliwanag. Gabayan ka pa sana ng Diyos Espiritu Santo. Ipagpatuloy mo lang. Katunayan inaabangan ko araw-araw ang column mo."
Salamat po sa inyo pero HIGIT sa LAHAT ay sa DIYOS po tayo magpasalamat dahil sa Kanya galing ang lahat ng nababasa ninyo.
Dalangin ko po na LUMAGO rin ang INYONG BUHAY sa PAGLAGO ng inyong PANANAMPALATAYA.
SA DIYOS ANG LAHAT NG PAPURI.
+ + +
MAAGA po ang Pasko para kay Greg Almonte ng Cubao, QC. Ganito kasi ang tanong niya, "Kailan ipinanganak si Jesus Christ? Totoo bang Dec. 25? Ano sa Tagalog ang Abiv?"
Ang Abiv na kilala rin bilang Nisan ay pangalan ng buwan sa Hebreo na tumutugma sa mga buwan ng Abril at Mayo.
Ano ba ang Pasko? ‘Yan ay galing sa salitang “pascua” sa Kastila, “pascha” sa Griyego, “pasha” sa Aramaico at “pesah” sa Hebreo. Ang ibig sabihin niyan ay ang “pagdaan sa ibabaw” o “passover” sa Ingles.
Ginugunita niyan ang pangyayari sa Exodus 12, kung saan nilagpasan ni Yahweh at ng "anghel ng kamatayan" ang bahay ng mga Israelita nang suyurin nila ang Egipto at “itumba” ang lahat ng panganay na lalaki roon. Naligtas ang mga Israelita dahil sa dugo ng kordero na ipinahid sa hamba ng kanilang pintuan.
Ang kordero o batang tupa na ito ay tinawag na “paschal lamb” na nagsisimbolo ng pagliligtas ng Diyos.
Sa mga Kristiyano, ang paschal lamb o kordero ay si Hesu Kristo. Sinabi nga ni Juan Bautista sa Juan 1:29, “Tunghayan n’yo ang Kordero ng Diyos na NAG-AALIS ng KASALANAN ng sanlibutan.”
Tuwing ika-25 ng Disyembre ay ginugunita natin ang kapanganakan ng “Kordero ng Pascua” na nagliligtas sa atin, partikular sa epekto ng kasalanan nina Eba at Adan o ng “original sin.” Dito nakuha ang salitang “Pasko.”
Ayan, malinaw na nasa Bibliya ang salitang “Pasko.” Malinaw din kung bakit tayo nagsasaya. Ginugunita kasi natin ang pagkakatawang tao ni Hesus na Siyang nagliligtas sa atin sa kamatayan at magbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan.
Kung hindi ba naman tayo matutuwa riyan ay baka may “sira” na tayo.
Ngayon, Dec. 25 ba ipinanganak si Hesus? At nasa Bible ba ito?
Sa totoo lang, wala sa petsa ang problema kundi sa mismong tanong.
Bakit? Kasi naman, ang December, tulad ng iba pang buwan sa ating kalendaryo, ay hindi pa ginagamit noong panahong ipanganak si Kristo.
Ang ginagamit noon ay ang Hebrew calendar at dito tayo magsisimula.
Uugatin natin ang birthday ni Hesus ayon sa pahayag sa Ebanghelyo ni San Lucas kung saan inisa-isa ng Ebanghelista ang mga pangyayari bago ang kapanganakan ng Panginoon.
Sinimulan ni Lucas ang kuwento nang magpakita ang anghel na si Gabriel sa pari na si Zacarias habang ang huli ay nagsusunog ng insenso sa loob ng “Holy of Holies” o sanctuaryo ng templo ng mga Hudyo. (Lucas 1:5-20) Dito ay ipinahayag ni Gabriel na si Zacarias at ang asawa nitong si Elisabet ay magkakaanak at ang ito nga si Juan Bautista.
Ayon sa Bibliya, isang beses lang sa isang taon maaaring pumasok ang sinuman sa loob ng sanctuaryo at ito ay sa Day of Atonement ng mga Hudyo. Ayon sa Leviticus 16:29, ang araw na ito ay sa ika-10 araw sa ika-pitong buwan. Sa kalendaryo ng mga Hudyo ito ay pumapatak sa ika-10 ng buwan ng Tisri.
Nang mabuo ang Roman calendar na siyang ginagamit natin ngayon, natukoy ang katumbas na araw ng Tisri 10 sa Setyembre 20. Dito na natin susundan ang mga pangyayari.
Ang mga pari noon ay isang linggong nagsisilbi sa templo at sila ay umuuwi na. Sabi ng Bibliya, matapos nito ay “nagdalantao si Elisabet.” Pumapatak ito bandang Setyembre 25.
Sabi ng Bibliya sa Lucas 1:26, “Sa ikaanim na buwan (ng pagbubuntis ni Elisabet), ipinadala ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazareth, sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa isang lalaki na ang pangalan ay Jose ng angkan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria,” ang ina ni Hesus.
Ang pangyayaring ito ay tinatawag sa Iglesia Katolika na “The Annunciation” dahil dito inihayag ang magiging pagsilang ni Hesus, ang “Anak ng Kataas-taasan.” Ito ay sa pamamagitan ng paglukob ng Espiritu Santo kay Maria. (Lucas 1:31-35)
Kung bibilangin natin ang ikaanim na buwan ng pagdadalantao ni Elisabet simula sa Setyembre 25, papatak ang “Annunciation” sa Marso 25, ang unang araw ng pagbubuntis ni Maria.
Mula sa Marso 25 ay bibilang lang tayo ng siyam na buwan (ang panahon ng pagbubuntis ng isang babae) at matutukoy na natin ang araw ng kapanganakan ni Hesus. At ito ay sa Disyembre 25.
Ayan na ang sagot sa tanong mo, Greg.
Sunday, November 6, 2011
Pati Pasko inaatake nila
Disyembre 23, 2002
WOW! Two days na lang ay Christmas na. Hindi ba dapat ay excited na tayong lahat at natutuwa?
Pero maniwala kayo sa hindi, nitong mga nakaraang mga nakaraang taon ay may nagsisulputang grupo na ang ambisyon sa buhay ay wasakin at balewalain ang Pasko-ang mensahe at paggunita nito.
Ang masakit ay hindi nahahalata ng mga taong anti-Christmas na nagagamit sila ng kalaban ni Kristo. Katunayan nga ay inaakala pa nilang nagsisilbi sila sa Diyos sa ginagawa nilang pagsira sa nakapakahalagang okasyon na ito.
Pero sinabi ni San Pablo sa Roma 16:17,
“Hinihimok ko kayo, mga kapatid, na magbantay laban sa mga tao na lumilikha ng hindi pagkakaunawa at balakid para kontrahin ang mga aral na inyong natutunan; iwasan n’yo sila.”
Heto ang malupit. Sabi ni Pablo sa verse 18,
“Ang mga taong ‘yan (mga gumagawa ng paghahati-hati) ay hindi nagsisilbi sa Panginoong Hesu Kristo kundi sa kanilang mga sarili. Sa pamamagitan ng kaakit-akit at mabolang salita ay nililinlang nila ang puso ng mga inosente.”
Ang aral tungkol sa Pasko o sa pagkakatawang tao ng Panginoong Hesus ay kasing tanda na ng Iglesia. Although nagkaroon lang ng pagkakataon ang mga Kristiyano na hayagan itong ipagdiwang noong ikatlong siglo nang maging legal na ang Kristiyanismo.
Pero bago pa man ito ay isa nang masaya at kagila-gilalas na okasyon ang pagsilang ni Hesus.
Sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo (mula Chapter 1 hanggang Chapter 2), ang kapanganakan ng Panginoon ay ipinakitang katuparan ng banal na kasulatan at ng hula ng mga propeta
Sa sulat naman ni San Lucas, inihayag sa mga unang chapter na ang kapanganakan ni Hesus ay “magandang balita ng malaking kagalakan para sa lahat ng tao.” (Lk 2:10)
Ang summary ng importansya ng pagiging tao o pagpasok ng Panginoong Hesus sa mundo ay mababasa natin sa John 3:16.
“Ganoon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa mundo na ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang anak nang sa gayon ay sino man ang maniwala sa kanya ay hindi pumanaw kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Dagdag pa sa verse 17,
“Hindi ipinadala ng Diyos ang kanyang Anak sa mundo para kondenahin ang mundo pero para ang mundo ay maligtas sa pamamagitan niya.”
Ang ganda, ‘di po ba? Sino ba naman ang ayaw niyan?
Pero huwag kayo. Tulad nga ng sabi ko, may mga tao ngayon na kumukontra sa Pasko.
Mula noong Sabado ay pinag-usapan natin kung bakit may Pasko. Inugat natin ang lahat sa “original sin” nina Eba at Adan na nagbunga sa pagpapalayas sa kanila sa Hardin ng Eden at pagkawala nila ng pagkakataon na magkaroon ng eternal life.
At tulad nga ng sinasabi sa sulat ni Juan, si Kristo ay nagkatawang tao para tayo ay maligtas at bigyan uli ng pagkakataon na magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Sa madaling salita, ang kapanganakan ni Hesus ang simula ng pagbagsak ni Satanas.
Sino ba si Satanas? Siya ang luminlang kina Eba at Adan para suwayin ang Diyos. Siya rin ang dahilan ng pagkawala nila ng buhay na walang hanggan.
Sa pagsilang ni Kristo ay nahahayag ang pagkatalo ni Satanas at pagbawi ng Diyos sa Kanyang mga nilalang-tayo ‘yon.
Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ni Satanas noong isilang si Hesus? Natuwa ba siya?
At ano kaya ang nararamdaman ng kaaway na ito ng Diyos sa tuwing naaalala at ginugunita ng mga tao ang pagsilang ng ating tagapagligtas? Marahil ay para itong double-blade na kutsilyo na tumatagos sa kanyang puso-kung meron man siya noon.
Kaya hindi na kataka-taka kung gagawa ng paraan ang kaaway na sirain at wasakin niya ang Pasko at ilayo ang isip ng tao rito.
At diyan natin makikita kung gaano katuso ang demonyo. Para sirain ang paggunita ng tao sa kapanganakan ng Panginoon ay mismong ang Bibliya ginagamit niya.
Kung paano sinubukan ni Satanas na tuksuhin si Hesus gamit ang Banal na Kasulatan (basahin ang Mateo 4:1-11) ay ganoon din ang ginagawa niya ngayon.
“Wala naman sa Bibliya ang Pasko,” giit ng mga kaaway ng pagdiriwang na ito.
Gamit ang panlilinlang-lalo na sa mga “inosente” at walang alam-ay binabaluktot ng mga kaaway ng Pasko ang sinasabi ng Bibliya at ang kasaysayan para makamit ang kanilang layunin-ang itigil ang pag-alala ng tao sa dakilang bagay na ito.
Sinasabi nila na ang pagdiriwang ng Pasko sa Disyembre 25 ay isang selebrasyon ng mga pagano. Mas pinahahalagahan nila ang “coincidence” o pagkakasabay ng isang ritwal ng pagano kaysa ang tunay na mensahe ng kapaskuhan.
Ibig ba nilang sabihin ay kayang manaig o manalo ng paganismo sa tunay na Diyos? Aba, nagkukulang yata sila sa pananampalataya at pagtitiwala.
Pero para maalis ang pagdududa kung nasa Bibliya ba ang Pasko at kung matatagpuan ba sa Banal na Kasulatan ang Disyembre 25, bukas ay iti-trace natin ito sa Bibliya.