Showing posts with label Debate: ADD vs Catholic. Show all posts
Showing posts with label Debate: ADD vs Catholic. Show all posts

Thursday, September 12, 2013

Ano ang sinasabi ng Bible tungkol sa debate?



September 9, 2003
MAY magandang komentaryo si Angel ng Cavite. Sabi niya, "Ang One Holy Catholic and Apostolic Church ay walang iba kundi ang EASTERN ORTHODOX CHURCH. Ang ROMA ay dating kasamahan ng Orthodox."
Salamat sa pag-share mo ng opinyon mo, Angel. Sana ay pahintulutan mo ako na i-share din ang nalalaman ko tungkol sa Eastern Orthodox Church.
Huwag ka sanang magagalit sa mga sasabihin ko.
Sa opinyon ko, malabong maging ONE, HOLY, CATHOLIC and APOSTOLIC CHURCH ang Orthodox Church.
Unang-una kasi ay HINDI IISA ang Eastern Orthodox. Ang katotohanan ay may 15 orthodox churches sa mundo na nagkokompetensiya at nag-aagawan ng mga miyembro.
‘Yan ay ayon mismo sa isang PARI na miyembro ng Orthodox Church sa Pilipinas. Dito mismo sa Pilipinas ay nag-aagawan ng miyembro ang Greek at Russian Orthodox.
Sa pangalan at tawag din ay "ORTHODOX" nga ang Eastern Orthodox at HINDI "CATHOLIC."
Pero in fairness, minsan ay NAGING KASAPI ng Iglesia Katolika ang mga orthodox. NAHIWALAY lang sila noong 1054 AD.
Sa katunayan, MALAPIT na KAPATID ng mga Katoliko ang mga Orthodox at ipinagdarasal ko na isang araw ay MAGKAKASAMA uli ng mga Katoliko ang mga Orthodox.
u u u
Ganito ang tanong ni Mors ng Cotabato, "Bakit po natin inaalayan ng mga bulaklak ang mga rebulto sa simbahan?"
Salamat sa tanong mo, Mors.
Hindi naman sa rebulto nag-aalay ng bulaklak kundi doon sa NAAALALA natin sa pamamagitan ng rebulto.
Para mas madaling maintindihan, nasubukan mo na bang humalik sa picture ng nanay mo o ng kasintahan mo?
Ako nagagawa ko ‘yon, lalo na noong girlfriend ko pa lang ang misis ko.
Siyempre, hindi kami laging magkasama at palagi ko siyang nami-miss kaya halos madurog ang picture niya sa akin.
Ang tanong ay ‘yung "picture" ba ang "inaalayan" ko ng halik o ang mga halik ba na iyon ay PARA SA MAHAL KO?
Siyempre, para sa mahal ko! Ikaw, ganoon din ba, Mors?
Ganoon din ang "pag-aalay" ng bulaklak sa simbahan. Dahil nasa LANGIT na ang mga santo na BAYANI para sa Diyos at sa Iglesia, doon nag-aalay ng bulaklak sa kanilang mga imahen.
Pero tulad na nga ng sabi ko, ang mga bulaklak ay HINDI PARA SA REBULTO kundi para sa tao na IPINAAALALA nila.
Sana ay malinaw, Mors.
u u u
Basahin po natin ang text ng isang tagasunod ni Eli Soriano.
Ganito ang sabi ni Jake ng Negros Occidental, "Cenon, Cenon, Cenon. Makipag-debate ka na lang kasi. Duwag pala kayong mga anak ng bato."
Alam mo, Jake, kung pinapayagan lang sa Bibliya ang MAGULONG PAKIKIPAGTALO ay PAGBIBIGYAN KITA.
Noong bata pa kasi ako ay NAPAKAHILIG ko rin sa balitaktakan.
Ang problema, mula noong mabasa ko sa Bibliya na HINDI TAMA ang MAGULONG PAKIKIPAGTALO ay nagsimula na akong umiwas dito.
Ganito kasi ang sabi sa 2 Timothy 2:23, "HUWAG kang MAKIKISALO sa mga HANGAL at MANGMANG na PAGTATALO dahil alam mong nagbubunga lang ang mga ito ng pag-aaway-away."
Kung nakapanood na kayo ng "debate" ni Soriano, marahil ay napansin ninyo na ito ay MAGULO, puno ng KANTIYAWAN, SIGAWAN.
Kahit WALANG SAYSAY ang sinasabi basta puwedeng MAGHIYAWAN at MAGKANTIYAWAN ay NAGKAKAGULO.
Tapos ay MINUMURA pa ni Soriano ang ilang kadebate niya.
Kaya sa tingin ko ay HINDI TUNAY na DEBATE ang GINAGAWA ni Soriano kundi GULO lang at INGAY.
Pero sabi ko nga, kung PALITAN ng PALIWANAG ay MAAARI PA akong MAKISALI.
Kahit kasi si Pablo ay UMIWAS sa debate na NAGMUMURA ang kaharap niya.
Basahin natin ang sabi sa Acts 18:5-6, "Nang si Silas at Timothy ay bumaba mula sa Macedonia, sinimulan ni Pablo ang puspusang pagpapahayag ng salita, nagpapatotoo siya sa mga Hudyo na si Hesus ang Mesias."
"Nang siya ay tutulan at MURAHIN nila, pinagpag niya ang kanyang damit at sinabi: Nasa ulo ninyo ang inyong dugo! Wala na akong pananagutan sa inyo. Mula ngayon ay pupunta na ako sa mga Hentil."
UMALIS si Pablo at UMIWAS dahil NAGMUMURA na ang kanyang mga kaharap.
Sana maunawaan mo ‘yon, Jake.
Kaugnay naman ng sigawan at kaguluhan, sa Acts 19:23-29 ay nasa Ephesus sina Pablo nang magkagulo ang mga sumasamba sa diyus-diyosan na si Artemis.
Inakusahan ng mga taga-Ephesus sina Pablo na sinisiraan si Artemis.
Sa gitna ng kaguluhan ay gustong pumagitna at humarap sa kanila ni Pablo para marahil ay kausapin sila at paliwanagan.
Pero ayon sa Acts 19:30 ay "PINIGILAN SIYA ng mga alagad."
Kaya HINDI KARUWAGAN ang HINDI PAGHARAP sa isang MAGULONG PAGTATALO na tulad ng ginagawa ng grupo ni Soriano.
May masama kasing karanasan ang mga Kristiyano sa mga MAGULONG KAUSAP. Sa Acts 6 at 7 ay nakipagtalo si Stephen sa mga Hudyo at siya ay NAPATAY.
Ayaw natin ng ganoon.

Monday, January 21, 2013

Buong aral ni Kristo saan makikita?

AGOSTO 1, 2003


MARAMING sinabi si AJ Reyes ng Cavite noong Miyerkules kaugnay ng palitan namin ng paliwanag tungkol sa kung KUMPLETO ang Bibliya o hindi.

Kahapon ay ipinakita ko na mismong ang Bibliya ang nagsasabi na MARAMI ANG HINDI NAISULAT ayon sa John 20:30 at 21:25.

Ipinakita ko rin ang sinasabi sa 2 John 1:12 na MARAMI ang HINDI ISINULAT dahil ang balak noon ni John ay SABIHIN na lang sa kanyang mga kausap ang mga ARAL nang "HARAP-HARAPAN."

Ngayon, kung hindi pa kuntento si AJ sa ibinigay kong PATUNAY mula sa Bibliya, heto pa ang 2 Timothy 2:2.

Sabi ng talata, "At ang mga bagay na NARINIG mong SINABI ko sa HARAP ng mga testigo ay ipagkatiwala mo sa maaasahang mga tao na karapat-dapat na MAGTURO rin sa iba."

Maliwanag na sinasabi sa talata na ang ARAL ay "NARINIG" matapos itong "SABIHIN."

Ang MGA ARAL na IPAGKAKATIWALA sa IBA ay SINABI, HINDI BINASA at lalong HINDI ISINULAT.

Kaya nga maliwanag pa sa sikat ng araw na MALI ang ARAL na ITINURO at NATUTUNAN ni AJ.

Sabi niya, hindi raw "biblical" ang paniniwala ng mga Katoliko. Eh Bibliya na mismo ang KALABAN ni AJ sa pagpupumilit niyang KUMPLETO ito.

Sino ang HINDI BIBLICAL? Tayo na sumusunod at naniniwala sa sinasabi ng Bibliya o ‘yung pilit na KUMUKONTRA sa sinasabi ng Bibliya?

+ + +

Dahil nagsusumigaw ang KAMALIAN ng aral na tinanggap ni AJ mula sa "mangangaral" niya na tila ikinahihiya niyang ipakilala ay tila galit na siya sa bandang huli ng kanyang mga sinabi noong Miyerkules.

Sabi niya, "KULANG PALA ba’t mo GINAGAMIT?"

Mayroon pa siyang nasabi na "KUNG KULANG ANG BIBLIYA, ANO ANG KABUOHAN?"

Actually, maganda ‘yang mga tanong niya.

Sa unang tanong, ay ganito ang sagot: Ginagamit ng mga Katoliko ang Bibliya kahit "kulang" ito dahil ito ay BAHAGI ng ARAL na ibinigay ni Kristo.

Ipinag-uutos din kasi ng Bibliya na gamitin ito. Nasusulat ang utos na iyan sa 2 Thessalonians 2:15 na ganito ang sabi, "Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga tradisyon na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa salita o sa sulat."

Ang Bibliya ang sinasabi sa talata na "TRADISYON ... sa SULAT."

At ang bilin ni Pablo ay "MANINDIGAN kayong matatag at PANGHAWAKAN" ito.

Sumusunod lang ang mga Katoliko sa utos na ito.

Ngayon, HINDI LANG "tradisyon" sa SULAT ang binabanggit ni Pablo na DAPAT PANGHAWAKAN o ating PANINDIGANAN.

Habilin din niya na "manindigan kayong matatag at panghawakan" ang mga "TRADISYON ... sa SALITA."

‘Yang mga "SALITA" na iyan ang tinutukoy sa 2 John 1:12 na "SASABIHIN" pa lang noon ni John sa iba pang Kristiyano.

‘Yan din ang tinutukoy na "SINABI," "NARINIG," at "IPAGKAKATIWALA" sa iba ayon sa 2 Timothy 2:2.

+ + +

Itinatanong ni AJ, "KUNG KULANG ANG BIBLIYA, ANO ANG KABUOHAN?"

Ang KABUOHAN ay ang MAGKASAMANG "TRADISYON sa SALITA at sa SULAT."

Sa lahat ng mga grupong Kristiyano, TANGING ang Iglesia Katolika lang ang nanghahawak sa TRADISYON sa SALITA (Oral o Sacred Tradition) at TRADISYON sa SULAT (‘yon na nga ang Bibliya).

‘Yan ang tinatawag na DEPOSIT OF FAITH o ang KABUOHANG ARAL na galing kay Kristo at sa mga Apostol.

Kaya nga masasabi natin na TANGING mga Katoliko LANG ang NAGTATAGLAY ng BUONG ARAL ni Kristo sangayon sa sinasabi ng Bibliya.

By the way, isang KAHULUGAN ng KATOLIKO ay KUMPLETO.

Mga Katoliko LANG kasi ang SUMUSUNOD sa habilin ng Bibliya sa 2 Thes 2:15.

TANGING ang Iglesia Katolika rin ang NANGHAHAWAK sa mga "SALITA" na tinutukoy ng 2 Jn 1:12 at 2 Tim 2:2.

+ + +

Minsan ay nagkapalitan kami ng text ni AJ at sinabi niya na IMBENTO lang daw ang mga TRADISYON ng mga Katoliko.

Kung papayagan din daw ang sinasabing ORAL TRADITION ay puwede na raw MAG-IMBENTO ng aral ang kahit na sino at idahilan na ito ay "oral tradition."

Madaling malaman kung imbento o hindi ang isang aral.

Una, sino ba ang nagsasabi ng isang "oral tradition?" Kung ang nagsasabi nito ay BAGONG SULPOT na mangangaral, TIYAK na IMBENTO ‘yan.

Isang halimbawa ng IMBENTO ay ang ARAL na "DAPAT MABASA sa BIBLIYA ang LAHAT ng GAGAWIN at PANINIWALAAN ng isang KRISTIYANO."

IMBENTO YAN dahil MISMONG BIBLIYA ay HINDI NAGTURO NIYAN.

Kung mapapatunayan ng isang grupo na ito ang Iglesia na ITINATAG ni Kristo at mapapatunayan na ito ay GALING MISMO sa Panginoon at sa mga Apostol, MAKASISIGURO tayo na TOTOO at HINDI IMBENTO ang mga Oral Traditions nito.

Mapapatunayan din natin na totoo ang oral tradition kung HINDI ITO SASALUNGAT sa TUNAY na KAHULUGAN ng Bibliya.

Salamat po.

Bibliya, marami ang hindi isinulat

HULYO 30, 2003


SANA ay nabasa ninyo ang mga pahayag kahapon ni AJ Reyes ng Cavite City kaugnay ng palitan ng paliwanag tungkol sa mga paniniwala niya at ng mga Katoliko.

Hindi ko alam kung ikinahihiya o natatakot si AJ na sabihin kung kanino galing ang mga aral na kanyang sinasabi pero malaki ang paniniwala ko na nakuha niya ang mga ito kay Bro. Eliseo Soriano ng Ang Dating Daan.

Pero since ayaw ni AJ sabihin kung kanino galing ang mga aral niya ay bahala na kayong magsabi kung NAKAKAHIYA ang mangangaral niya o NATATAKOT siyang MAMURA nito.

+ + +

Maraming sinabi si AJ kahapon pero SINAGOT na rin niya ang ilan niyang sinabi.

Sinabi niya na HINDI NIYA BINAGO ang tema ng usapin pero inamin din niya na NAPALITAN niya ang mga salita nito.

Kung ang PAGPAPALIT ng salita ay HINDI PAGBABAGO ay kayo na ang humusga.

+ + +

Sabi niya,"Pinaglilitaw ko siya (ako raw) ng aral na wala sa Bibliya. Ang sagot Tradisyon daw."

Alam naman pala niya na "Tradisyon" ang sagot tapos nagtatanong pa siya.

Eto ang sunod niyang tanong, "Ang mga piyesta n’yo ba sa mga santo ay isa sa mga tradisyon n’yo?"

Sa wakas, nakaisip din siya ng magandang tanong.

May dalawang uri ng TRADISYON na kinikilala ang mga Katoliko. Ang una ay ang SACRED TRADITION at ang pangalawa ay ang CULTURAL TRADITION.

Ang Sacred Tradition ang mga TRADISYON na tinutukoy sa 2 Thes 2:15.

Sabi ng talata, "Kaya nga, mga kapatid, MANINDIGAN kayong matatag at PANGHAWAKAN ninyo ang mga TRADISYON na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa SALITA O sa SULAT."

Iyan ay mga ARAL na HINDI NASULAT.

Ang pangalawa ay ang CULTURAL TRADITION na tulad ng mga piyesta at iba pang ritwal. HINDI ‘yan mga ARAL kundi mga KAUGALIAN lang sa isang partikular na lugar o mga lugar. HINDI ITINUTURO ng IGLESIA na DAPAT SUNDIN ang CULTURAL TRADITION.

So, obvious na MALI na agad ang IDEYA ni AJ sa sinasabing TRADISYON na sinusunod ng Iglesia.

+ + +

Isang SACRED TRADITION ay ang ARAW ng LINGGO.

Sa paggigiit ni AJ na kumpleto ang Bibliya ay sinabi niya na MABABASA ang "LINGGO" (Sunday) sa Bibliya.

Sige, AJ, sabihin mo kung anong talata mababasa ang salitang "LINGGO" o Sunday at magso-sorry ako sa lahat ng readers natin.

Kung hindi mo naman maipakita ang salitang "LINGGO" ay IKAW ANG MAGSO-SORRY.

Huwag mong gagamitin ‘yung mga salitang "unang araw ng sanlinggo" dahil hindi ‘yon pangalan ng araw kundi "description" lamang.


+ + +

Tinutulan ni AJ ang sinasabi ng John 20:30 at 21:25 sa paggiit niya na KUMPLETO ang Bibliya.

Hindi naman daw sinasabi ng mga talata na "KULANG" ang mga ginawa ni Hesus. Ang sinabi lang naman daw ay "HINDI NASUSULAT ang LAHAT ng GINAWA ni Kristo."

Okay, kung sa tingin ni AJ ay KUMPLETO pa rin ang Bibliya kahit sinabi nito na "HINDI NASUSULAT ang LAHAT ng GINAWA ni Kristo" ay bahala siya. Sukatan na ‘yon ng kanyang PANG-UNAWA.

+ + +

Ginamit ni AJ ang 1 John 1:4 para sabihing KUMPLETO ang mga nasusulat. Sabi raw kasi ng talata "Yaong AMING NAKITA at NARINIG (ke Kristo) at ang mga BAGAY NA ito ay aming ISINUSULAT."

Para kay AJ, NAISULAT LAHAT ng NAKITA at NARINIG ng mga Apostol.

Ang problema ay KULANG-KULANG MAGBASA si AJ. Kung itinuloy lang niya ang pagbabasa sa 2 Jn 1:12 ay sinabi ni John ang ganito, "MARAMI pa akong gustong isulat sa inyo pero AYAW KONG GUMAMIT ng PAPEL at TINTA."

"Sa halip hangad ko na bisitahin kayo at MAKAUSAP nang HARAP-HARAPAN para maging buo ang inyong kaligayahan."

MARAMI pang isusulat si John sa mga NAKITA niya at NARINIG pero HINDI NA NIYA ISINULAT. SASABIHIN na lang daw niya ito nang harap-harapan.

‘Yang mga HINDI ISINULAT ay mga ORAL na TRADITION na Iglesia Katolika lang ang nakakaalam at sumusunod.

Pinapatunayan ng talata na sa paggiit ni AJ na KUMPLETO ang Bibliya ay KULANG pala ang kanyang PAGKAINTINDI rito.

+ + +

Binago ko raw ang mga salitang itinext niya sa 2 Thes 2:15. Mula raw sa "aral" ay ginawa kong "tradisyon."

Walang deperensiya roon dahil ITINUWID ko nga ang MALING SALIN ng Bibliya ni AJ, ang KJV.

Sa ORIHINAL na teksto sa GRIEGO ay ginamit ang salitang "PARADOSIS" na ang TAMANG SALIN sa Pilipino ay "TRADISYON" at HINDI "ARAL." Dapat nga magpasalamat ka pa, AJ.

+ + +

Nagpoprotesta siya dahil hindi ko raw naipaliwanag kung bakit HINDI BIBLIYA ang TINUTUKOY sa Isaiah 34:16.

Ano pa ang dapat ipaliwanag kung ang buong chapter 34 ng Isaiah ang nagsasabi na ang mga hayop ng Edom ang tinutukoy rito?

Basahin mo na lang ang buong Is 34 para maintindihan mo. O duda ka kung makakaya ng isip mo ang katotohanang sinasabi ng talata?

Bible hindi ‘kulang’ meron lang ‘di naisulat’ - AJ

HULYO 30, 2003


KATULOY ito ng palitan namin ng PAHAYAG ni AJ REYES ng CAVITE.

Ito ang sagot ko sa kolum ni Mr. Bibe last Friday. Sabi n’ya BINAGO ko raw ang topic. Wala akong binago. NAPALITAN ko lang ng "kelangan" yung "dapat."

Sabi niya WALA daw SA BIBLIYA ang "lahat ng iisipin, gagawin at paniniwala. Dapat ay nasusulat (1 Cor 1:6). "Bakit naman ISUSULAT pa ‘yon eh LAHAT NG PANINIWALA, MABUBUTING GAWA BILANG isang kristiyano ay NAKASULAT na.

TANONG 1: Ano ang BINABANGGIT na huwag magsihigit sa 1 Cor 1:6? Pinaglilitaw ko siya ng aral na wala sa Bibliya. ang sagot Tradisyon daw.

Tanong 2: Ang mga piyesta n’yo ba sa mga santo ay isa sa mga tradisyon n’yo?

Nang isulat n’ya ang 2 Thessalonians 2:15, "tradisyon" ang isinulat niya samantalang "aral" (KJV) ang tinext ko sa kanya. BINAGO NIYA.

Sabi niya sa kolum niya nung MAY 24, "HINDI RAW TUWIRANG nasusulat sa Bibliya ang HOLY TRINITY, LINGGO bilang araw ng pagsamba.

Pansinin ninyo kung gaano MANLILINLANG ITO sa mga taong walang alam sa bibliya.

Kung MABASA ko sa Bibliya na NAKASULAT ang "LINGGO" bilang araw ng PAGSAMBA sana ay AMININ niya na MALI SIYA.

Heto na, "At ang unang araw ng sanglinggo nang kami magkapisan" (Acts 20:7); "Tuwing unang araw ng sanlinggo" (1 Cor 16:2).

HINDI daw kumpleto ang Bibliya (John 20:30; John 21:25) "Marami pang tanda na ginawa si Hesus na HINDI NASUSULAT sa aklat na ito."

Ano ang hindi isinulat? MGA TANDA at ibang mga bagay. HINDI SINABING "KULANG ang mga ginawa ni HESUS." Meron pang mga TRADISYON.

Katunayan na PAGDATING SA ARAL kinumpleto ng DIYOS ang Bibliya. ISINUGO NIYA ANG MGA ALAGAD UPANG MANGARAL. At yaong mga itinuro ni KRISTO sa mga alagad ay isinulat.

Sabi niya magkaiba raw ang aral sa salita at sa sulat. IISA LANG ‘YUN. ANG KATUNAYAN "‘YAONG AMING NAKITA AT NARINIG (kanino?) ke Kristo) at ang mga BAGAY NA ito ay aming ISINUSULAT." 1 John 1:4.

Ano pang katunayan? "Na inyong PAGTIISAN ANG SALITANG INI-ARAL sapagka’t kayo’y sinulatan ko ng ILANG SALITA. (HEB 13:22).

Sabi niya HINDI raw Bibliya ang tinutukoy sa ISA 34:16. Sabi niya "MGA HAYOP DAW SA EDOM" ang tinutukoy na di MAGKUKULANG.

"Paano mo maia-apply yung hindi magkukulang, ‘di mangangailangan ng kanyang kasama at pinisan ng espiritu ng Diyos sa hayop? Cge nga!

KUNG KOKONTRA KA SANA IPALIWANAG MO ANG SAGOT MO.

TANONG 3: KUNG KULANG ANG BIBLIYA, ANO ANG KABUOHAN?

Para mo masabing KULANG dapat alam mo ang BUO. Ni hindi ka nga makapaglabas ng aral na WALA SA BIBLIYA.

Ang isinasagot n’yo lagi "TRADISYON." Para sabihing TAMA ang mga ARAL na INFANT BAPTISM, mga REBULTO, MGA RITWAL, (insenso, kandila), mga SAKRAMENTO na may BAYAD, pinalalabas n’yong KULANG ANG BIBLIYA.

AT ‘DI NAKAKAPAGTAKA dahil karamihan sa mga KATOLIKO ay mga mangmang sa BIBLIA.

Bakit? Maging mga PARI ay ‘DI gumagamit ng Bibliya? Isang aklat lamang ang ginagamit na kung saan pinili ang mga talata sa BIBLIYA. na PAULIT-ULIT mong maririnig kada taon.

Alam ng mga BUDHI ng mga bumabasa nito na talagang HINDI INI-ENCOURAGE ng mga PARING KATOLIKO na magbasa ng Bibliya ang mga MIYEMBRO nila kundi mga PAULIT-ULIT na mga ROSARY, na hayagang ANTI-BIBLIYA.

"HUWAG KAYONG GAGAMIT NG WALANG KABULUHANG PAULIT-ULIT" at ang nagsasabing kulang ang Bibliya at GINAGAMIT NIYA ito ay MANLOLOKO.

KULANG PALA ba’t mo GINAGAMIT? GUSTO MO, Mr. Bibe, LETRA por LETRA MABASA ANG BAWAT GAGAWIN AT PANINIWALAAN SA BIBLIYA?

At wala raw salitang "Bibliya" sa Bibliya. Naghahanap siya ng mga bagay para ilusot na huwag HANAPAN ang Iglesia KATOLIKA ng mga aral na wala sa Bibliya.

GANUN LANG KASIMPLE ‘yun.

Gusto nilang ipagpilitan ANG KANILA tulad ng mababasa sa ROMA 1:28 "Sa pagsusumakit na maitayo ang SARILING KANILA, ‘DI SILA NAGPAPASAKOP SA KATWIRAN NG DIYOS."

+ + +

Naku, marami-raming sinabi si AJ. Tila matitindi pa. May maisagot kaya tayo?

ABANGAN BUKAS!

Bibliya nagsasabi na hindi ito kumpleto

HULYO 25, 2003


KAHAPON ay sinimulan natin ang "debate" rito sa TUMBOK. Ang layunin nito ay HINDI ang magpagalingan o magsiraan kundi ang MAGPALIWANAGAN ng ating pananampalataya.

Hangarin ko na malaman natin ang paniniwala ng iba’t-ibang tao o grupo para mas makatiyak tayo sa ating pananampalataya.

Ang unang tumugon sa ating talakayan ay si AJ Reyes ng Cavite. Ayon sa kanya, isa siyang dating Katoliko, sakristan at FYM na ngayon ay nagsusuri.

Ang inihain kong proposisyon noon kay AJ ay "Ayon sa Bibliya, dapat bang nakasulat sa Bibliya ang LAHAT ng gagawin, iisipin at paniniwalaan ng isang Kristiyano."

Nang simulan niya kahapon ang kanyang pagtalakay ay ganito na ang inihain niyang paksa: Kailangan bang ang lahat ng paniniwalaan ng isang Kristiyano ay nasa Bible?

Ang sagot niya ay "Oo." Pero dahil BINAGO niya ang topic ay wala na tayong isyu para sa "debate."

Ngayon, heto na lang ang masasabi ko tungkol sa paniniwala ng mga Katoliko kaugnay sa proposisyon ni AJ. Isasabay ko na rin ang mga sagot ko sa ilang tanong at sinabi niya.

+ + +

[PAYAHAG ni CENON BIBE]

Nasabi ko nang wala nang isyu para sa "debate." Ang paniniwala rin kasi ng mga KATOLIKO ay DAPAT NA NASA BIBLIYA o SUPORTADO ng Bibliya ang LAHAT ng paniniwalaan ng isang Kristiyano.

Kung ang isang paniniwala ay hindi masusuportahan mula sa Bibliya, ito ay HINDI matatanggap ng Iglesia Katolika.

Ang hindi sinasangayunan ng mga Katoliko ay ang paniniwala at pahayag ng ilang mangangaral na "Ang LAHAT ng paniniwalaan, iisipin at gagawin ng isang Kristiyano ay DAPAT na NASUSULAT sa Bibliya."

‘Yun kasi mismong "aral" na iyon ay HINDI NASUSULAT sa BIBLIYA.

Ano ba ibig sabihin ng "nasusulat?" Hindi ba direktang nakalagay?

‘Yon sana ang hinihingi kong talata kay AJ pero WALA siyang NAIBIGAY. Ibig lang sabihin, HINDI BIBLICAL ang sinasabi na DAPAT NASUSULAT ang LAHAT ng PANINIWALAAN, IISIPIN AT GAGAWIN.

Mas TAMA ang paniniwala ng mga Katoliko na DAPAT MAY BATAYAN sa Bibliya ang gagawin at paniniwalaan ng isang Kristiyano.

+ + +

Si AJ mismo ang nagsabi na NANINIWALA ang mga Katoliko sa sinasabi ng 2 Thessalonians 2:15 na ganito ang sabi, "Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga TRADISYON na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa SALITA o sa SULAT."

Mga Katoliko LANG ang may tradisyon sa SALITA sangayon sa sinasabi ng Bibliya.

Ang IBA AY WALA. In short, mga Katoliko LANG ang SUMUSUNOD sa sinasabing ito ng Banal na Kasulatan.

Sinubukan ni AJ na "ipaliwanag" ang 2 Thes 2:15 sa pagsasabi na ang tinutukoy na "SALITA" ay ang mismong nakasulat. Pareho lang daw ang dalawang ito.

Pero maliwanag na MAGKA-IBA ang sinasabi ni Pablo na TRADISYON SA SALITA at TRADISYON SA SULAT.

Pansinin ninyo ang pagkakasabi ni Pablo na ito ay tinanggap "maging ito man ay sa salita O sa sulat." Sa Ingles, "either by word OR by letter."

Kung pagbabatayan ang sinasabi ng Bibliya ay MAG-KAIBA ang SULAT at SALITA. Kung ang paliwanag ni AJ ang susundin ito ay PAREHO.

Ang tanong ngayon ay sino ang susundin natin: ang Bibliya o si AJ?

+ + +

Sinabi ni AJ na KUMPLETO ang Bibliya. ‘Yon ang sabi niya o ‘yon ang turo sa kanya ng sino mang mangangaral na pinaniniwalaan niya.

Pero mismong ang Bibliya ang nagsasabi na HINDI ITO KUMPLETO. Sabi sa John 20:30: "Ngayon, marami pang ibang tanda na ginawa si Hesus sa harap ng kanyang mga disipulo na HINDI NASUSULAT sa aklat na ito."

Sinabi pa sa John 21:25, "Marami ring ibang bagay na ginawa si Hesus na kung iisa-isahin, sa tingin ko, ay hindi magkakasya sa mundo ang lahat ng libro na masusulat."

Muli, sino ang paniniwalaan natin, si AJ o ang Bibliya?

u u u
Binanggit din niya ang 1 Corinthians 4:6 na ganito ang pagkakasabi niya, "Matuto kayong HUWAG MAGSIHIGIT sa mga bagay na nangasusulat."

Pero biglang IDINAGDAG ni AJ ang ganito, "Lahat ng gagawin, paniniwalaan DAPAT NASA BIBLE."

Sabi ng Bibliya "HUWAG MAGSIHIGIT." Eh saan galing ‘yung sinabi ni AJ na "DAPAT NASA BIBLE." WALA namang NAKASULAT na ganoon, hindi ba?

Kahit ‘yung salitang "Bible" ay hindi makikita sa talata.

Ano ‘yon? Para mapatunayan niya na HINDI DAPAT HIGITAN ang nasusulat ay DINAGDAGAN niya ang nasusulat. Tama ba ‘yon?

+ + +

Para patunayan na "kumpleto" ang Bibliya ay ibinigay ni AJ ang Isaiah 34:16, "Inyong saliksikin sa Aklat ng Panginoon at basahin: Kahit isa sa mga ito’y hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kanyang kasama. Sapagkat iniutos ng aking bibig at pinisan ng aking Espiritu."

Narito ang malaking PANLILINLANG ng kung sino man ang nagturo kay AJ ng kanyang pinaniniwalaan.

Kung babasahin kasi natin ang buong Isaiah 34 makikita natin na HINDI ang Aklat ng Panginoon ang sinasabing "hindi magkukulang o mangangailangan ng kasama."

Ang tinutukoy rito ay ang mga HAYOP na maninirahan sa EDOM. Basahin lang ang Is 34:11-15 para sa maliwanag na katotohanan.

‘Dapat ay nasusulat ang paniniwalaan’

Hulyo 24, 2003


NGAYON ay sisimulan natin ang "debate" natin dito sa TUMBOK.

At bago pa may magprotesta dahil HINDI SILA PABOR sa isang "debate," hindi po ito ‘yung nakikita natin sa TV na PAGALINGAN ng pagiging PILOSOPO o sa PAGBALUKTOT ng sinasabi ng Bibliya.

Ang gagawin natin di PAGLALAHAD ng PANINIWALA ng iba’t-ibang tao o grupo. Layunin din natin na malaman ang mga TANONG o PUNA sa Iglesia Katolika para mabigyan ito ng LINAW kung kailangan.

Hangarin nating malaman ang mga paniniwala ng ibang tao para maintindihan natin ang mga ito at para mas MAKAPILI TAYO ng ating paniniwalaan kung tayo man ay nagsusuri.

Hindi natin layunin ang manira ng ibang tao o paniniwala. Pero dapat ay maintindihan ng lahat na maraming paniniwala ang magiging magkasalungat at NORMAL lang na may lalabas na MALI at may lalabas na TAMA. Pero kayo na ang magpapasya kung alin.

Sana po ay masundan ninyo ang mga talakayan at palitan ng paliwanag para higit pa nating maintindihan ang ating pananampalataya at mas tumibay ang ating paghawak dito.

Salamat po.

Ang una nating pagpapaliwanagin ay si AJ Reyes ng Cavite. Ayon sa kanya, isa siyang dating Katoliko, sakristan at FYM na ngayon ay nagsusuri.

Ang inihain kong proposisyon noon kay AJ ay "Ayon sa Bibliya, dapat bang nakasulat sa Bibliya ang LAHAT ng gagawin, iisipin at paniniwalaan ng isang Kristiyano."

Medyo binago ni AJ ang proposisyon kaya doon na natin sisimulan ang usaping ito.

+ + +

[UNANG PAHAYAG ni AJ REYES]

Ang paksa: Kailangan bang ang lahat ng paniniwalaan ng isang Kristiyano ay nasa Bible? SAGOT: Oo.

Ang Bibliya ay aklat kung saan isinulat ang mga utos at salita ng Diyos sa pamamagitan ng iba’t-ibang tao na ang mga ito ay mga propeta, hari, hukom, apostol, evangelista etc.

Ngayon, ang paniniwala ng mga Romano Katoliko ay ‘di raw dapat sa Bibliya lang kundi meron daw SALITA o ORAL na turo na siyang mababasa sa 2 Tes 2:15, "Kaya nga, mga kapatid, manindigan kayong matatag at panghawakan ninyo ang mga tradisyon na ibinigay namin sa inyo, maging ito man ay sa SALITA o sa SULAT."

Dito nagpapaliwanag si Paul sa mga kaanib ng Iglesia sa Tesalonica. Tandaan natin mga kababayan, nangangaral si Pablo sa pamamagitan ng SALITA niya.

Kanino? Sa mga taong kaharap niya. At sa SULAT naman para sa mga taga-malayong Kristiyano.

Halimbawa, sa Col, 4:16, "Pagkabasa ng sulat na ito sa inyo ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga-Laodicea."

Dito sa talatang ito ay sinasabing maski hindi personal na pananalita ay nakakapangaral si Pablo sa iba’t-ibang dako.

Ang paniniwala ng Iglesia na kinaaaniban ni Mr. Bibe ay bukod sa aral sa Bibliya na nakasulat ay mayroon pa raw ibang aral na hindi nakasulat.

At ang mga ito ay tinatawag nila sa pamamagitan ng SALITA o ORAL.

TANONG: Kulang ba ang Bibliya? Hindi.

Kumpleto ito lalo na kung ang pag-uusapan ay tungkol sa salvation.

At ito’y mababasa sa 1 Corinthians 4:6, "Matuto kayong huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat."

Ang sabi ni Paul, wag hihigit sa mga nasusulat. Sa madaling salita, wag lalampas sa mga nakasulat. Lahat ng gagawin, paniniwalaan dapat nasa Bible.

Ang isasagot dito ni Mr. Bibe ay maraming kasulatan na noong araw. Paano mapapatunayang kabuohan ng Bibliya ang binabanggit sa talatang ito?

SAGOT: Basahin natin ang aklat ng Isa 34:16, "Inyong saliksikin sa Aklat ng Panginoon at basahin: Kahit isa sa mga ito’y hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kanyang kasama. Sapagkat iniutos ng aking mga bibig at pinisan ng aking Espiritu."

Wag naman sanang sabihin na hindi Bible ang binabanggit ditong Aklat ng Panginoon. Tandaan mo, Mr. Bibe, ang Bible ay isinulat para sa lahing susunod (Awit 102:18).

Ngayon, ano ba ang silbi ng Bibliya sa atin?

Isinulat ito para sa ikatututo natin (Roma 15:4). Mapakikinabangang din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsasaayos, sa ikatututo ng nasa katwiran. (2 tim 3:16)

Ngayon, ba’t pinaninindigan ni Mr. Bibe na kulang at hindi dapat gawing batayan ang Bibliya lamang sa paniniwala at pangangaral?

Ito ngayon ang tanong ko sa iyo, Mr. Bibe: Bakit n’yo pinaninindigan na ‘di dapat lahat ng nakasulat sa Bible ay dapat gawin at paniwalaan?

Para ba lumutang ang mga aral ninyong 1) Bautismo sa mga bata, 2)Purgatoryo 3) Mga rebulto 4) Umakyat si Maria sa Langit kasama ang katawan?

Kontra lahat sa Bible ‘yon eh. Sige, sagutin mo. Anong aral ang wala sa Bible.

+ + +

Bukas ay ako naman ang magbibigay ng aking paniniwala para masagot ang mga tanong ni AJ.

Makakasagot ba tayo? Paki abangan na lang po.