Showing posts with label Binyag: Dapat ba sa baby?. Show all posts
Showing posts with label Binyag: Dapat ba sa baby?. Show all posts

Tuesday, March 12, 2013

Bakit may kaguluhan at may binyag sa bata?

August 25, 2003


MAY dalawang magkaugnay na tanong na sasagutin ko ngayon. Ang una ay sa isang kaibigan na nagtanong kung "Kung may Diyos, bakit hinahayaan Niya na magkaroon ng kaguluhan sa mundo?"

Ang isa pang tanong ay mula kay Hilbert, "Bakit po ba kailangang binyagan ang mga bata e wala pa naman po silang kasalanan?"

Siguro ay nagulat ang iba sa inyo dahil sabi ko ay MAGKAUGNAY ang dalawang tanong na ito.
MAGKAUGNAY sila dahil PAREHO ang UGAT kung bakit may kaguluhan sa mundo at kung bakit binibinyagan ang isang bata.

Ang UGAT ay ORIGINAL SIN. Pero ano ang kaugnayan nito sa KAGULUHAN at BINYAG sa BATA?

u u u

Una dapat nating malaman na ang Diyos ay DIYOS ng KAAYUSAN.

Mababasa natin sa aklat ng Genesis na magmula noong likhain ng Diyos ang sanlibutan ay inilagay Niya ang lahat ng bagay sa mga dapat nilang lugar o pagkalagyan. (Genesis 1)

Sa katunayan, ang buong Bibliya ay tungkol sa KAAYUSAN na inilagay ng Diyos sa ating personal na buhay, sa ating pamilya at sa ating buhay panlipunan.

Halimbawa sa Matthew 22:37-39 ay sinabi ng Panginoon ang KAAYUSAN sa buhay at relihiyon.

Sabi ng mga talata, "Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, kaluluwa at pag-iisip … At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”

Sa Mt 6:33 ay makikita natin ang epekto kung SUSUNDIN natin ang KAAYUSAN ng Diyos.
Sabi rito, “Una mong hanapin ang kaharian ng Diyos at ang Kanyang katuwiran at ang LAHAT ng ITO [kasaganaan, kaligayahan, kaligtasan etc.] ay IDADAGDAG sa iyo.”

Kung may tao na LILIHIS sa kaayusang itinakda ng Diyos, ito ay GAGAWA ng KASALANAN.

Ang KASALANAN kasi ay galing sa salitang SALA na ang isang kahulugan ay LIHIS. Kaya nga ang ibig sabihin ng KASALANAN ay PAGLIHIS sa KAAYUSAN na ITINATAG ng Diyos.

Ayon sa Roma 6:23, “Ang KABAYARAN ng kasalanan ay KAMATAYAN.” Kaya nga ang tao ay NAMAMATAY. Ito ay dahil sa KASALANAN.

Liban pa riyan, ang kasalanan ay nagreresulta sa KAGULUHAN, KALITUHAN at PAGHIHIRAP.

Kung titingnan natin ang ehemplo sa ating panahon, makikita natin na dahil lumilihis ang mga nasa gobyerno sa KAAYUSAN na sila ay TAGAPAGLINGKOD sa mga tao, ang nangyayari ay may mga"public servants" na NAGNANAKAW sa bayan at ang iba naman ay UMAABUSO.

Ang epekto ay MAGULO ang ating lipunan at marami ang NAGHIHIRAP.

Bakit nagkaganoon? Dito papasok ang ORIGINAL SIN.

u u u

Nakita na natin na HINDI DIYOS ang may bigay ng kaguluhan. Kaya mayroon nito ay dahil nasira ang kaayusang inilagay ng Diyos sa Kanyang mga nilikha.

Ayon sa Bibliya, ang pagkasira ng kaayusang ito ay unang nangyari noong hangarin ni Eba at Adan na maging “tulad ng Diyos” sa kabila ng sila’y mga nilikha lamang. (mababasa ito sa Genesis chapter 3)

Mga TAO LANG sila pero GINUSTO nilang maging “diyos.” ITO ang tinatawag na “Original Sin.”
Kung papansinin natin, kahit naman ngayon ay maraming tao ang gustong maging “diyos.”

Tingnan ninyo itong ilang BAGONG LITAW na mangangaral (daw) na nagkukunwaring "pantas" at NAGKUKUNWARI na ALAM ang LAHAT. MALI-MALI naman ang mga sinasabi.

May grupo, tulad nitong Ang Dating Daan ni Eli Soriano, ang nagkakalat ng maling aral tungkol sa itinuturo ng Simbahan Katoliko kaugnay ng “Original Sin.”

Ayon kay Soriano, ang itinuturo raw ng Katolisismo ay “NAMANA ng mga tao ang KASALANAN nina Eba at Adan.”

Hindi ito ang ibig sabihin ng “Original Sin” ayon sa Iglesia Katolika. Nag-IMBENTO lang ng aral si Soriano at IBININTANG ito sa mga Katoliko. Tama ba ‘yon?

Sa doktrina ng “Original Sin,” hindi ang mismong kasalanan nina Eba at Adan ang namamana ng tao kundi ang EPEKTO ng kanilang maling ginawa.

Para maintindihan natin ito, basahin natin ang Genesis 3:16-19. Dito ay nadiskubre ng Panginoon ang ginawang pagsuway nina Eba at Adan sa Kanyang utos. Dahil dito ay pinarusahan Niya ang mga ito.

Sa 16: “Sa babae sinabi Niya: Patitindihin ko ang hirap ng iyong panganganak; mapupuno ng sakit ang pagluluwal mo ng iyong mga anak. Sa kabila nito, mananabik ka sa iyong asawa at siya ang magigi mong panginoon.”

“Sa lalaki sinabi niya … ‘Sumpain ang lupa nang dahil sa iyo. Bubungkalin mo ito para makain ang kanyang bunga sa buong buhay mo. Uusbong dito ang mga tinik at kakain ka sa mga halaman sa parang."

Sa 19, “Kakain ka sa pamamagitan ng pawis na tumutulo sa iyong mukha hanggang sa bumalik ka sa lupa kung saan ka nagmula. Dahil ikaw ay lupa at sa lupa ka rin magbabalik.”

Ang lahat ng paghihirap na ito ang bunga ng “Original Sin.

At isa nga sa masamang bunga nito ay ang pagpasok ng KAMATAYAN.

Kaya nga sa Iglesia Katolika, ang pagbibinyag sa bata ay HINDI DAHIL may kasalanan ito.

Binibinyagan ang bata para mapartihan ito ng BUHAY na WALANG HANGGAN na bigay ni Hesus.

Sabi kasi sa Roma 6:4, "Tayo nga ay INILIBING kasama niya sa pamamagitan ng BINYAG sa kamatayan upang, tulad ni Kristo na binuhay mula sa patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, TAYO MAN ay MABUHAY sa PANIBAGONG BUHAY."

Tuesday, January 22, 2013

Kailangan pa bang binyag ng bata?

AGOSTO 5, 2003


SAGUTIN po natin ang ilang tanong ng ating mga readers.

Ganito ang tanong ni Nimrod ng Taytay, Rizal, "Bakit po ginagawang negosyo ng mga Katoliko ’yung pagbenta ng mga panyo at rosaryo tsaka un mga kuwintas na may krus at ‘yung mga oil?"

Hindi ko tiyak kung ano ang tinutumbok mo, Nimrod.

Ang masasabi ko lang diyan ay may mga negosyante na kumikita sa paggawa ng mga rosaryo, panyo, kuwintas (kahit walang krus) at iba pang gamit.

Pero NEGOSYO nila ‘yon. HINDI naman IPINAGBABAWAL ang paggawa at pagbenta ng mga ito.

Ang IPINAGBABAWAL ay ang PAGBEBENTA ng mga na-BLESS nang rosary at iba pang gamit sa relihiyon. Ang na-bless na kasi ay PAG-AARI na ng Diyos kaya HINDI na PUWEDENG IPAGBILI.

HINDI TOTOO na GINAGAWA itong NEGOSYO ng mga KATOLIKO. Para kasing sinasabi na INIMBENTO lang ang rosaryo para pagkakitaan. MALI ang ganoong ideya. Sa katunayan, maraming Katoliko ang GUMAGASTA para GUMAWA ng mga rosary para MAIPAMIGAY ito nang LIBRE.

Ang iba naman na nagbebenta ay para mabawi ang PUHUNAN at makagawa pa ng marami. Ang iba naman ay ginagawang FUND RAISING para pantulong sa mga nangangailangan.

+ + +

Sabi ni Edgar Rualo, "Sinabi na pala ni Hesus sa Mt 19:13-14 na sa mga bata ang Kaharian ng DIYOS bakit bibinyagan pa? Kawawa naman mga Katoliko, ligaw sa aral!"

Basahin natin ang sinasabi ng mga talata.

"Dinala kay Hesus ang maliliit na bata para mapatungan niya ng kamay at maipanalangin niya. Pero pinagalitan ng mga disipulo ang mga may dala sa mga ito."

"Sinabi ni Hesus, ‘HAYAANG LUMAPIT SA AKIN ang mga bata at HUWAG SILANG PIPIGILAN dahil ang kaharian ng langit ay para sa kanila."

Makikita natin sa mga talata na may ilang grupo ng tao na binabanggit.
Ang isang grupo ay NAGDADALA ng mga BATA para BASBASAN o mapatungan ng kamay ni Hesus.

Ang isa pang grupo ay HUMAHADLANG sa PAGLAPIT ng mga BATA sa Panginoon.

Kung tatanungin po kayo, KANINONG GRUPO KAYO KASAMA? Doon sa HUMAHADLANG sa PAGLAPIT ng mga BATA sa PANGINOON? O doon sa NAGLALAPIT ng mga BATA kay KRISTO para MABASBASAN?

Sinasabi ni Edgar na "Sa mga bata [na] ang Kaharian ng DIYOS bakit bibinyagan pa?"

Ang sinasabi niya ay HINDI na SILA KAILANGANG TUMANGGAP ng BINYAG?

Kahit paanong tingnan ay HINDI MASASABI na PORKE SINABI ni Hesus na "para sa kanila ang kaharian ng langit" ay hindi na nila kailangang mabinyagan.

Kung papansinin natin ay mas PINUPUNTO ng Panginoon ang KATANGIAN ng mga bata sa PAGTANGGAP ng Kaharian ng Diyos.

Kung pagbabatayan pa natin ang orihinal na Griego ay ganito ang salin na makikita natin sa Mt 19:14, "Pero sinabi ni Hesus, ‘Hayaan ninyo ang mga bata at HUWAG NINYO SILANG PIGILAN dahil ang Kaharian ng langit ay para sa mga TULAD nila.’"

Sabi pa sa Mark 10:15, "Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, sino man na hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos TULAD ng isang maliit na BATA ay HINDI papasok dito."

Malinaw na ginawang HUWARAN o PAMARISAN ang mga bata para sa mga gustong pumasok sa Langit. WALANG SINASABI at WALA kahit PAHIWATIG na HINDI na nila kailangan ng binyag.

Kung iisipin kasi natin na HINDI na KAILANGAN ng binyag ng mga bata, baka may magsabi na HINDI NA KAILANGAN ng BINYAG BASTA MAGING TULAD TAYO ng ISANG BATA.
DELIKADO ‘YON!

Pero ano ba ang sabi ng Panginoon tungkol sa pagpasok sa kaharian ng Diyos? Mababasa natin ‘yan sa John 3:5, "Sumagot si Hesus, ‘Sinasabi ko sa iyo ang katotohanan, WALANG MAKAPAPASOK sa kaharian ng Diyos kung hindi siya IPANGANAK sa TUBIG at sa ESPIRITU.’"

Ang KAPANGANAKAN sa TUBIG ay ang BINYAG. Malinaw ito.

Kumpara sa Mt 19:13-14, dito ay HINDI PAGKUKUMPARA ang ginagawa. Dito ay TUWIRANG sinasabi ni Hesus kung sino lang ang PAPASOK sa kaharian ng langit. At ito ay ang IPANGANGANAK o BIBINYAGAN sa TUBIG.

Ngayon, sino ang magsasabi na HINDI KAILANGAN ng BINYAG kahit ng mga bata?

Pero tulad nga ng palagi kong sinasabi, HINDI tayo PINIPILIT NG DIYOS KUNG AYAW NATING LUMAPIT SA KANYA.

Ganoon din sa ating mga anak. Kung ayaw nating ILAPIT sa Panginoon at PABINYAGAN ang mga bata ay NASA ATIN ‘YON.

Tulad nga ng nauna kong tanong, saan tayo kasama? Sa mga taong HUMAHADLANG sa PAGLAPIT ng BATA kay HESUS o sa grupo na NAGDADALA sa mga BATA kay Kristo?

Monday, January 21, 2013

Binyag sa mga bata may batayan ba?

HULYO 28, 2003



ISANG malaking isyu para sa maraming hindi Katoliko ang ginagawang pagbibinyag ng Simbahang Katoliko sa mga bata, partikular sa mga baby.

Hindi raw dapat binyagan ang mga bata dahil wala pa naman daw kasalanan ang mga ito.

Ayon sa mga kumukontra sa tinatawag na "infant baptism," ang panawagan daw sa Bibliya ay para sa "pagsisisi" sa ating mga kasalanan.

Binabasa nila ang sinabi ni John the Baptist sa Matthew 3:2, "Magsisi kayo ng inyong mga kasalanan, nalalapit na ang kaharian ng langit."

Binabanggit din nila ang Acts 2:38 kung saan sinasabi, "Magsisi at magpabinyag ang bawat isa sa inyo sa ngalan ni Hesu Kristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang Espiritu Santo."

Paano raw makapagsisisi ang mga sanggol at ano ang dapat nilang pagsisihan?

Siguro ay mayroon sa inyong magsasabi na "Oo nga naman. Wala nga namang kasalanan ang mga bata."

Pero may problema ang pangangatwiran ng mga kontra sa pagbibinyag sa mga bata.

Kung papansinin ninyo, hindi naman sinasabi o tinatalakay sa mga talatang ito kung ano ang binyag.

Ang layunin ng mga verse na ito ay anyayahan ang mga tao na "magsisi" ng kasalanan at "magpabinyag."

Hindi nililimitahan ng mga verse na ito kung ano ang binyag.

Dito natin sisimulang tingnan kung bakit binibinyagan ang mga bata.

Ano ba ang pagbibinyag?

Ang pagbibinyag ay isang sakramento o "nakagagaling na tanda" ng kapangyarihan ng Diyos.

Sa pamamagitan nito ay tinatanggap ang isang tao bilang bahagi ng Simbahan na siyang "katawan ni Kristo."

Pero ang pinakamahalagang silbi ng binyag ay ang kaligtasan na natatamo ng isang tao sa pamamagitan nito.

Sabi nga sa Romans 6:3-4 kung saan sinasabi ang ganito, "Hindi ba ninyo alam na lahat tayo na nabinyagan kay Kristo Hesus ay bininyagan sa kanyang kamatayan? Tayo nga ay inilibing na kasama niya sa pagbibinyag sa kamatayan nang sa ganoon kung papaanong si Kristo ay binuhay mula sa kamatayan sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo man ay magkaroon ng panibagong buhay."

Dito ay makikita natin na ang isang layunin ng pagbibinyag ay para magkaroon tayo ng panibagong buhay.

Kung titingnan pa natin ang bagay na ito sa kabuohan ng tinatawag na "salvation history" o ang kasaysayan ng pagliligtas sa atin ng Diyos, ay mas madali natin itong maiintindihan.

Kung babalikan natin ang mga pangyayari sa Paraiso noong matisod ang unang babae at lalaki, makikita natin na ang naging epekto ng kanilang pagkakasala ay ang pagpapalayas sa kanila mula sa Paraiso.

Dahil napalayas sila sa Paraiso, hindi na sila nakakain ng bunga ng Puno ng Buhay. Ang naging resulta nito ay ang pagpasok ng kamatayan sa mundo.

Ang epekto nito ay hindi lang naramdaman ng mga unang tao kundi ng lahat ng tao.

Kumbaga, kahit tayo na wala namang kinalaman sa kasalanan nila ay nadamay na sa epekto ng kanilang ginawa.

Sabi nga sa Romans 5:12, "Kung paanong ang kasalanan ay pumasok sa mundo sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, sa pamamaraan ding ito dumating ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala."

Pero idinagdag ni Pablo sa Romans 6:23, "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Kristo Hesus ang ating Panginoon."

Makikita natin dito na ang buhay na walang hanggan ay "regalo" ng Diyos na dumadaloy sa pamamagitan ni Kristo.

Ngayon, ang regalo ba na ito ay para lang sa "matatanda at mga nagsisisi ng kasalanan" o para sa lahat -- bata man o matanda?

Ganito ang sabi ng Bibliya sa Matthew 19:13-14, "At dinala kay Hesus ang maliliit na bata para mapatungan niya ng kamay at maipanalangin niya. Pero pinagalitan ng mga disipulo ang mga may dala sa mga ito.

"Sinabi ni Hesus, ‘Hayaang lumapit sa akin ang mga bata at huwag silang pipigilan dahil ang kaharian ng langit ay para sa kanila."

Mayroon bang kasalanan na dapat pagsisihan ang mga bata para lumapit sila kay Hesus?
Wala.

At kung ang daan ng buhay na walang hanggan ay ang pagbibinyag, bakit pipigilan ng kung sino ang mga bata para mabinyagan?

Monday, November 21, 2011

Bakit binibinyagan ang mga bata?

Abril 12, 2003


ISANG malaking isyu para sa maraming hindi Katoliko ang ginagawang pagbibinyag ng Simbahang Katoliko sa mga bata, partikular sa mga baby.

Hindi raw dapat binyagan ang mga bata dahil wala pa naman daw kasalanan ang mga ito.

Ayon sa mga kumukontra sa tinatawag na "infant baptism," ang panawagan daw sa Bibliya ay para sa "pagsisisi" sa ating mga kasalanan.

Binabasa nila ang sinabi ni John the Baptist sa Matthew 3:2,

"Magsisi kayo ng inyong mga kasalanan, nalalapit na ang kaharian ng langit."

Binabanggit din nila ang Acts 2:38 kung saan sinasabi,

"Magsisi at magpabinyag ang bawat isa sa inyo sa ngalan ni Hesu Kristo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang Espiritu Santo."

Paano raw makapagsisisi ang mga sanggol at ano ang dapat nilang pagsisihan?

Siguro ay mayroon sa inyong magsasabi na "Oo nga naman. Wala nga namang kasalanan ang mga bata."

Pero may problema ang pangangatwiran ng mga kontra sa pagbibinyag sa mga bata.

Kung papansinin ninyo, hindi naman sinasabi o tinatalakay sa mga talatang ito kung ano ang binyag.

Ang layunin ng mga verse na ito ay anyayahan ang mga tao na "magsisi" ng kasalanan at "magpabinyag."

Hindi nililimitahan ng mga verse na ito kung ano ang binyag.

Dito natin sisimulang tingnan kung bakit binibinyagan ang mga bata.

Ano ba ang pagbibinyag?

Ang pagbibinyag ay isang sakramento o "nakagagaling na tanda" ng kapangyarihan ng Diyos.

Sa pamamagitan nito ay tinatanggap ang isang tao bilang bahagi ng Simbahan na siyang "katawan ni Kristo."

Pero ang pinakamahalagang silbi ng binyag ay ang kaligtasan na natatamo ng isang tao sa pamamagitan nito.

Sabi nga sa Romans 6:3-4 kung saan sinasabi ang ganito,

"Hindi ba ninyo alam na lahat tayo na nabinyagan kay Kristo Hesus ay bininyagan sa kanyang kamatayan? Tayo nga ay inilibing na kasama niya sa pagbibinyag sa kamatayan nang sa ganoon kung papaanong si Kristo ay binuhay mula sa kamatayan sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo man ay magkaroon ng panibagong buhay."

Dito ay makikita natin na ang isang layunin ng pagbibinyag ay para magkaroon tayo ng panibagong buhay.

Kung titingnan pa natin ang bagay na ito sa kabuohan ng tinatawag na "salvation history" o ang kasaysayan ng pagliligtas sa atin ng Diyos, ay mas madali natin itong maiintindihan.

Kung babalikan natin ang mga pangyayari sa Paraiso noong matisod ang unang babae at lalaki, makikita natin na ang naging epekto ng kanilang pagkakasala ay ang pagkakapalayas sa kanila mula sa Paraiso.

Dahil napalayas sila sa Paraiso, hindi na sila nakakain ng bunga ng Puno ng Buhay. Ang naging resulta nito ay ang pagpasok ng kamatayan sa mundo.

Ang epekto nito ay hindi lang naramdaman ng mga unang tao kundi ng lahat ng tao.

Kumbaga, kahit tayo na wala namang kinalaman sa kasalanan nila ay nadamay na sa epekto ng kanilang ginawa.

Sabi nga sa Romans 5:12,

"Kung paanong ang kasalanan ay pumasok sa mundo sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, sa pamamaraan ding ito dumating ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala."

Pero idinagdag ni Pablo sa Romans 6:23,

"Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Kristo Hesus ang ating Panginoon."

Makikita natin dito na ang buhay na walang hanggan ay "regalo" ng Diyos na dumadaloy sa pamamagitan ni Kristo.

Ngayon, ang regalo ba na ito ay para lang sa "matatanda at mga nagsisisi ng kasalanan" o para sa lahat -- bata man o matanda?

Ganito ang sabi ng Bibliya sa Matthew 19:13-14,

"At dinala kay Hesus ang maliliit na bata para mapatungan niya ng kamay at maipanalangin niya. Pero pinagalitan ng mga disipulo ang mga may dala sa mga ito.

"Sinabi ni Hesus, ‘Hayaang lumapit sa akin ang mga bata at huwag silang pipigilan dahil ang kaharian ng langit ay para sa kanila."


Mayroon bang kasalanan na dapat pagsisihan ang mga bata para lumapit sila kay Hesus?

Wala.

At kung ang daan ng buhay na walang hanggan ay ang pagbibinyag, bakit pipigilan ng kung sino man ang mga bata para mabinyagan?

Sunday, November 20, 2011

Tama bang binyagan ang mga sanggol?

Marso 29, 2003


NOONG Linggo ay bininyagan ang anak ng isa naming kapatid sa “Couples for Christ.”

At dahil ang pagbibinyag ay isang “community affair,” nakisalo, nakisaya at nakikain na rin kami habang wini-welcome ng lahat si Reana Zekainah V. Sabenano sa mundo ng Kristiyanismo.

Kaya nga binabati ko ang kanyang mga parents na sina Renan at Bebet sa paggawa nila sa isang napakahalang responsabilidad bilang mga Kristiyanong magulang.

Natuwa kami at nabusog - sa biyaya. Congrats!

Pero kung sa mga Katoliko ay isang masayang okasyon ang pagbibinyag sa mga bata, marami rin namang tao ang tumataas ang kilay sa bagay na ito.

Idinadahilan nila na hindi pa naman dapat binyagan ang isang sanggol dahil “wala pa itong malay.”

Ang pagbibinyag din daw kasi ay para lamang sa mga nagkasala, naligaw ng landas na ngayon ay nagsisisi at “nagbabalik loob” sa Diyos. Ano naman daw ang dapat ipagbalik loob ng isang bata samantalang “wala pa naman itong nagagawang kasalanan?”

Wala rin daw makikita sa Bibliya na pagbibinyag sa mga bata.

Ayon pa nga sa isang mangangaral na noon ay ipinagmamayabang ng kanyang mga alagad na isa raw “pantas,” “Labag sa aral ng Bibliya ang pagbibinyag sa mga bata. Wala ‘yan sa Bibliya. Mga gago lang ang gumagawa niyan.”

Pagpasensiyahan na ninyo. Madalas ay ganyan talaga kapangit ang lumalabas sa bibig ng “pantas” na ‘yan.

Sa pahapyaw na pagtingin ay parang may katwiran sila. At kung tama sila, lalabas na “mali” ang ginagawa ng maraming Kristiyano, partikular ang mga miyembro ng Simbahang Katoliko.

Hindi lang ‘yon. Isa pang pagpuna na ginagawa nila ay ang mismong paraan ng pagbibinyag. Bakit daw sa Simbahang Katoliko ay “binubuhusan” ng tubig ang binibinyagan, samantalang ang paraan daw sa Bibliya ay ang “paglulubog” sa tubig.

Dito pa lang daw ay “mali” na ang ginagawa ng mga Katoliko. Doble-dobleng kamalian na raw dahil imbes na “ilubog” ay “binubuhusan.” Sa halip din daw na magbinyag ng “matanda” na ay “sanggol” ang binibinyagan.

Ang tanong ngayon ay sino ba ang tama? Ang mga Katoliko na sanggol pa lang ay pinabibinyagan na ang kanilang mga anak o ang mga nagsasabi na puwede lang binyagan ang isang tao kapag siya ay matanda na?

Tama rin ba na “matanda” lang ang binibinyagan o puwede rin ang magbinyag ng bata.

Gusto ba ninyong maintindihan ang bagay na ito? Eh ‘di pag-aralan natin nang maayos. At para maayos ay simulan natin sa simula.

Isa sa mga pang-atake ng mga kontra sa “infant baptism” ay ang sinasabi nilang ibig sabihin ng salitang “baptizo.” Sa “baptizo” kasi nagmula ang salitang “baptism” na ang translation na sa Filipino ay “binyag.”

Ang “baptizo” ay salitang Griego na ang ibig sabihin ay “to immerse” o “ilubog.” Isang talata sa Bibliya na nagpakita nito ay ang pangyayari sa 2 Kings 5:14 kung saan pinagaling ng Diyos ang ketong ng heneral na si Naaman.

Sabi sa talata, “Lumusong si Naaman at inilubog (baptizo) ang kanyang sarili ng pitong ulit sa ilog Jordan.” Ang “baptizo” ay isinalin na “inilubog.”

Ibig sabihin, ang “baptizo” nga ay “paglulubog!” Kung ganoon ay “mali” nga ang mga Katoliko na “nagbubuhos” ng tubig sa binibinyagan.

Pero bago kayo maglulundag at gumawa ng konklusyon, basahin din muna ninyo ito. Sa Mark 7:4 ganito ang sinasabi,

“Sa pag-uwi nila mula sa pamilihan hindi sila kumakain hanggang hindi sila naghuhugas ng kanilang sarili.”

Sa orihinal na Griego, ang ginamit na salita na katumbas ng “naghuhugas” ay “baptizo.”

Ano ang ibig sabihin nito?

Isa lang, hindi lang “ilubog” ang ibig sabihin ng salitang “baptizo.” Ang isa pang kahulugan nito ay “hugasan.”

Marami sa mga nagpupumilit na ang nag-iisang kahulugan ng “baptizo” o “baptism” ay “ilubog” ang mahilig din sa pagsasabi ng “baptism in the Holy Spirit.”

Kinuha nila ito sa Mark 1:8 kung saan sinasabi ni Juan Bautista, “Binibinyagan (baptizo) ko kayo ng tubig pero bibinyagan (baptizo) Niya (Hesus) kayo ng Espiritu Santo.”

Sa Acts 1:5 ay mistulang inulit ang talatang ito nang sabihin ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga alagad na “bininyagan (baptizo) kayo ni Juan ng tubig pero sa loob ng ilang araw ay bibinyagan (baptizo) kayo ng Espiritu Santo.”

Masdan ninyo na parehong “baptizo” ang ginamit na salita rito na ang katumbas sa Filipino ay “pagbibinyag.”

Ngayon, paano ba naganap ang “baptism of the Holy Spirit?”

Sa mga talatang Acts 2:17-18 at verse 33, tatlong ulit sinabi na “ibinuhos” (ekcheo sa Griego) ng Diyos ang Kanyang Espiritu sa sangkatauhan.

“Inilubog” ba ng Diyos ang sangkatauhan sa Espiritu Santo?

Hindi. Ang ginawa ng Diyos ayon sa Bibliya ay “ibinuhos” Niya ito sa mga tao. So, ang sinasabing “baptism” o “pagbibinyag” (baptizo) ay puwede ring maging kasing kahulugan ng “pagbubuhos” (ekcheo).

Ano ang nakikita natin dito?

Ang ibig lang sabihin nito ay HINDI IISA ang ibig sabihin ng “baptizo” na pinagkunan ng salitang “baptism.” Ang “baptizo” ay puwede ring mangahulugan ng “paghuhugas” at “pagbubuhos.”

Sa madaling salita, ang pagbibinyag ay hindi lang sa paraan ng “paglulubog.” Ang binyag ay maaari ring sa “pagbubuhos.”

Ano ba kasi ang layunin ng pagbibinyag? Hindi ba ang “paghuhugas” o “paglilinis” ng mga kasalanan?

Pero diyan naman papasok ang isa pang pangontra nila. Ano naman ang “kasalanan” na “huhugasan” sa isang inosenteng bata?

Sa susunod na Sabado ay ‘yan naman ang ipaliliwanag ko.

Pansamantala, mag-iingat tayo sa mga taong tila nabubulag ng kanilang “bias.” Ang nangyayari kasi ay masyado nilang nililimitahan ang kahulugan ng ilang salita (tulad ng “baptizo”) dahil hindi sila sang-ayon sa pakahulugang ibinibigay rito ng ibang tao.