Showing posts with label Cross: Kapangyarihan ng Diyos. Show all posts
Showing posts with label Cross: Kapangyarihan ng Diyos. Show all posts

Monday, November 28, 2011

Ang krus at ang aral ng mga anti-Kristo

Hunyo 6, 2003


NAG-TEXT sa akin si Rosario ng Sun Valley, ParaƱaque. Sabi niya, "Gusto ko ang column mo kasi hindi ka kumakampi sa ano mang relihiyon pero naging eye opener ito sa iba. Keep up the good work."

Salamat, Rosario. Although kailangang sabihin ko na nakatutok ako sa pagpapaliwanag ng mga paniniwala ng mga Katoliko.

Ito kasi ang alam ko at naiintindihan. Ito rin kasi ang paniniwala ko.

Ayaw kong pumuna sa paniniwala ng iba (at least, hindi ‘yung pinaniniwalaan ng isang partikular na grupo) dahil a baka magawa ko sa kanila ang kamalian na ginagawa nila laban sa mga Katoliko.

Ang masakit kasing karanasan ng mga Katoliko ay maraming ang nagkukunwaring marunong sa Katolisismo kaysa mismong mga Katoliko na nakakaintindi rito.

Salamat naman kung nakakatulong tayo para mabuksan ang mga mata at isip ng ibang tao.

Thank you na rin sa pagsubaybay mo, Rosario.

Kung may tanong ka sana ay i-text mo sa akin.

u u u

Heto naman ang sabi ni Rey Salcedo ng Concepcion, Iloilo.

"Ang TANDA ng SANTA-KRUS ng mga taga-IGLESIA KATOLIKA na siyang KATUPARAN sa APOCALIPSIS 13:16 (TATAK TANDA) ng anti-Kristo."

"PAGPATOTOO ng mga AWTORIDAD KATOLIKA na sa kanila natupad ang NAKASULAT sa sulat ni Juan."

Salamat sa pag-text mo, Rey. Pero payagan mo sanang magbigay ako ng ilang komentaryo sa mga sinasabi mo.

Ganito ang sinasabi ng Revelations 13:16-17,

“Ang mga dakila at mga hindi dakilang tao, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at ang mga alipin ay ipapatatakan (TATANDAAN) niya sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo. Ang may tatak (TANDA) lamang ng mabangis na hayop ang makakabili o ang makakapagbili. Dapat ay taglay nila ang tatak (TANDA) o ang pangalan o ang bilang ng pangalawang mabangis na hayop.”

Malinaw na may binabanggit na TANDA o TATAK. Malinaw din na ito raw ay ilalagay sa KANANG KAMAY o sa NOO.

Sinasabi na ang TATAK o TANDA ay TANDA ng "mabangis na hayop" o ng sinasabi mong ANTI-KRISTO.

Ayon sa iyo, ang TANDA o TATAK na binabanggit dito ay ang TANDA ng Krus na ginagawa ng mga Katoliko?

So, ang sinasabi mo ay ang KRUS ang TANDA ng "mabangis na hayop." Ipagpatawad mo pero kailangan kong sabihin sa iyo na malaking pagkakamali ang nagagawa mo.

Unang-una, porke ba nabanggit ang "TANDA" sa talata ay "ANG TANDA na ng KRUS" ang tinutukoy dito?

Ano ba ang KRUS ayon sa Bibliya?

Sabi sa 1Corinthians 1:18,

“Ang MENSAHE ng KRUS ay KAGAGUHAN sa mga NAPAPAHAMAK pero para sa ating mga inililigtas ITO ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS.”

Sinabi naman ni San Pablo sa Galatians 6:14, “Nawa ay hindi ako magmalaki liban sa KRUS ng ating Panginoong Hesu Kristo.”

Sabi naman ng 1 Cor 1:23, “Ipinahahayag namin si Kristo na IPINAKO SA KRUS, isang KATITISURAN sa mga Hudyo at kahangalan sa mga Hentil.”

Ngayon ay isa-isahin natin. Ang mensahe raw ng krus ay KAGAGUHAN sa mga NAPAPAHAMAK pero para sa mga inililigtas ITO ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS.”

Ito raw ay IPINAGMAMALAKI ng isang Kristiyano pero "KATITISURAN sa mga Hudyo at KAHANGALAN sa mga Hentil.”

Heto ngayon ang tanong ko ngayon sa iyo, Rey, "Anong bahagi rito ang nagpapakita na ito ay TANDA o TATAK ng mabangis na hayop? Puro kasi kabutihan at kagalingan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa KRUS.

Obvious na iba ang tanda o tatak na tinutukoy sa Apocalipsis 13:16-17.

Pero tingnan natin, kung ang krus nga ang TATAK ng "mabangis na hayop" o ng anti-Kristo, sino ang "mabangis na hayop?" Lalabas na si Kristo. Tama ba?

Kung may malinaw mula sa mga ito ay hindi ang mga Katoliko na nagku-Krus ang "anti-Kristo" kundi ang mga naniniwala na ang krus ni Kristo ang TANDA ng "mabangis na hayop."

Sana ay naiintindihan mo talaga ang iyong ginagawa at pinaniniwalaan, Rey.

Wednesday, November 23, 2011

Krus, tanda ba ng kamatayan?

Mayo 10, 2003


MARAMI pa rin ang nagti-text para mag-react at magtanong tungkol sa isyu natin kaugnay ng Krus at pagku-Krus.

Isang tagasunod ni Eliseo Soriano, si Danny ng Delpan, Makati City, ang minaliit tayo dahil sa pagtanggap natin sa hamon ng ibang miyembro nila na humarap tayo sa kanilang pinuno.

Sabi ni Danny, "’Yung mga INC nga ‘di lumalaban, ikaw pa. Makipag-tema ka. Patunayan mo na kaaway siya (Bro. Eli) ni Kristo."

Itinanong din ni Danny kung "Ano ang ibig sabihin ng Revelations 14:9-11 at Revelations 16:14?"

Pero kung kontra si Danny ng Delpan, nagpasalamat naman sa atin si Nhard ng Pateros.

"Sana ay marami ka pang matulungan," sabi ng text ni Nhard.

Pero nagpahayag din siya ng concern. Sabi niya, "H’wag ka payag na makipagdebate kay Eli kasi pagpipiyestahan ka lang nila at ‘di sila aamin na mali sila. Thanks!"

Thank you sa ‘yo Danny at sa ‘yo rin Nhards.

Wala akong galit kay Bro. Eli. Gusto ko lang ituwid ang mga mali niyang itinuturo laban sa mga Katoliko.

Sabi kasi sa Galatians 6:1,

"Mga kapatid, kung mayroong naliligaw, kayo nasa Espiritu ay dapat na mahinahon siyang ituwid."

Nakikita ko na naliligaw ang paniniwala ni Soriano tungkol sa mga Katoliko kaya gusto ko sanang maiparating kay Soriano ang kanyang mga kamalian.

Kung makikinig siya ay salamat. Kung hindi ay nasa kanya na iyon.

Ang sama kasi ng dating ng kanyang mga sinasabi, partikular tungkol sa Krus.

Halimbawa nga ang binabanggit ni Danny na ginagamit niya laban sa pagku-Krus.

Sinasabi ng Revelation 14:9-11,

"Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kanyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng TATAK (o TANDA) sa kanyang noo o sa kanyang kamay."

"Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kanyang poot ... Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kanyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng TATAK (o TANDA) ng pangalan nito ay walang kapahingahan."

Sinasabi ng talata na sino man ang tatanggap ng "tatak" o "tanda" ng "mabangis na hayop" ay parurusahan.

At ayon sa mga tulad ni Soriano, ang "tanda" na ito na itatatak sa "noo" o "kanang kamay" ay ang "krus."

Ito ang ipinangtatakot nila sa mga tao. Sinasabi nila na ang taong magku-Krus ay mapaparusahan ayon sa sinasabi sa Revelations 14:9-11.

Pero teka, porke nabanggit ang salitang "tanda" ay sinasabi na nila na ito ang pag-a An Tanda o pagku-Krus.

Ang tanong ngayon ay "Kung ang "krus" ang "tanda" ng "mabangis na hayop," sino namang ang "mabangis na hayop?"

Kung susundin natin ang katwiran nila, lalabas na ang "mabangis na hayop" ay si Hesus.

Siguro naman ay alam ng nakararami na ang "krus" ay "tanda" ng Panginoong Hesus.

Diyan marahil ay makakakuha si Danny ng "patunay" kung si Soriano ay "kaaway ni Kristo."

Ikaw nga ang magsabi na ang "krus" na "tanda" ni Kristo ay "tanda" ng "mabangis na hayop" o ng "demonyo" ay tiyak na maituturing ka ngang "kaaway ni Kristo."

Salungat ang paniniwala nina Soriano sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa krus.

Ang sabi nga sa 1Cor 1:18,

“Ang MENSAHE ng KRUS ay KAGAGUHAN sa mga NAPAPAHAMAK pero para sa ating mga inililigtas ITO ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS.”

Salungat din sa sinasabi ni Soriano ay hindi kaparusahan ang makakamit ng mga tumatanggap sa tanda ng krus kundi kaligtasan at buhay na walang hanggan.

Hindi ba ang isinisimbolo ng krus ni Kristo ay ang kanyang kamatayan?

At ito ang sabi ng Romans 6:3 tungkol sa kamatayan ng Panginoon,

"Hindi ba ninyo alam na tayong mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan?"

"Kaya nga, tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan."

"At kung paanong si Cristo ay binuhay na muli sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, tayo man ay magkakaroon ng bagong buhay."


So, kaparusahan ba ang dala ng krus o buhay na walang hanggan?

Ang Krus, tanda ng diyablo?

Mayo 4, 2003


NATUTUWA naman ako sa mga nag-text sa akin para mag-react sa column ko patungkol sa pagku-Krus o kilala rin sa paga-An Tanda o Sign of the Cross.

Una kong babanggitin itong si Elaine Magdaraog ng Bulacan. Sabi niya, “Mr. Cenon, nagbabasa ba kayo ng pasyon? Basahin ninyo ‘yung tungkol sa pag-aantanda. Baka kasi naguguluhan lang kayo.”

Sabi naman ni Timoteo Pablo ng Quezon City, “Ang krus ni Kristo, ayon sa Bible, ay pinapasan at ‘di sinisenyas.” Ibinigay niya ang talatang Mateo 10:38 na ganito ang sinasabi ayon sa Magandang Balita Bibliya, “Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.”

Samantala, nag-react naman si Aaron Reyes ng DasmariƱas, Cavite, sa pagsalungat ko sa mga maling itinuturo ni Eliseo Soriano patungkol sa mga aral ng Simbahang Katoliko.

Sabi ni Reyes, “Humarap ka kay Bro. Eli sa debate. Tingnan mo lang kung paano ka mapahiya.” Tapos ay itinanong niya kung “Bakit kayo (mga Katoliko) gumagawa ng mga rebulto gayong labag ito sa kautusan ng Bibliya?”

Whew! Puro kontra.

Buti na lang at nag-text din si Phay Timtiman ng Tanay, Rizal. Heto naman ang text niya, “Napakaganda ng mga sagot ninyo. Topic ninyo ang debate namin tungkol sa Bibliya.”

Salamat sa lahat ng sumagot, nag-react at nagtanong.

Gusto ko sanang sabihin kay Elaine na sorry pero hindi pa ako nakakabasa ng “Pasyon.” Kaya hindi ko masigurado kung ano nga ang sinasabi nito tungkol sa pagku-Krus.”

Sinubukan kong maghanap ng Pasyon pero “sold out” na ang kopya sa National Bookstore. Marami raw kasi ang bumili noong Holy Week.

Anyway, parang naaalala ko ngang binanggit ni Soriano ang Pasyon noong pilit niyang sinisiraan ang paggamit ng Krus ni Kristo sa pag-a An Tanda. Kung tama ang memorya ko, inawit niya ang Pasyon at pilit na pinalabas na ang pagku-Krus ay masama dahil “tanda” raw ito ng diyablo.

‘Yon din ba ang punto mo, Elaine? Naniniwala ka rin ba na ang “Krus” ay “tanda ng demonyo?”

Nalulungkot nga ako dahil ganyan ang paniniwala ni Soriano at ganyan ang itinuturo niya sa mga naniniwala sa kanya.

Unang-una, hindi ‘yan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Krus. Ang sabi nga sa 1Cor 1:18,

“Ang MENSAHE ng KRUS ay KAGAGUHAN sa mga NAPAPAHAMAK pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”

Dahil nga rito ay sinasabi rin ni Pablo sa Gal. 6:14,

“Nawa’y ‘di ako magmalaki sa anumang bagay liban sa krus ng ating Panginoong Hesu Kristo.”

Hindi lang ipinagmamalaki ni Pablo ang krus, sabi pa niya sa 1Cor 1:23,

“Ipinahahayag namin si Kristo na ipinako sa krus, (bagay) na kinatitisuran ng mga Hudyo at itinuturing na kalokohan ng mga Hentil.”

Ibang-iba ang sinasabi ni Soriano sa sinasabi ng Bibliya. At ‘yon ang nakakatakot.

Kung hindi sa Bibliya galing ang aral ni Soriano at kung salungat pa ang aral niya sa Banal na Kasulatan , kaninong aral ‘yon?

Hindi ko man nabasa ang Pasyon at ang umano’y sinasabi nito laban sa pag-a An Tanda o sa Krus ng ating Panginoon, may ideya ako kung ano ang binabanggit dito na iniuugnay ni Soriano sa pagku-Krus.

Ang Pasyon ay halaw mula sa Bibliya. At sa pagsasaliksik ko sa Bibliya isang talata ang nabasa ko na may kaugnayan sa “tatak,” “marka” o “tanda” ng diyablo. Ito ang Revelation 13:16-17.

Sabi sa talata,

“Ang mga dakila at mga hindi dakilang tao, ang mayayaman at mahihirap, ang mga malaya at ang mga alipin ay ipapatatakan (TATANDAAN) niya sa kanilang kanang kamay o sa kanilang noo. Ang may tatak (TANDA) lamang ng mabangis na hayop ang makakabili o ang makakapagbili. Dapat ay taglay nila ang tatak (TANDA) o ang pangalan o ang bilang ng pangalawang mabangis na hayop.”

Ano, Elaine? Katulad ba ‘yan ng sinasabi ng Pasyon?

Kung ‘iyan ‘yun, obvious na hindi ang Krus ni Kristo, ang pag-a An Tanda o ang pagku-Krus ang sinasabing “tanda ng diyablo.” Pakibasa ang buong Chapter 13 ng Revelation para makita mo kung kaninong “tatak” o “tanda ang pinag-uusapan dito.

Lumalabas ngayon, Elaine na hindi ako ang “naguguluhan” kundi si Soriano at ang mga naniniwala sa kanya.

Pero kung hindi ‘yan ang sinasabi ng Pasyon, paki-text sa akin kung saan kinokontra ng Pasyon ang pagku-Krus para makita ko.

Sa totoo lang, nakakatakot ang mga pahayag ni Bro. Eli laban sa pagku-Krus dahil napapabilang tuloy siya sa mga binabanggit ni San Pablo sa Philippians 3:18 na mga “kaaway ng krus ni Kristo.”

Kung ang isang tao ay “kaaway ng krus ni Kristo,” kanino siya kakampi? Kayo na ang sumagot sa tanong na iyan.

Ang alam ko, ang bawat Katoliko na nagku-Krus o nag-a An Tanda ay ipinagmamalaki at ipinapahayag ang Krus ni Kristo.

Handa ba akong makipag-debate kay Soriano para idepensa ito?

Ang tanong ay “Handa ba siyang igiit ang mga mali niyang aral laban sa pananampalatayang Katoliko?” Kung “Oo,” bilang pagmamalasakit sa isang kapwa tao ay handa akong ipamukha sa kanya ang kanyang mga pagkakamali sa layunin na ito ay maituwid.