Thursday, February 7, 2013
Sangayon ba ako na tao lang si Kristo?
MAY text si Benjie A. ng San Jose, Antique. Sabi niya, "Mabuti pa ang mga Muslim nagkakaisa. Tayo parang mga Demonyo. ‘Di ako Katoliko. Sa mga Iglesia: Kung batuhin ka ng bato, batuhin mo ng tinapay."
Salamat sa malasakit mo sa pagkakaisa ng mga Kristiyano. Sana rin ay masasabi ko na nagkakaisa ang lahat ng naniniwala sa Panginoon.
Kaya lang ay hindi ganoon kasimple ang mga bagay-bagay, Benjie.
Ayon sa Bibliya, "marami ang LILITAW" para paghati-hatiin ang mga tagasunod ni Kristo.
Mismong ang Panginoong Hesus ang nagsabi nito sa Matthew 24:11, "at maraming huwad na propeta ang lilitaw at lilinlang sa maraming tao."
Kaya nga sabi sa Romans 16:17, "Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid, magbantay laban sa mga gumagawa ng paghahati-hati at naglalagay ng balakid sa inyong daanan na salungat sa mga aral na inyong natutunan. LAYUAN ninyo sila."
Ang layunin ng mga HUWAD na propeta at mga BAGONG LITAW ay paghati-hatiin ang mga tagasunod ni Kristo. Mga pakawala ‘yan ng DEMONYO para guluhin ang Iglesia dahil ‘yon talaga ang trabaho ng DIABLO.
Kung may pagkakahati-hati man ay dahil KUMIKILOS ang demonyo sa ating mundo. Ito ay totoo hindi lang sa Kristiyanismo kundi kahit sa Islam na sinasabi mo.
Sa pagkakaalam ko ay hindi totoo na nagkakaisa ang mga Muslim. Sa Pakistan ay nagpapatayan din ang mga Muslim.
May dalawang malaking grupo ng mga Muslim na nagtutunggali rin. Ito ang mga Sunni at Shiite. Makikita mo ‘yan sa Iraq at Iran na hati dahil sa relihiyon.
Pero hindi ‘yon ang mahalaga. Ang mahalaga ay kumilos ang mga nakakaalam at nagmamalasakit para MAGKAISA ang mga kumikilala kay Kristo. At mangyayari lang ito kung magkakaintindihan at magkakaunawaan sa pamamagitan ng PALIWANAGAN at RESPETUHAN.
‘Yan ang layunin ng column na ito: ang ituwid ang kamalian na ikinakalat ng iba laban sa Iglesia Katolika at ipahayag ang katotohanan sa mga aral nito.
‘Yan ang sinasabi mo, Benjie, na PAGBATO ng TINAPAY sa BUMABATO ng BATO.
Ang KATOTOHANAN tungkol sa Iglesia Katoliko at sa mga aral nito ang "TINAPAY" na "IBINABATO" natin sa mga tao "BUMABATO" ng "BATO" o KASINUNGALINGAN laban dito.
Madalas ko nang sabihin na marami sa mga BUMABATIKOS sa mga Katoliko ay BIKTIMA ng mga HUWAD na PROPETA at mga BAGONG LITAW na mangangaral.
Marami sa bumabatikos na ito ay NALINLANG lamang kaya kailangan natin silang MAPALIWANAGAN.
Sa ganoon ay magkakaroon ng UNAWAAN at matupad ang panalangin ng Panginoon sa John 17:11.
Sabi ng talata, "Banal na Ama, pangalagaan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan – ang pangalan na ibinigay mo sa akin – para sila ay maging ISA kung paanong tayo ay ISA."
u u u
Follow up ito sa text ni Linda Sanidad na lumabas noong Aug. 8. Noon ay ganito ang sabi niya, "Ang mga Katoliko mga mamamatay tao, magnanakaw, switik, mangangalunya kasama ang mga PARI. Nasaan ang aral?"
Nakiusap ako sa kanya na "Huwag sana tayong masyadong mapaghusga sa ating kapwa." Sa sinabi kasi ni Linda ay lumalabas na LAHAT ng Katoliko ang tinutukoy niya.
Dahil diyan ay nag-text siya uli na ganito ang sinabi, "Para ka rin INC, iniiba ang tema. Hindi ko sinabi na LAHAT ng mga Katoliko. Hindi maituturing na mapanirang puri KUNG MAY BATAYAN!"
Dagdag pa ni Linda, "Sabi mo walang dapat pagtalunan ang Iglesia Katolika at Iglesia ni Cristo. Samakatuwid sumasangayon ka na TAO si Jesus Christ? O galit ka lang kay Bro. Eli kaya ganun?"
Siguro naman, Linda, ay nababasa mo sa itaas ang una mong itinext sa akin. Nababasa rin ‘yan ng mga readers natin.
Kayo na po ang magsabi kung ano ang pagkakaintindi ninyo sa mga sinabi ni Linda.
Sabi ni Linda ay hindi paninirang puri ang sinabi niya "kung may batayan."
Ano kaya ang batayan na iyon?
Paki-text lang ang batayan mo, Linda, dahil UNFAIR na husgahan ang iba na hindi klaro ang batayan. Hihintayin natin ito.
Samantala, kaugnay sa sinabi ko na walang dapat pagtalunan ang Iglesia Katolika at INC, maliwanag naman na sinabi ko anu-ano ang hindi nila pagtatalunan.
Kung babalikan mo ang isyu ng Aug. 8, Linda, ay makikita mo na ang topic ay dapat daw supalpalin ko ang INC dahil sinasabi raw ng mga ito na "naitalikod" ang Iglesiang itinatag ni Kristo at tungkol sa "inquisition."
Una, sinabi ko na matagal ko nang naipaliwanag na HINDI PUWEDENG MAITALIKOD ang Iglesia.
Pangalawa, sinabi ko na ang Iglesia Katolika ay ITINATAG ni Kristo. Ang INC ay itinatag ni Felix Manalo. Sa katunayan, nitong July ay nag-celebrate ang INC ng ika-89 founding anniversary nila.
Pangatlo, ang Iglesia Katolika ay itinatag noon pang UNANG SIGLO. Ang INC ay itinatag noon lang 1914.
So, ano ang pagtatalunan doon?
Hindi pinag-usapan ang pagka-Diyos o pagka-tao ni Kristo.
Pero kung interesado ka, Linda, ang paniniwala ng Iglesia Katolika sa kalikasan ni Hesus ay Siya ay TOTOONG TAO at TOTOONG DIYOS.
Kung paano nangyari yan ay ipaliliwanag ko sa mga susunod na pagkakataon.
Galit lang ba ako kay Soriano?
Hindi. Kailan man ay hindi ako nagalit kay Soriano.
Galit ako sa PAGMAMARUNONG niya patungkol sa Katolisismo at Iglesia Katolika. Galit din ako sa mga KASINUNGALINGAN niya laban sa mga Katoliko.
Tuesday, November 29, 2011
Bakit kay Maria nagpapasalamat?
Hunyo 12, 2003
NAG-TEXT sa atin si Beb Medilo ng Coastal Woods, Cavite. Ganito ang sabi niya, "Marami na akong napuntahang Bible study at praise and worship. Masarap makinig ng Salita ng Diyos."
Sa totoo lang, Beb. Walang tatalo sa pakikinig ng Salita ng Diyos pero meron din tayong responsabilidad na tiyakin na tama ang naririnig natin at kumilos nang naaayon dito.
Sabi nga sa 1 John 4:1,
"Mga kaibigan, huwag maniwala sa bawat espiritu pero subukan ang mga espiritu para makita kung sila ay sa Diyos, dahil maraming huwad na propeta ang lumitaw na sa mundo."
Si Hesus mismo ang nagbabala sa Matthew 24:4,
"Sumagot si Hesus: Magbantay kayo na hindi kayo malinlang. Dahil marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi na "Ako ang Kristo" at marami ang malilinlang."
Sa verse 24 ay ito pa ang sinasabi,
"Dahil maraming huwad na kristo at huwad na propeta ang lilitaw at gagawa ng kamangha-manghang tanda at milagro para linlangin maging ang mga pinili -- kung iyon man ay maaari."
Sana ay matiyak natin kung anong "espiritu" ang nagsasalita sa mga pinupuntahan natin at kung sila ay totoo nga.
u u u
May reaksyon si Romy Rodriguez ng Calumpit, Bulacan, sa mga pahayag ko na hindi sinasamba ng mga Katoliko ang mga imahen at mga rebulto.
Sabi ni Romy, "Kung hindi sila sumasamba sa mga rebulto bakit kapag gumaling sa sakit ang sinasambit ay ‘Salamat sa Birheng Maria.’"
Kung tama ang pagkaintindi ko sa sinasabi mo ay nagtataka ka kung bakit imbes na sa Panginoon magpasalamat ang mga tao ay kay Maria o sa mga santo nagpapasalamat ang ibang Katoliko.
Una sa lahat, wala namang masama kung magpasalamat ang isang Kristiyano kay Maria o sa isa sa mga banal na nagmamahal sa Diyos.
Ang "papel" kasi ni Maria at ng mga santo ay mga "katulong" ng mga nasa lupa para mas maging malapit sa Diyos at para tulungan sila sa pananalangin.
Sa Acts 1:14 ay ganito ang sinasabi,
"Nagsama-sama sila sa palagiang pagdarasal kasama ang mga babae at si Maria, ang ina ni Hesus, at ang kanyang mga kapatid."
Sinasabi rin ni Hesus sa Matthew 18:19-20,
"Muli sinasabi ko sa inyo na kung may dalawa na magkakasundo sa lupa tungkol sa anumang bagay, ito ay gagawin ng aking Ama sa langit.
"Dahil kung saan man may dalawa o tatlo na nagtitipon sa ngalan ko, ako ay naroon kasama nila."
Sa mga Katoliko, si Maria ay madalas na "kasama" pa rin nila sa pagdarasal.
Kung nag-iisa man ang isang Katoliko, madali siyang nakakakuha ng "kasama" sa pagdarasal sa katauhan ni Maria at ng mga santo.
At kung mayroong kahilingan ang isang Katoliko ay nahihiling niya kay Maria at sa mga santo na ipanalangin ang kanyang mga pangangailangan.
Kasama si Maria at ang mga santo ay "nag-kakaisa" sila sa paghingi kaya maraming panalangin na kasama sila ang mabilis na ibinibigay ng Diyos.
Ngayon, kapag nai-bibigay na ng Diyos ang mga kahilingan, natural lang naman na magpasalamat ang isang Katoliko sa mga tumulong sa kanya. Tama, hindi ba?
Ang kailangan lang ng marami sa atin — hindi lang ng mga Katoliko — ay dalas-dalasan natin ang pagpapasalamat sa Diyos.
Minsan kasi ay magaling lang tayo sa hingi.
Sa madaling salita, si Maria at ang mga santo ay mga TAO rin pero sila ang mga tao na nakatupad na sa pagiging ganap na Kristiyano.
Mga BANAL at MATUWID na sila at marami sa atin ay hindi pa.
At kaya mas madaling nasasagot ang panalangin kung ikinakapit sa panalangin ng mga banal ay dahil ganito ang sabi sa James 5:16,
"Kaya nga ikumpisal ninyo ang inyong mga kasalanan sa isa’t-isa at IPAGDASAL ninyo ang ISA’T-ISA para kayo ay gumaling. ANG PANALANGIN ng TAONG MATUWID ayMAKAPANGYARIHAN at EPEKTIBO."
Dahil hindi naiintindihan ng maraming tao ang paghingi ng tulong ng mga Katoliko kay Maria at sa mga santo ay inaakala nilang SINASAMBA na ang mga ito.
HINDI po. Mali at baluktot ang ganyang pagkaunawa.
At sana ay mabago na iyang kamalian na iyan.