Thursday, September 12, 2013
Bakit nagku-krus ang isang Katoliko?
Wednesday, November 23, 2011
May silbi ba ang pagku-Krus?
Mayo 11, 2003
TAMANG-TAMA ang pinag-uusapan natin tungkol sa “Krus ni Kristo” dahil piyesta ngayon sa Barangay Sta. Cruz na kapit-barangay lang ng TUMBOK dito sa Makati City.
Happy Fiesta po! Sana ay makatulong ang sunod-sunod nating pag-uusap tungkol sa “krus” para mas maging makahulugan ang inyong pagdiriwang.
At para pasimulan itong “climax” ng ating topic ay bibigyang daan ko ang reaksyon ni Timoteo Pablo ng Quezon City tungkol sa ating isyu.
Sabi niya, “Ang tigas ng ulo mo. (Ako raw) Hindi mo naiintindihan ang talatang 1 Corinthians 1:18. Si Kristo ang ‘mensahe ng krus.’ Wala kang mababasa na ang krus ay tanda ni Kristo.”
Salamat naman Timoteo at alam mo na ang “mensahe ng krus” ay si Kristo. At para mas “accurate,” ang mensahe ay ang pagliligtas sa atin ng ating Panginoon.
Ang problema lang ay lumalabas na hindi mo naiintindihan ang ibig sabihin ng “tanda.”
Ano ba ang isang “tanda?” Ang “tanda” ay isang bagay o pagkilos na may kahulugan.
Kapag binasa natin ang 1Cor 1:18, ito ang ating makikita,
“Ang mensahe ng krus ay kagaguhan sa mga napapahamak pero para sa ating inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”
May binabanggit dito na “mensahe.” Ano ang may dala ng “mensaheng” ito? Ang “krus.”
Ibig sabihin ang “krus” ay isang bagay na may ipinapaabot na “mensahe.” At ito nga ang pagliligtas ng ating Panginoong Hesus, ang Kristo.
Bilang isang bagay, ang krus ay nagiging ngayong “tanda” na ang kahulugan ay ang pagliligtas ni Kristo.
Matanong nga kita, Timoteo. Kapag nakakakita ka ba ng “krus” ay sino ang naaalala mo? Ang demonyo? Si Satanas? Ang anti-Kristo? O si Kristo?
Kung hindi ka naniniwala na ang “krus” ay “tanda” ng pagliligtas ng Panginoon, ano ito para sa iyo?
Kung ayaw mong kilalanin o tanggapin ang “krus ni Kristo” o kung ayaw mo itong ipagmalaki o ipahayag sa pamamagitan ng pagku-Krus, desisyon mo ‘yan.
Pero para sa bawat Katoliko, ang pagku-Krus o pag-a An Tanda ay pagpapahayag ng paniniwala, pananampalataya, pagtitiwala at pakikiisa kay Kristo Hesus.
Ang pagku-Krus kasi ay ang pinaka-simpleng “profession of faith” sa iisang Diyos na may tatlong persona.
Sa tuwing magku-Krus ang isang Katoliko ay tumatawag siya sa “ngalan ng Diyos.” Sinasambit niya ang “Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo” na siyang susi sa kanyang pagiging “disipulo” ni Kristo na kanyang tinanggap na pagbibinyag ayon sa Matthew 28:19.
Ang sabi ng talata,
“Humayo nga kayo at gawing disipulo ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pagbibinyag sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Sa pagku-Krus o pag-a An Tanda ay ipinapahayag ng isang Kristiyano ang ebanghelyo o ang mabuting balita ng pagliligtas ni Hesus.
Hindi nga ba at iniligtas tayo ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay Niya ng Kanyang buhay sa krus?
Sabi nga ni San Pablo sa 1Cor 15:3,
“Ibinibigay ko sa inyo ang pinakamahalagang bagay na akin ding natanggap: na si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan sangayon sa kasulatan.”
Kaya nga ganun-ganon na lang ang pagmamalaki ni San Pablo sa krus. Sinabi pa niya sa Galatians 6:14,
“Nawa ay hindi ako magmalaki liban sa krus ng ating Panginoong Hesu Kristo.”
Maraming tao ang ayaw mag-krus at sinisiraan pa ang krus. Sinasabi nilang ito ang “tanda” ng “demonyo.”
Pero mayroon ding mga tao na ayaw mag-krus dahil nahihiya sila. Ang pakiramdam ng ilan ay “corny” ang pagku-Krus. Dapat daw ay sa loob lang ng simbahan nag-a An Tanda.
Bakit? Nahihiya ba silang makilala bilang mga tagasunod ni Kristo?
Sa Matthew 10:38, ginamit ng Panginoong Hesus ang simbolo ng krus bilang pagkakakilanlan sa mga disipulo Niya. Sabi ng talata,
“Ang sino mang hindi papasan sa kanyang krus at susunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.”
Ganito naman ang sinasabi sa Mark 8:34,
“Ang sino mang nais sumunod sa akin ay kailangang talikuran ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”
Ang sinasabi ni Kristo ay hindi dapat ikahiya ang krus, lalo pa at ito ay nagpapatungkol sa Kanya at sa paraan kung paano Niya iniligtas ang lahat - sa pamamagitan ng krus.
At ano ang naghihintay sa taong ikahihiya ang krus at si Kristo?
Sabi sa katuloy ng Mark 8, sa verse 38,
“Sino man ang nahihiya patungkol sa akin at sa aking mga salita sa makasalanan at walang pananampalatayang henerasyong ito, ang Anak ng Tao ay ikahihiya rin siya sa pagdating niya kasama ang mga banal na anghel sa kaluwalhatian ng Ama.”
Isang paraan ng pagpapakita na hindi natin ikinahihiya si Kristo ay ang pagku-Krus. Ipagmamalaki at ipahahayag ba natin si Hesus o tayo ba ay mahihiya at magdadahilan?
Monday, November 21, 2011
Dapat bang mag-krus ang isang Kristiyano?
Abril 27, 2003
NOONG isang linggo ay ipinagdiwang ng mga Kristiyano ang Linggo ng Pagkabuhay na nagbibigay kasiguruhan sa atin na “kung paanong si Kristo ay binuhay ng karangalan ng Ama mula sa kamatayan, tayo man ay mananahan sa panibagong buhay.” (Romans 6:4)
Pero hindi porke natapos na rin ang Holy Week ay dapat na nating kalimutan ang mensahe nito. At ito ay wala nang iba kundi ang “mensahe ng krus.”
Kung sabagay, hindi nawawala ang mensahe ng krus sa ating mga Katoliko sa tuwing tayo ay magku-krus.
Ang nakakalungkot ay may mga Kristiyano rin daw na hindi lang kumukontra sa pagku-krus, ginagawa nilang katatawanan. Isa sa mga naaalala kong ginagawa itong laman ng kanyang mga “joke” ay si Eliseo Soriano.
Minsan, may nagtanong sa kanya kung bakit hindi siya nagsa-Sign of the Cross. Imbes na sagutin ang tanong ng manonood ay ginawa niya itong patawa.
Ginawa niyang ehemplo ang ginagawa ng ilang Katoliko na nagku-krus sa mga oras na sila ay natatakot o humihiling sa Diyos na ilayo sa kanilang mga “kaaway.”
Habang nagkukunwari siyang nag-a An Tanda siya ay kumanta siya ng “Ilayo po ninyo kami sa aming mga kaaway …”
Tapos ay iniugnay niya ito sa pagku-krus ng mga Katoliko kapag makakakita ng imahen ng Panginoon o ng mga banal na ipinuprusisyon.
Pagtapat daw ng imahen ay magku-krus ang Katoliko at saka sasabihin, “Ilayo po ninyo kami sa aming mga kaaway …” at saka itinuturo na ang “kaaway” ay ang isinasalarawan ng imahen.
Sunod niyang ginawang halimbawa ay ang pagku-krus ng mga Katoliko kapag natatapat sa simbahan. Sabi niya, “Siguro kaaway nila ‘yung nasa loob ng simbahan.”
In fairness kay Soriano, magaling siyang magpatawa pero hindi niya naiintindihan ang kanyang ginagawa.
Naaalala ko tuloy ang sabi ng Bibliya sa 2 Peter tungkol sa mga “huwad na mangangaral.” Sabi sa verse 12,
“Pero ang mga taong ito, tulad ng mga hayop na walang bait na ipinanganak upang hulihin at patayin ay UMAALIPUSTA sa mga bagay na HINDI NILA NAIINTINDIHAN.”
Kaya siguro nagtanong ‘yung kausap ni Soriano ay gusto nitong maliwanagan ang ibig sabihin ng pagku-krus at kung bakit ito ginagawa.
Ngayon, since hindi ito naipaliwanag nang maayos ni Soriano ay ipaliliwanag natin sa mga gustong makaintindi. Sa huli nitong column na ito ay itatanong natin kung “dapat bang mag-krus ang isang Kristiyano?”
Bago ang lahat, ano ba muna ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa “krus?”
Ganito ang sa 1Cor 1:18,
“Ang mensahe ng krus ay kagaguhan sa mga napapahamak pero para sa ating mga inililigtas ito ang kapangyarihan ng Diyos.”
Hindi pala katatawanan ang krus kundi “ITO ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS.”
Dahil nga rito ay sinasabi rin ni Pablo sa Gal. 6:14,
“Nawa’y ‘di ako magmalaki sa anumang bagay liban sa krus ng ating Panginoong Hesu Kristo.”
Sa ating mga Katoliko, ipinagmamalaki natin ang “krus ni Kristo” sa pamamagitan ng pagku-krus. Kaya nga gamit ang ating kanang kamay ay gumuguhit tayo ng krus mula sa noo, pababa sa dibdib, papunta sa kaliwang braso at matatapos sa kanang braso.
Mahirap magkamali ang iba na sabihin na Katoliko ang isang tao na makikita nilang nagku-krus. Kaya nga mahalaga na magawa ito nang tama dahil hindi lang ang pagiging Katoliko niya ang maiisip ng mga tao kundi ang mismong si Kristo.
Dahil kasamang naaalala ng iba ang Panginoon sa ginagawang pagku-krus ng mga Katoliko, masasabi natin na tumutulong tayo sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan.
Ayon nga uli sa Bibliya sa 1Cor 1:23,
“Ipinahahayag namin si Kristo na ipinako sa krus, (bagay) na kinatitisuran ng mga Hudyo at itinuturing na kalokohan ng mga Hentil.”
Pero hindi lang pagpapahayag ng kaligtasan ng Panginoon ang hatid ng pagku-krus. Sa tuwing magsa-Sign of the Cross ang isang tao, gumagawa siya ng simpleng panalangin
Sa panalangin ng “Sign of the Cross,” tinatawag natin ang pangalan ng Diyos sa pagsasambit natin ng “Sa Ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo.” Ang mga katagang ito ang nagpapaalala sa atin ng kaligtasang ibinibigay ni Kristo sa pamamagitan ng ating binyag.
Sabi kasi ni Hesus sa Matthew 28:19,
“Humayo kayo at gawing disipulo ang lahat ng bansa sa pagbibinyag sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Kasama ng kaligtasan ng pagbibinyag ang pangako ng Diyos sa Joel 3:5 at Romans 10:13,
“Ang lahat ng tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”At diyan lang papasok ang sinasabi ni Soriano na sa pagku-krus ay nananalangin ang Katoliko ng “Iligtas mo kami sa aming mga kaaway.”
Sa madaling salita, ang paghingi ng tulong sa Diyos ay isang bahagi lang ng kahulugan ng pagku-krus. Hindi ito ang nag-iisang kahulugan tulad ng gustong palabasin ni Bro. Eli.
At ngayon ngang alam na natin na ang krus ay “kapangyarihan ng Diyos” na “nawa’y ating ipagmalaki” at “ipahayag,” dapat ba o hindi dapat mag-krus ang isang Kristiyano?
Kayo na ang sumagot.