Showing posts with label Maria: May ibang anak?. Show all posts
Showing posts with label Maria: May ibang anak?. Show all posts

Tuesday, May 15, 2012

Jose at Maria nagsiping ba?

Hulyo 1, 2003

GANITO ang reaksyon ni AJ Reyes ng GMA, Cavite sa paniniwala ko na ang Iglesia Katolika ang tunay na iglesia. Sabi niya, "Paano mo mapapatunayang totoo at tama ang IGLESIA KATOLIKA? Patunayan mong tama at biblical ang mga aral ninyo."

Salamat, AJ. Sana ay nasundan mo ang column ko magmula pa noong simula. Mula pa kasi noon ay tinitiyak kong may batayan sa Bibliya ang bawat aral ng Katoliko na aking sinasabi.

Bibliya rin ang aking ginamit para pabulaanan ang maling aral na ikinakalat ng ilang tao laban sa mga Katoliko.

Halimbawa na nga riyan ang aral na si San Pedro ang "Bato" kung saan itinatag ni Hesus ang kanyang Iglesia.

Ilang araw ko ring inulit-ulit ang Matthew 16:18 kung saan malinaw at walang kaduda-duda na si Simon Pedro ang "Bato."

Sinubukan itong kontrahin ng ilan nating mambabasa na si Kristo raw mismo ang "Bato." Para sagutin ito ay Bibliya rin ang ginamit ko para ipaliwanag na mali ang pang-unawa nila sa pagiging "Bato" ni Kristo.

Ngayon nga ay marami ang tumutulol sa sinasabi ng Mt 16:18 pero karamihan ng kanilang pagtutol ay hindi naman galing sa Bibliya kundi pawang mga OPINYON lang nila.

Sa pagpapaliwanag ko para pasinungalingan ang iginigiit ng ilan na sinasamba ang mga rebulto at imahen sa Simbahang Katoliko ay ipinakita ko mula sa Bibliya na HINDI ipinagbabawal ang mga rebulto.

Maliwanag kong ipinakita na ang ipinagbabawal sa Exodus 20:4 at Deuteronomy 5:8 ay mga "diyus-diyosan" at hindi mga rebulto.

Ito ay dahil mismong ang Diyos ay nagpagawa ng rebulto ng kerubin sa Exodus 25:18-22. Sa 1Kings 6:23 ay nagpagawa si Solomon ng mga kerubim at sa 1Kings 6:29 ay imahen naman ng mga halaman ang kanyang ipinagawa.

At maging ang paniniwala ko na ang Iglesia Katolika ang TUNAY ay pinatunayan ko mula sa Bibliya.

Mula sa tanda na si Pedro ang Bato at unang Santo Papa ng Iglesia hanggang sa pagpapatnubay ng Espiritu Santo sa Iglesia at pagiging "haligi at saligan ng katotohanan" (1 Timothry 3:15) ay ipinakita ko na rin.

Ang problema ay hindi ito matanggap ng mga tao na kasapi ng mga iglesia na kailan lang natatag. Sabagay, hindi natin sila masisisi dahil wala talaga silang makitang kaugnayan sa grupo nila at sa Iglesiang itinatag ni Kristo.

Kahit nga ang sinasabi nilang "natalikod" ang Iglesia ay sinagot na rin natin mula sa Bibliya. At maging ito ay hindi nila matanggap.

Napapansin ko nga na dahil hindi masagot ng mga kumokontra ang mga batayan ng Katoliko sa Bibliya ay gumagamit na sila ng pang-iinsulto at paninira.

Sa mga susunod na araw ay marami pang paniniwalang Katoliko ang ipapakita natin ang batayan sa Bibliya. Pero kung mayroong paniniwala na gusto ninyong makita agad ang batayan sa Bible ay i-text lang ninyo at sasagutin natin ito.

u u u

Patuloy naman ang tanong ni Edgar Rualo tungkol sa mga "kapatid" ni Hesus. Ganito naman ang tanong niya ngayon.

Sabi niya, "Did GOD's Angel tell Mary & Joseph not to have children, after Jesus' birth?"

Napakaganda ng tanong mo, Edgar. Ang sagot niyan ay maiintindihan lang natin kung nauunawaan natin kung ano ang ibig sabihin ng "virginity" at pag-aasawa sa mga Hudyo.

Makikita natin ito sa Dt 22:13-30.

Sa mga talatang 20-21 ay iniuutos ng Diyos na patayin ang isang babae na mapapatunayang ikinasal na hindi na "virgin."

Pansinin ninyo, ang hindi pagiging birhen ng isang babae ay isa nang malaking kasalanan. Ano pa kaya kung ito ay napatunayang nagdadalantao na wala namang asawa o iba ang ama?

Kaya nga ganoon ang reaksyon ni Joseph nang malaman niya na nagdadalantao si Maria.

Ang sabi nga sa Mt 1:18-19,
"Ganito naganap ang pagkakaanak kay Hesus: Ang kanyang ina na si Maria ay nakapangako nang ikasal kay Jose pero bago pa sila magsama ay natagpuan siyang nagdadalantao sa Espiritu Santo."
"Dahil si Jose ay matuwid na tao at ayaw niya itong mapahiya sa madla, inisip niyang tahimik itong hiwalayan."

Ngayon, paano ba nabuntis si Maria?

Ganito ang kuwento sa Luke 1:35, "Sinabi ng anghel, ‘Sa sa iyo ang Espiritu Santo at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay LILILIM sa iyo. Kaya ang banal na isisilang ay tatawaging ANAK NG DIYOS.’"

Si Maria ay nabuntis dahil sa Espiritu Santo. At sa higpit ng batas ng mga Hudyo ang isang babae ay dapat lang mabuntis ng kanyang asawa.

Sa mata ng mga tao, si Maria ay "asawa" ni Joseph pero sa mata ni Joseph, si Maria ay hindi na maaaring sa kanya dahil ang sinapupunan niya ay inari na ng Espiritu Santo.

Hindi na kailangang ipag-utos ng anghel o ng Diyos na huwag galawin ni Joseph si Maria. Sa mismong pagdadalantao ni Maria sa "Anak ng Diyos" ay maliwanag nang ipinakita kung sino ang nagma-may-ari sa kanyang buong pagkatao.

Kaya ano pa ang karapatan ni Joseph kay Maria?

Sa paghusga batay sa laman, mahirap paniwalaan na igagalang ni Joseph ang pagkatao ni Maria. Pero si Joseph ay hindi lang naman ordinaryong tao.

Hindi ba sabi nga sa Mt 1:19 siya ay taong "matuwid" kaya ang makakaintindi lang sa kanyang ikinilos ay mga tao rin na "matuwid." Tayo ba, matuwid?

Tulad ni Maria, si Joseph ay taong marunong sumunod sa kagustuhan ng Diyos. At tulad din ni Maria, siya ay sumunod sa utos na walang pag-aalinlangan. Sana ay magaya natin sila.

Tuesday, May 8, 2012

Dapat bang dumaan pa kay Maria?

Hunyo 25, 2003

MAY magandang tanong si Edgar Rualo ng ParaƱaque.

Sabi niya, "Who were James, Joseph, Simon and Judas in the Gospels of Matthew 13:55 and Mark 6:3? Were they Mary’s sons or the brothers of Jesus? Pray, tell me!"

Para maganda ay basahin natin ang mga talata. Heto ang sabi sa Matthew, "Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang pangalan ng ina niya ay Maria and hindi ba mga kapatid niya sina Santiago (James), Jose (Joseph), Simon at Hudas?"

Heto naman ang sinasabi ng Mark, "’Saan kinuha ng taong ito ang mga iyan?’ tanong nila. ‘Ano itong karunungan na ibinigay sa kanya na nakagagawa siya ng mga himala!"

"Hindi ba siya ang karpentero? Hindi ba anak siya ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba kasama natin ang mga kapatid niyang babae?’ At natisod sila nang dahil sa kanya."

Matagal nang isyu ‘yan laban kay Maria na sinasabing nagkaroon ng iba pang anak liban kay Hesus.

Sa tanong nga ni Edgar ay sinasabi niya kung "anak ni Maria" ang mga taong binabanggit sa mga talata o kung sila ay "kapatid" ni Hesus.

WALANG SINASABI sa mga talata na mga "anak" sila ni Maria. Ang sinasabi lang ay mga "kapatid" sila ni Hesus.

Sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya ay mahalaga na may alam tayo sa "background" ng mga talata, partikular ang mga salita.

Ang ibig kong sabihin ay kailangang mayroon tayong kaalaman sa "HERMENEUTICS" o ang siyensiya ng tamang pag-intindi sa mga sinasabi ng Kasulatan.

Halimbawa, sa salitang "kapatid" na binabanggit sa Mt 13:55 at Mk 6:3.

Sa salitang Griego, ang "kapatid" o "adelphos" ay maaaring mangahulugan ng mga tao na may iisang magulang.

Halimbawa niyan sina John at James na parehong anak ni Zebedee. Tulad ng sinasabi sa Mark 10:35, "At lumapit sa kanya (Hesus) sina James at John, ang mga anak ni Zebedee."

Pero ang salitang "kapatid" (brother, sa Ingles) ay maaari ring mangahulugan ng "kaanak," "kababayan," "malapit na kaibigan o kakilala" o isang "kapwa tao."

Kung papansinin natin, malawak ang ibig sabihin ng salitang "kapatid" o "adelphos" sa Griego.

Kaya sa paggamit ng mga salitang "kapatid" sa Mt 13:55 at Mk 6:3, puwede nating masabi na ang mga "kapatid" na tinutukoy ay maaaring mga kaanak, kababayan, kalahi o mga taong malalapit kay Hesus.

Isang bagay ang malinaw at uulitin natin, HINDI sinasabi na "anak sila ni Maria." Wala ring ibang talata sa Bibliya nadirektang magsasabi na may ibang anak si Maria liban kay Hesus.

Samantala, ang paggamit sa salitang "kapatid, " "brother" o "adelphos" ay ginamit sa maraming paraan.

Pero makikita natin na nag-iisang anak ni Maria si Hesus kapag binasa natin ang John 19:26-27.

Ganito ang sabi ng talata, "Nang makita ni Hesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad, sinabi niya, ‘Babae, narito ang iyong anak.’ At sa alagad ay sinabi niya, ‘Narito ang iyong ina.’ Mula sa oras na iyon ay pinatira na siya ng alagad sa kanyang bahay."

Puwede nating maitanong dito: "Kung may iba bang kapatid si Hesus ay ihahabilin Niya ang Kanyang ina sa isa Niyang alagad?"

Isa pa, kung talagang may ibang anak si Maria at tunay na mga kapatid ni Hesus, mayroon sanang mga nakasulat nito sa Banal na Kasulatan. Hindi ba?
 
At least, ‘yan ang pinaniniwalaan sa loob ng Iglesia Katolika.

u u u

Maganda rin itong tanong ni Reynaldo Angeles ng Libis, QC. Sabi niya, "Kung mananalangin ba ang tao, dapat ay dadaan pa kay Maria para humingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan?"
Simple lang ang sagot diyan, "HINDI."

Si Maria ay isa ring TAO at isang KRISTIYANO na ang magagawa ay tulungan tayo sa pagdarasal. At ‘yon ay kung gugustuhin natin.

Kung ayaw natin ay walang masama.

Kung nagagawa nating humingi ng panalangin sa ating mga pastor o ministro ay ganoon din lang sa kanya.

Marahil ang pinaka kaibihan nila ay si Maria ay tunay na malapit kay Kristo dahil siya nga ang ina ng Panginoon.