Showing posts with label Maria: Puede ba ipagdasal ang nasa lupa?. Show all posts
Showing posts with label Maria: Puede ba ipagdasal ang nasa lupa?. Show all posts

Tuesday, May 8, 2012

Si Kristo Hesus lang ang ‘mediator’

Hunyo 30, 2003

NAGPAPASALAMAT si J. Lazaga ng Taguig sa pagdarasal natin para sa kanya. At mayroon din siyang mensahe na hiling niyang mailathala.

Sabi niya, “May message ako sa mga pulis at mga kawani ng gobyerno mula sa itaas pababa. Heto ’yon, “Let’s cast off the deeds of darkness, and put on the armor of life. Let us live “HONORABLY” and with “DIGNITY.”

Maganda ang mensahe mo, J. Ang the best niyan ay samahan mo ng panalangin dahil sa nangyayari ngayon ay tanging Diyos na lang ang makatutulong sa atin. Diyos na lang kasi ang makakapagbigay sa atin ng lakas at tapang para sumalungat sa kasamaan sa mundo.

u u u

MAY mabagsik na reaksyon at hamon si Jun Baluyot ng Davao kaugnay sa paniniwala ng mga Katoliko na puwede silang tulungan ni Maria at ng mga santo sa pananalangin.

Ganito ang sabi niya, “I’m warning you. You are misleading the people of God. You teach a BIG LIE. Jesus is the ONLY MEDIATOR. Wala nang iba pa.”

Dagdag pa niya, “Hinahamon kita, Cenon, mag-pray ako kay God at ikaw naman kay Maria kahit ano i-pray mo tingnan natin kung sino ang totoo.”

Salamat sa text mo, Jun. Ang sinasabi mo ay matatagpuan sa 1 Timothy 2:5 na ganito ang sinasabi, “Dahil mayroong iisang Diyos at iisa ang tagapamagitan (mediator) sa Diyos at sa tao, ang taong si Kristo Hesus.”

Kung tama ang pagkaintindi ko sa text ni Jun ay sinasabi niya na hindi puwedeng humingi ng panalangin o ng tulong sa pagdarasal kay Maria. Sa isip siguro niya ay ginagawang “tagapamagitan” o mediator si Maria para sa tao at sa Diyos sang-ayon sa sinasabi ng 1 Tim 2:5.

Kung ganoon ang punto ni Jun ay ikinalulungkot ko na hindi niya naiintindihan ang kanyang sinasabi. Unang-una kasi ay hindi iyon ang ibig sabihin o ipakahulugan ng talata.

Para maintindihan natin ito ay basahin natin ang talata sa loob ng CONTEXT nito. Maiintindihan kasi natin ang kahulugan nito kapag isinama natin sa iba pang kasama nitong mga talata.

Basahin natin ang mga nauunang talata ng 1 Tim 2. Ganito ang sinasabi ng verse 1-4, “Ipinamamanhik ko sa inyo, una sa lahat, na magdasal kayo ng may paghiling, panalangin, PAMAMAGITAN at pasasalamat PARA SA LAHAT - para sa mga hari at lahat ng nasa kapangyarihan, para mabuhay tayo ng mapayapa at tahimik puno ng pagiging maka-Diyos at kabalanan.”

“Ito ay MABUTI at NAKAGAGALAK sa Diyos na ating Tagapagligtas na gustong maligtas ang lahat at makasumpong ng kaalaman sa katotohanan.”

Dito pumapasok ang sinasabi sa verse 5 na “Dahil mayroong iisang Diyos at iisa ang tagapamagitan (mediator) sa Diyos at sa tao, ang taong si Kristo Hesus.”

So kung titingnan natin nang BUO ang mga talata at hindi kakatayin ay makikita natin na may dalawang uri ng TAGAPAMAGITAN na binabanggit.

Ang una ay ang “tagapamagitan sa panalangin” (intercessor, sa Ingles) at ang “tagapamagitan” (mediator) sa tao at sa Diyos. Actually, halos pareho ang ibig sabihin ng “intercessor” at “mediator” at sa ibang pagkakataon ay ginagamit silang pamalit sa bawat isa.

Pero sa sitwasyong ito ay ginawan ng pagkakaiba dahil may ibang pakahulugan sa dalawang salita.

Sa unang salita (intercessor), ang tinutukoy ay ang pagdarasal “para sa lahat” o para sa ibang tao. Obvious naman siguro ’yon.

Ang pangalawang salita (mediator) ay kinuha sa salitang Griego na “mesites” na ang ibig sabihin ay “isang tao na namamagitan sa dalawang iba pa para IPANUMBALIK ang kapayapaan at pakikipagkaibigan, o para magbuo ng kasunduan.”

Sa madaling salita, ang una (intercessor) ay “tumutulong” sa pananalangin para sa ibang tao at ang pangalawa (mediator) ay “NAGPAPANUMBALIK” sa nasirang kapayapaan o relasyon at NAGBUBUO ng kasunduan.

Si Maria at ang lahat ng mga santo - bilang mga tunay na Kristiyano - ay sumusunod lamang sa unang tagubilin ng 1 Tim 2:1 na “manalangin para sa lahat.”

Samantala, ang sinasabi na si Jesus ang “one mediator” ay ipinakikita lang na SIYA LANG ang TANGI at NAG-IISANG “nagpanumbalik” ng relasyon ng tao at Diyos.

Kung babasahin mo kasi sa Genesis ay nasira ang relasyon ng tao at Diyos nang suwayin ng unang lalaki at babae ang utos sa kanila ng Panginoon. Ang naging resulta nga nito ay napalayas sila sa Eden.

Si Kristo Hesus ay naging tao para ipagkasundo uli ang tao sa Diyos. At dahil nga rito ay nabuo ang panibagong “kasunduan,” covenant o tipan.

Sabi nga mismo ng Panginoong Hesus sa Luke 22:20, “Sa ganoon ding pamamaraan, matapos ang hapunan, kinuha niya ang saro at sinabi, ’Ito ang saro ng BAGONG TIPAN sa aking dugo na ibinubuhos para sa inyo.’”

Sana ay maliwanag, Jun.

Ngayon, tungkol naman sa hamon mo. Ganito ang gawin natin, manalangin ka mag-isa sa Diyos na matagpuan ng mga mambabasa natin ang "kasinungalingan" na sinasabi mo at maakay sila sa "katotohanan" na alam mo.

Kasabay noon ay hihilingin ko ang tulong ni Maria at lahat ng mga santo sa pagdarasal na matagpuan ng mga mambabasa ang "katotohanan" na aking sinasabi.

Ano? Okay ba 'yon?

Tunay na Iglesia natalo ng peke?

Hunyo 24, 2003

SARI-SARI ang nakukuha nating reaksyon at suggestion. Tulad nitong sa reader na tinawag ang sarili niyang "Peter Paul."

Sabi niya, "Sana gawing isang page column mo."

Sana nga, Peter Paul. Ipagdasal natin dahil mangyayari ang dapat na mangyayari.

u u u

Heto naman ang reaksyon at suggetion ng suki nating si Edgar Rualo ng ParaƱaque, "It's unfair! Readers only use few text letters to explain the Word of GOD, but u have your whole column to rebut. Could we do it in writing?

Salamat kung makakasulat kayo o kahit fax para mas buhay ang usapan.

Kaya lang since limitado ang ating space paki-limit din ang inyong mga sasabihin.

u u u

May problema naman si J. Lazaga ng Taguig. Sabi niya, "Gusto ko ang column mo, nakaka-enlight. Kaya lang pag nababasa ko ang Halimuyak ay para akong pinag-aagawan ng anghel at demonyo."

Kung ako ang tatanungin ay mabuti ‘yan. Sa ganyan kasi ay mas mae-exercise mo ang iyong free will. Ibig kong sabihin ay baka dumating ang punto na maisipan mong pumili sa pagitan nila.

Ipagdarasal ko na mapili mo ang tama. Responsabilidad kasi ng bawat Kritiyano ang ipanalangin ang kanyang kapwa.

Sabi nga sa Colosians 1:9, "Sa dahilang ito, mula pa noong araw na narinig namin ang tungkol sa inyo ay HINDI NA KAMI TUMIGIL SA PAGDARASAL PARA SA INYO at humihiling sa Diyos na mapuno kayo ng kaalaman sa kanyang kalooban. Ito ay sa pamamagitan ng lahat ng karunungan at pangunawang espiritwal."

u u u

Dito ay ipapasok natin ang tanong ni Peter ng Bacolod City na ganito ang tanong, "Kapatid na Cenon, saan mababasa sa Bibliya na maaaring manalangin si Maria at mga Apostol para sa atin?"

Tulad ng sabi ko itaas, ang isang Kristiyano ay palaging nananalangin para sa ibang Kristiyano. Ang sabi pa nga sa Col 1:9 ay "HINDI TUMITIGIL" sa pagdarasal ang Kristiyano para sa kanyang kapwa.

Sa 1 Timothy 2:1 ay ito pa ang sinasabi, "Kaya nga, una sa lahat, ay ipinamamanhik ko sa inyo na ihingi, ipanalangin, ipamagitan at ipagpasalamat ninyo ang bawat isa."

Ngayon, puwede ba tayong humingi ng panalangin mula sa mga kapwa natin Kristiyano?

Ganito ang ehemplo na ibinigay ng sumulat ng Hebrew 13:18, "IPANALANGIN NINYO KAMI. Natitiyak naming malinis ang aming budhi. At ibig naming mamuhay nang maayos sa lahat ng bagay.

Dagdag pa niya sa verse 19, "Masikap kong ipinamamanhik sa inyo na IPANALANGIN NINYO AKO upang makasama ko kayo sa lalong madaling panahon."

Dito natin makikita na mismong ang Bibliya ay testigo sa paghingi ng panalangin ng mga Kristiyano sa kapwa Kristiyano.

Testigo rin ang Banal na Kasulatan sa katotohanan na ang mga tunay na Kristiyano ay nagdarasal para sa kapwa niya Kristiyano.

Kung tutuusin, si Maria at ang mga Apostol ang mga unang Kristiyano.

In fact, si Maria ang unang-unang tumanggap kay Hesus nang sabihin sa kanya ng anghel na magiging ina siya ng Manunubos at sumagot siya Luke 1:38, "Ako ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong sinabi."

Samantala, ang mga Apostol at mga santo ang mga Kristiyano na nagpakita ng lubos ding pagsunod at pagmamahal sa Panginoon. Kaya sila, una sa lahat, ang namumuno sa panalangin para sa iba pang Kristiyano.

u u u

Ganito naman ang sabi ni Jorge ng Negros Occidental sa sinabi ko na hindi puwedeng matalikod ang Iglesiang itinatag ni Kristo.

Sabi niya, "Posibleng naitalikod (pero hindi lahat) at napalitan ng Simbahang Katoliko. Tingnan mo ang paniniwala ng mga Katoliko: half-Christian, half-pagan."

"Tandaan mo Ka Cenon: Ang sino mang lumalabag at hindi sumusunod sa doktrina ay tumalikod."
Ang dating sa akin ng sinasabi mo, Jorge, ay maraming Iglesia na itinatag si Hesus at ang "ilan" dito ay natalikod at ang ilan naman ay hindi

Tama ba ang pagkaintindi ko?

Wala tayong pagtatalo riyan dahil tulad nga ng sabi ko, ang tunay na Iglesia na itinatag ni Kristo ay HINDI PUWEDENG MATALIKOD o MALIGAW o MAWALA.

Kung natalikod ‘yan ay hindi ‘yan ang Iglesiang itinatag ng Panginoong Hesus. Tama ba?

Ngayon, ang sinasabi mo ay "napalitan ng Simbahang Katoliko" ang "tunay" na Iglesia ni Kristo.

Tapos ang sinasabi mo ay "huwad" at hindi tunay na Iglesia ni Kristo ang Iglesia Katolika.

Kung totoo ang sinasabi mo na huwad nga ang Iglesia Katolika, ang sinasabi mo ba ay nanaig ang "huwad" sa "tunay" na iglesia?"

Pasensiya ka na, Jorge, hindi yata Biblical ‘yang sinasabi mo.

Pero baka naman tama ka. Kaya kung puwede paki text ‘yung talata sa Bibliya na nagsasabi na "napalitan ng huwad na iglesia ang tunay na Iglesia."

O kaya ay pakituro sa Bible ang verse na nagsasabi na puwedeng manaig ang kamalian sa katotohanan. Puwede?

Sa isyu naman ng "paglabag at hindi pagsunod sa doktrina."

Kaninong doktrina ba ang sinasabi mo? ‘Yun bang sa Iglesia na itinatag ni Kristo?

Kung "Oo," paki turo mo nga kung ano itong "iglesia" na sinasabi mo na may tama at tunay na doktrina.

Sa ginawa ko kasing pagsasaliksik ay ang Iglesia Katolika Romana lang ang matutukoy pabalik kay Kristo, bagkus sa paniniwala ko ay ang iglesia na may tunay at totoong doktrina.