Showing posts with label Bibliya: Binaluktot ng Bulaang Mangangaral. Show all posts
Showing posts with label Bibliya: Binaluktot ng Bulaang Mangangaral. Show all posts

Thursday, November 10, 2011

Maling salin laban sa imahen

Pebrero 23, 2003



LAST Sunday, inilabas natin ang reaksyon ni Bro. Rene ng “Jesus the Anointed One” ng Batangas sa serye ng mga column ko tungkol sa pagkakaiba ng mga rebulto at larawan sa Simbahang Katoliko at ng mga diyus-diyosan na ipinagbabawal sa Bibliya.

Nasabi ni Bro. Rene na “Hindi n’yo nga po sila (mga rebulto at larawan) sinasamba, pero paano po ninyo sasabihing ito ay pagsunod? Ang paggawa pa lang at pagkakaroon nito ay isa ng PAGSUWAY.”

Tapos ay nagbigay siya ng quotation na sabi niya ay galing sa “Magandang Balita” Bibliya kung saan sinasabi umano sa Exodus 20:4 at Deuteronomy 5:8 ang ganito,

“Huwag kayong gagawa o magkakaroon ng larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa dagat.”

Ipinakita natin na may pagkakamali sa pagkakaintindi ni Bro. Rene sa sinasabi ng Bibliya dahil MALI ang translation ng Bibliya na kanyang binabanggit. Sa tamang translation kasi ng dalawang talata na ‘yan ay ganito ang sinasabi, “Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosan sa anyo ng anumang bagay …”


MALING SALIN

Sinabi kong MALI ang pagkaka-translate sa ginamit na Bibliya ni Bro. Rene dahil wala tayong makikitang word na katumbas ng “magkakaroon” sa orihinal na teksto sa Hebreo.

Ang salitang ginamit doon ay “’asah” na ang ibig sabihin ay “gumawa o humubog” at HINDI “magkaroon.” Ibang-iba naman kasi ang kahulugan ng “gumawa” at “magkaroon.”

Mayroon ding mali sa pagkakagamit ng mga salitang “larawan o rebulto” sa Bible translation na ginamit ni Bro. Rene. Ito ay dahil sa orihinal na kasulatan sa Hebreo ang ginamit na salita sa dalawang talata ay “pecel” na ang katumbas na salita ay “idol” o “diyus-diyosan.”

Puwedeng ikatwiran ng ilan na ang isang “idol” o “diyus-diyosan” ay isang “larawan o rebulto.” Pero tulad nga ng sabi ko, may mali sa ganung pangangatwiran.

At ano ‘yon?

Ang isang “diyus-diyosan” o “idol” ay maaaring nasa hugis ng isang “larawan o rebulto” pero maling sabihin na ang isang “larawan o rebulto” ay isa na ring “diyus-diyosan.” Kayo mismo ang magsasabi na maraming “larawan” o “rebulto” na hindi naman dinidiyos.

At tulad nga ng sinasabi ko, ang mga “larawan” at “rebulto” sa Simbahang Katoliko ay HINDI mga diyus-diyosan.


DAGDAG-BAWAS

Diyan natin makikita na may “DAGDAG-BAWAS” sa Bibliyang ginamit ni Bro. Rene. Ang salitang “magkakaroon” ay idinagdag at sa paggamit naman ng mga salitang “larawan” at “rebulto” ay mayroong ibinawas.

At kung naniniwala tayo sa sinasabi ng Bibliya sa Revelations 22:18-19 ay hindi natin susundin ang sinasabi ng Bibliya ni Bro. Rene. Sapagkat sinasabi sa verse 18,

“Binabalaan ko ang sinumang nakakarinig ng mga hula sa librong ito: kung may magdadagdag sa mga ito ay idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na sinasabi rito.”

At sa verse 19 ay

“At kung may mag-aalis ng mga sinasabi sa mga hula sa aklat na ito, aalisin ng Diyos ang bahagi niya sa puno ng buhay at sa banal na lungsod na binabanggit sa librong ito.”

Tingnan ninyo, kapag mali ang batayan ng pananampalataya ay mali na rin ang nagiging paniniwala. Hindi lang ‘yon, baka matapon pa kayo sa impiyerno sa kabila ng sa pag-aakala ninyo na kayo ay sumusunod sa kagustuhan ng Diyos.


WALANG PAMBILI

Sa sulat pa ni Bro. Rene sa akin, sinabi niya “Paano po kaya ‘yung mga mahihirap na tao na hindi maka-afford to buy images or statues? Wala silang paalala sa dakilang pagmamahal ng Diyos. At ang mayayaman, they could have all images or idols of anything … Then the rich has more chance of being SAVED.”

Idinagdag pa niya, “One is not sure if that idol or image is really the face of a person or god it represents. Sure kaya? … Eh kung hindi kamukha, sino ‘yon?” GOD is spirit, kaya dapat siyang sambahin sa Ispirito at katotohanan. JOHN 4:24.”

Maganda ang mga sinasabi ni Bro. Rene rito. Paano nga naman kung walang pambili ng “images or statues?” Mas maliit ba ang tsansa nilang maligtas kaysa mayayaman na makakabili ng maraming larawan o rebulto?

Isa pa, wala nga namang makapagsasabi na ang mukha sa mga imahen o larawan ay ‘yon mismong sa ipinapaalala nuon.

Next Sunday, tatalakayin natin kung lamang talaga ang mayaman sa mahirap pagdating sa SALVATION. At kung nagkakamali ba ang mga Katoliko sa pagkakaroon ng mga “paalala” na hindi naman tiyak kung kamukha nga ng mga taong nire-represent nila.

Si Eliseo Soriano, bow!

Pebrero 9, 2003


'GUWAPO'

ISANG kakilala ko ang nag-react sa mga column ko tuwing Sabado at Linggo.

TUMBOK ang binibili niyang dyaryo at nagulat siya isang Sabado na nakita niya ang litrato ko sa column na ito.

“Ang guwapo mo pala sa litrato,” sabi niya.

“Bakit sa personal, hindi?” tanong ko naman.

“Teka, pag-iisipan ko,” banat naman niya.

Hihirit pa sana ako kaya lang ay baka bawiin pa niya ang pagsabi na “guwapo” ako sa dyaryo kaya nagpasalamat na lang ako sa kanyang pagpuri.


MALING UNAWA

Nabasa niya yung column ko last Sunday kung saan tinalakay ko kung paano gamitin ni Bro. Eliseo Soriano ang isang talata ng Bibliya para patunayan na hindi na raw nangagnailangan ng kasama ng Bibliya.

Binasa raw niya ’yung sinabi kong verses at nakita niyang “medyo” may mali nga sa paggamit ni Soriano.

Napapanood din pala niya ang broadcast ni Soriano sa TV at napapabilib din siya nito sa galing sa pagsasalita tungkol sa Bibliya.

Tapos eto na ang hirit ng kakilala ko. “Ano naman ang masasabi mo kay Brother Eli?”

Si Eliseo Soriano?


SAYANG SI SORIANO

Noon ko pa naman sinasabi na “bilib” ako sa kanya pagdating sa pagme-memorize at pagbigkas ng talaga. Pero kahit pa bilib ako sa utak niya, nanghihinayang naman ako dahil nasasayang ang kanyang galing.

At bakit naman?

Kasi po sa kabila ng galing niya sa pananalita at pagdugtong-dugtong ng mga talata, hindi tama ang kadalasan niyang ginagawang pagsusulsi ng mga salita sa Bibliya.

Ang ibig kong sabihin ay madalas na wala sa “context” ang kanyang mga sinasabi. Tulad na nga ng ibinigay kong halimbawa noong isang Linggo. Ginamit niya ang Isaiah 34:16 para sabihin na “hindi na magkukulang at mangangailangan ng kasama ang Bibliya.”

Pero kapag binasa mo naman ang buong chapter ay iba ang sinasabi nito. Ang sinasabing hindi na magkukulang at mangangailangan ng kasama ay ang mga hayop na maninirahan sa Edom matapos itong paghigantihan ng Panginoon.


MALI ANG DUGTONG

Madalas din siyang magdugtong ng mga hindi magkakaugnay na talata mula sa isang bahagi ng Bibliya at idudugtong ito sa isa pang talata mula sa iba na namang parte ng Banal na Kasulatan.

Kung nakikinig kayo kay Soriano, subukan ninyong basahin nang buo ang mga talata o chapter na kanyang binabanggit, lalo na ang kanyang pinagdudugtong-dugtong. Makikita ninyo ang ibig kong sabihin.

'Yon ay para kayo na ang makakita ng ibig kong sabihin.

H’wag magpaloko mag-aral tayo

Pebrero 2, 2003


NALOKO NA BA KAYO?

NARANASAN na ba ninyo ang maloko o magmukhang tanga? O kaya eh ang maniwala sa isang bagay na mali naman pala?

Ano ang pakiramdam? Nag-enjoy ba kayo o umusok sa galit? O kayo ba ‘yung tipo ng tao na napipilitan na lang manindigan sa isang bagay kahit mali?

“Narito na eh. Nagkasubuan at nagkahiyaan na. Panindigan na lang natin kahit mali.” ‘Yan ba ang inyong “motto” o panuntunan sa buhay? Sana naman ay hindi.

Ang sabi naman ng iba ay “Hindi naman maiiwasan ang pagkakamali.”

Kayo, ganito ba ang paniniwala? Ako oo.

Tao lang naman tayo. Hindi tayo Diyos na alam ang lahat ng bagay.


MAKAKAIWAS TAYO

Pero naniniwala rin ako na puwede tayong makaiwas para hindi mabiktima ng mga manloloko at ng mga tulad ng tao na tinatawag ni Lord Jesus sa Matthew 7:15 na “huwad na propeta” o sa Matthew 24:24 na “huwad na kristo.”

Si San Pedro naman ay tinawag sila sa 2 Pedro 2:1 na mga “huwad na mangangaral.” Samantala, si San Juan ay may tinawag sa 1 John 2:18 na mga “anti-kristo” na susulpot.

Siguro kung maloloko o malilinlang tayo sa pera ay pera lang ang mawawala sa atin. Pero kung ang mga sugo na ito ng demonyo ang makakabiktima sa atin, baka mag-goodbye tayo niyan sa ating kaluluwa.

Pero paano nga ba iiwas sa panloloko at panlilinlang ng mga ito?

Sinasabi ni San Juan sa 1 John 4:1,

“Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, sa halip, SUBUKIN muna ninyo ang mga espiritu kung sila ay mula sa Diyos sapagkat maraming bulaang propeta ang naririto na sa sanlibutan.”

Ngayon, paano tayo “magpapakatalino” at paano natin “susubukin” ang mga espiritu.

Isang paraan ay ang pag-aaral sa kanilang mga sinasabi, partikular sa kanilang mga ginagamit na talata sa Bibliya. Hindi nga ba’t ipinakita sa Matthew 4:6 na kahit ang demonyo ay marunong magbanggit ng citas o talata ng Bibliya?

At si San Pedro, sa 2 Pedro 1:16, ay nagsabi na may mga taong “mangmang at walang katatagan” na magbibigay ng “maling kahulugan” sa mga sinasabi ng kasulatan.

Siguro ay iniisip ninyo na hindi naman kayo “Bible experts” para intindihin ang sinasabi ng Kasulatan. Pero maniwala kayo sa hindi, kakayanin ninyong tumingin kung tama o mali ang sinasabi ng isang “mangangaral.”


KONTEKSTO

Ito ay sa simpleng pagbasa sa buong konteksto ng kanyang sinasabi.

Halimbawa, isang bagong sulpot na “mangangaral” na umaakit ng marami sa pamamagitan ng kanyang magaling na pananalita ay si Bro. Eliseo Soriano.

Kung sakali na marinig ninyo siyang magsalita at magbanggit ng mga talata sa Bibliya, agad ba dapat kayong maniniwala sa kanyang mga sinasabi dahil lamang magaling siyang mangatwiran?

Siya mismo ang nagsabi na “subukin” ang kanyang mga sinasabi.

Minsan, binibigyang katwiran niya ang pangangaral na batay o base lamang sa Bibliya. Ginamit niyang ang talatang Isaiah 34:16 para ipakita na “hindi na kailangan ng kasama” ng Bibliya.

Parang ganito ang sinasabi ng Bibliya na kanilang ginagamit:

“Hanapin ninyo sa aklat ng Panginoon at basahin: Wala rito ang magkukulang, wala ni isa ang maghahanap ng kasama: sapagkat iniutos ng aking bibig at ang espiritu ang nagtipon sa kanila.”

Kung itong nag-iisang talata na ito ang babasahin, lalabas na ang Bibliya ang sinasabing hindi magkukulang at hindi na maghahanap ng kasama.

Ngayon, para malaman kung tama ang paggamit at pakahulugan ni Bro. Eli rito, basahin ninyo ang buong chapter ng Isaiah 34.


PAGSUSURI

Makikita ninyo na ang chapter ay tungkol sa paghihiganti ng Panginoon sa Edom o Idumea. Basahin sa verse 8. Sa verse 9 ay sinasabi kung paano gagawing “nag-aapoy na asupre” ng Panginoon ang mga ilog at lupain ng Edom.

Sa verse 11 ay sinasabi na “maninirahan” at “aangkinin” ng kuwago ang lupain ng Edom. Doon din, ayon sa verse 14, ay magtatagpo ang mababangis na pusa at hayop.

Sa verse 15, ay sinasabi na “gagawa ng pugad doon [sa Edom] ang kuwago at doon mangingitlog.” Dagdag pa rito ay “magtitipon ang mga ibong mandaragit.”

At saka pumapasok ang sinasabi ng verse 16: “Hanapin ninyo sa aklat ng Panginoon at basahin: Wala rito ang magkukulang, wala ni isa ang maghahanap ng kasama: sapagkat iniutos ng aking bibig at ang espiritu ang nagtipon sa kanila.”

Ang tanong ngayon ay alin ang hindi magkukulang at hindi maghahanap ng kasama? Ang “aklat ba ng Panginoon” o ang mga hayop na binabanggit sa mga naunang talata?

Walang iba kundi ang mga hayop na pinatira ng Panginoon sa Edom.

Ang dali lang hindi ba? Kayang-kaya ninyo itong gawin at unawain.

Puwede rin ninyo itong gawin sa ibang talata na bibitiwan ng mga “mangangaral” para kahit papaano ay makaiwas tayo na maloko o malinlang.

Tuesday, November 8, 2011

Magpapaloko pa ba kayo?

Enero 26, 2003


NARANASAN na ba ninyong maloko?

Kung “oo,” ano po ang pakiramdam? Masakit, ‘di ba? Nakagagalit? Para kayong ginawang tanga?

Mayroon akong kakilala na nabiktima ng “dugo-dugo.” Napaniwala siya na naaksidente ang isa niyang kapamilya kaya sinunod niya ang lahat ng sinabi ng isang taong tumawag sa kanya sa telepono.

Huli na ang lahat nang malaman niyang naloko siya. Nagawa ng swindler na kunin at tangayin ang kanyang pera at alahas. Sayang. Siya ang nagpakahirap na kitain at ipunin iba naman ang nakinabang.

Ang laki ng sama ng kanyang loob sa pangyayari. “Ang tanga-tanga ko kasi!” hinagpis pa niya.

Kahit kanino naman siguro mangyari ‘yon ay sasama din ang loob nila. Baka nga may makapatay pa nang dahil doon. Pero huwag naman sanang umabot sa ganoon.

Kung ‘yung pera at alahas lang ang nawala sa kakilala ko ay ngitngit na ngitngit na siya, ano pa kaya kung maloko siya at malinlang at mismong kaluluwa niya ang manakaw? Grabe, habang panahon na niyang pagsisisihan ang hindi niya pag-iingat.

Ano ang “lesson” na dapat nating matutunan sa kuwento ng kakilala ko? ‘Yon ay “Huwag tayong tatanga-tanga.”

Masakit bang pakinggan?

Aba, talagang masakit ‘yon kapag nangyari na sa inyo. Kaya dapat na palagi tayong mag-iingat.


HUWAD NA KRISTO

Sa isyu ng kaluluwa, maging ang Panginoong Hesus ay nag-warning na sa mga mananampalataya sa Kanya habang narito pa Siya sa lupa.

Ganito ang sabi niya sa Mark 13:22-23,

“Magpapakita ang mga huwad na kristo at huwad na propeta at gagawa ng mga tanda at kababalaghan para iligaw, kung maaari, ang mga pinili. Magmasid! Sinabi ko na ito sa lahat sa inyo bago pa.”

Ayan, malinaw ang babala kaya dapat lang tayong mag-ingat.

Nitong mga nakaraang linggo ay ipinakita ko sa pamamagitan ng mga sulat nina San Pedro at San Pablo ang ilang paraan para makilala natin ang mga taong magliligaw sa iba.

Sa pahayag ni San Pedro sa 2 Pedro 1:20-21, inilahad niya na ang mga “huwad na mangangaral” ay gagamit ng “personal na interpretasyon” ng kasulatan para magligaw ng mga mananampalataya.

Ipinaliwanag pa niya sa 2 Pedro 3:16 na may mga bagay sa kasulatan, partikular sa mga sulat ni San Pablo, na “mahirap maunawaan na binabaluktot ng mga walang alam at walang katatagan.”


TALIWAS NA ARAL

Sa babala naman ni San Pablo sa Roma 16:17, sinabi niya,

“Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid na mag-ingat kayo sa kanila na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi at ng katitisuran na taliwas sa aral na inyong natutunan. Layuan ninyo sila.”

Maiuugnay natin ang “huwad na mangangaral” na sinasabi ni San Pedro at ang binabanggit ni San Pablo na mga gumagawa ng mga pagkakabaha-bahagi at katitisuran dahil sa “taliwas na aral” sa mga “huwad na kristo at huwad na propeta” na sinasabi ng Panginoon.

Sa lahat ng ito, makikita natin na mayroon nang mga mananampalataya na pilit na ililigaw at paghahati-hatiin sa pamamagitan ng panibagong aral na taliwas sa dati na nilang natanggap o pinaniniwalaan.

Isa ngang paraan na gagamitin nila ay ang mga maling pahayag o interpretasyon ng mga sinasabi ng Bibliya. Ito ay liban pa sa mga “tanda at kababalaghan” na maaaring ipakita nila o ng iba pang “huwad.”

Kaya nga mahalaga na maging marunong tayo at matuto ng tamang paraan sa pag-intindi ng mga sinasabi ng Banal na Kasulatan. Kung hindi-kung tayo ay magiging pabaya o magkikibit balikat lamang-baka tayo matulad sa kakilala ko na naloko at nalinlang.


TAMANG PAG-UNAWA

Last week binigyan ko kayo ng gabay kung paano makukuha ang tumpak na gustong sabihin ng Bibliya. At kung nabasa ninyo ang column ko kahapon, nakita ninyo ang isang ehemplo kung paano iintindihin ang isang talata at ang mga bahagi nito.

Sa column kahapon patungkol sa mga “diyus-diyosan,” rebulto, imahen at larawan ng mga santo, ikinumpara natin ang kahulugan ng bawat salita at nakita natin na magkakaiba ang mga ito. Sa madaling salita nga ay magkaiba ang “diyus-diyosan” sa mga rebulto at imahen sa Simbahang Katoliko.

Sa pamamagitan nito ay naipakita natin na mali ang iugnay ang mga imahen at rebulto sa Simbahan at sa mga “diyus-diyosan” na ipinagbabawal sa Banal na Kasulatan.

Tiningnan din natin ang mga pahayag ng mga “huwad na mangangaral” patungkol naman sa mga salitang “pagyukod” at “pagluhod” at nakita natin na hindi lang pala ginagamit ang mga ito sa “pagsamba.” Lumabas tuloy na hindi porke lumuhod ang isang tao SA HARAP ng isang imahen ay sinasamba na niya ito.

Simpleng bagay lamang ang malaman natin na hindi pala diyus-diyosan ang mga imahen at rebulto. Pero para sa mga taong naililigaw ng mga “huwad na mangangaral” ang paniniwala sa mga ito, doon nagsisimula ang iba pang mas malalim na pagliligaw at paglilihis sa tamang paniniwala.

H’wag yuyukod sa ‘diyus-diyosan’

Enero 25, 2003


NOONG isang Sabado, tinumbok natin ang kamalian ng ilang "mangangaral" na nagliligaw sa maraming tao dahil sa baluktot nilang aral tungkol sa mga "diyus-diyosan," mga rebulto at imahen.

Medyo naging brutal lang ang impact ng aking paliwanag na hiningi ng isa nating reader na pumuna sa umano'y pagkakalihis ng mga Katoliko at ng Simbahan pagdating sa mga "diyus-diyosan."

Nagmukha bang galit ako sa ibang tao?

Hindi po. Iginagalang natin ang lahat ng tao at ang kanilang paniniwala.

Kung may binabanatan tayo at tinutumbok ay 'yung mga maling aral na itinuturo nila laban sa mga Katoliko - tulad nga ng isyu tungkol sa mga santo at sa mga rebulto at imahen.

Puwede naman kasi silang maniwala sa Diyos pero gumagawa pa sila ng maling kuwento laban sa ibang tao. Doon tayo kontra.

Marami kasing tao tulad ng ating letter sender na si Mrs. Adoracion C. Espiritu ng Angono, Rizal, na sa paniniwala ko ay naimpluwensiyahan lamang ng baluktot na aral ng tinawag ni San Pedro na mga "huwad na mangangaral." (2Pedro 2:1)


MAGKAIBA

Last week nga ay tinumbok natin ang mali nilang aral tungkol sa mga imahen, rebulto at larawan sa Simbahang Katoliko. Sinasabi kasi nila na ang mga ito ay ang mga "diyus-diyosan" na ipinagbabawal sa Bibliya, partikular sa Exodus 20:4 at sa Deuteronomy 5:8.

Ipinakita natin na hindi ang mga imahen, rebulto at larawan ang ipinagbabawal sa mga talatang ito kundi mga "diyus-diyosan."

Sa madaling salita, ang mga ito ay hindi mga "diyus-diyosan." Ang mga "diyus-diyosan" ay ginagawang "diyos" na ipinapalit sa iisa at tunay na Diyos. Samantala, ang mga imahen, rebulto at larawan ng mga santo ay ginagamit para maalala natin ang dakilang pagmamahal at pagsunod nila sa Diyos. Imbes na ilayo ang tao sa Diyos ay layunin pa ng mga imahen na patibayin ang faith natin kay Lord.

Kahit sino naman sigurong bata ay makikita ang kaibahan ng dalawang 'yan.

Pero mayroon akong iniwan na tanong noong Sabado. Sabi ko, "Kung hindi mga diyus-diyosan ang mga imahen at rebulto, bakit sila 'niyuyukuran' at 'niluluhuran'?" Ang sabi kasi sa Exodus 20:5 at Deuteronomy 5:9 ay

"Huwag kayong yuyukod sa kanila o sasambahin sila."

Sa mali at "out of context" na turo ng mga "huwad na mangangaral," nilalahat nila o ginagawa nilang absolute ang pagbabawal sa pagluhod at pagyukod.

Sino ba itong ipinapakikilalang "pantas" daw na nagsasabi na "basta lumuhod" kayo sa isang bagay ay "sinasamba" na ninyo ito?

Sabagay, hindi na siya mahalaga. Ang mahalaga ay maituwid natin ang mali niyang itinuturo.


SINASAMBA BA?

Tama ba na kapag lumuhod kayo o yumuko sa harap ng isang bagay ay sinasamba na ninyo ito? Paano kung nagpapalit kayo ng gulong ng kotse o trisikel-mga bagay na gawa ng tao at may hugis ng araw dahil ang mga ito ay bilog?

Gagawin ba ninyo ito ng nakatayo o nakahiga? Kayo ba ay tutuwad? Malamang na kayo ay luluhod o yuyuko, hindi po ba?

Ngayon, kung susundin natin ang "personal na interpretasyon" ng mga "huwad na mangangaral," lalabas na sinasamba natin ang gulong! Diyan pa lang ay makikita ninyo kung gaano kabaluktot ang aral ng mga "huwad na mangangaral."

Pero kung iintindihin natin ang sinasabi ng Bibliya sa tamang konteksto ay makikita natin na hindi ang mismong pagyukod o pagluhod ang ipinagbabawal kundi ang "pagsamba" na ibinibigay sa bagay na niyuyukuran o niluluhuran.

Ang konteksto kasi nito ay ang pagbabawal ng Diyos sa pagkakaroon ng tao ng "ibang diyos" at mga "diyus-diyosan" na hindi dapat sambahin. Ang pagyukod o pagluhod ay ginamit lang na panlarawan dahil maaari itong maging expression ng pagsamba.

Ngayon, kung lumuluhod ba ang isang tao sa harap ng isang imahen o rebulto ay sinasamba na niya ito? HINDI.

Tingnan ninyo ang kaibahan. Ang nagdarasal ay lumuluhod o yumuyukod SA HARAP ng imahen o rebulto. Hindi ang mismong imahen o rebulto ang niyuyukuran o niluluhuran. Sa madaling salita ay hindi sa mga bagay na ito nakadirekta ang pagluhod o pagyuko.


ANG PAGLUHOD, BOW!

Pero bakit ba yumuyuko o lumuluhod?

Sabi natin, ang mga ito ay puwedeng pahiwatig ng pagsamba. Pero hindi lang 'yon ang gamit sa kanila.

Ang pagluhod ay isang paraan ng pagbibigay galang o respeto. Sa isyu ng mga imahen at rebulto, ang paggalang o pagrespeto ay hindi sa bagay ibinibigay kundi sa persona na inilalarawan o ipinaaalala nito.

Ang pagluhod din ay isang uri ng disiplina. Ang layunin nito ay tulungan ang tao na tumutok sa pagdarasal. Nagkakataon lang na kapag nagdarasal ang mga Katoliko ay mayroon silang gamit na imahen na maaaring makatulong din para maitutok ang isip ng nagdarasal sa kanyang ginagawa.

Ngayon, kung ang dinadasalan ng isang tao ay ang mismong imahen o rebulto at ginagawa niya itong diyos, nagkakamali siya at dapat siyang magbago. Pero hindi ang imahen o rebulto ang may prolema kundi ang tao na mismo.

BAKIT GANOON? Isa ang Bibliya, marami ang relihiyon

Enero 19, 2003


ISANG kakilala ko na nakabasa sa mga nauna nating mga column tungkol sa Bibliya ang nagtanong sa akin. "Bakit ba maraming relihiyon samantalang iisa lang naman ang Bibliyang binabasa nila?"

Samantala, dahil sa kalituhang dala ng sari-saring grupong ito, isang uncle ko ang nagsabi na "gawa lang naman kasi ng tao ang Bibliya." Isa namang dati kong kaeskuwela ko sa UP ang nagsabi na "Ginagamit lang ng mga imperyalista ang Bibliya para kontrolin ang isip ng mga tao."

Kayo, ano ang palagay ninyo? O hindi rin kayo mapalagay?

Ang kalituhan at pagkakahati-hati ng mga nagbabasa ng Bibliya ay hindi dahil sa may mali sa Banal na Aklat. Ang kaguluhan ay dala ng katigasan ng ulo ng ilang tao na nagkukunwaring mga "sugo," "mangangaral," "pastor" o "ministro" na pilit gumagawa ng interpretasyon sa mga sinasabi ng Bibliya.

Ang ganitong maling gawain ang tinumbok ni San Pedro sa 2Pedro 1:20 at 21 nang sabihin niya,

"Alamin ninyo ito una sa lahat, walang pahayag sa kasulatan ang maaaring intindihin nang pansarili, dahil walang pahayag ang dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao ngunit sa pananalita ng mga tao na inudyukan ng Diyos at pinakilos ng Espiritu Santo."

Bago ito, sinabi ni San Pedro kung sino ang may kapangyarihang magpahayag ng tunay na kahulugan ng Kasulatan. Sinabi niya sa 2Pedro 1:19 na

"Taglay namin ang mga pahayag na mapagkakatiwalaan. Makabubuti na isaalang-alang ninyo ito."

Makikita ninyo na mayroong maling interpretasyon at may tamang pahayag. Ang maling interpretasyon ay magmumula sa "personal" na pahayag ng isang tao. Samantala, ang tamang pag-unawa ay galing sa mga tulad ni Pedro na "nakasaksi" sa kadakilaan ng Panginoong Hesus. (tingnan sa 2Pedro 1:16 at 18)

Sa madaling salita, ang tamang pahayag ay mula sa pagkakasaksi nila sa mga aktuwal na pangyayari. Nakapaloob ito sa "konteksto." Sa kabilang dako, ang maling pahayag ay base sa pansariling pag-unawa ng mga "huwad na mangangaral" (2Pedro 2:1)

Hindi na tayo magtataka kung bakit marami ang nagtatayo at nagsisimula ng kung anu-anong grupo o sekta na iba-iba ang paniniwala sa kabila ng pagsasabi nila na "nakabatay sa Bibliya" ang kanilang itinuturo.

At kung papansinin ninyo, kadalasang dumarami ang mga sekta o grupong ito ay dahil may mga "pastor," "ministro" o "mangangaral" na hindi nagkakasundo sa "pansarili" nilang interpretasyon sa sinasabi ng Bibliya. Naghihiwalay tuloy sila at nagbubuo ng kani-kanilang grupo.

Sa mula't-mula pa ay ito ang pinababantayan ni Apostol Pablo nang sabihin niya sa mga Kristiyanong Romano.

Sa Roma 16:17, sinabi niya,

"Ipinamamanhik ko sa inyo mga kapatid na mag-ingat kayo sa kanila na nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi at ng katitisuran na taliwas sa turo na inyong natutunan. Layuan ninyo sila."

At bakit sila dapat layuan? Sabi sa Roma 16:18,

"Ito ay sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod sa ating Panginoong Hesu Kristo kundi sa mga sarili nilang tiyan."

Ngayon, paano inililigaw ng magugulo ang ibang tao? Sabi sa susunod na talata,

"Sa pamamagitan ng maganda at mabolang pananalita ay nililinlang nila ang puso ng mga walang malay."

Hindi nga ba na marami sa mga bagong sulpot na "mangangaral" ngayon ay magaling sa pananalita? Hindi ba nakakadala ang kanilang mga pangungusap? At ang kadalasang nakukumbinsi nila ay mga tao na walang alam at nagsusuri o naghahanap ng katotohanan?

Dito ay babalikan natin ang tanong na iniwan natin noong isang Linggo: "Paano ang tamang pagbasa sa Bibliya?"

Heto ang ilang gabay para hindi tayo maligaw o makaligaw sa sinasabi ng Bibliya.

1. Alamin ang binabasa. Sinabi ko noong isang Linggo na ang Bibliya ay binubuo ng iba't-ibang uri ng literatura. Maaari itong maging aklat, sulat, awit, tula, kuwento, kasaysayan at iba pa. Ang isang tula o awit na gumagamit ng figurative speech o poetic language ay hindi maaaring intindihin tulad ng pag-intindi sa isang sulat o diskurso na mas direkta.

2. Alamin ang konsteksto. Sino ang kausap ng nagsasalita? Kailan isinulat ang bahagi ng Bibliya na binabasa? Ano ang panahon noon? Kung may mga "key words," ano ang ibig sabihin ng mga ito sa panahon o sitwasyon nang ito ay isinulat?

3. Tandaan na ang Bibliya ay translation lang. Ano ang ibig sabihin ng mga salita sa orihinal na lengguwahe (Hebreo, Aramaico o Griego) at orihinal na kultura (Hentil o Hudyo) kung saan ito unang ginamit?

4. Tandaan na ang Bibliya ay nabuo sa loob ng Iglesiang Kristiyano. Ano ang pakahulugan o sinasabi ng mga unang Kristiyano sa mga talatang gustong intindihin?

Madugo ba? 'Yan ang kapalit ng katotohanan.

Next week. Ilang ehemplo ng tamang pag-unawa sa sinasabi ng Bibliya.