Tuesday, March 12, 2013
Ang Ama ay ‘Diyos’ ni Kristo Hesus
KAHAPON ay ipinakita natin ang pagka-Diyos ni Kristo. Ngayon ay sasagutin natin itong magandang tanong si Arnel ng Tarlac.
Ganito ang sabi niya, "Mr. Cenon Bibe Jr. paano mo nasasabi na si Kristo ay diyos gayong si Kristo mismo ay may kinikilalang Diyos? Ang Ama na nasa Langit."
Salamat sa tanong mo, Arnel. May katwiran ka para magtanong ng ganyan.
Pero ipagpaumanhin mo kung sasabihin ko na ang tanong na ganyan ay dala ng limitadong kaalaman sa Bibliya at sa mga dahilan kung bakit nasulat ang mga laman nito.
Pero bago ko ipaliwanag kung bakit ko nasabi ‘yan ay basahin muna natin ang ilang talata kung saan tinatawag nga ni Kristo na "Diyos" ang Ama. Ito ang John 20:17 at Matthew 27:46.
Ganito ang sinasabi ng John 20:17, "Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakakabalik sa Ama."
"Sa halip ay puntahan mo ang aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila: Ako ay babalik sa aking Ama at sa inyong Ama, sa AKING DIYOS at sa inyong Diyos."
Ganito naman ang sinasabi sa Mt 27:46, "Noong bandang ika-siyam na oras, sumigaw si Hesus: Eli, Eli lama sabachthani? -- na ang kahulugan ay ‘DIYOS KO, DIYOS KO, bakit mo ako pinabayaan?"
Sa dalawang talata ay tinawag ni Hesus na "Diyos" ang Ama. Pero nangangahulugan ba ito na hindi Siya Diyos?
u u u
Ngayon, ipaliliwanag ko kung bakit dala ng "limitadong kaalaman sa Bibliya" ang pagsasabi na hindi Diyos si Kristo porke tinawag Niyang Diyos ang Ama.
Dapat nating malaman na ang DAHILAN kung bakit nasulat ang mga Ebanghelyo ay para IPAKITA ang mga GINAWA ni Kristo para TUBUSIN ang tao sa kasalanan.
Ang DAHILAN na ito ay IBA sa dahilan kung bakit nasulat ang ibang nilalaman ng Bibliya, tulad ng Old Testament.
Ayon sa John 5:39, ang Lumang Tipan ay nasulat upang "MAGPATOTOO" kay Hesus.
Samantala, ang Bagong Tipan, partikular ang mga Ebanghelyo, ay nasulat para tayo ay MANIWALA kay Kristo at MALIGTAS.
‘Yan nga ang sinasabi John 20:31, "Pero ang mga ito ay nasulat PARA KAYO AY MANIWALA na si Hesus ay ang KRISTO, ang Anak ng Diyos, at sa paniniwala ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan."
So nakikita natin na ang iba’t-ibang bahagi ng Bibliya ay may iba’t-ibang dahilan din kung bakit sila nasulat.
Kaya nga marami ang nagkakamali sa pag-unawa ng mga sinasabi ng Bibliya ay PINAGHAHALO-HALO nila ang mga sinasabi at diwa ng mga Kasulatan.
u u u
Ngayon, para maunawaan natin kung bakit tinawag ni Hesus na Diyos ang Ama, kailangang makita natin ito sa KABUOHAN ng KUWENTO ng KALIGTASAN.
Una, kinailangang maging TAO ang Diyos para MABAWI Niya ang PAG-AALIS Niya ng buhay na walang hanggan sa tao.
Noon kasing nagkasala sina Eba at Adan ay PINALAYAS sila ng Diyos sa Paraiso at hindi sila nakakain mula sa Puno ng Buhay. (Genesis 3:24)
Kaya nga may kamatayan sa mundo. (Roman 6:23)
Diyos ang NAG-ALIS ng buhay na walang hanggan kaya Diyos din lang ang puwedeng MAGBALIK nito.
Pero para mangyari ito, kinailangan na may TUMUBOS sa tao. At si Hesus ang gumawa nito.
Pahayag nga ng 1 Timothy 2:5-6, "Dahil iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at tao, ang taong si Kristo Hesus, na NAGBIGAY sa kanyang sarili bilang PANTUBOS PARA SA LAHAT NG TAO. Ito ang patotoo na ibinigay sa tamang panahon."
Bilang tagapamagitan kinailangan ni Hesus na MAGPAKUMBABA at MAKIISA sa tao sa kabila na Siya ay Diyos.
Kaya nga sinasabi sa Philippians 2:5-8, "Ang kaisipan ninyo ay dapat maging tulad ng kay Kristo Hesus, na kahit NASA ANYO ng DIYOS, ay hindi itinuring ang kanyang sarili bilang kapantay ng Diyos, bagay na dapat maunawaan."
"Pinawalang kabuluhan niya ang kanyang sarili at tinanggap ang pinaka kalikasan ng isang alipin at NAGING TULAD NG TAO."
"Yamang siya ay nasa anyo bilang tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan -- maging kamatayan sa krus!"
Nakikita natin dito na sa kabila ng Siya ay "NASA ANYO NG DIYOS," ang PAKIKIISA ni Hesus sa tao ay lubos.
Ganoon din naging LUBOS ang Kanyang PAGPAPAKUMBABA.
Kaya hindi kataka-taka na TAWAGIN Niyang "Diyos Ko" ang Kanyang Ama.
‘Yan ang KONTEKSTO ng mga sinabi ng Panginoon. At dahil diyan ay WALANG KONTRADIKSYON sa Kanyang pagiging Diyos.
Sa katunayan, kabaliktaran ito ng gawain ng iba riyan na pilit na NAGPAPAKA-DIYOS sa kabila na sila ay mga tao lamang.
Ang kahalagahan nito ay ipinakita ni Hesus kung gaano kahalaga ang pagpapakumbaba at pagpapasakop ng isang Kristiyano sa Diyos.
Sunday, November 6, 2011
Hesus, Diyos at Hari
SA ISANG bahagi ng Bibliya, partikular sa Matthew 16:15, ibinato ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga apostol ang katanungang ito: “Para sa inyo, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
Agad namang may sagot si San Pedro sa tanong na ’yan ni Lord. “Ikaw ang Mesias, ang Anak ng Diyos na buhay.”
Kung titingnan ninyo, hindi lang isa ang sagot ni Pedro sa tanong ni Hesus. Dalawa ang kanyang deklarasyon. Una, si Hesus ay ang “Mesias.” Pangalawa, si Hesus ang “Anak ng Diyos na buhay.”
Sa Bibliya, ang salitang “mesias” na ang kahulugan ay “anointed” o “hinirang” ay may dalawang gamit.
Ang una gamit dito ay “politikal.” Ito ay dahil ang “mesias” na kilala, hinihintay at patuloy na hinihintay ng mga Israelita o ng mga Hudyo ay isang tao na hihirangin ng Diyos para magi nilang tagapagligtas.
Ang “mesias” ng mga Hudyo ay manggagaling sa angkan ni Haring David at ito ang magliligtas sa kanila mula sa kanilang mga kaaway.
Although ang salitang “mesias” o “anointment” ay ginagamit sa ilang persona ng Bibliya tulad ng mga pari at iba pang tauhan, ito ay pangunahing ginagamit para sa mga hari ng Israel. Samakatuwid, isa Siyang “hari.”
Napakaganda ng sagot ni Pedro sa tanong ni Hesus dahil hindi siya tumigil sa pagiging “Mesias” ng Panginoon. Agad niyang idinugtong na si Hesus ay “Anak ng Diyos na buhay.”
Dito ay ipinakita sa Bibliya na si Hesus ay hindi lamang isang “political messiah” o pampulitika lang tulad ng hinihintay ng mga Hudyo. Siya ay higit sa lahat isang “spiritual messiah” na hinirang para iligtas hindi lamang ang isang bansa — ang
Bilang “Anak ng Diyos” si Hesus ay kaisa sa pagka-Diyos ng Diyos. Kaya nga iisa rin ang pangalang dala ng Ama at ni Kristo na Kanyang Anak. Ito ang pangalang Yahweh o Panginoon na nagpapakita ng kanilang pagiging Isa.
Ito nga ang tinalakay ko sa ilang mga nauna kong column.
Sa pagpapakilala kay Hesus bilang Mesias at Anak ng Diyos, Siya ay ipinakikilala bilang Hari at Diyos. At ’yan ay nagbibigay daan sa isa pang titulo ng Panginoon. ’Yan ang titulo bilang Kristong Hari o Christ the King, na ngayon ang kapistahan.
So ang tanong sa atin ngayon ay si Hesus ba ang ating Diyos at Hari?
Thursday, November 3, 2011
Si Hesus ay si ‘Yahweh’
ILANG linggo na nating pinag-uusapan ang tungkol sa pagiging tunay na Diyos at tunay na tao ng ating Panginoong Hesus.
Noong isang Linggo ay ipinakita ko na sa kabila ng pagiging Diyos ni Hesus ay "Isa" pa rin Siya at ang Diyos Ama. Sa pananampalatayang Katoliko 'yan ang sinasabing Iisang Diyos na may iba't-ibang persona.
Ang natalakay ko na ay ang persona ng Diyos Ama at ang persona ng Diyos Anak. Sa mga susunod na column ko na pang araw ng Linggo ay tatalakayin ko naman ang persona ng Espiritu Santo.
Ngayong araw na ito, ang ipakikita ko ay kung paano naging "Isa" ang Diyos Anak at Diyos Ama. At ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita na Sila ay may iisang pangalan.
Noong unang panahon, alam na ng mga Hebreo ang pangalan ng Diyos. Ito ay ibinunyag ng Diyos mismo kay Moises sa bundok ng Sinai.
Sa Exodus 3:13 ay tinanong ni Moises ang Diyos kung ano ang pangalan nito. Sa sumunod na talata ay sinabi ng Diyos, "Ako ay ang Ako." Sa Ingles, ito ay "I Am Who Am."
Pero ang mga ito ay translation lamang ng original na mga letrang "YHWH" na matatagpuan sa orihinal na manuskrito ng Banal na Kasulatan. Ang pangalang ito ay binibigkas na "Yahweh."
Sa kasamaang palad, natakot ang mga Hebreo na banggitin ang pangalang "Yahweh." Isang dahilan ay naniwala sila na hindi sila karapatdapat na sambitin ang pangalan ng Diyos.
Imbes na Yahweh, ang sinasambit nila ay "Adonai," isang salitang Hebreo na ang kahulugan ay "Lord" o "Panginoon." Sa mga Hudyo, ang titulong "Adonai" ay sa Diyos lamang ginagamit at hindi na sa iba pa.
Sa New Testament, kung saan Griego ang ginamit na salita, ang salitang ginamit para i-translate o isalin ang "Adonai" ay "Kyrios." Ibig sabihin, ang dalawang titulo na ito ay parehong sa Diyos lamang ibinibigay o sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos.
Ibig ring sabihin na ang "Kyrios" ay tumutukoy kay "Yahweh" o na si "Yahweh" ay si "Kyrios."
Ang hindi alam ng maraming tao, lalo na ng mga nagdududa sa pagka-Diyos ni Hesus, ang salitang "Kyrios" ay ginamit din para ipakilala ang Panginoong Hesu Kristo.
Sa Philippians 2:11, idineklara ni San Pablo na "ang bawat dila ay magdedeklara na si Hesu Kristo ay Panginoon (Kyrios o Adonai), sa kapurihan ng Diyos Ama."
Dito ay ibinibigay ni Pablo ang titulo at pangalan ng Diyos na si "Yahweh" kay Kristo. Kaya nga sinasabi rin sa Philippians 2:9 na "Lubos siyang (Hesus) itinaas ng Diyos at ibinigay sa kanya ang pangalan na angat sa lahat ng pangalan."
Meron pa bang pangalan na tataas sa pangalan ng Diyos na si Yahweh?
Wala na po.