Showing posts with label Lent. Show all posts
Showing posts with label Lent. Show all posts

Sunday, November 20, 2011

‘Di pagkain ng karne, ‘aral ng demonyo?’

Marso 16, 2003


KUWARESMA na naman. Madalas na naman nating maririnig ang mga salitang “fasting” at “abstinence.”

Ang “fasting” at “abstinence” o ang pansamantalang pag-iwas sa ilang pagkain ay malaking bahagi ng Kuwaresma o Lent, ang panahon kung kailan inaanyayahan tayo ng Simbahan para mag-isip tungkol sa ating buhay at maiugnay ito sa pagliligtas na ibinibigay ng ating Panginoong Hesu Kristo.

Noong unang panahon ng Kristiyanismo, ang “fasting” at “abstinence” ay ginagawa sa buong taon, partikular sa mga araw ng Miyerkules, Biyernes at Sabado.

Ang mga gawaing ito sa panahon ng Kuwaresma ay bilang paghahanda sa pagdiriwang ng sangka-Kristiyanuhan ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday.

Napakaganda ng “fasting” at “abstinence” para sa paghahanda. Maging si Lord Jesus ay nag-ayuno ng 40 araw at 40 gabi bilang paghahanda sa Kanyang ministeryo.

Mababasa natin sa Matthew 4:1-2 ang ganito, “Nang magkagayon, pinatnubayan ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Nang siya ay makapag-ayuno na ng apatnapung araw at apatnapung gabi, nagutom siya.”

Ang lahat ng Kristiyano ay hinikayat na mag-aayuno at umiiwas sa karne dahil malaki ang naitutulong nito sa pag-alala sa paghihirap na dinanas ni Lord para mailigtas tayo sa ating mga kasalanan.

Sa paglipas ng panahon, bandang 12th century ay nagkaroon ng pagbabago sa pag-alala. Ang pagpa-fasting ay ginawa na lang tuwing Ash Wednesday at lahat ng Biyernes ng taon. Mahalaga ang araw ng Biyernes dahil ito ang araw na ipinako sa krus at namatay ang ating Tagapagligtas.

Simula ng mid-1960s, ang mga Kristiyano, partikular ang mga Katoliko, ay hinihikayat na mag-aayuno at mag-abstain sa karne tuwing Ash Wednesday at Biyernes Santo. Samantala, ang lahat ng Biyernes sa panahon ng Kuwaresma ay araw ng pag-iwas sa pagkain ng karne.

Sinu-sino ba ang hinihikayat na mag-fasting at mag-abstinence?

Ang “fasting” ay para lang sa mga tao na may edad 18 hanggang 59. Ang mga may sakit at mahihina ay hindi na kasama rito. Samantala, ang pansamantalang pag-iwas sa pagkain ng karne ay para sa lahat na may edad mula 14 anyos pataas.

Ayon sa Simbahan, malaki ang nagagawang mabuti sa isang tao kung pipiliin ng isang tao na umiwas sa mga bagay na nagdudulot at nagbibigay sa kanya ng “sarap.” Kasama na riyan ang pakikipagtalik, ang pagkain ng kendi o panonood ng sine at iba pa.

Ang gustong mangyari ng “abstention” ay matuto tayong “magbigay” ng isang bahagi ng ating sarili para madama natin kahit papaano kung ano ang ibinigay ng Panginoon para mailigtas tayo sa kaparusahan na dala ng ating mga kasalanan.

Sabi nga sa John 3:16,

“Ganoon na lang ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan na IBINIGAY niya ang kanyang bugtong na anak nang sa gayon ay sino man ang manampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Si Hesus naman ay IBINIGAY ang Kanyang buhay para sa lahat.

Pero sa kabila ng kagandahan at kadakilaan na dala ng pag-a-“abstain,” may mga tao na nakukuha pang siraan at batikusin ang paggawa nito.

Sa pamamagitan ng MALI nilang pag-unawa sa Bibliya ay itinuturing pa nilang “sa demonyo” ang pag-a-“abstain.”

Ginagamit nila ang 1 Timothy 4:1-3 kung saan nasusulat:

“Ngunit maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa huling panahon ay iiwan ng ilang tao ang pananampalataya. Bibigyang pansin nila ang mga espiritung mapanlinlang at ang mga katuruan ng mga demonyo … may ipinagbabawal sila na pagkain...”

Iniuugnay nila ang aral ng demonyo na nagbabawal sa ilang pagkain sa pag-abstain ng mga Katoliko sa ilang pagkain tuwing Kuwaresma.

Nagkakamali ang mga naninira sa pag-intindi sa talatang ito dahil kung babasahin natin ang kasunod na talata sa 1 Timothy 4:4 ay makikita natin ang pagkakaiba ng “aral ng demonyo” sa “abstention.”

Sabi sa 4:4, “Ito ay sapagkat ang lahat na nilikha ng Diyos ay mabuti, na dapat tanggaping may pasasalamat at hindi ito dapat itakwil.”

Sa “aral ng demonyo” kaya ipinagbabawal ang ilang pagkain ay dahil itinuturing ito na “hindi mabuti” at ito ay “itinatakwil.”

Sa “abstention,” hindi nito sinasabi na “masama” ang ilang pagkain. Hindi rin “itinatakwil” ang mga ito kundi isinasa-isangtabi lamang. Pagkalipas ng Biyernes ay puwede na uli itong kainin.

Diyan pa lang ay makikita natin na kung paano binabaluktot ng demonyo ang aral ay ganoon din kung baluktutin ng ilang “mangangaral” ang katotohan para nila masira ang isang mabuting bagay.

Ash Wednesday: Bagong buhay? Heto na ang pagkakataon mo

Marso 9, 2003


NITONG nakaraang Miyerkules [Ash Wednesday] napansin siguro ninyo ang mga taong mukha namang naligo, malinis naman ang kasuotan pero naglalakad sila sa mga “mall” at pumapasok sa trabaho na mayroong “uling” sa mukha.

Sana ay hindi kayo nagulat o natawa. Ash Wednesday po kasi. ’Yan ang tanda ng pagsisimula ng Kuwaresma o Lent sa mundo ng mga Kristiyano, partikular sa Simbahang Katoliko.

Pero teka nga muna. Taun-taon na lang ay ginagawa itong “Kuwaresma” na ito at taun-taon na lang ay nagpapalagay kayo ng “abo” sa inyong noo o nakakakita ng mga taong mayroon nito.

Tapos ay nauuso ang mga salitang “fasting” at “abstinence.” Hindi lang ’yon, ito ang panahon kung kailan nagsusulputan ang mga taong nagbibitbit ng krus sa kalsada at ang iba pa ay nagpapapako sa krus.

Ano nga ba itong Kuwaresma na ito? Inimbento lang ba ito ng Simbahang Katoliko para mayroong magawa ang mga tao tuwing malapit nang magbakasyon sa eskuwela?

Para natin maintindihan, ang “Kuwaresma” ay ang panahon kung kailan iniimbitahan ng Simbahan ang lahat para makapag-reflect o makapag-isip tungkol sa ating buhay at maiugnay ito sa pagliligtas na ibinibigay ng ating Panginoong Hesu Kristo.

Ang imbitasyon na ito ay para sa tinatawag na sa Griego na “METANOIA” o ang pagsusuri sa ating pamumuhay para makita natin kung anong uring buhay ang mayroon tayo ngayon at kung saan tayo dinadala nito.

Ang layunin ng “metanoia” ay ang dalhin tayo sa pagpapanibago ng ating puso at isip o “conversion” tungo sa Panginoon.

Ibig sabihin nito, kung ngayon ay magulo ang ating buhay o tayo ay nalilito o walang direksyon, inaanyaya tayo ng Simbahan na tingnan at tanggapin ang kaligtasan na iniaalok sa atin ng Diyos at ang maayos, mapayapa at matiwasay na pamumuhay na umuusbong mula rito.

Kaya nga uso ngayon ang mga “recollection,” religious retreat at iba pang gawain sa Simbahan na nagpapaalala sa atin kung paano inialay ng Panginoong Hesus ang kanyang buhay para sa ating lahat.

Nagsisimula ang “Kuwaresma” sa “Ash Wednesday” at nagtatapos sa Huwebes Santo (Holy Thursday).

Sa kabuohan, ang “Kuwaresma” ay tumatagal nang 40 araw kung saan kinuha ang pangalan nito.

Ang salitang “Kuwaresma” ay galing sa salitang Kastila na “Cuaresma” na hango naman sa Latin na “Quadrigesima” na ang kahulugan ay “kuwarenta” o “forty.”

Sa Ingles, ang katumbas ng “Kuwaresma” ay “Lent.” Kuwarenta rin ba ang kahulugan ng “Lent?”

Hindi po. Ang “Lent” ay nanggaling naman sa salitang “lencten,” isang salita na galing lumang salita sa Ingglatera na tumutukoy sa panahon ng tagsibol o springtime. Tuwing “spring” kasi natataon ang panahon ng “Kuwaresma” sa bansang iyon.

Ano naman ang kahalagahan o kaugnayan ng “forty” o “kuwarenta?”

Sa Bibliya, ang 40 ay madalas na na inuugnay sa panahon ng “pagmumuni-muni” o “reflection” at maging sa “paghahanda.”

Si Moises ay tumagal sa Bundok ng Diyos nang 40 araw. Mababasa natin ’yan sa Exodus 24:18 at sa Exodus 34:28.

Ang propetang si Elias ay naglakbay nang 40 araw bago niya narating ang kuweba kung saan binigyan siya ng pangitain (vision) ng Panginoon. Nasa 1 Kings 19:8 naman ’yan.

Ayon sa aklat ni Jonas, kapitulo 3, bersikulo 4, noong nagbanta ang Diyos na gugunawin ang bayan ng Nineveh dahil sa mga kasalanan nito, binigyan Niya ang mga tao roon ng 40 araw para magsisi at magbago.

At ang pinakamahalaga marahil sa mga panahon ng pagmumuni na ito ay ang pagtigil ng Panginoong Hesus nang 40 araw at gabi sa kasukalan o “wilderness” kung saan siya ay nag-fasting o nag-ayuno at nanalangin bilang paghahanda sa Kanyang ministeryo.

Diyan natin makikita na ang Kuwaresma ay naka-ugat sa Bibliya at hindi lamang naisipan ng Simbahan na gawin.

Sa kasaysayan ng Simbahan, ang panahon ng Kuwaresma ay nagsimula bilang paghahanda ng mga taong sumasanib sa Iglesia. Sa loob ng apatnapung araw ay nag-aayuno sila at nagdarasal para maging lubos at tiyak ang kanilang pagtanggap sa pagbibinyag bilang Kristiyano.

Habang lumalakad ang panahon ay lumawak ang kahulugan at kahalagahan ng Kuwaresma kaya maging ang mga binyagan nang Kristiyano ay inaanyayahan uli na mag-fasting, mag-abstinence, mag-isip-isip at manalangin.

Ang layunin nito ay para pagdating ng Linggo ng Pagkabuhay ay ire-renew nila ang kanilang pananampalataya sa Panginoong Hesus.

Ang imbitasyon para sa pagtanggap ng kaligtasan at kayusan sa ating buhay ay para sa ating lahat.

Ang tanong ay makikinig ba tayo at tutugon sa imbitasyon ng Diyos at ng Simbahan?