Showing posts with label Adonai: Titulo ng Diyos. Show all posts
Showing posts with label Adonai: Titulo ng Diyos. Show all posts

Sunday, November 20, 2011

Ano ang pangalan ng Diyos ng Bibliya?

Marso 15, 2003


ALAM ba ninyo ang pangalan ng Diyos?

Nitong mga nakaraang Sabado ay ‘yan ang pinagusapan natin.

Tinutukan natin itong "Jehovah" na sinasabi ng iba ay siya raw pangalan ng Diyos.

Ipinakita natin sa serye ng ating mga column na ang "Jehovah" ay hindi kailanman ginamit sa Bibliya man o sa mundo ng mga Hebreo bilang pangalan ng Diyos.

Sa katunayan, ang salitang "Jehovah" ay naimbento lang at ang tunay na kahulugan ay masama at hindi angkop na gamitin para sa Panginoon.

Natatandaan pa ba ninyo ang ibig sabihin ng "hovah" na siyang ikalawang bahagi ng salitang pilit na iniuugnay ng ilan kay Lord?


AYAW NG HUDYO

Sa salitang Hebreo, ang ibig sabihin nito ay "ruin o disaster." Sa Pilipino, "wasakin" o "kapahamakan."

Hindi na kataka-taka kung bakit kung magbabasa kayo ng mga komentaryo ng mga manunulat na Hudyo ay matigas ang kanilang pagtutol sa salitang "Jehovah."

Makikita ninyo sa mga komentaryo nila tungkol sa pangalan ng Diyos na ipinagdidiinan nilang kahit kailan ay hindi nila ginamit ang "Jehovah" bilang pantawag sa Diyos.

Sa tingin ko lang, malaking paglabag sa Kautusan ng Diyos ang paggamit ng "Jehovah."

Ganito kabi kasi sa Exodus 20:7,

"Huwag ninyong gagamitin sa mali ang pangalan ni YHWH na inyong diyos."

Ang nakakatakot ay ang karugtong nito na nagsasabing,

"Hindi ituturing ni YHWH na walang kasalang ang sino mang gagamit sa hindi tama ng kanyang pangalan."

Dahil nga riyan ay natakot banggitin ng mga Hudyo at mga Hebreo ang pangalan ng Diyos.

Pero sa kabila nito ay sinabi naman sa Malachi 1:11,

"Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, ang pangalan ko ay magiging dakila sa lahat ng bansa, at sa lahat ng lugar ay magsisindi at mag-aalay ng insenso at malinis na bunga sa aking pangalan. Dahil ang aking pangalan ay magiging dakila sa lahat ng bansa, sabi ni YHWH ng mga hukbo."

Ngayon, paano magiging dakila ang pangalan ng Diyos kung hindi ito sasambitin? Tama po ba?

Pero ano nga ba ang pangalan Niya?

Sa Bibliya, mayroong pitong tawag sa Diyos. Ito ang El, Elohim, Adonai, YHWH, Ehyeh-Asher-Ehyeh at Shaddai.

Ang "El" ay pangkaraniwang tawag sa Diyos. Ang katumbas nito sa Pilipino ay "Diyos."

Pareho lang halos ang gamit ng "El" at "Elohim." Ang kaibahan ay pang marahiman ang "Elohim."

Ang "Adonai" ay katumbas ng "Panginoon" sa Pilipino. Ito ang ginamit ng ilang grupo ng mga Hebreo na pampalit sa YHWH na natakot silang banggitin.

Pamilyar ang marami sa atin sa "YHWH." Ang tawag dito ay "tetragrammaton" o "ang apat na letra." Ito ang mababasa natin sa orihinal na mga Kasulatan.

Ang "Ehyeh Asher Ehyeh" ang sagot ng Diyos kay Moises nang tanungin Siya ng huli sa Exodus 3 kung ano ang Kanyang pangalan.

Pangkaraniwang salin sa Ingles ang "I Am Who Am" o sa Pilipino ay "Ako ay si Ako" o "Ako ay Ako."

Sa mga ito, maaaring ang "Shaddai" ang pinakapopular. Ang ibig sabihin ng "Shaddai" ay "Almighty."

Sa lahat ng ito, ang "YHWH" ang itinuturing na pinaka "proper name" ng Lumikha.

Sabi sa Exodus 3:15, "Ako si YHWH ... Ito ang aking pangalan magpasawalang hanggan..."

Mula sa maling translation ng "YHWH" nagmula ang "Jehovah."

Pero kung mali nga ang "Jehovah" ano ba ang tamang bigkas sa apat na letrang iyan?

Ayon sa Jewish Encyclopedia, ang pinakamalapit na bigkas sa YHWH ay "Yahweh."

Ang "Yah" ay matagal nang tanggap na pangalan ng Diyos at patunay riyan ang pagdugtong niyan sa mga pangalan ng ilang propeta tulad ni Isaiah (sa Hebreo ay Yesha-YAH o si Yah ang tagapagligtas).

Ayon sa isang historian, binigkas ng mga Samaritano (isang kalabang sekta ng mga Hudyo) ang pangalan ng Diyos bilang "IABE."

Ang mga unang Kristiyano ay binanggit ito ng "IAOUE" o "IAOUAI."

Diyan sa mga ‘yan natukoy ang bigkas na YAHWEH.

Ano ang pangalan ng Diyos?

Ngayon ay alam na natin.

Thursday, November 3, 2011

Si Hesus ay si ‘Yahweh’

October 13, 2002

ILANG linggo na nating pinag-uusapan ang tungkol sa pagiging tunay na Diyos at tunay na tao ng ating Panginoong Hesus.

Noong isang Linggo ay ipinakita ko na sa kabila ng pagiging Diyos ni Hesus ay "Isa" pa rin Siya at ang Diyos Ama. Sa pananampalatayang Katoliko 'yan ang sinasabing Iisang Diyos na may iba't-ibang persona.

Ang natalakay ko na ay ang persona ng Diyos Ama at ang persona ng Diyos Anak. Sa mga susunod na column ko na pang araw ng Linggo ay tatalakayin ko naman ang persona ng Espiritu Santo.

Ngayong araw na ito, ang ipakikita ko ay kung paano naging "Isa" ang Diyos Anak at Diyos Ama. At ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita na Sila ay may iisang pangalan.

Noong unang panahon, alam na ng mga Hebreo ang pangalan ng Diyos. Ito ay ibinunyag ng Diyos mismo kay Moises sa bundok ng Sinai.

Sa Exodus 3:13 ay tinanong ni Moises ang Diyos kung ano ang pangalan nito. Sa sumunod na talata ay sinabi ng Diyos, "Ako ay ang Ako." Sa Ingles, ito ay "I Am Who Am."

Pero ang mga ito ay translation lamang ng original na mga letrang "YHWH" na matatagpuan sa orihinal na manuskrito ng Banal na Kasulatan. Ang pangalang ito ay binibigkas na "Yahweh."

Sa kasamaang palad, natakot ang mga Hebreo na banggitin ang pangalang "Yahweh." Isang dahilan ay naniwala sila na hindi sila karapatdapat na sambitin ang pangalan ng Diyos.

Imbes na Yahweh, ang sinasambit nila ay "Adonai," isang salitang Hebreo na ang kahulugan ay "Lord" o "Panginoon." Sa mga Hudyo, ang titulong "Adonai" ay sa Diyos lamang ginagamit at hindi na sa iba pa.

Sa New Testament, kung saan Griego ang ginamit na salita, ang salitang ginamit para i-translate o isalin ang "Adonai" ay "Kyrios." Ibig sabihin, ang dalawang titulo na ito ay parehong sa Diyos lamang ibinibigay o sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos.

Ibig ring sabihin na ang "Kyrios" ay tumutukoy kay "Yahweh" o na si "Yahweh" ay si "Kyrios."

Ang hindi alam ng maraming tao, lalo na ng mga nagdududa sa pagka-Diyos ni Hesus, ang salitang "Kyrios" ay ginamit din para ipakilala ang Panginoong Hesu Kristo.

Sa Philippians 2:11, idineklara ni San Pablo na "ang bawat dila ay magdedeklara na si Hesu Kristo ay Panginoon (Kyrios o Adonai), sa kapurihan ng Diyos Ama."

Dito ay ibinibigay ni Pablo ang titulo at pangalan ng Diyos na si "Yahweh" kay Kristo. Kaya nga sinasabi rin sa Philippians 2:9 na "Lubos siyang (Hesus) itinaas ng Diyos at ibinigay sa kanya ang pangalan na angat sa lahat ng pangalan."

Meron pa bang pangalan na tataas sa pangalan ng Diyos na si Yahweh?

Wala na po.